Pagsisikap na Patalsikin ang Batikano sa UN
Pagsisikap na Patalsikin ang Batikano sa UN
ANG ahensiyang tagapaghatid-balita na nakabase sa Roma na Inter Press Service (IPS) ay nag-ulat na “isang internasyonal na koalisyon ng mahigit sa 70 organisasyong hindi sa pamahalaan (mga NGO) ang naglunsad ng isang pangglobong kampanya upang patalsikin ang Batikano sa United Nations.” Sa kasalukuyan, ang Batikano ay isang permanenteng tagamasid, o isang di-miyembrong estado, sa organisasyon ng UN. Taglay na ng Batikano ang katayuang iyon mula pa noong 1964.
Bakit tinututulan ng grupong ito ng mga NGO, na noong pagtatapos ng Abril nang nakaraang taon ay dumami tungo sa 100 organisasyon sa buong daigdig, ang posisyon ng Batikano sa UN? Sapagkat ang Batikano, ang katuwiran ng mga NGO, ay isang relihiyosong awtoridad at hindi isang pulitikal na estado. Sinabi ni Frances Kissling, presidente ng Catholics for a Free Choice, sa IPS na ang koalisyon ay hindi tumututol sa karapatan ng Batikano na magpahayag ng pangmalas nito, subalit “ang tinututulan dito ay ang karapatan ng hindi-estadong ito na humawak ng isang posisyon na kasama ng mga pamahalaan.”
Si Anika Rahman, patnugot ng International Programmes sa Centre for Reproductive Law and Policy, ay sumasang-ayon. Siya’y sinipi ng IPS na nagsasabing “kung pinakikitunguhan ng UN ang Santa Sede bilang isang estado na may mga pribilehiyo ng permanenteng tagapagmasid dahil sa relihiyosong awtoridad nito, ang pandaigdig na lupon ay gumagawa ng pamarisan para sa katulad na mga pag-aangkin ng iba pang mga relihiyon.” Sinabi pa niya: “Upang matiyak na hindi itataguyod ng United Nations ang anumang partikular na relihiyon, ang relihiyosong mga lupon na gaya ng Simbahang Romano Katoliko ay hindi dapat pahintulutang makibahagi sa talakayang ito bilang isang di-miyembrong estado.”
Subalit kumusta naman ang tungkol sa pangangatuwiran na ang Batikano ay isang estado at samakatuwid ay karapat-dapat sa kasalukuyang posisyon nito? “Iyan ay maaaring mangahulugan ng dalawang bagay at nakalilito,” ang tugon ni Bb. Kissling sa isang panayam. “Masasabi namin na ang pagturing sa Batikano bilang isang estado ay, sa diwa, isang pagpapakahulugan sa estado noong ika-15 siglo at na ang Santa Sede, sa katunayan, ay ang namamahalang kaayusan ng relihiyon.” Idinagdag pa niya na ang mga terminong “Batikano” at “ang Santa Sede” ay kapuwa “kasingkahulugan ng Simbahang Romano Katoliko.”
Ang karamihan sa hinanakit ng mga NGO laban sa kasalukuyang posisyon ng Batikano sa UN ay dahil sa pangmalas ng Batikano tungkol sa mga isyu ng populasyon. Halimbawa, ginamit ng Batikano ang mga komperensiya ng UN na gaya niyaong 1994 International Conference on Population and Development, sa Cairo, at ang 1995 Women’s Conference, sa Beijing, upang ipahayag ang matitinding pangmalas nito laban sa pagpaplano ng pamilya. “Yamang nararating ng UN ang karamihan sa mga desisyon nito sa pamamagitan ng opinyon ng nakararami,” ang sabi ng IPS, “ang tumututol na mga tinig na gaya niyaong sa Batikano ay nakadiskaril sa mga negosasyon tungkol sa isyung may kaugnayan sa populasyon, kontrasepsiyon, karapatan ng mga babae at pangangalaga sa kalusugan para sa pagpaparami.”
Ayon kay Bb. Kissling, “ang angkop na papel para sa Batikano ay tulad ng isang NGO—katulad ng lahat ng iba pang mga NGO na kumakatawan sa mga Muslim, Hindu, Budista, Bahai at iba pang relihiyosong mga organisasyon.” Gusto ng koalisyon na ang panlahat na kalihim ng UN, na si Kofi Annan at sa wakas ang UN General Assembly ay magsagawa ng isang opisyal na pagrerepaso sa dakong kinalalagyan ng Batikano sa loob ng pinakamalaking pulitikal na lupon sa daigdig.
[Mga larawan sa pahina 31]
Opisyal ng Batikano na nagpapahayag sa UN
[Credit Lines]
UN/DPI Photo by Sophie Paris
UN photo 143-936/J. Isaac