Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ba ang Interstitial Cystitis?

Ano ba ang Interstitial Cystitis?

Ano ba ang Interstitial Cystitis?

SA SIMPLENG pananalita, ang cystitis ay pamamaga ng pantog. Mas karaniwan ito sa mga babae kaysa sa mga lalaki. Gayunman, maraming anyo ng cystitis, na may iba’t ibang sanhi.

Ano ang ilang pangkaraniwang sintomas? Ang napakadalas na pag-ihi at dysuria, nahihirapan kapag umihi, masakit na pakiramdam sa pag-ihi. Subalit kumusta naman ang paulit-ulit na interstitial cystitis (IC)? Paano ito naiiba? a

Ganito ang sabi ni Dr. Susan Keay, isang dalubhasa sa larangang ito: “Ang IC ay napakahirap masuri, at lalo pang mahirap na gamutin.” Sinabi pa niya na ang karamdamang ito ay “maaaring mangahulugan ng mga taon ng pagdurusa. Ang IC ay isang karamdaman na napakakirot, nagtatagal at bumabago sa istilo ng pamumuhay at maaaring magpatuloy sa loob ng mga dekada.” Nakalulungkot, sa loob ng mahabang panahon, hindi nakilala ng maraming doktor ang karamdamang ito at sinasabing guniguni lamang ito ng pasyente. Gayunman, gaya ng sabi ng isang doktor, “ang pagkilala sa mga sintomas ng pasyente sa pamamagitan ng paggawa ng isang diyagnosis ng IC ay kadalasang kapaki-pakinabang sa pasyente.”

Sinasabi ng isang ulat na ang bilang ng mga tao sa Estados Unidos na may IC ay mahigit na 700,000, “na 50 porsiyentong mas marami kaysa dating iniulat.” Nauunawaan na ngayon na ang ilang lalaki ay maaaring nasuri na may sakit sa prostate gayong, ang totoo, ito ay IC. Mangyari pa, ang karamdaman ay di-tuwirang nakaaapekto sa maraming tao​—lalo na sa malapit na mga kamag-anak at sa iba pa na nakatirang kasama ng mga pasyenteng ito na dumaranas ng halos walang-tigil na kirot. Maliwanag, ang karamdaman ay nakababawas sa kakayahan ng mga mayroon nito kapuwa sa tahanan at sa dako ng trabaho. Sa katunayan, marami ang hindi na nagtrabaho. Ang pagtatalik ay maaari ring maging napakasakit para sa pasyente.

Yamang wala pang gamot, ang mga pagsisikap ng mga doktor ay pawang nakatuon sa pagbabawas ng makirot na mga sintomas. Ano ang ilan sa mga paggamot?

Ginhawa, Subalit Hindi Lunas

Ang isang pangunahing paggamot na inirerekomenda ni Dr. Grannum R. Sant, ng Tufts University School of Medicine at New England Medical Center, ay ang paggamit ng mga antihistamine, tricyclic antidepressant, o pentosan polysulfate, na iniinom. b

Inirerekomenda naman ng ilang doktor ang hydrodistention, na inilarawan sa naunang artikulo. Ang bawat paggamot ay makapagpapaginhawa sa loob ng ilang buwan at maaaring hanggang sa isang taon. At nariyan din ang intravesical (sa loob ng pantog) dimethyl sulfoxide (DMSO) na paggagamot. Ang DMSO, na sinang-ayunan ng U.S. Food and Drug Administration, ay nakababawas sa mga sintomas nang hanggang dalawang taon. Gayunman, si Dr. Kenneth Peters, isang urologo, ay may mga pagtutol hinggil sa paggamot na ito, yamang ito’y maaaring pagmulan ng matinding pamumuo ng dugo at iba pang mga problema.

