Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Alternatibong Paraan ng Paggamot—Kung Bakit Marami ang Gumagamit sa mga Ito

Mga Alternatibong Paraan ng Paggamot—Kung Bakit Marami ang Gumagamit sa mga Ito

Mga Alternatibong Paraan ng Paggamot​—Kung Bakit Marami ang Gumagamit sa mga Ito

ANG alternatibo, o pantulong, na panggagamot ay malawak na sumasaklaw sa mga paraan ng pagpapagaling at paggamot. Marami sa mga ito ang napapasailalim sa pangkalahatang titulo na naturopathy, na isang sistema ng paggamot na nagdiriin sa paggamit ng likas na mga bagay o pisikal na pamamaraan upang maikondisyon ang katawan at hayaan itong gumaling sa ganang sarili nito. Marami sa mga panggagamot na ito, na karaniwang ginamit na sa loob ng mga siglo, ay matagal nang iniwan o ipinagwalang-bahala ng makabagong medisina.

Halimbawa, noong Agosto 27, 1960, sinabi ng Journal of the American Medical Association na ang paglalagay ng malamig na bagay sa mga pasò ay “kilala noong sinaunang panahon subalit waring ipinagwalang-bahala ito kapuwa ng manggagamot at karaniwang tao. Bagaman nagkakaisang pinapupurihan ito ng mga babasahin na manaka-nakang bumabanggit sa gayong anyo ng panggagamot, karaniwan nang hindi ito ginagamit sa ngayon. Sa katunayan, karamihan sa mga manggagamot ay nagsasabi na ‘hindi ito isinasagawa ninuman,’ bagaman walang sinuman ang nakaaalam kung bakit.”

Gayunman, nitong nakalipas na mga dekada, ang paglalagay ng malamig na tubig o malalamig na pomento sa mga pasò ay muling iminumungkahi ng pangkaraniwang panggagamot. Ang The Journal of Trauma, ng Setyembre 1963, ay nag-ulat: “Ang interes sa paggamit ng malamig na tubig sa unang bahagi ng paggamot sa mga pasò ay lumaganap sapol nang iulat ito nina Ofeigsson at Schulman noong 1959 at 1960. Ginagamot na namin ang mga pasyente sa paraang ito noong nakalipas na taon pa; nakatutuwa ang mga resulta ng aming paggamot.”

Ang paggamot sa pamamagitan ng malamig na tubig ay ligtas naman, at tiyak na ito’y nakapagpapaginhawa. Ang hydrotherapy, na ginagamit ang tubig sa iba’t ibang paraan upang lunasan ang mga karamdaman, ay ginagamit sa alternatibong panggagamot, at sa ngayon ay ginagamit din ng makabagong medisina ang iba’t ibang anyo ng gayong panggagamot. *

Gayundin naman, malimit na ginagamit ng mga manggagamot ng alternatibong pamamaraan ang mga halaman upang lunasan ang sakit. Ito’y ginagawa na sa loob ng daan-daan​—o libu-libo pa nga​—na mga taon sa ilang bahagi ng daigdig. Halimbawa, ang paggamit ng halamang-gamot ay matagal nang bahagi ng panggagamot sa India. Sa ngayon, sa halos lahat ng lugar ay kinikilala ng maraming manggagamot ang nakapagpapagaling na bisa ng ilang mga halaman.

Isang Natatanging Karanasan

Halos sandaang taon na ang nakaraan, si Richard Willstätter, na nang dakong huli’y naging estudyante ng kimikal na kayarian ng mga halaman, ay napakilos sa nangyari sa isang malapít at kabataang kaibigan, ang sampung-taóng-gulang na si Sepp Schwab. Si Sepp ay may malubhang impeksiyon sa binti na ayon sa isang doktor ay kailangang putulin upang mailigtas ang kaniyang buhay, subalit ipinagpaliban ng mga magulang ni Sepp ang operasyon hanggang sa kinabukasan. Samantala, hinanap nila ang isang pastol na kilala dahil sa paggamit niya ng mga halamang-gamot. Nagtipon ang pastol ng pinaghalu-halong mga halaman, ginayat ito nang pinung-pino hanggang sa ang mga ito’y naging isang masa na nakakatulad sa nilutong espinaka, at itinapal ito sa sugat.

Kinaumagahan ay bumuti ang sugat, at muling ipinagpaliban ang pagpapaopera. Ipinagpatuloy ang paggamot, at sa kalaunan, lubusang gumaling ang sugat. Si Willstätter ay nag-aral ng kimistri sa Munich University sa Alemanya at nang dakong huli’y nanalo ng gantimpalang Nobel dahil sa kaniyang mga natuklasan kaugnay sa mga pag-aaral niya sa kulay na nakukuha sa halaman, lalo na ang chlorophyll. Kapansin-pansin, mga 25 porsiyento ng mga gamot mula sa botika na ginagamit sa ngayon ay kinuha mula sa alinman sa bahagi o sa kabuuan ng mga kimikal na likas na inilalabas ng mga halaman.

Ang Pangangailangan na Maging Timbang

Subalit, dapat kilalanin na may kinalaman sa paggamot, ang isang bagay na makabubuti para isang tao ay maaaring hindi maging mabisa para sa iba. Ang pagiging mabisa ng anumang uri ng panggagamot ay depende sa napakaraming salik, kasali na rito ang uri ng sakit at ang antas ng kalubhaan nito at ang pangkalahatang kalagayan ng kalusugan ng pasyente. Maging ang panahon ay isang salik din.

Karaniwan nang mas mabagal ang bisa ng alternatibong mga pamamaraan kaysa sa pangkaraniwang paggamot, kaya ang sakit na maaari sanang gumaling kung ito’y nasuri at nagamot nang mas maaga pa ay maaaring lumubha hanggang sa punto na ang matatapang na gamot​—marahil isang operasyon pa nga​—ay kailanganin upang iligtas ang buhay. Sa gayo’y maaaring hindi isang katalinuhan na sundin ang isang uri ng panggagamot na para bang iyon na lamang ang tanging paraan upang malunasan ang sakit.

Naiiba ang alternatibong panggagamot mula sa pangkaraniwang paraan ng paggamot sa pamamaraang pangkalusugan nito. Karaniwan nang ang paraan nito ng paggamot ay higit na nagbibigay pansin sa pag-iingat, at nagtutuon ito ng pansin sa istilo ng buhay at kapaligiran ng isang tao at kung paano nakaaapekto ang mga salik na ito sa kaniyang kalusugan. Sa ibang salita, karaniwan nang sinusuri ng mga nagsasagawa ng alternatibong paggamot ang kabuuan ng isang tao sa halip na basta ang may diperensiyang sangkap o kalagayan ng sakit.

Walang alinlangan na ang malakas na pang-akit ng alternatibong panggagamot ay ang pagkaunawa sa bagay na ang paggamit ng likas na mga produkto at ang mga paraan nito ng paggamot ay mas banayad at di-gaanong mapanganib kaysa doon sa mga isinasagawa ng pangkaraniwang paggamot. Kaya naman, dahil sa sumisidhing interes sa pagkilala sa ligtas at mabisang paraan ng paggamot, ang ilang halimbawa ng alternatibong panggagamot ay tatalakayin sa susunod na artikulo.

[Talababa]

^ par. 5 Tingnan ang Gumising!, Hunyo 22, 1988, pahina 25-6.