Kung Bakit Dapat Mong Iwasan ang Espiritismo
Kung Bakit Dapat Mong Iwasan ang Espiritismo
KUNG ikaw ay naturuan na ang ilang anyo ng espiritismo ay mga paraan upang makipag-ugnayan sa mabubuting espiritu, maaaring makagulat sa iyo na malaman kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa espiritismo. Halimbawa, sinasabi nito: “Huwag kayong babaling sa mga espiritista, at huwag kayong sasangguni sa mga manghuhula ng mga pangyayari, upang maging marumi sa pamamagitan nila.”—Levitico 19:31; 20:6, 27.
Sa katunayan, inilalarawan ng Bibliya ang isa na nagsasagawa ng espiritismo bilang “karima-rimarim kay Jehova.” (Deuteronomio 18:11, 12) Bakit? Ang isang masusing pagsisiyasat sa sinasabi ng Bibliya hinggil sa isang pangunahing bahagi ng espiritismo—ang diumano’y pakikipag-usap sa mga patay—ay sasagot sa tanong na iyan.
Nabubuhay ba ang mga Patay?
Salungat sa iniisip ng maraming tao, ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay nagtuturo na hindi maaaring makipag-usap ang mga tao sa mga mahal sa buhay na namatay na. Bakit hindi? Buweno, kung ang sinuman ay makikipag-usap sa patay, ang patay ay dapat na talagang nabubuhay. Dapat na may bahagi nila ang nananatiling buháy pagkamatay. Sinasabi ng ilan na ang kaluluwa ay patuloy na nabubuhay kapag namatay ang katawan. Totoo ba iyan?
Ang ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang sa tao Genesis 2:7) Hindi ba isinisiwalat nito na ang tao mismo ay isang kaluluwa at na hindi siya nagtataglay ng isang imortal na kaluluwa na patuloy na nabubuhay pagkamatay ng katawan? Sa katunayan, ang Kasulatan ay nagsasabi: “Ang kaluluwa na nagkakasala—iyon mismo ang mamamatay.” (Ezekiel 18:4) “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay, ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran . . . Walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol,” ang karaniwang libingan ng tao.—Eclesiastes 9:5, 10.
ay nagsasabi: “Pinasimulang anyuan ng Diyos na Jehova ang tao mula sa alabok ng lupa at inihihip sa mga butas ng kaniyang ilong ang hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” (Kaya ayon sa Bibliya, ang kaluluwa ay hindi isang bagay na nananatiling buháy pagkamatay ng katawan at pagkatapos ay makakausap ng mga taong buháy. Narito ang dalawang halimbawa ng iginagalang na mga iskolar sa Bibliya na naghinuha na ang kaluluwa ay namamatay. Ganito ang sabi ng teologong taga-Canada na si Clark H. Pinnock: “Ang ideyang ito [na imortal ang kaluluwa ng tao] ay nakaimpluwensiya sa teolohiya sa loob ng mahabang panahon subalit hindi ito mula sa Bibliya. Hindi itinuturo ng Bibliya ang likas na imortalidad ng kaluluwa.” Sa katulad na paraan, ang Britanong iskolar na si John R. W. Stott ay nagsabi: “Ang imortalidad—at samakatuwid ay ang pagiging hindi napupuksa—ng kaluluwa ay isang ideyang Griego at hindi isang kaisipan mula sa Bibliya.”
Gayunpaman, ang mga tao ay talagang nakatatanggap ng mga mensahe at nakaririnig ng mga tinig na waring nanggagaling sa mga patay. Sino, kung gayon, ang nagsasalita?
Pakikipag-usap Kanino?
Isinasaysay ng Bibliya na ginamit ng isang di-nakikitang espiritung persona ang isang serpiyente, gaya ng isang bentrilokwista na gumagamit ng isang manika, upang kausapin ang unang babae, si Eva, at inakay itong maghimagsik laban sa Diyos. (Genesis 3:1-5) Tinatawag ng Bibliya ang espiritung personang ito, o anghel, na “ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9) Ang isang iyon, si Satanas, ay nagtagumpay sa paghimok sa iba pang mga anghel sa paghihimagsik. (Judas 6) Ang balakyot na mga anghel na ito ay tinatawag na mga demonyo at mga kaaway ng Diyos.
