Mga Pagkaing Binago ang Henetikong Kayarian—Ligtas ba Ito Para sa Iyo?
Mga Pagkaing Binago ang Henetikong Kayarian—Ligtas ba Ito Para sa Iyo?
DEPENDE sa lugar na iyong tinitirhan, maaaring nakakain ka ngayon sa iyong almusal, pananghalian, o hapunan ng mga pagkaing binago ang henetikong kayarian (genetically modified o GM). Maaaring iyon ay mga patatas na nasasangkapan ng panlaban sa mga insekto o mga kamatis na mas matagal mabulok matapos na pitasin ang mga ito. Sa paano man, marahil ay walang tatak ang GM na pagkain o sangkap, at hindi malalasahan ng iyong dila ang pagkakaiba nito sa likas na pagkain o sangkap.
Kahit habang binabasa mo ang artikulong ito, ang mga pananim na GM tulad ng mga balatong, mais, rapeseed, at mga patatas ay pinatutubo sa Argentina, Brazil, Canada, Tsina, Mexico, at sa Estados Unidos. Ayon sa isang ulat, “pagsapit ng 1998, binago na ang henetikong kayarian ng 25 porsiyento ng mais, 38 porsiyento ng balatong, at 45 porsiyento ng bulak na pinatutubo sa Estados Unidos, upang ang mga pananim ay huwag tablan ng mga pamatay ng damo o kaya’y makapaglabas ang mga ito ng sariling pestisidyo.” Sa pagtatapos ng 1999, tinatayang 40 milyong ektarya sa buong daigdig ang pinatutubuan ng mga pananim na GM para ikalakal, bagaman hindi lahat ng mga ito ay mga pananim na pagkain.
Ligtas ba para sa iyo ang mga pagkaing binago ang henetikong kayarian? Ang mga siyentipikong pamamaraan ba na ginamit upang makagawa ng mga pananim na GM ay nagsasapanganib sa kapaligiran? Sa Europa, tumitindi ang mga pagtatalo hinggil sa mga pagkaing GM. Sinabi ng isang tumututol mula sa Inglatera: “Ang tanging pagtutol ko laban sa mga pagkaing binago ang henetikong kayarian ay na ang mga ito’y di-ligtas, di-kanais-nais at di-kinakailangan.”
Paano Binabago ang Henetikong Kayarian ng Pagkain?
Ang siyensiya na nasa likuran ng mga pagkaing GM ay tinatawag na biotechnology sa pagkain—ang paggamit ng modernong henetiko upang mapasulong ang mga halaman, hayop, at pagkaliliit na mga organismo para sa produksiyon ng pagkain. Mangyari pa, ang konsepto ng pagbutingting sa nabubuhay na mga bagay ay halos kasintanda na ng agrikultura mismo. Ang unang magsasaka na pumili ng kaniyang pinakamahusay na toro para palahian sa pinakamahusay na baka upang pahusayin ang kalidad ng kaniyang mga hayupan, sa halip na hayaang magpalahi ang mga ito sa kanilang ganang sarili, ay nagsasagawa ng sinaunang biotechnology. Ang
unang panadero na gumamit ng mga lebadura upang paalsahin ang tinapay ay gumamit din ng isang nabubuhay na bagay upang makagawa ng isang pinahusay na produkto. Ang isang bagay na magkakatulad sa mga tradisyonal na sistemang ito ay ang paggamit ng likas na mga proseso upang mapangyari ang mga pagbabago sa mga pagkain.Sa gayunding paraan, ang modernong biotechnology ay gumagamit ng nabubuhay na mga organismo upang makalikha o makapagpabago ng mga produkto. Ngunit di-tulad ng tradisyonal na mga pamamaraan, napangyayari ng modernong biotechnology na mabago nang tuwiran at nang may katumpakan ang henetikong kayarian mismo ng mga organismo. Pinangyayari nitong mailipat ang mga gene sa pagitan ng lubusang magkaibang mga organismo, na nagbubunga ng mga kombinasyon na malamang na hindi mangyayari sa tradisyonal na pamamaraan. Maaari nang kunin ng mga tagapagparami ang mga katangian mula sa ibang organismo at ilakip ang mga ito sa genome ng isang halaman—halimbawa, maaari nilang kunin ang kakayahang lumaban sa lamig mula sa mga isda, ang panlaban sa mga sakit mula sa mga virus, at ang panlaban sa mga insekto mula sa mga baktiryang nasa lupa.
