Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Mga Problema ng Sasakyang Pangkalawakan sa Mars
Noong Disyembre, hindi nagawa ng NASA na muling makontak ang Mars Polar Lander nito pagkatapos na pumasok sa kapaligiran ng Mars ang sasakyang pangkalawakan. Ang pagkasira ay nangyari mga dalawang buwan lamang pagkatapos masira ang Mars Climate Orbiter, na tutulong sana upang maghatid ng impormasyon mula sa sasakyang pangkalawakan tungo sa Lupa. Hindi alam kung bakit nasira ang lander. Subalit kabilang sa iba pang kadahilanan, naligaw ang orbiter sapagkat ang mekanismo ng sasakyang pangkalawakan ay gumagamit ng Ingles na mga yunit sa panukat sa halip na ang mas malawakang ginagamit na metric system! Ang pagkakaibang ito ang humadlang sa wastong paglilipat ng impormasyon tungkol sa paglibot. Bagaman nasiphayo sa kanilang mga pagkalugi, nilalayon ng mga siyentipiko ng NASA na ipagpatuloy ang itinataguyod nilang mga tunguhin, ang sabi ng CNN. Ang mga ito ay “upang malaman ang hinggil sa kasaysayan ng klima at heolohiya ng mapulang planeta; humanap ng mga palatandaan ng buhay; at upang maglagay ng saligan para sa paggagalugad dito ng tao.”
Isang Naglalahong Sistema ng Pagsulat sa Tsina
Isang natatanging sistema ng pagsulat na tinatawag na Nu Shu, na nauunawaan lamang ng mga kababaihan, ang ginagamit na sa loob ng mga dantaon sa isang kumpol ng maliliit na nayon sa Lalawigan ng Hunan, gawing timog ng Tsina. Binuo ito ng mga babaing magbubukid noong panahon na ang mga batang babae ay pinagkaitan ng pormal na edukasyon. Ang mga sulat-kamay ay binubuo ng tinatayang 700 ponetikong mga titik, kung ihahambing sa libu-libong letrang Tsino. Ang Nu Shu ay isinusulat na may pinong mga kurba at pahilig na mga linya, na inilarawan ni Yang Yueqing, isang tagagawa ng pelikula na gumawa ng dokumentaryong pelikula hinggil sa Nu Shu, bilang “lubhang pambabae at maganda, . . . lubha rin itong malinaw sapagkat ito’y hinahabi sa tela at ibinuburda bilang mga disenyo,” ang ulat ng The Sunday Times ng London. Isinulat ng mga kababaihan ang mga tradisyong-bayan at ipinahayag ang kanilang paraan ng pamumuhay sa mga awit at mga tula na isinulat sa Nu Shu. Pagkatapos na mapagkalooban ng pagkakapantay-pantay ang mga kababaihan sa Tsina noong 1949, nagsimulang humina ang paggamit ng Nu Shu. Sa ngayon, tatlo lamang katao ang nalalamang sumusulat ng sinaunang sulat-kamay, at ang mga babaing ito ay matatanda na.
Mararahas na Laro sa Video
Batay sa isang pag-aaral sa 600 kabataang naglalaro ng mga laro sa video, ang mananaliksik na si Brent Stafford, ng Simon Fraser University sa British Columbia, Canada, ay nagbabala na maraming laro “ang nagsasanay sa ating mga anak na matuwa sa karahasan.” Ang magasing Maclean’s ay nag-uulat: “Ang ilang gumon na mga manlalaro na pinipili ang pinakamarahas at makatotohanang mga laro ay ‘pumapatay’ ng kasindami ng 1,000 ‘avatar’ (mga tauhan sa iskrin ng telebisyon) sa isang gabi, kadalasan sa mga eksena na totoong madugo.” Ang pananaliksik ay gumawa ng dokumento may kinalaman sa lawak na doo’y dinisenyo ang mararahas na laro sa video upang makaakit sa mga damdamin ng isang manlalaro at upang “malipos ang mga isipan ng mga kabataan sa mga larangan na makapagpapamanhid sa kanila sa karahasan at sa pagpatay pa nga.” Ang industriya ng larong-video, na kumikita ng $17 bilyon sa isang taon, ay “mas malaki kaysa pinagsamang industriya ng pelikula at telebisyon.” Hinihimok ni Stafford ang mga magulang na alamin kung anong mga laro ang nilalaro ng kanilang mga anak at maging alisto sa anumang hilig na maging sugapa.