Ipinakikita ng Bibliya na ang mga demonyo ay may kapangyarihan na impluwensiyahan ang mga tao. (Lucas 8:26-34) Kaya, hindi kataka-taka na sinasabi ng Kautusan ng Diyos: “Huwag makasusumpong sa iyo ng sinumang . . . sumasangguni sa espiritista o ng manghuhula ng mga pangyayari o ng sinumang sumasangguni sa patay. Sapagkat ang lahat ng gumagawa ng mga bagay na ito ay karima-rimarim kay Jehova.” (Deuteronomio 18:10-12) Anu-ano ang panganib ng pagwawalang-bahala sa kautusang ito?
Isang tunay-sa-buhay na karanasan ni Haring Saul ng sinaunang Israel ang sumasagot sa tanong na iyan. Dahil sa takot sa kaniyang mga kaaway, hinanap ni Haring Saul ang isang espiritista. Hiniling niya rito na makipag-ugnayan sa patay nang propeta na si Samuel. Nang marinig ang paglalarawan ng espiritista tungkol sa isang matandang lalaki, ipinalagay ni Saul ang aparisyong ito na si Samuel. At ano ang mensaheng tinanggap ni Saul? Ang Israel ay ibibigay sa mga kamay ng mga kaaway, at si Saul at ang kaniyang mga anak ay makakasama ni “Samuel,” na nagpapahiwatig na sila’y mamamatay. (1 Samuel 28:4-19) Ano ang naging reaksiyon ng Diyos sa pasiya ni Saul na sumangguni sa isang espiritista? Ang Kasulatan ay nagsasabi sa atin: “Namatay si Saul dahil sa kaniyang kawalang-katapatan . . . at gayundin sa paghiling niya sa isang espiritista upang sumangguni.” (1 Cronica 10:13) Kay laking kabayaran!
Gayundin sa ngayon, inilalagay niyaong mga nasasangkot sa espiritismo ang kanilang mga sarili sa malaking panganib. Ang Bibliya ay nagbababala na ang “mga nagsasagawa ng espiritismo” ay daranas ng “ikalawang [o, walang-hanggang] kamatayan.” (Apocalipsis 21:8; 22:15) Maliwanag, kung gayon, ang matalino at nagliligtas-buhay na landasin na dapat gawin ay iwasan ang espiritismo sa lahat ng anyo nito.
Kung Paano Lalabanan ang mga Balakyot na Espiritu
Ano naman kung ikaw ay nasangkot na sa espiritismo? Kung gayon, makabubuting gumawa ka kaagad ng mga hakbang upang ipagsanggalang ang iyong sarili at ang iyong pamilya sa pamiminsala ng mga balakyot na espiritu. Anu-anong hakbang? Upang ilarawan: Paano ba ipinagsasanggalang ng isang tao ang kaniyang tahanan at pamilya laban sa mga peste? Pagkatapos alisin ang mga ito sa kaniyang bahay, inaalis niya sa kaniyang bahay ang mga bagay na nakaaakit sa mga peste. Tinatapalan niya ang mga bitak at pinatitibay ang mga pader upang pigilan ang pagsalakay ng mga peste, at kung patuloy pa rin ang pagsalot ng peste, maaari siyang humingi ng tulong sa lokal na mga awtoridad upang lunasan ito.
Gayunding pamamaraan ang makatutulong sa iyo upang labanan ang mga balakyot na espiritu at makaalpas sa kanila. Isaalang-alang ang halimbawa ng unang-siglong mga Kristiyano sa Efeso na nagsasagawa ng espiritismo bago naging mga Kristiyano. Pagkatapos nilang magpasiya na umalpas sa espiritismo, isinagawa nila ang tatlong hakbang upang ipagsanggalang ang kanilang mga sarili laban sa tulad-hayop na peste na mga pagsalakay ng mga balakyot na espiritu. Ano ang ginawa nila?