Sabihin nating ayaw ng isang magsasaka na ang kaniyang mga patatas o mansanas ay magkulay-kayumanggi kapag nahiwa o nagilitan ang mga ito. Mapangyayari ito ng mga mananaliksik sa pamamagitan ng pagtatanggal sa gene na siyang sanhi ng pagkukulay-kayumangging ito at paghahalili rito ng isang binagong bersiyon na pumipigil sa pagkukulay-kayumanggi. O ipaghalimbawa nating nais ng isang tagapagpatubo ng mga beet na magtanim nang mas maaga upang magkaroon ng mas magandang ani. Karaniwan nang hindi niya magagawa ito sapagkat magyeyelo ang mga beet sa malamig na panahon. Dito pumapasok ang biotechnology, kapag isinalin sa mga beet ang mga gene mula sa isda na maalwang nabubuhay sa malamig na tubig. Ang resulta ay isang beet na GM na makatatagal sa mga temperaturang kasimbaba ng -6.5°C., dalawang beses ang kahigitan ng lamig kaysa sa pinakamababang temperatura na karaniwan nang matatagalan ng mga beet.
Gayunman, ang gayong mga katangian na resulta ng paglilipat ng isang gene ay may limitadong bisa. Ang pagbabago sa mas komplikadong mga katangian, tulad ng bilis ng paglaki o
kakayahang makatagal sa panahon ng tagtuyot, ay iba pang bagay. Hindi pa kaya ng modernong siyensiya na paglipat-lipatin ang buu-buong grupo ng mga gene. Kung sa bagay, marami sa mga gene na ito ay ni hindi pa naman natutuklasan.Isang Bagong Green Revolution?
Maging ang limitadong pagpapabago sa henetikong kayarian ng mga pananim ay labis nang nagpapasigla sa mga tagapagtaguyod ng biotechnology. Sinasabi nila na ang mga pananim na GM ay magdudulot ng isang bagong green revolution. Isang nangungunang kompanya sa larangan ng biotechnology ang nagpahayag na ang henetikong inhinyeriya ay “magiging isang matagumpay na paraan sa pagsisikap na maglaan ng pagkain” para sa populasyon ng daigdig na nadaragdagan ng 230,000 tao bawat araw.
Ngayon pa lamang, ang gayong mga pananim ay nakatutulong na sa pagbaba ng halaga ng produksiyon ng pagkain. Ang mga halamang pagkain ay sinangkapan ng isang gene na gumagawa ng isang natural na pestisidyo, sa gayo’y inaalis ang pangangailangan na magdilig ng maraming nakalalasong kemikal sa mga ekta-ektaryang pananim. Kabilang sa pinauunlad na mga pananim na binago ang kayarian ay ang mga balatong at butil na mas marami ang protina—na nagdudulot ng malaking kapakinabangan sa mas mahihirap na bahagi ng daigdig. Maaaring isalin ng gayong mga “superhalaman” ang kanilang kapaki-pakinabang na bagong mga gene at katangian sa susunod na mga henerasyon, anupat nagbibigay ng mas masasaganang ani sa mahihinang lupa sa mahirap na mga bansang may labis na populasyon.
