Ang Aking Pagsisikap Upang Makagawa ng Matatalinong Pasiya
Ang Aking Pagsisikap Upang Makagawa ng Matatalinong Pasiya
AYON SA SALAYSAY NI GUSTAVO SISSON
Sa edad na 12, bagaman labis na nabuhos ang panahon ko sa paglangoy, nagpasiya akong maging isang doktor. Subalit kasabay nito, nagsimula rin akong mag-aral ng Bibliya at, bilang resulta, nagnais na maging isang ministro. Anong nangyari sa aking magkakaibang ambisyon at mga interes? Ang mga ito ba’y magkakabagay?
NOONG 1961 si Olive Springate, isang misyonerang Saksi ni Jehova sa Brazil, ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya kay Inay at sa akin. Dahil sa pananalansang ni Itay, isang pinagpipitaganang doktor sa Pôrto Alegre, huminto kami sa pag-aaral. Gayunman, patuloy na nakipag-ugnayan sa amin si Olive, at nang maglaon nakilala ko ang taginting ng katotohanan sa aking natutuhan. Subalit noong panahong iyon, ang pagkakasangkot ko sa paglangoy ang nakagambala sa akin sa espirituwal na mga bagay.
Nang ako ay 19, nakilala ko sa lugar na aking pinaglalanguyan ang isang nakabibighaning dalaga na nagngangalang Vera Lúcia, at nagsimula kaming mag-date. Ipinakipag-usap ni Inay sa kaniya ang aming mga paniniwala, at interesado siya. Kaya nakipag-ugnayan ako kay Olive, at nagsimula siyang makipag-aral ng Bibliya sa amin, sa kabila ng pananalansang ng ama ni Vera Lúcia.
Nagpatuloy si Vera Lúcia sa kaniyang pag-aaral, at sumulong siya sa kaalaman sa Bibliya. Nakapagpasimula pa nga siya ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga nagtatrabaho sa lugar na aking pinaglalanguyan. Sa panahon ding iyon, nagbuhos ako ng pansin sa pagsasanay para sa darating na pambansang mga paligsahan sa paglangoy.
Nang mahigit sa isang taon na kaming nag-aaral at dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong, nagsimulang magduda ang ama ni Vera Lúcia sa nangyayari. Isang araw nang kami ay nanggaling sa isang pagpupulong, naghintay siya at sapilitang humingi ng paliwanag kung saan kami nagpunta. Sinabi ko na dumalo kami sa isang Kristiyanong pagpupulong at bagaman maaaring hindi mahalaga ang relihiyon sa kaniya, ito ay nangangahulugan ng buhay at kamatayan sa amin. Nagbuntong-hininga siya at sinabi: “Buweno, kung iyan ay nangangahulugan ng buhay at kamatayan, kailangang tanggapin ko na lamang ang mga bagay-bagay.” Mula nang araw na iyon, nagbago ang kaniyang pangmalas, at bagaman hindi siya naging isa sa mga Saksi ni Jehova, siya ay naging isang malapít na kaibigan at kasama sa mga panahon ng pangangailangan.
Paggawa ng mga Pasiya
Nagpasiya na akong huminto sa pagsali sa mga paligsahan sa paglangoy pagkatapos ng pambansang mga kampeonato, pero ang dalawang panalo at ang isang rekord sa Brazil para sa 400- at 1,500-meter
freestyle ang nagpangyari na maanyayahan akong lumahok sa Pan American Games sa Cali, Colombia, noong 1970. Bagaman tutol si Vera Lúcia sa aking paglahok, nagsimula akong magsanay para sa paligsahan.Nang lumangoy ako nang may kahusayan sa Cali, tinanong ako ng mga tagasanay kung gusto kong magsanay para sa Olympics. Inisip ko ang aking di-tapos na pag-aaral sa medisina at ang mga kamangha-manghang katotohanan na natutuhan ko tungkol sa mga layunin ni Jehova at lubusan ko nang inihinto ang aking karera sa paglangoy. Simula noon, naging mabilis na ang aking pagsulong sa espirituwal. Noong 1972, ang taon ng Olympics sa Munich, Germany, sinagisagan namin ni Vera Lúcia ang aming pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Nagpatibay ito kay Inay na muling ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral sa Bibliya, at nang maglaon siya ay nabautismuhan din.
