Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Malapitang Pagsisiyasat sa Iyong Buhok

Isang Malapitang Pagsisiyasat sa Iyong Buhok

Isang Malapitang Pagsisiyasat sa Iyong Buhok

“SA BAWAT edad at kultura,” sabi ng isang reperensiya, “may isinisiwalat ang buhok tungkol sa indibiduwal na nagtataglay nito.” Hindi kataka-taka kung gayon na karamihan sa mga tao ay lubhang interesado na panatilihing malusog at kaakit-akit ang kanilang buhok.

Itinanong ng Gumising! sa apat na makaranasang hairstylist ang ilang karaniwang katanungan hinggil sa kayarian at pangangalaga sa buhok. Lumilitaw na ang iyong buhok ay mas masalimuot kaysa sa tingin natin dito.

Pagtubo ng Buhok at Pagkalagas ng Buhok

T: Yari sa ano ang buhok?

S: Ang buhok ay may keratin, isang mahiblang protina. Ang bawat buhok ay tumutubo mula sa isang gilit sa anit na tinatawag na follicle. Sa puno ng bawat follicle ay may papilla, na nagtataglay ng mayamang suplay ng dugo. Gumagawa ang papilla ng mga selula ng buhok na umuusbong mula sa follicle at tumitigas upang maging buhok.

T: Laganap ang paniwala na ang buhok ay mas mabilis tumubo kapag pinutulan. Totoo ba ito?

S: Hindi. Ang ilan ay nag-aakala na ang buhok ay tinutustusan ng katawan tulad ng mga sanga ng puno na tinutustusan ng pinakakatawan ng punungkahoy. Ngunit minsang tumubo ang buhok sa labas ng anit, ito ay isa nang patay na bagay. Samakatuwid, ang pagputol sa buhok ay hindi nakaaapekto sa pagtubo nito.

T: Bakit pumuputi ang buhok?

S: Ang panloob na suson ng buhok ay naglalaman ng isang pigmento na nagbibigay sa buhok ng kulay nito. Kapag namatay ang mga selula ng pigmento, pumuputi ang buhok; bahagi ito ng pagtanda. Ang maagang pagputi ng buhok ay sanhi ng henetiko o karamdaman. Gayunman, mali ang palagay na ang buhok ay pumuputi sa isang magdamag. Ang pigmento ay nasa ilalim ng anit. Kaya panahon ang kailangan upang ang puting buhok ay tumubo (mga isa at sangkapat na sentimetro sa isang buwan) at lumitaw sa ibabaw ng ulo.

T: Ano ang mga dahilan ng pagkalagas ng buhok?

S: Ang pagkalagas ng buhok ay bahagi ng likas na siklo ng buhok. Sa katamtaman, ang bawat indibiduwal ay nalalagasan ng mga 50 hanggang 80 buhok araw-araw. Ngunit ang karaniwang pagkapanot ng noo sa mga lalaki ay namamana at tila sanhi ng di-timbang na hormon, na nagbubunga ng permanenteng pagkalagas ng buhok. Ang di-normal na pagkalagas ng buhok ay tinatawag na alopecia. a

T: Sinasabi ng iba na nababanaag sa buhok ang kalusugan ng isang tao. Napansin ba ninyo ito?

S: Oo. Sa ilalim ng anit, ang dugo ang tumutustos sa buhok. Kaya ang malusog na buhok ay maaaring magpakita ng isang mayamang suplay ng dugo. Gayunman, maaaring masumpungan ng isa na mahinang kumain o nagpapakalabis sa mga inuming de-alkohol na ang kaniyang buhok ay nagiging manipis at marupok, yamang hindi natutustusang mabuti ng kaniyang suplay ng dugo ang kaniyang buhok. Ang pagkalagas ng buhok o marupok na buhok ay maaari pa ngang isang patiunang palatandaan ng sakit o pagdadalang-tao.

Pinananatiling Malusog ang Iyong Anit at Buhok

T: Ilarawan kung paano mag-“shampoo” ng buhok at anit.

