Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Dapat Kong Makilala ang Aking mga Lolo’t Lola?
“Kapag kami ng nanay ko ay hindi magkaunawaan, tinutulungan kami ni Lola na ayusin ang mga bagay-bagay.”—Damaris.
“SA BUONG kasaysayan, ang mga lolo’t lola ang naging susi sa pagkakasundo ng pamilya at sa pagpapamana ng mga tradisyon at pamantayan.” Ganiyan ang isinulat ni Dr. Arthur Kornhaber sa kaniyang aklat na Grandparent Power! Idinagdag pa niya: “Bilang mga guro, tagasuporta sa mga magulang, istoryador, tagapangalaga, tagapayo, at entertainer pa nga, ang kanilang sikolohikal, panlipunan, at espirituwal na papel ay napakahalaga. Nagtataka ako kung paano naipagwalang-bahala ng ating lipunan ang ganitong mabisa at may pagkakasari-saring papel ng lolo’t lola.”
Noong sinaunang panahon, ang mga lolo’t lola ay isang pundasyon ng buhay-pampamilya, lalo na sa mga mananamba ng Diyos na Jehova. Iniutos ng Bibliya sa mga Israelita na igalang at pahalagahan ang matatanda. (Levitico 19:32) Ang mga lolo’t lola ay lalo nang itinuturing na karapat-dapat sa karangalan.—1 Timoteo 5:4.
Nakalulungkot sabihin, nagbago na ang panahon. Kadalasang pinaghihiwa-hiwalay ng magkakalayong tirahan ang mga pamilya, at bihirang makausap ng maraming kabataan ang kanilang mga lolo’t lola. Nagbago rin ang mga saloobin. Sa maraming bahagi ng daigdig, ang matatanda—pati rin ang mga kamag-anak—ay hindi na pinagpapakitaan ng kaukulang paggalang. (2 Timoteo 3:1-3) Ang dating sinasabing agwat sa pagitan ng mga kabataan at matatanda (generation gap) ay tila mas matatawag na bangin sa ngayon. Inaakala ng maraming kabataan na ang kanilang mga lolo’t lola ay matatanda na at walang kaunawaan sa makabagong panahon. Hindi nila maisip na ang matatandang ito ay posibleng makaunawa ng mga panggigipit at mga suliraning napapaharap sa mga kabataan sa ngayon.
Kung ganiyan ang nadarama mo, maging handa kang magbago ng iyong isip! Dahil malaki ang kahalagahan ng pagkakilala sa iyong mga lolo’t lola—lalo na kung sila’y may takot sa Diyos. At kung hindi mo pa sila nakikilala, malamang na malaki ang nawawala sa iyo. Paano nagkagayon?
Isang Pinagmumulan ng Karunungan at Payo
Natuklasan ng maraming kabataan na ang mga lolo’t lola ay maaaring magsilbing kanlungan sa maliligalig na taon ng kabataan. Sinabi ng magasing Seventeen: “Dahil sa maraming dekada ng karanasan sa pamumuhay, kadalasa’y mas makatutulong sila sa pagharap sa mga suliranin kaysa sa mga kaibigan na kasing-edad mo, na nakikipagpunyagi sa gayunding mga kabalisahang taglay mo. Ikaw at ang iyong mga kaedad ay nakararanas ng kahirapan sa unang mga pagbabago sa inyong buhay; napagdaanan na ng iyong mga lolo’t lola ang marami sa gayong mga pagbabago. Kawikaan 16:31.
Madalas na hindi lamang sila marurunong kundi matatalino rin sa praktikal na paraan.” Inuulit lamang ng payong ito ang sinabi ng Bibliya maraming siglo na ang nakararaan, na nagsasabi: “Ang ulong may uban ay korona ng kagandahan kapag ito ay nasusumpungan sa daan ng katuwiran.”—Totoo, marahil ay lumaki ang iyong mga lolo’t lola sa isang daigdig na lubhang kakaiba sa kinabubuhayan mo sa ngayon. Ngunit makatitiyak ka na may mga panahong nadama rin nila ang mismong mga damdamin na nararanasan mo sa ngayon. Samantalang kung ihahambing sa kanila ay wala ka pang karanasan sa pagharap sa gayong mga damdamin, mahabang panahon na ang pinagdaanan ng iyong mga lolo’t lola upang matutuhang harapin ang mga ito. (Kawikaan 1:4) “Hindi ba may karunungan sa matatanda na at unawa sa kahabaan ng mga araw?” ang tanong ng matuwid na taong si Job. (Job 12:12) Oo, at sa dahilang iyan, ang mga lolo’t lola ay madalas na makapagdudulot ng tunay na kapakinabangan kapag ang isang kabataan ay nangangailangan ng timbang na payo, pampatibay-loob, o suporta.
