Tulong Upang Makalaya Mula sa Delingkuwensiya
Tulong Upang Makalaya Mula sa Delingkuwensiya
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA PRANSIYA
ANG kamakailang mga pangyayari ay nagtampok sa nakababahalang pagguho ng batas at kaayusan sa maraming maralitang mga lunsod sa Pransiya. Ayon sa magasing Pranses na L’Express, “ang karahasan sa lunsod ay dumami nang halos limang ulit sa loob ng anim na taon.” Higit pa riyan, ang bilang ng mga minor-de-edad na nasangkot sa marahas na krimen ay tumaas nang malaki.
Karagdagan pa sa pakikibahagi sa bandalismo, pagbebenta ng droga, pangingikil, panununog, at pagnanakaw, tuwirang pinupuntirya ng mga delingkuwente ang mga kinatawan ng Estado. Ang mga pulis, bombero, at mga manggagawa sa pangmadlang transportasyon, kabilang sa iba pa, ay madalas na makaranas ng marahas na pagsalakay.
Bakit napakaraming karahasan? “Sa likod ng pagbagsak ng yunit ng pamilya, ito ay isang paghihimagsik laban sa lahat ng kinakatawan ng awtoridad,” ang paliwanag ng dalawang sosyologo. Binanggit din nila “ang pagkadama [ng mga kabataan] sa pagpapabaya ng mga awtoridad” at kawalan ng “pag-asa para sa isang makabuluhang hinaharap.”
Palagiang ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova ang mensahe ng Bibliya ukol sa pag-asa sa mga dako na palasak ang delingkuwensiya. Sa isang kamakailang programa sa telebisyon sa Pransiya, isang peryodista ang nagsabi: “Pabalik-balik ang mga Saksi ni Jehova sa mga komunidad sa labas ng lunsod at sa maralitang mga komunidad—mga lugar na kung minsan ay tila pinabayaan na ng mga paglilingkod panlipunan, ng pulisya, at ng pamahalaan. Sa mga gusali at mga lansangang ito, nagsasalita sila at sila’y nakikinig.” Ang kanilang gawain ay may positibong epekto, gaya ng sinasabi ng sumusunod na liham ng isang kabataang mambabasa ng Gumising!
“Nais ko kayong pasalamatan nang buong puso ko dahil sa inyong mga publikasyon. Hindi lamang ninyo ako natulungan nang personal kundi bumuti rin ang aking kaugnayan sa aking mga magulang. Ako’y 16 na taóng gulang lamang at may Muslim na pinagmulan.
“Ang gusto kong sabihin ay na nagtagumpay kayo sa pagpapalaya sa akin mula sa delingkuwensiya. Bunga nito, mas maingat kong sinusunod ang aking relihiyon, ngunit binabasa ko rin ang Bibliya. Salamat sa inyo, ipinagpapatuloy ko pa rin ang aking pag-aaral. Higit pa riyan, natulungan ninyo ang ilang tao sa aking komunidad upang makalaya sa delingkuwensiya sa pamamagitan ng inyong mga magasin—na ipinahihiram ko sa kanila buwan-buwan. Ako’y lubos na nagpapasalamat sa inyo at tumatanaw ng utang-na-loob.”