Mga Ulat Tungkol sa mga Digmaan
“May 27 nagaganap na mga digmaan ngayon sa buong daigdig,” ang sabi ng Psychology Today. Gaya ng iniulat ng Stockholm International Peace Research Institute, mahigit na 150,000 taga-Liberia ang namatay sa kanilang 7-taóng gera sibíl, at 500,000 katao ang namatay sa 15-taóng labanang sibil sa Angola. Ang mga sagupaan sa Turkey ay sumawi ng mahigit na 37,000 mula noong 1984, at ang digmaan sa Sri Lanka ay kumitil ng mga 60,000 buhay mula noong 1983. “Lahat-lahat, mahigit na 20 milyon katao—karamihan sa kanila ay mga sibilyan—ang namatay sa digmaan mula noong katapusan ng Digmaang Pandaigdig II,” ang sabi ng magasin. “Ang digmaan ay maaaring patuloy na hindi maiiwasan . . . dahil sa ekonomiks. Ang digmaan ay isa [sa] pinakamalalaking industriya sa lupa, na nagkakahalaga ng $800 bilyon sa mga gastos sa bawat taon, at nagdadala rin ito ng napakalaking pakinabang.” Ganito ang sabi ng editoryal: “Lubhang pambihirang uri nga tayo upang maging napakalupit sa atin mismong kauri.” Ipinahayag ng United Nations ang taóng ito na maging isang internasyonal na taon ng kapayapaan.
Paninigarilyo at Pagkabulag
Ang “paninigarilyo ay isang pangunahing sanhi ng pagkabulag,” ulat ng pahayagang Canberra Times. Tinataya ng mga mananaliksik sa Australian National University at Sydney University na 20 porsiyento ng lahat ng pagkabulag ng mga Australiano
na mahigit nang 50 taóng gulang ay dahil sa paninigarilyo. Binanggit ng mga mananaliksik ang mga pag-aaral mula sa Australia, Estados Unidos, at Europa na nagpapahiwatig na malamang na dalawa hanggang limang ulit na mas lumabo ang paningin ng mga maninigarilyo habang nagkakaedad kaysa sa mga hindi naninigarilyo. Si Dr. Wayne Smith ng Australian National University ang nagmungkahi na ang mga pakete ng sigarilyo ay maglagay ng babala: “Ang paninigarilyo ay isang pangunahing sanhi ng pagkabulag.”Pagpapabaya at Pag-aabuso sa Bata
Tumaas nang 30 porsiyento ang iniulat na mga kaso ng pag-aabuso sa bata sa Hapón noong piskal na taon ng 1998, kung ihahambing sa nakalipas na taon, ang sabi ng Asahi Evening News. Ipinalalagay ng mga dalubhasa na ito ay dahil sa “dumaraming pahirap na binabata ng mga ina, na marami sa kanila ang nagdadala ng buong pasanin ng pagpapalaki sa kanilang mga anak,” gayundin ang “pagkakaroon ng higit na kabatiran ng madla sa pangkalahatan” may kinalaman sa kanilang pananagutan na ireport ang pag-aabuso o pagpapabaya. Binabanggit ng The Daily Yomiuri na nasaksihan din ng Hapón ang pagdami sa bilang ng mga kamatayan ng mumunting bata na iniwang mag-isa sa bahay o sa loob ng nakaparadang mga kotse. Sa ilang kaso, ang kanilang mga magulang na wala sa bahay ay nagsusugal sa mga pachinko pinball machine. Hanggang kamakailan, iilang magulang ang pinapanagot sa salang krimen sa gayong mga kaso. Gayunman, binabalak ng mga awtoridad sa ngayon na higpitan ang pagdedemanda sa lubhang nagpapabayang mga magulang.
