Pagsupil sa Salarin
Pagsupil sa Salarin
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Canada
LUMALAGANAP ito sa kagubatan, nilalampasan ang mga mura at sinasalakay ang magugulang na. Ang salarin ay napakaliit kung ihahambing sa mga biktima nito. Maliksi itong kumikilos at hindi ito nasisiyahan hangga’t hindi nakukumpleto ang paninira. Habang sinisikap ng biktima na mapalayas ang nang-aatake, nagkakaroon ng isang buhay-at-kamatayang pagtutunggali. Nagwawagi ang nang-aatake sa dakong huli.
Sino kaya ang katunggaling ito? Ang umaatake ay ang maliit na mountain pine beetle (uwang na nasa puno ng pino), na nagmula sa gawing kanluran ng Hilagang Amerika. Ang binibiktima nito ay ang mataas na lodgepole pine (isang uri ng puno ng pino), na karaniwan sa liblib na dako ng lalawigan ng British Columbia, Canada.
Ang humigit-kumulang na 35 porsiyento ng kagubatan sa lalawigan ay natatamnan ng mga lodgepole pine—isang naaangkop na palahian ng hugis-silindrong mountain pine beetle, na tatlo hanggang walong milimetro lamang ang sukat. Sa pasimula, ang pinupuntirya nito ay ang di-malulusog at magugulang nang hanay ng mga puno ng pino. Gayunman, habang dumarami ang populasyon ng mga uwang, napaparamay ang malulusog na punungkahoy. (Tingnan ang kahong “Ang Siklo ng Buhay ng Mountain Pine Beetle.”) Ang kamakailang mga epidemya sa British Columbia ay nagbunga ng pagkamatay ng 30 milyong puno ng pino sa loob lamang ng isang taon. Tinatayang marami-raming uwang ang maaaring lumitaw mula sa pinamumugaran nitong punungkahoy upang sa sumunod na taon ay pumatay ng dalawang punungkahoy na magkasinlaki.
Ang mountain pine beetle ay isang likas na bahagi ng ekosistema, at kasabay ng malalaking sunog ang mga uwang ay nagsisilbing tagaresiklo ng mga kagubatan ng puno ng pino na magugulang na. Gayunman, ang panghihimasok ng mga tao sa pamamagitan ng pag-alam at pagsugpo sa sunog, ay nakatulong upang maingatan ang malalaking lugar ng magugulang at sobrang-gulang na mga hanay ng punungkahoy. Bagaman naingatan nito ang mga tirahan ng maiilap na hayop at ang ruta ng pandarayuhan ng mga hayop maging ang mga kagubatan na ginagawang pasyalan at ginagamit sa industriya, ito ay lumikha rin ng pangangailangang kontrolin ang mountain pine beetle. Paano, kung gayon, hinahanap at sinusubaybayan ang maliliit na pesteng ito sa malawak na kagubatan? Ano, kung mayroon man, ang magagawa upang masalungat ang nagaganap na pagkawasak na dulot ng mga ito?
Paghuli at Pagsubaybay
Ang pagkontrol sa mountain pine beetle ay nagsisimula sa paghuli sa mga ito. Mula sa himpapawid ay gumagawa ng isang pagsusuri sa malawak na kagubatan upang hanapin ang mga puno na pula ang taluktok. Ang gayong mga puno ay pinamugaran na at madaling makita sa gitna ng luntiang kapaligiran. Ang lugar na pinamumugaran at ang bilang ng mga pulang puno ay nakikilala sa pamamagitan ng paggamit ng isang global positioning system (GPS). Ang impormasyon ay inirerekord at maingat na iniimbak sa isang nabibitbit na computer. Pagkatapos, ipinapasok ito sa mga computer sa opisina at itinatala sa detalyadong mga mapa ng kagubatan sa pamamagitan ng
mabisang mga sistema na nagbibigay ng impormasyon sa heograpiya. Ang bawat pinamumugaran ay tinatakdaan ng isang bilang, at isang listahan ang lumalabas na ibinibigay ang eksaktong kinaroroonan ng bawat dako nito. Mahalaga ito para sa pangkat ng mga tagasubaybay na nasa kagubatan mismo, na pinahahayo upang tiyakin kung gaano kalalâ ang pamumugad.Gayunman, ang tunay na panganib sa kagubatan ay hindi ang mga punong pula kundi ang mga luntiang puno na kasalukuyang inaatake. Pangkaraniwan nang ang mga ito ay nakikilala dahil may kulapol ng resin sa paligid ng butas na pinasukan ng mga uwang at may alikabok mula sa pagbubutas, o kusot, sa ugat ng puno. Ang lahat ng inaatakeng mga puno ay minamarkahan ng mga lasong plastik at pinipinturahan ng numero. Ang mga katangian ng lugar at ang bilang ng inatakeng mga puno ay itinatala pati na ang iba pang impormasyon na kailangan upang matulungan ang mga ahensiyang may pananagutan na magpasiya kung ano ang dapat gawin upang kontrolin ang paglaganap ng pamumugad.
Mga Paraan ng Pagkontrol
Kapag gayon na lamang kalawak ang pamumugad anupat kailangan nang putulin ang mga puno, isa pang pangkat ang pinahahayo upang lagyan ng tanda ang dako. Ang isang plano sa pagputol ng mga puno ay isinusumite sa Ministry of Forests para ito’y aprubahan. Ang kompanyang puputol sa mga puno ay may pananagutan din na muling tamnan ng mga puno ang dakong iyon at pangalagaan ang mga punla hanggang sa ang mga ito’y maaari nang mabuhay sa ganang sarili. Ang ganitong proseso ay hindi lamang nagpapangyari na mapakinabangan ang mga puno kundi isa rin itong paraan upang makontrol ang paglaganap ng pamumugad at upang makapagpalaki ng bagong mga puno.
