Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kumain Ka ng Gulay!

Kumain Ka ng Gulay!

Kumain Ka ng Gulay!

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRAZIL

“Mapait.” “Ang sama ng lasa.” “Hindi pa ako nakakain niyan kahit kailan.”

ILAN lamang iyan sa mga dahilan kung bakit marami ang ayaw kumain ng gulay. Kumusta ka naman? Kumakain ka ba ng gulay araw-araw? Nagsagawa ang Gumising! ng mga panayam upang malaman kung bakit ang ibang tao ay kumakain ng gulay at kung bakit ang iba naman ay hindi.

Sinabi niyaong mga kumakain ng gulay na itinuro sa kanila ng kanilang mga magulang ang kahalagahan ng pagkain ng gulay at prutas. Sa kabaligtaran naman, ang marami sa mga hindi kumakain ng gulay ay hindi nasanay na kumain nito noong sila’y mga bata pa. Sa halip, mas gusto nila ang sitsiriya. Ngunit kahit ang mga ito ay sumasang-ayon na mahalaga ang gulay sa pagpapanatili ng mabuting kalusugan.

Mga magulang, turuan ang inyong mga anak na kumain ng gulay! Paano? Iminungkahi ng Facts for Life, na inilathala ng United Nations Children’s Fund, na minsan man lamang sa isang araw pagkatapos sumuso sa ina o sa bote, ang mga sanggol na mga anim na buwan na ay dapat pakainin ng gulay na pinakuluan, binalatan, at pagkatapos ay dinurog. Mas maraming uri ng pagkain, mas magaling para sa bata. Sinabi ni Dr. Vagner Lapate, isang espesyalista sa bata sa Brazil, na bagaman gatas ang pangunahing pagkain sa unang dalawang taon, ang pagbibigay ng ibang pagkain ay “nagpapasigla sa bata na tumikim ng ibang pagkain.”

Sa aklat na Medicina​—Mitos y Verdades (Medisina​—Mga Kathang-Isip at mga Katotohanan), iminungkahi ni Carla Leonel na ang kaunting katas ng kahel, mga puree (dinurog upang maging masa) ng prutas (tulad ng saging, mansanas, at papaya), cereal at sopas na may gulay ay isama sa pagkain ng bata nang mas maagang edad kaysa sa binanggit sa itaas. Siyempre pa, yamang iba-iba ang pangmalas hinggil dito, matalino na kumonsulta ka muna sa iyong pediatrician.