“Tiyak na marami pang dapat talakayin upang mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka sa daigdig na ito,” ang sinabi ng presidente ng isang nangungunang kompanya sa biotechnology. “At gagawin natin iyan—sa pamamagitan ng paggamit ng biotechnology upang gawin sa molekula at sa isang gene ang ginagawa na ng mga tagapagparami ng halaman sa loob ng mga dantaon sa ‘buong mga halaman.’ Gagawa tayo ng mas mahuhusay na produkto, na nakaaabot sa espesipikong mga pangangailangan at gagawin natin ito nang mas mabilis kaysa sa dati.”
Gayunman, ayon sa mga siyentipiko sa agrikultura, ang mabilis na pagtataguyod sa henetikong inhinyeriya bilang isang solusyon sa kakulangan ng pagkain sa daigdig ay nagpapahina sa kasalukuyang pagsasaliksik sa mga pananim. Bagaman hindi kasimpambihira, ang pagsasaliksik na ito ay mas epektibo at makapagbibigay rin ng kapakinabangan sa mas mahihirap na bahagi ng daigdig. “Hindi tayo dapat pilitin ng hindi pa napatutunayang teknolohiyang ito yamang maraming iba pang mas epektibong solusyon sa mga suliranin sa pagkain,” ang sabi ni Hans Herren, isang eksperto sa paglaban sa mga sakit sa pananim.
Etikal na mga Pagkabahala
Karagdagan pa sa posibleng mga panganib sa kalusugan ng publiko at ng kapaligiran, ang ilan ay nakadarama na ang pagpapabago sa henetikong kayarian ng mga pananim at ng iba pang nabubuhay na mga organismo ay naghaharap ng moral at etikal na mga pagkabahala. Ang siyentipiko at aktibistang si Douglas Parr ay nagsabi: “Ang henetikong inhinyeriya ay pasimula ng isang bagong yugto sa pagpapatakbo ng tao sa planeta, anupat binabago nito ang kayarian ng buhay mismo.” Ganito naman ang pagkakasabi ni Jeremy Rifkin, awtor ng aklat na The Biotech Century: “Minsang magawa mong lampasan ang biyolohikal na mga limitasyon, pinasisimulan mong malasin ang mga uri ng buhay bilang mga henetikong impormasyon na lamang na maaaring baguhin. Ito’y nagpapangyari sa atin na magkaroon ng isang talagang bagong konsepto hindi lamang sa ating kaugnayan sa kalikasan, kundi maging sa paraan ng paggamit natin dito.” Sa gayon ay itinanong niya: “Sa ganang sarili ba ay may likas na halaga ang buhay o ito’y nariyan lamang para gamitin? Ano ang ating obligasyon sa susunod na mga salinlahi? Ano ang ating nadaramang pananagutan sa ating mga kapuwa nilalang na kasabay nating umiiral?”
Ang iba pa, kasali na si Prince Charles ng Inglatera, ay nangangatuwiran na ang paglilipat ng mga gene sa pagitan ng lubusang di-magkatulad na mga uri ng buhay “ay panghihimasok sa teritoryo na sakop ng Diyos, at para sa Diyos lamang.” Matibay na pinaniniwalaan ng mga estudyante ng Bibliya na ang Diyos “ang bukal ng buhay.” (Awit 36:9) Gayunman, walang tunay na patotoo na hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang mapamiling pagpaparami ng mga hayop at halaman, isang bagay na nakatulong sa ating planeta upang masustinihan ang bilyun-bilyong tao na naninirahan dito. Panahon lamang ang makapagsasabi kung ang modernong biotechnology ay makapipinsala sa mga tao at sa kapaligiran. Kung tunay ngang pinanghihimasukan ng biotechnology ang “teritoryo na sakop ng Diyos,” kung gayon—dahil sa pag-ibig at pagmamalasakit sa sangkatauhan—maaari niyang baligtarin ang epekto ng gayong pangyayari.
[Kahon sa pahina 26]
Potensiyal na mga Panganib?