Ang isang bagong paggamot na ginamit sa pagsubok na mga pagsusuri ni Dr. Peters ay nagsasangkot sa paggamit ng intravesical Bacillus Calmette-Guerin (BCG). “Ang BCG ay mahinang uri ng mga baktirya ng tuberkulosis,” ang sulat niya. Waring kumikilos ito sa pamamagitan ng pagpapalakas sa sistema ng imyunidad. Ang isang kontroladong pagsubok ay nagpapakita ng 60-porsiyentong klinikal na pagtugon sa paggamot na ito. Ang pagsulong ng mga pasyente ay sinubaybayan sa loob ng mahigit na dalawang taon. Ang resulta? Si Dr. Peters ay nagsasabi na 90 porsiyento niyaong tumugon sa paggamot ay “patuloy na nagkaroon ng kapansin-pansing pagbuti sa mga sintomas ng kirot at dalas ng pag-ihi.”

Ang ilang pasyente ay nagkaroon ng ginhawa mula sa gamot na Elmiron. Ayon kay Dr. Raymond Hurm, ang gamot ay “aktuwal na tumutulong upang muling kumapal ang sapin ng pantog.” Nangangailangan ito ng panahon, subalit gaya ng sabi ng isang pasyente, ‘sa pamamagitan ng Elmiron, mas madali kong napagtitiisan ang aking sakit sa pantog.’

Ang isa pang paggamot na inieksperimento pa ay ang Cystistat, o hyaluronic acid. “Ang gamot na ito ay tuwirang ipinapasok sa pantog at inaakalang kumikilos sa pamamagitan ng paghahalili sa may depektong GAG [glucosaminoglycan] na sapin ng pantog. . . . Nagsisimula na ngayon [1998] sa Estados Unidos ang mga pagsubok sa klinika. Hindi pa alam sa ngayon ang epekto nito.” Sinang-ayunan na ang paggamit nito sa Europa subalit hindi pa sinasang-ayunan sa Estados Unidos.

Si Beth Getz, na isang rehistradong nars at lider ng isang grupo ng mga taong sumusuporta sa mga pasyenteng may IC, ay sumulat: “Kung minsan ang mga pasyente ay atubiling magtanong sa mga manggagamot tungkol sa alternatibong mga paggamot . . . , na nag-iisip na maaaring ipakahulugan nito na ang tradisyunal na pangangalagang tinatanggap nila ay hindi sapat. Sa ngayon, ang karamihan ng mga urologo na gumagamot sa mga pasyenteng may IC ay naniniwala sa paggamit ng iba’t ibang mga paggagamot, pati na ang alternatibong mga paggagamot, basta ang mga paggamot na ito ay hindi nagsasapanganib sa pasyente.”

Ang iba namang paraan ng paggamot para sa may paulit-ulit na kirot sa balakang ay ang pagpapatala sa isang klinika para sa kirot. Maaaring kabilang sa mga paggamot ang transcutaneous electrical nerve stimulation, na inilarawan sa naunang artikulo; mga nerve block, acupuncture; sikolohikal na pagpapayo; at mga programa upang matulungan ang mga tao na maibalik sa paanuman ang pagiging normal ng kanilang buhay.

Nakausap ng Gumising! si Dr. Peters, na sinipi kanina, tungkol sa mga problema ng mga pasyente na kailangang umihi nang 40 o 50 beses sa isang araw. Inirekomenda niya ang paggamit ng isang sacral nerve stimulator, na nakababawas sa mga pagpunta sa palikuran nang hanggang anim na beses sa isang araw. Para sa isang pasyenteng gagamit ng tinatawag sa Estados Unidos na InterStim Therapy system, isang maliit na aparato ang inilalagay sa loob ng tiyan. Naghahatid ito ng bahagyang mga electrical pulse sa sacral nerve, na kumokontrol sa pantog.

Ang pag-opera, na itinuturing na panghuling lunas, ay hindi garantiya ng tagumpay. “Iba-iba ang mga resulta ng operasyon sa pantog para sa IC,” ang sabi ni Dr. Sant. Maraming pasyente na inalisan ng pantog (cystectomy) ang patuloy na nag-uulat ng walang-lubay na kirot sa suprapubic at sa balakang, kahit na pagkatapos ng operasyon.” Kaya, ang payo na ibinibigay ng mga dalubhasa ay, Huwag magmadali sa pagpapaopera upang alisin ang pantog maliban bilang huling mapagpipilian at pagkatapos ng lubhang masusing pagsasaalang-alang.

