Ang Tore ng Crest
Ang Tore ng Crest
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA PRANSIYA
ANG makasaysayang mga tore ay may iba’t ibang hugis at laki at ginamit ang mga ito sa maraming layunin. Ang ilan ay itinayo upang bantayan ang estratehikong mga lugar, at ang iba ay ginamit bilang mga bilangguan; gayunman, karamihan ay mga pook na panturista na ngayon. Ang tore na nangingibabaw sa maliit na bayan ng Crest sa pampang ng Ilog Drôme sa timog-silangang Pransiya ay gumanap ng gayong tatlong papel.
Dahil sa kahanga-hangang taas ng Tore ng Crest ay nakikita ito sa malayo. Yamang ang harapan nito sa hilagang-silangan ay may sukat na 52 metro, isa ito sa pinakamatataas sa Pransiya. Mula sa tuktok, ang buong tanawin ng maliliit na burol sa paanan ng Vercors, ang bulubunduking Ardèche, at ang libis ng Rhone ay talagang pagkaganda-ganda.
Ang pasimula ng tore ay hindi matukoy nang tiyak, ngunit noong una ay nagsilbi itong isang tanggulan. Noong panahon ng Krusada ng mga Albigenses noong ika-13 siglo, ang kastilyong iyon ay inagaw ng mga Katolikong tropa ni Simon de Montfort, sa tulong ng mga obispong Katoliko. Pagkatapos ay ginamit ito bilang himpilan sa paglaban sa mga Albigenses.
Noong panahon ng Mga Digmaan ng Relihiyon (1562-98), ang kastilyo ay nilusob ng mga Protestante sa iba’t ibang pagkakataon ngunit hindi ito naagaw. Muntik nang nawasak ang tore noong 1633 nang lahat maliban sa pinakamatatag at pinakaligtas na bahagi nito ay gibain sa utos ni Haring Louis XIII. Mula noon, ginamit ito bilang isang bilangguan para sa karaniwang mga kriminal at mga kalaban ng monarkiya at gayundin para sa mga Huguenot. Ang pagkakabilanggo ng mga Protestanteng Pranses na ito ay naganap noong panahon na ang Kautusan ng Nantes, na nagdulot ng bahagyang pagpaparaya sa relihiyon sa Pransiya, ay unti-unting tinalikuran. Nasa mga pader pa rin ng bilangguan ang graffiti ng ilan sa mga relihiyosong bilanggong ito.
Sa ngayon ang Tore ng Crest ay isang makasaysayang monumento na tumatanggap, sa katamtaman, ng 30,000 bisita bawat taon. Noong 1998 ay isinama ito sa mga kaganapan na gumugunita sa ika-400 anibersaryo ng Kautusan ng Nantes. Ang mga pader nito ay isang mapanglaw na paalaala ng maaaring mangyari kapag ang kalakaran ng kawalang-pagpaparaya sa relihiyon ay hinayaang maganap.