Halimbawa, ang lola ng kabataang si Damaris ay naninirahang kasama ni Damaris at ng kaniyang ina sa iisang apartment sa lunsod. “Kapag kami ng nanay ko ay hindi magkaunawaan,” naalala ni Damaris, “tinutulungan kami ni Lola na ayusin ang mga bagay-bagay. Itinuturo niya sa akin kung paano titingnan ang mga bagay-bagay sa naiibang punto-de-vista.”
Gayundin ang naranasan ni Alexandria nang lumipat ng tirahan ang kaniyang pamilya at kinailangan niyang mag-iba ng paaralan. “Walang konsiderasyon ang bago kong guro at paminsan-minsan ay bigla siyang nagagalit,” sabi ni Alexandria. Kaya naging mahirap para kay Alexandria ang makibagay sa kaniyang bagong paaralan. Gayunman, napatunayan niyang mapanggagalingan ng tulong at suporta ang kaniyang lola. Tinulungan nito si Alexandria na makibagay sa pamamagitan ng pagpapasigla sa kaniya na magkaroon ng isang mas positibong pangmalas sa situwasyon. “Ngayon ay gusto ko na ang paaralan at ang aking guro,” sabi ni Alexandria.
Nagugunita ng isang kabataang lalaki sa Brazil na nagngangalang Rafael ang tulong na ibinigay sa kaniya ng kaniyang mga lolo’t lola nang tumanggap siya ng karagdagang edukasyon pagkatapos ng haiskul: “Nagbigay sila sa akin ng maraming payo hinggil sa mga kasama at kung paano mapaglalabanan ang mga suliranin hinggil sa droga.” Naglilingkod na ngayon si Rafael bilang isang buong-panahong ebanghelisador.
Sa kaniyang aklat na Grandparenting in a Changing World, isinalaysay ni Eda LeShan ang kaniyang sariling karanasan bilang isang lola. Sumulat siya: “Isang araw ay tinawag ako ng aking apong babae at sinabi niya, ‘Lola, kailangan ko po ng tulong may kinalaman sa panggigipit ng kasamahan.’ Pinipilit siya ng ilan sa kaniyang mga kaklase na makipag-date sa mga kabataang lalaki, na ang ilan sa mga ito ay tumatawag sa kaniya sa telepono.” Dahil humingi ng tulong ang kaniyang apo, ang lola ay nakapagbigay ng payo na naglaan ng kinakailangang tulong. Baka masumpungan mo rin na ang isang maikling pakikipag-usap sa isang mapagmahal na lolo o lola ay maaaring pagmulan ng tunay na pampatibay-loob.
Kadalasa’y partikular na nakatutulong ang mga lolo’t lola sa panahon ng krisis sa pamilya, tulad ng pagkakasakit o kamatayan. Pagkamatay ng ama ng dalagitang si Lacey dahil sa isang malubhang sakit, tinulungan siya ng kaniyang lola na makayanan ito. “Naging mas malapít kami sa isa’t isa kaysa noong dati,” sabi ni Lacey.
Isang Pantanging Buklod ng Pag-ibig
Ang iyong kaugnayan sa iyong lolo o lola ay maaari ring malaya sa ilan sa mga kaigtingan na Kawikaan 17:6, Today’s English Version.
