Isang Kolektor na Nagnais na Parangalan ang Maylalang
Isang Kolektor na Nagnais na Parangalan ang Maylalang
NANG mamatay noong nakalipas na siglo ang Amerikanong eskultor at kolektor ng paruparo na si Herman Strecker, naiwan niya ang kinikilala noong panahong iyon na pinakamalaki at pinakamahalagang koleksiyon ng mga paruparo at mga tangà sa buong Amerika. Ang kalakhang bahagi ng kaniyang koleksiyon na may 50,000 ispesimen ay pag-aari na ngayon ng Field Museum sa Chicago, Illinois, E.U.A. Dahil sa pangalan nito, naging kapansin-pansin ang isang uri ng higanteng tangà na nakagagawa ng seda na mula pa sa Timog Amerika. Sa kaniyang aklat na Lepidoptera, ipinaliwanag ni G. Strecker na ang pangalan ng uring ito ay hindi niya isinunod sa isang indibiduwal na maaaring nagpakain sa kaniya bilang gantimpala o nagpautang sa kaniya ng salapi. a Sa halip, isinunod niya ang pangalan nito sa Maylalang. Sa gayong paraan, sa Diyos maaakay ng “pinakakahanga-hangang” uring ito ang mga kaisipan niyaong mga nakakakita rito. Kaya, bilang resulta ng hangarin ni G. Strecker na parangalan ang Maylalang, taglay sa ngayon ng tangàng iyon na nakagagawa ng seda ang makasiyensiyang pangalan na Copiopteryx jehovah.
Gayunman, tumutol ang ilang kakontemporaryo ni G. Strecker sa kaniyang paggamit sa pangalan ng Diyos dahil, gaya ng isinulat ng isang kritiko, “itinatawag-pansin ng pangalan sa taimtim at palaisip na mga tao ang lahat ng bagay na sagrado.” Hinggil doon, ganito ang isinagot ni G. Strecker: “Kung ganoon ang nangyayari, kung gayon ay masaya ako sa aking napili, sapagkat para sa akin, anumang bagay na aakay sa atin upang pag-isipan ang Maylalang . . . ay kapaki-pakinabang; at ano pa ang bubuti kaysa sa pagmumuni-muni sa mga sagradong bagay,—sa mga katibayan ng karingalan at kapangyarihan ng Kataas-taasang Persona?” Kaya naman ganito ang pagtatapos ng kolektor na si Strecker: “Mahirap para sa akin na paniwalaan na may anumang dapat na makatuwirang itutol kung ipagkaloob man ang pangalan ng Maylalang sa isa sa pinakakawili-wili sa Kaniyang mga gawa.”
Ang kabanalan ni Strecker at ang kaniyang paggalang sa Maylalang ay kapansin-pansin. Nagpapakaingat ang mga Kristiyano sa ngayon upang magamit ang maringal na pangalang Jehova sa mga paraang magbibigay-dangal dito.
[Talababa]
a Ang kumpletong pamagat ng aklat ni G. Strecker ay Lepidoptera, Rhopaloceres and Heteroceres, Indigenous and Exotic; With Descriptions and Colored Illustrations (1872).
[Larawan sa pahina 31]
Herman Strecker
[Credit Line]
Si Herman Strecker: From the book The Passing Scene, Vol. 8/The Historical Society of Berks County
[Larawan sa pahina 31]
(Aktuwal na sukat)