Mga Inaasahan Para sa Hinaharap

Ang Interstitial Cystitis Association, ng Rockville, Maryland, E.U.A., ay nagsasabi: “Bagaman malamang na hindi makasusumpong ang mga mananaliksik ng isang espesipikong lunas upang matulungan ang lahat ng mga pasyenteng may IC, malamang na parami nang paraming pasyente ang matutulungan sa pamamagitan ng pagbuo ng bagong mga pamamaraan sa pagsusuri, bagong mga mapagpipiliang paggamot at bagong kombinasyon na mga paggamot. Minsang maunawaang malinaw ang sanhi (o mga sanhi) ng IC, mas malapit na tayo sa lunas (o mga lunas).” Milyun-milyong pasyenteng may IC sa buong daigdig ang maliligayahang marinig iyan!

[Mga talababa]

a Ang isa pang anyo ng IC ay ang ulcerative IC, na kilala rin bilang Hunners. Nakikilala ito sa pamamagitan ng mga patse o mga sugat na nakaaapekto sa lahat ng suson sa pinaka-dingding ng pantog.

b Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang paggamot na tinatalakay. Sa lahat ng kaso ay inirerekomenda namin na kayo ay sumangguni sa inyong sariling manggagamot hinggil sa anumang paggamot o gamot. Sinisikap ng Gumising! na ipabatid sa mambabasa ang tungkol sa medikal na mga mapagpipilian na makukuha ayon sa mga doktor at iba pang mga propesyonal.

[Kahon sa pahina 21]

Emosyonal na Suporta

Ang mga dalubhasa ay nagsasabi na ang emosyonal na suporta ng pamilya, mga kaibigan, at iba pang may IC ay nakatutulong nang malaki sa pasyenteng may IC na maharap ang sakit. At ang mga pasyenteng pinag-aaralan ang kanilang karamdaman at interesado sa pangangalaga sa kanilang sarili ay may tendensiyang makagawa ng mas mabuting pagsulong.

[Kahon sa pahina 22]

Mga Pagkaing Dapat Iwasan

Bagaman walang klinikal na makasiyensiyang katibayan na nag-uugnay ng pagkain sa IC, napansin ng maraming doktor at mga pasyente ang ilang kaugnayan. Si Dr. Kenneth Peters, isang urologo, ay nagsasabi na ang ilang pasyente’y sensitibo sa ilang pagkain at na dapat alamin ng bawat isa kung aling pagkain ang nagpapalala sa mga sintomas. Iminumungkahi niya na alisin ang caffeine at alkohol. Ang mga kamatis at mga prutas na sitro ay tila masama rin sa pasyenteng may IC. Gayunman, mahalaga na ang pasyente ay palaging kumain ng sari-sari at timbang na pagkain. Ang ilang pasyenteng may IC ay nag-ulat na wala silang gaanong problema sa kanin, patatas, pasta, mga gulay, karne, at manok. Isa pa, sa pamamagitan ng pag-inom ng maraming tubig, binabantuan ng pasyente ang asido sa ihi at sa gayo’y binabawasan ang pangangati sa pinaka-dingding ng pantog.

Ang sumusunod ay bahagi lamang ng talaan ng mga pagkaing dapat iwasan.

Abokado

Anchovy

Apricot

Aspartame

Atay

Caviar

Citric acid

Cranberry/katas

Fava bean

Granada

Inuming may karbonato

Karne norte

Kesong laon

Maanghang na pagkain

Mansanas

Mayonnaise

Melong Kastila

Nectarine

Nitrate/nitrite

Nuwes

Patani

Peach

Pinya

Plum

Processed na karne/isda

Rhubarb

Rye bread

Saccharine

Saging

Salad dressing

Sibuyas

Sitsirya

Sour cream

Sourdough bread

Strawberry

Suka

Tabako

Tofu

Toyo

Tsa

Tsokolate

Ubas

Yogurt

[Credit Line]

Urologic Nursing, Abril 2000, Tomo 20, Bilang 2