kung minsan ay nararanasan ng ilang kabataan sa kanilang mga magulang. Bakit kaya gayon? Ang isang dahilan ay madalas na ang mga lolo’t lola ay may pantanging buklod sa kanilang mga apo. Sinasabi ng Bibliya: “Ipinagmamalaki ng matatandang lalaki ang kanilang mga apo.”—Tandaan din na ang iyong mga magulang—hindi ang iyong mga lolo’t lola—ang dapat na magpasan ng mabigat na pananagutan na palakihin ka “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Dahil ang kanilang papel ay hindi gaanong mabigat, baka mas mapagparaya ang iyong mga lolo’t lola kaysa sa iyong mga magulang. Gayundin, ang mga lolo’t lola ng isa ay karaniwan nang hindi napabibigatan ng mga pananagutan at kagipitang dulot ng araw-araw na pangangalaga sa isang pamilya. Dahil masasabing malaya sila sa gayong mga kaigtingan, baka mas madali para sa kanila ang tumugon sa iyong mga pangangailangan o magbigay-pansin sa iyo. Naaalaala ng 17-taóng-gulang na si Tom ang atensiyon na iniukol sa kaniya ng kaniyang mga lolo’t lola. Pinadadalhan nila siya ng “maliliit na regalo kapag nakakuha ng matataas na marka sa mga report kard”; sila pa nga ang nagbayad para sa kaniyang pag-aaral ng piyano.
Sabihin pa, hindi lahat ng lolo’t lola ay makapaglalaan ng gayong mga regalo, ngunit maipakikita pa rin nila ang kanilang interes sa iyo, marahil ay sa pamamagitan ng pagbibigay sa iyo ng papuri at pampatibay-loob o sa pamamagitan ng pakikinig sa iyo sa pana-panahon. Maaari itong bumuo ng matatalik na buklod ng pagkakaibigan sa pagitan ninyo. Sinabi ni Damaris hinggil sa kaniyang lola: “Ginagawa niyang palagay ang loob ko sa kaniya, at maaari akong lumapit at makipag-usap sa kaniya anumang oras dahil palagi siyang handang makinig—kahit tila walang kabuluhan ang sinasabi ko kung minsan.” Tinatamasa rin ng isang kabataang nagngangalang Jônatas ang kalayaan sa pagsasalita at ang pagkakataon na ipakipag-usap ang seryosong mga paksa sa kaniyang lolo’t lola.
Isang Pagpapalitan
Bagaman maaaring ibigay sa iyo ng mga lolo’t lola ang kanilang karunungan at pag-ibig, maaari rin silang makinabang sa iyong kasiglahan bilang kabataan at pakikipagsamahan. Paano iyon? Buweno, malamang na sa ilang paraan ay makatutulong ka at makasusuporta sa iyong mga lolo’t lola. Kadalasan ay unti-unti nang humihina ang kanilang pisikal na kalakasan. O baka nakikipagpunyagi sila sa isang karamdaman. Walang alinlangan na sila ay mapasisigla kung tutulungan mo sila sa pamimili at sa mga gawaing-bahay.
Marami sa mga lolo’t lola ay mga biyuda o mga biyudo at nakadarama ng kalungkutan paminsan-minsan. Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng aktibong interes sa kanila, malaki ang maitutulong mo upang mapaglabanan nila ang kalungkutan at mapanatili ang kanilang kasiglahan sa buhay. Ang paggawa nito ay isang paraan ng pagsunod sa utos ng Bibliya na ikaw ay “patuloy na magbayad ng kaukulang kagantihan sa [iyong] mga lolo’t lola, sapagkat ito ay kaayaaya sa paningin ng Diyos.”—1 Timoteo 5:4.
Walang alinlangan na ang pagiging malapít sa iyong mga lolo’t lola ay makapagpapayaman sa iyong buhay—at gayundin sa buhay nila! Baka hindi ka pa malapít sa kanila hanggang ngayon. Marahil ay nais mong baguhin iyon ngunit hindi mo tiyak kung saan magsisimula. Baka ang iyong mga lolo’t lola ay naninirahan sa malayo o kaya ay naghiwalay na ang iyong mga magulang at ito ang naglayo sa iyo mula sa iyong mga lolo’t lola. Isang artikulo sa hinaharap ang magbibigay ng ilang praktikal na mungkahi kung paano mo maaaring harapin ang gayong mga situwasyon.
[Larawan sa pahina 17]
Ang mga lolo’t lola ay maaaring maging mabubuting tagapakinig at isang pinagmumulan ng payo at suporta
[Larawan sa pahina 18]
Tulungan ang iyong mga lolo’t lola