Pagkatapos ng bautismo ni Inay, tumindi ang pananalansang ni Itay. Nang dakong huli ay nagkahiwalay ang aming pamilya, at yamang nasa unibersidad pa ako, dapat naming pagkasiyahin ang maliit na pensiyon ni Inay at ang perang galing sa pinagbentahan ng aming bahay. Bilang resulta, ipinagpaliban namin ni Vera ang aming kasal. Sa katunayan ang mahuhusay na aral na ibinigay sa akin ni Itay ang tumulong sa akin sa paggawa ng mga pasiya na ginawa ko. Kadalasan ay sasabihin niya: “Huwag kang matakot na maging iba” at, “Hindi laging tama ang karamihan.” Isa sa kaniyang mga paboritong salawikain ay, “Nasusukat ang kahalagahan ng isang tao sa kung ano ang ibinibigay niya sa iba.”
Bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, naikapit ko ang mahuhusay na payo ni Itay. Ako ay nasa tabi ng kaniyang kama nang mamatay siya noong 1986. Naging magkaibigan kaming muli at iginalang ang isa’t isa. Naniniwala ako na ipinagmalaki niya ako, yamang naging isa akong doktor na gaya niya.
Samantala, nagtapos ako sa aking pag-aaral ng medisina noong 1974. Nagpasiya akong gawin ang panlahatang panggagamot, subalit nang maglaon, pagkatapos pag-isipan ang bagay na ito, nagpasiya ako na mas makakatulong ako sa aking mga kapatid na Kristiyano kung ako’y magiging isang siruhano. (Gawa 15:28, 29) Kaya tinanggap ko ang hamon at ginugol ang sumunod na tatlong taon ng pagsasanay upang maging isang siruhano.
Isang Mapanghamong Legál na Pakikipagbaka
Isang napakalungkot na kaso na kinasangkutan ko ay yaong sa isang 15-taóng-gulang na dalagitang Saksi na dinugo sa loob ng katawan. Namumutla siya at bumaba ang presyon ng kaniyang dugo subalit malinaw ang kaniyang isipan at lubos na matatag ang kaniyang pasiya na hindi magpasalin ng dugo. Pagkatapos na paramihin ang kaniyang dugo, isinagawa ko ang isang endoscopy at hinugasan ang apektadong bahagi ng malamig na saline solution para pahintuin ang pagdurugo. Sa simula ay bumuti ang kaniyang kalagayan, ngunit makalipas ang 36 na oras, habang siya ay nasa intensive care, bigla na namang nagsimula ang pagdurugo. Sa kabila ng puspusang pagsisikap, ang doktor na naka-duty noon ay walang nagawa upang kontrolin ang pagdurugo at panatilihin ang dami ng kaniyang dugo, at namatay ang dalagita.
Nang mangyari ito, sinuspinde ng komité sa etika ang aking pagsasanay sa panggagamot at idinulog ang aking kaso sa panrehiyon na konseho sa medisina. Ako ay pinaratangan ng paglabag sa tatlong tuntunin ng kodigong etika ng medisina, anupat isinapanganib nitong mawala ang aking lisensiya sa panggagamot at maging ang aking ikinabubuhay.
Isang komité ang nagtakda ng 30 araw upang iharap ko ang aking nakasulat na pagtatanggol. Inihanda ng aking mga abogado ang mga legál at konstitusyonal na mga pangangatuwiran, at naghanda naman ako ng isang teknikal na pagtatanggol sa tulong ng lokal na Hospital Liaison Committee (HLC), isang grupo ng mga Saksi ni Jehova na naghahangad na itaguyod ang pagtutulungan ng ospital at pasyente. Sa paglilitis, maraming itinanong sa akin ang tagapagturong komité pangunahin na hinggil sa aking posisyon bilang isang doktor at bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Gayunman, ang aking pagtatanggol ay pangunahin nang nakasalig sa medikal at makasiyensiyang mga argumento at sa mga ulat ng mga pinagpipitaganang mga siruhano.