Ang Unang Hakbang
Ganito ang paliwanag ng Bibliya: “Tinipon ng marami sa mga nagsasagawa ng sining ng pagsasalamangka ang kanilang mga aklat at sinunog ang mga iyon sa harap ng lahat.” (Gawa 19:19) Sa pamamagitan ng pagsira sa kanilang mga aklat hinggil sa panghuhula, ang bagong mga Kristiyanong iyon ay nagpakita ng halimbawa para sa lahat ng nagnanais na labanan ang mga balakyot na espiritu sa ngayon. Alisin ang lahat ng mga bagay na nauugnay sa espiritismo. Kabilang dito ang lahat ng mga aklat, magasin, komiks, video, poster, materyal mula sa mga elektronikong pinagmumulan, at mga rekording ng musika na may espiritistikong pahiwatig, gayundin ang mga anting-anting o iba pang bagay na isinusuot para sa “proteksiyon.”—Deuteronomio 7:25, 26; 1 Corinto 10:21.
Isinapuso ng isang lalaki sa Timog Amerika na nagsasagawa ng espiritismo sa loob ng mga dekada ang payong ito mula sa Kasulatan. “Isang araw,” gunita niya, “tinipon ko ang lahat ng gamit ko may kaugnayan sa espiritismo sa harap ng aking bahay, sinunggaban ko ang isang palakol, at tinadtad ko ang mga ito nang pino.” Pagkatapos ay sinunog niya ang lahat hanggang sa wala nang natira pa. Pagkaraan niyan ay mabilis siyang sumulong sa espirituwal at di-nagtagal ay naging isang masigasig na ministro sa isa sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.
Subalit, hindi sapat ang unang hakbang na iyon. Bakit hindi? Buweno, kahit na pagkalipas ng ilang taon na sinira ng mga Kristiyanong iyon sa Efeso ang kanilang mga aklat hinggil sa pagsasalamangka, si apostol Pablo ay sumulat: “Tayo ay may pakikipagbuno . . . laban sa balakyot na mga puwersang espiritu.” (Efeso 6:12) Hindi pa sumusuko ang mga demonyo. Humahanap pa rin sila ng paraan upang magsamantala. Ano pa ang kailangang gawin ng mga Kristiyanong iyon?
Ang Ikalawang Hakbang
Hinimok ni Pablo ang unang-siglong mga taga-Efeso: “Isuot ninyo ang kompletong kagayakang pandigma mula sa Diyos upang makatayo kayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo.” (Efeso 6:11, talababa sa Ingles) Mabisa pa rin ang payong iyan sa ngayon. Katulad ng taong nagsisikap na alisin ang peste sa kaniyang tahanan, dapat na patibayin ng Kristiyano ang kaniyang tulad-pader na mga depensa upang hindi maabot ng mga balakyot na espiritu. Ano ang kalakip sa ikalawang hakbang na ito?
“Higit sa lahat,” ang pagdiriin ni Pablo, “kunin ninyo ang malaking kalasag ng pananampalataya, na siyang ipangsusugpo ninyo sa lahat ng nag-aapoy na mga suligi ng isa na balakyot.” (Efeso 6:16) Ang kalasag na ito ay lubhang kailangan. Mientras mas matibay ang iyong pananampalataya, mas malakas ang iyong panlaban sa mga balakyot na espiritu.—Mateo 17:20.
Kaya, paano mo mapatitibay ang iyong pananggalang na mga depensa? Sa pamamagitan ng iyong patuloy na pag-aaral ng Bibliya. Sa anong paraan nauugnay sa pananampalataya ang pag-aaral ng Bibliya? Buweno, kung paanong ang tibay ng isang pader ay nakadepende nang malaki sa tibay ng pundasyon nito, ang katatagan din naman ng pananampalataya ng isa ay lubhang nakadepende sa tibay ng saligan nito. Ano ang saligang iyon?
Ang tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos. Si apostol Pablo ay nagpaliwanag: “Ang pananampalataya ay kasunod ng bagay na narinig. Ang bagay na narinig naman ay sa pamamagitan ng salita tungkol kay Kristo.” (Roma 10:17) Ikaw ay inaanyayahang humiling ng isang walang bayad na pag-aaral sa Bibliya mula sa isa sa mga Saksi ni Jehova, sa panahon at dako na kombinyente sa iyo. Patitibayin ng gayong pag-aaral ang iyong pananampalataya. (Roma 1:11, 12; Colosas 2:6, 7) Ang resulta? Hindi magtatagal at ang iyong pananampalataya ay magiging isang balwarte na magsisilbing isang kalasag laban sa impluwensiya ng mga balakyot na espiritu.—Awit 91:4; 1 Juan 5:5.