Mga Bagong Silang na May HIV
“Kalahati ng lahat ng mga sanggol sa Aprika ay isinilang na nahawahan ng HIV, ang virus na nagiging AIDS,” ang ulat ng United Press International. Si Dr. Peter Piot, tagapagpatupad na patnugot ng Joint United Nations Programme on HIV/AIDS, ay nagsabi na pinaikli ng HIV at AIDS ang haba ng buhay nang 25 taon sa ilang bahagi ng Aprika. Ang sabi pa ng ulat: “Ang 21 bansa na may pinakamataas na kaso ng pagkahawa ng HIV ay pawang nasa Aprika, at sa 10 sa mga bansang ito, hindi kukulangin sa 10 porsiyento ng populasyon ang nahawahan.” Sa lahat ng mga kamatayang nauugnay sa AIDS sa buong daigdig, mga 80 porsiyento ang nangyari sa Aprika.
Lakas sa Pedal
“Ang isa sa pinakamatipid sa enerhiya na paraan sa pagbibiyahe ay maaaring ang isang bisikleta—hindi lamang dahil sa gumagamit ito ng lakas-pedal kundi napakakaunting enerhiya lamang ang nawawala dahil sa disenyo nito,” sabi ng isang ulat ng Reuters. Sinusuri ang mga bahagi ng bisikleta na kontrolado ng computer sa pamamagitan ng isang infrared na kamera, napansin ng mga inhinyero sa Johns Hopkins University sa Baltimore na bahagyang init lamang ang nalikha habang kumikilos ang kadena. “Sa kanilang pagtataka, nasumpungan ng mga inhinyero na ang kadenang nagpapatakbo sa bisikleta ay may iskor na 98.6 porsiyento na katipiran sa enerhiya, na ang ibig sabihin ay wala pang 2 porsiyento ng lakas na ginamit upang paikutin ang plaka ng bisikleta ang nawala bilang init,” ang sabi ng ulat. “Ang pinakamababang naging iskor ng bisikleta, sa ilalim ng iba’t ibang kalagayan, ay 81 porsiyentong katipiran.” Si James Spicer, na nanguna sa pag-aaral, ay nagsabi: “Kamangha-mangha ito para sa akin, lalo na kung natatanto mo na ang mahalagang pagkakagawa ng kadenang ito na nagpapatakbo sa bisikleta ay hindi nagbago sa loob ng mahigit na 100 taon.”
“Nakapipinsalang Ulan”
Isang likas na kababalaghan, na kilala bilang nakapipinsalang ulan ang nangyayari sa Turpan, sa Sinkiang Uighur Autonomous Region ng Tsina. Kahit nagdaraan ang maiitim na ulap ng ulan, ang lagay ng panahon ay maaaring manatiling mainit at tuyo sa lupa, ang ulat ng China Today. Ang ulan ay waring pumapatak mula sa kalangitan, at maaari pa ngang madama ng isang tao na pumapatak ang ulan sa pamamagitan ng pagkaway ng kaniyang kamay sa itaas sa himpapawid. Gayunman, dahil sa lubhang tigang na klima ng Turpan, mas mabilis na nangyayari ang pagsingaw kaysa pagpatak ng ulan. Kaya, ang “nakapipinsalang ulan” ay nagiging singaw bago pa man ito makarating sa lupa.
Pagkain na Nakamamatay
Inalis ng isang beterenaryong siruhano sa distrito ng Kutch sa gawing kanluran ng India ang 45 kilong supot na plastik mula sa tiyan ng isang may sakit na baka, ang ulat ng The Week, isang magasin sa Kerala, India. Bukod sa mga supot, nasumpungan din niya ang tela, bunot ng niyog, isang ikid ng alambre, at isang turnilyo. Ang gumagalang mga baka sa India ay nanginginain lamang ng basura, at mapanganib para sa kanila ang itinapong mga supot. Kahit na ang mga gatasang baka na pribadong pag-aari ay kadalasang kumakain ng basura sa tabi ng daan kapag nagtutungo sa mga dako kung saan sila nanginginain ng damo. Ang beterenaryo, si Dr. Jadeja, ay nagsasabi na ang pagkain ng plastik ay pangalawa lamang sa foot-and-mouth disease na problema sa mga baka. Ang hindi natutunaw na plastik ay humaharang sa tiyan, anupat hindi manguya ng baka ang nangatang pagkain. Ang gayong mga baka ay kalimitang pinababayaang mamatay. Ipinagbigay-alam kay Dr. Jadeja ang hinggil sa problema ng mga manggagawa ng sapatos na nakasumpong ng maraming plastik sa mga tiyan ng patay nang mga baka kapag inaalis ang mga balat ng mga ito.