Ang ebidensiyang iniharap ay nagpatotoo na tinanggihan ng pasyente ang pagpapasalin ng dugo at na ako ay walang ginawa para hikayatin siyang gumawa ng ganoong pasiya. Pinatunayan din ng paglilitis na sa apat na doktor na kinonsulta, ako
lamang ang nagpasimula ng isang uri ng paggamot na kaayon ng mga naisin ng pasyente at ng kaniyang medikal na kalagayan.Pagkatapos ay idinulog ang aking kaso sa isang komité na boboto sa isang panlahatang pagpupulong. Nagsalita ako sa loob ng sampung minuto upang ipagtanggol ang aking sarili na doon, tulad ng aking nakasulat na pagtatanggol, ay nakatuon lamang sa medikal na mga aspekto. Pagkatapos akong pakinggan, binanggit ng dalawa sa mga miyembro ng komité na bagaman hindi ako gumamit ng pagsasalin, ang paggamot na aking ginawa ay may matibay na saligan sa siyensiya. Idiniin pa ng isang doktor na ang walang-dugong paggamot ay mabisa at na mas mababa ang bilang ng namamatay sa paggamit nito. Sinabi ng huling miyembro ng komité na ang isyu ay hindi kung mabisa o hindi mabisang paggamot ang pagsasalin ng dugo. Ang isyu ay kung puwedeng ipilit ng doktor sa kaniyang pasyente ang isang paggamot na hindi gusto ng pasyente, at sa palagay ng miyembrong ito ay walang karapatan ang isang doktor na gawin iyon. Sa gayon, dahil sa nakararaming bilang na 12 sa 2, ang mga miyembro ng komité ay bumoto nang pabor sa pagpapawalang-saysay sa lahat ng paratang, anupat napawalang-sala ako.
Pagtatanggol sa mga Karapatan ng Pasyente
Ang ilan sa mga awtoridad sa medisina ay kumuha ng mga utos galing sa hukuman para pilitin ang mga pasyenteng Saksi na tanggapin ang pagsasalin ng dugo, at kung minsan ay naghaharap ako ng ebidensiya sa mga paglilitis sa hukuman na nakatulong upang mapawalang-bisa ang gayong mga utos. Ang isang kaso ay kinasangkutan ng isang Saksi na may mga namamagang ugat sa kaniyang lalamunan, isang sakit na nagpapangyaring lubhang magdugo ang sikmura. Nang siya ay maospital, kulang na kulang na ang dugo niya—ang bilang ng kaniyang hemoglobin ay 4.7 gramo bawat decilitro. * Noong una, hindi siya ginipit na magpasalin ng dugo, at tumanggap lamang siya ng paggamot na nagpapagaan sa mga sintomas.
Pagkatapos, pagkaraan ng isang linggo sa ospital, nagulat ang pasyente nang dalawin siya ng isang opisyal ng hukuman na may dalang utos na siya’y magpasalin ng dugo. Sa panahong ito, ang bilang ng kaniyang hemoglobin ay tumaas na sa 6.4 gramo bawat decilitro, at maayos na ang kaniyang kalagayan batay sa pamantayan ng paggamot. Lumilitaw na ibinatay ng hukom ang kaniyang desisyon sa unang antas ng hemoglobin hindi sa pangalawa, na siyang mas mataas.
Nag-alok ng tulong ang HLC. Hiniling ng pasyente na suriin ko ang kaniyang kalagayan. Ginawa ko ito at pagkatapos noon ay naging matagumpay ang paglilipat sa kaniya sa isang ospital na kung saan maaari siyang gamutin nang hindi gumagamit ng dugo. Sa panahon ding iyon, hinamon ng kaniyang mga abogado ang utos ng hukuman na salinan ang pasyente ng dugo.
Ipinatawag ako sa isang paglilitis sa harapan ng hukom, na nagtanong sa akin tungkol sa kalagayan ng pasyente. Sa paglilitis, pinahintulutan niya akong ipagpatuloy ang paggamot sa pasyente habang pinagtatalunan pa ang pagiging nararapat ng utos ng hukuman. Sa panahon ng panibagong paglilitis, naging maayos na ang kalagayan ng pasyente at nakalabas na siya sa ospital. Nang ako ay tawagin upang tumestigong muli, hinamon ako ng abogado ng ospital na patunayan na ang inirerekomenda kong paggamot ay may makasiyensiyang saligan. Sa kaniyang kahihiyan, ipinakita ko ang isang artikulo ng isang babasahing medikal na inilimbag ng mismong ospital na kinakatawanan niya, at inirekomenda nito ang gayong paggamot!