Napakabilis ng pagsulong ng biotechnology anupat ang batas ni ang mga ahensiyang nangangasiwa ay hindi na makaagapay. Halos hindi maiwasan na lumitaw ang di-inaasahang mga epekto sa pagsasaliksik. Isang dumaraming bilang ng mga kritiko ang nagbababala sa di-sinasadyang mga resulta, mula sa matinding kaguluhan sa hanapbuhay ng mga magsasaka sa daigdig hanggang sa pagkawasak ng kapaligiran at mga panganib sa kalusugan ng tao. Nagbababala ang mga mananaliksik na walang matagalan at malawakang mga pagsubok upang patunayan ang pagiging ligtas ng mga pagkaing binago ang henetikong kayarian (GM). Binanggit nila ang ilang potensiyal na mga panganib.
● Alerdyi. Halimbawa, kung mapunta sa mais ang isang gene na naglalabas ng isang protina na nagiging sanhi ng alerdyi, malalantad sa malaking panganib ang mga taong may alerdyi sa pagkain. Sa kabila ng bagay na ang mga ahensiyang nangangasiwa sa pagkain ay nag-uutos na ireport ng mga kompanya kung ang mga pagkaing binago ang kayarian ay naglalaman ng mga protinang nagdudulot ng problema, nangangamba ang ilang mananaliksik na ang mga di-kilalang allergen ay maaaring makalusot sa pagsusuri.
● Higit na lason. Pinaniniwalaan ng ilang eksperto na ang pagbabago sa henetikong kayarian ay makapagdaragdag sa likas na mga lason ng halaman sa di-inaasahang mga paraan. Kapag naging aktibo ang isang gene sa halaman, maaaring hindi lamang gampanan nito ang kanais-nais niyang bahagi kundi pasiglahin din nito ang pagpapalabas ng likas na mga lason.
● Kakayahang labanan ang mga antibiotic. Bilang bahagi ng proseso ng pagbabago sa henetikong kayarian ng mga halaman, gumagamit ang mga siyentipiko ng tinatawag na mga marker gene upang malaman nila kung ang kanais-nais na gene ay matagumpay na nailipat. Yamang ang karamihan sa mga marker gene ay naglalaan ng panlaban sa mga antibiotic, nangangamba ang mga kritiko na maaari itong makaragdag sa lumalaking suliranin hinggil sa kakayahan ng mga halaman na labanan ang mga antibiotic. Gayunman, ang ibang siyentipiko ay nangangatuwiran na binago ang kayarian ng gayong mga marker gene bago gamitin, kung kaya nababawasan ang panganib na ito.
● Paglaganap ng mga “superpanirang-damo.” Ang isa sa pinakamalaking pangamba ay na minsang patubuin ang mga pananim na binago ang henetikong kayarian, ang mga gene ay makapupuslit sa pamamagitan ng mga buto at polen at mapupunta sa iba pang katulad na uri ng damo, sa gayo’y lumilikha ng mga “superpanirang-damo” na nakalalaban sa mga pamatay ng panirang-damo.
● Pinsala sa ibang mga organismo. Noong Mayo 1999, iniulat ng mga mananaliksik mula sa Cornell University na ang mga uod ng paruparong monarch na nakakain ng mga dahon na may polen mula sa mais na GM ay nagkasakit at namatay. Bagaman ang iba ay nag-aalinlangan sa pagiging mapagkakatiwalaan ng pag-aaral na ito, mayroon pa ring pangamba na ang mga uri ng buhay na hindi dapat patayin ay maaaring mapinsala.
● Pagtigil sa paggamit ng ligtas na mga pestisidyo. Kabilang sa pinakamatagumpay na mga pananim na GM ay ang ilan na may gene na naglalabas ng isang lason para sa mga pesteng insekto. Gayunman, nagbababala ang mga biyologo na ang paglalantad ng mga peste sa lason na ginawa ng gene na ito ay tutulong sa mga peste na magkaroon ng panlaban sa mga pestisidyo kung kaya’t magiging walang bisa ang mga pestisidyo.