S: Ipinakikita ng karanasan na ang karamihan sa mga tao na may tuyong anit ay napakadalas mag-shampoo ng kanilang anit. Siyempre pa, ang langis na nasa buhok mo ay nakaaakit ng dumi at libag at maaaring barahan nito ang mga daluyan ng langis patungo sa mga follicle. Kaya mahalaga ang mag-shampoo nang regular. Ngunit ipinagsasanggalang din ng mga likas na langis na ito ang iyong balat laban sa nakapipinsalang mga baktirya at pinananatili ang kinakailangang halumigmig. Kapag napakadalas mong mag-shampoo, ipinagkakait mo sa iyong anit ang nagsasanggalang na suson na ito at nagdudulot ng mga suliraning tulad ng tuyong anit. Inirerekomenda ng karamihan sa mga eksperto na mag-shampoo kailanma’t ang anit o ang buhok ng isa ay marumi. Ang mga taong may malangis na buhok ay dapat na mag-shampoo nang mas madalas kaysa roon sa mga may normal o tuyong buhok.

Kapag nag-shampoo ka, masahihin ang iyong anit. Inaalis nito mula sa anit ang mga patay na selula at pinabubuti nito ang pagdaloy ng dugo, na tumutustos sa buhok mo. Tandaan na magbanlaw nang mabuti! Kapag hindi ka nagbanlaw ng iyong mga kamay pagkatapos sabunin ang mga ito, ang iyong balat ay manunuyo at magbibitak-bitak. Gayundin, kung ang shampoo ay hindi nabanlawang mabuti, ang anit ay maaaring matuyo at magtiklap-tiklap.

T: Paano maaaring gamutin ang tuyong anit?

S: Uminom ng maraming tubig, at kumain ng masusustansiyang pagkain. Sinusuplayan nito ng tubig ang iyong balat at tinutustusan ang suplay ng dugo. Gumamit ng di-matapang na shampoo, at regular na masahihin ang iyong anit. Gumagamit din ang iba ng mga leave-in conditioner at mga lotion upang mapanatiling mamasa-masa ang anit.

Pag-aayos sa Iyong Buhok

T: Ano ang dapat na tandaan ng isa kapag pumupunta sa hairstylist?

S: Kung gusto mong palitan ang istilo ng iyong buhok, magdala ng larawan ng istilo na nais mo at marahil ng istilo na hindi mo gusto. Tuwirang sabihin ang iyong mga ninanais at ang dami ng panahon na handa mong ilaan para sa pangangalaga ng buhok bawat araw, yamang ang ilang istilo ng buhok ay humihiling ng higit na pangangalaga kaysa sa iba. Tandaan na karaniwan nang dalawa o tatlong pagdalaw ang kailangan para magamayan ng isang hairstylist ang iyong buhok at makapagtatag ng mahusay na pakikipagtalastasan sa iyo. Kaya huwag kaagad masiraan ng loob at magpalit ng hairstylist!

Kung Ano ang Isinisiwalat ng Buhok Mo

Ang pangangalaga at pag-aayos sa buhok ay mga paraan ng pagpapahayag sa sarili. Ang buhok ay pinuputol, pinahahaba, tinutuwid, kinukulot, kinukulayan, at inaayos sa iba’t ibang paraan upang matugunan ang mga kausuhan, relihiyosong paniniwala, at maging ang mga ideyang panlipunan o pampulitika. Malapitang siyasatin ang iyong buhok. Ano ang isinisiwalat nito hinggil sa iyo? Ang malusog na buhok na maganda ang pagkakaayos ay naggagayak sa nagtataglay nito at hinahangaan ito ng iba.

[Talababa]

a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Alopecia​—Pananahimik Dahil sa Pagkalugas ng Buhok,” sa Abril 22, 1991, isyu ng Gumising!

[Mga larawan sa pahina 26]

Ang pagkain ng masusustansiyang pagkain at pag-inom ng maraming tubig ay maaaring makatulong sa paglunas sa tuyong anit

[Larawan sa pahina 26]

Ang napakadalas na pag-shampoo ay maaaring magkait sa iyong anit ng mga nagsasanggalang na langis

[Larawan sa pahina 26]

Ang pagputi ng buhok ay normal na bahagi ng pagtanda