Nang sabihin ang desisyon ng hukuman, nagalak kaming marinig na ang aming paninindigan na magtiwala sa paggamot na naiiba sa pagpapasalin ng dugo ay itinaguyod. Inutusan ang ospital na bayaran ang lahat ng mga bayarin, kasama na ang mga gastusin sa abogado. Bagaman umapela ang ospital, muli itong natalo.
Pangangalaga sa Aming Pamilya
Mula nang ako’y maging isang Saksi, lagi kong taglay ang suporta ni Vera Lúcia bilang isang tapat na katuwang at isang mahusay na asawa at isang ulirang ina ng aming mga anak. Paano niya nagawang harapin ang lahat ng hamon, pag-iingat ng aming tahanan at pagtulong sa pangangalaga sa mga bata, na ngayo’y mga aktibong kabataan? Naging posible ito dahil sa kaniyang malalim na pag-ibig kay Jehova at sa ministeryong Kristiyano.
Bilang mga magulang, ang mga turo at simulain ng Bibliya ay itinuro na namin sa aming mga
anak mula nang sila’y mga musmos pa. Bagaman magawain ang aming buhay, nagsisikap kami na maglingkod sa buong-panahong ministeryo nang ilang buwan bawat taon. At ginagawa namin ang aming buong makakaya na sundin ang isang iskedyul na dito’y kasama ang regular na pagbabasa ng Bibliya, pagtalakay sa isang teksto sa Bibliya bawat araw, at pamamahagi sa iba ng aming mga paniniwala sa ministeryong Kristiyano. Nitong nakalipas lamang na mga panahon, ang aming pamilya ay madalas na nagdaraos ng mga 12 pag-aaral sa Bibliya bawat linggo sa mga taong hindi Saksi.Sinisikap din namin ni Vera Lúcia na isama ang aming mga anak sa mga gawain namin samantalang, kasabay nito’y, iginagalang din ang kanilang mga personal na naisin. Naniniwala kami na tatlong pangunahing bagay ang kailangan upang mapangalagaang maayos ng mga magulang ang kanilang pamilya. Una, ang tamang turo, na salig sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Pangalawa, ang tamang halimbawa, na nagbibigay sa mga bata ng malinaw na katunayan na ang kanilang mga magulang ay may mabuting pagkatakot sa Diyos. At pangatlo, ang tamang pakikipagsamahan na doo’y kabilang ang mga Kristiyanong may iba’t ibang edad at kalagayan sa buhay, na makapagdudulot ng iba’t-ibang mga katangian at kakayahan sa mga miyembro ng pamilya. Bilang mag-asawa, ginawa naming tunguhin na paglaanan ang aming pamilya ng ganitong mga bagay.
Sa pagbabalik-tanaw sa aming halos 30 taóng paglilingkod kay Jehova, masasabi naming mag-asawa na, walang-alinlangan, ibinigay niya sa amin ang pinakamagaling sa buhay at naglaan ng maraming kaluguran at pagpapala. Bagaman hindi ako nakasali sa Olympics, nasisiyahan pa rin akong lumangoy nang ilang kilometro bawat linggo. Totoo, ang aking pagiging doktor gayundin ang pagiging isa sa mga Saksi ni Jehova ay nagdulot ng isang mas abalang buhay, pero nakita ko na ang pagtulong sa aking mga kapatid na Kristiyano na magtiis kapag napapaharap sa mga pagsubok sa kanilang paglilingkod sa Diyos ay tunay na nagbibigay ng kasiyahan sa akin.
Kadalasan ay tinatanong ako kung ako’y nababahala na mawala ang aking trabaho kapag dumating na ang bagong kaayusan ng Diyos at doon ay wala nang sakit. Sinasabi ko na ako ang unang lulukso sa kagalakan kapag “aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa, at ang dila ng pipi ay hihiyaw sa katuwaan,” at “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ ”—Isaias 33:24; 35:6.
[Talababa]
^ par. 21 Ang isang lalaking malusog na nasa hustong gulang ay may antas ng hemoglobin na humigit-kumulang sa 15 gramo bawat decilitro.
[Larawan sa pahina 15]
Nag-oopera sa isang pasyente
[Mga larawan sa pahina 15]
Kasama si Vera Lúcia, at ang aming pampamilyang pag-aaral