Ano ang ikatlong hakbang na kailangang gawin ng mga Kristiyanong iyon sa Efeso?
Ang Ikatlong Hakbang
Yaong mga bagong mananampalataya sa sinaunang Efeso ay nagsagawa na ng mga hakbang upang labanan ang mga balakyot na espiritu, subalit ang mga Kristiyanong iyon ay namumuhay pa rin sa isang lunsod na pinamumugaran ng demonismo. Kailangan nila ng higit pang proteksiyon. Kaya nang sumulat si apostol Pablo sa mga kapananampalataya, sinabi niya sa kanila kung ano ang dapat gawin: “Sa bawat anyo ng panalangin at pagsusumamo ay magpatuloy kayo sa pananalangin sa bawat pagkakataon sa espiritu. At sa layuning iyan ay manatili kayong gising nang may buong katatagan at may pagsusumamo alang-alang sa lahat ng mga banal.”—Efeso 6:18.
Tiyak, ang pananalangin nang marubdob at nang palagian para sa proteksiyon ni Jehova ay isang napakahalagang hakbang noon, at hanggang sa ngayon, na kailangan para sa proteksiyon laban sa balakyot na mga espiritu. At nakaaaliw na malaman na sasagutin ni Jehova ang iyong taos-pusong mga pagsusumamo sa pamamagitan ng pagbibigay sa iyo ng kaniyang proteksiyon, na kabilang dito ang alalay ng kaniyang mga anghel. (Awit 34:7; 91:2, 3, 11, 14; 145:19) Kung gayon, napakahalaga na patuloy na ipanalangin sa Diyos, “Iligtas mo kami mula sa isa na balakyot.”—Mateo 6:13; 1 Juan 5:18, 19.
Pinahalagahan ni Antônio, isang dating espiritista sa Brazil, ang kahalagahan ng panalangin. Pagkatapos niyang tanggapin ang isang pag-aaral sa Bibliya at matutuhan ang pangalan ng Diyos, na Jehova, nagsimula siyang manalangin nang marubdob sa Diyos na Jehova upang tulungan siyang makaalpas mula sa espiritismo. Bilang pag-alaala, sinabi niya: “Ang pananalangin kay Jehova ay tunay na naging isang kanlungan para sa akin at sa marami pang iba na dating napaalipin sa mga balakyot na espiritu.”—Kawikaan 18:10.
Maaari Kang Magtagumpay
Mahalaga na pagkatapos mong makilala si Jehova, ikaw ay maglagak ng lubos na pagtitiwala sa kaniya, magpasakop sa kaniyang awtoridad, at sumunod sa kaniyang mga utos. Kung gagawin mo ito, kapag ikaw ay tumawag sa kaniya para humingi ng tulong, na ginagamit ang kaniyang personal na pangalan, bibigyan ka niya ng proteksiyon. Si Antônio ay tumanggap ng gayong proteksiyon. Sa ngayon siya ay isang Kristiyanong matanda sa isa sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa São Paulo at nagpapasalamat na nasumpungan niya ang katotohanan na nagpalaya sa kaniya.—Juan 8:32.
Tulad ni Antônio at ng libu-libo pang dating mga espiritista na ngayo’y naglilingkod na sa Diyos na Jehova, ikaw ay maaaring magtagumpay sa pag-alpas mula sa espiritismo. Kaya, alisin ang mga bagay na nauugnay sa espiritismo, patibayin ang iyong pananampalataya sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya, at manalangin para sa proteksiyon ni Jehova. Sundin mo ang mga hakbang na ito—nakadepende rito ang iyong buhay!
[Blurb sa pahina 5]
Ayon sa Bibliya, ang mga buháy ay hindi maaaring makipag-usap sa mga patay
[Larawan sa pahina 6]
1. Alisin ang lahat ng mga bagay na nauugnay sa espiritismo
[Larawan sa pahina 7]
2. Patuloy na mag-aral ng Bibliya
[Larawan sa pahina 8]
3. Manalangin nang marubdob at madalas