Gayunman, kung hindi angkop ang pagputol ng mga puno, ang isa-isang paggamot sa mga puno ay maaaring imungkahi. Baka kailanganing turukan ng pestisidyo ang pinamumugarang puno o kaya’y putulin na at sunugin ito sa mismong dako nito. Ang huling nabanggit na paraan, na ginagawa sa dulong taglamig o maagang tagsibol bago lumitaw ang mga uwang, ay napakaepektibo ngunit matrabaho naman. Si Dale, isang eksperto sa pagkilala at pagkontrol sa gayong mga pamumugad, ay naglarawan sa Gumising! kung ano ang rutin sa isang tipikal na araw para sa gawain.
“Bahagi ng unang hakbang ang pagmamaniobra sa makikipot na daan na dinaraanan din ng malalaking trak na pantroso na naglululan ng mabibigat na kargado. Para sa kaligtasan, gumagamit kami ng isang two-way radio upang masubaybayan ang nangyayari sa daan. Sa dulo ng daan, ibinababa namin ang aming mga snowmobile at mga paragos at naglalakbay sa pinakapusod ng kagubatan. Maingat naming bitbit ang aming GPS at mga compass, pati ang mga chain saw, gas, langis, palakol, radyo, sapatos na pangyelo, at mga kagamitang pang-first-aid. Tinatawid namin ang mga latian, mga lugar na pinagputulan ng punungkahoy,
at matatandang daanan sa palumpong, na may ilang kilometro ang layo. Kapag hindi na makasuong ang aming mga snowmobile, nagsusuot kami ng mga sapatos na pangyelo, kung kaya’t kahit may kahirapan ay nakalalakad kami sa niyebe na kasinlalim ng 120 centimetro sa ilang mga lugar.“Naging isang hamon ang baku-bakong daan para bitbitin ang 15 kilo ng kagamitan. Mabilis ang tibok ng aming mga puso dahil sa pagod. Anong laking tuwa namin nang marating ang dako! Ngunit ngayon pa lamang nagpapasimula ang tunay na gawain. Pinababagsak ng isang sanay at kuwalipikadong manggagawa ang pinamumugarang puno tulad ng pagkaasintado ng isang mamamaril. Pagkatapos, ang ibang manggagawa ay kikilos at puputulin ang mga puno sa katamtamang haba upang sunugin. Kailangang lubusang sunugin ang balat ng kahoy upang mamatay ang mga uod. Sa panahon ng pananghalian, anong laking pasasalamat namin at may apoy kami sa gitna ng lamig na menos 20 digri Centigrado. Dito kami nagpapainit ng aming sarili at ng aming malalamig na tinapay. Pagkatapos ay panahon na upang bumalik sa trabaho. Gayunman, di-nagtatagal ay nagpapasimula nang magdilim ang kalangitan sa panahong ito ng taglamig, na nagpapaalaala sa amin na kailangan na kaming umuwi.”
Pagtatrabaho sa Kagubatan
Mabigat ang trabaho ng mga manggagawa sa kagubatan. Samantalang hinaharap ng may-kakayahang mga indibiduwal na ito ang mga hamon, natutuwa rin sila sa mga nilalang na nakapaligid sa kanila. Lakip dito ang kamangha-manghang tanawin at di-malimot na mga nakakatagpong mga hayop sa gubat. Hindi naman mapanganib ang ilang pagtatagpong ito, gaya noong maingay na lumipad ang isang ibon mula sa niyebe palibhasa’y muntik nang matapakan o noong ang isang squirrel sa kasamaang-palad ay mabulabog mula sa lungga nito at tumakbo pataas sa pantalon ng isang manggagawa, na lumikha ng malaking gulo. Gayunman, ang ibang pagtatagpo ay maaaring makamatay—maaaring habulin ang isa ng isang kulay-kape o kulay-itim na osong naninirahan doon. Ngunit sa pangkalahatan, maaaring mabawasan ang mga panganib sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kabatiran at pagsasanay, at maaaring tamasahin ng mga manggagawa ang kapaligiran ng kagubatan nang walang gaanong kinatatakutan.
Ang kapana-panabik na mga pagsulong sa paggamit ng teknolohiya ay ginagawa upang pangasiwaan ang mahahalagang yaman ng lupa. Maraming nababahalang indibiduwal ang nagsisikap na ingatan at pangalagaan ang ating mahahalagang puno sa pamamagitan ng pagkontrol sa mga bagay na katulad ng mountain pine beetle. Walang alinlangan, marami pa ang dapat alamin hinggil sa ating kamangha-manghang mga kagubatan. Inaasam-asam natin ang panahon kapag maaari na nating alagaan ang mga ito nang lubusan kasuwato ng kanilang orihinal na disenyo.
[Kahon/Dayagram sa pahina 22]
Ang Siklo ng Buhay ng Mountain Pine Beetle
Sa kalagitnaan ng tag-araw, binubutas ng isang adultong uwang na babae ang balat ng lodgepole pine papunta sa banakal. Pagkatapos makipagtalik, ang uwang na babae ay naglalabas ng 75 itlog. Habang nangingitlog, naglalabas din siya ng fungus na nagmamantsa ng asul sa banakal upang mahadlangan ang pagdaloy ng resin na maaaring pumatay sa mga uwang. Napipisa ang mga itlog at nagiging maliliit na uod na kumakain ng phloem (isang masalimuot na himaymay) ng puno. Sa loob ng mga linggo ng matagumpay na pag-atake ng mga uwang, ang pinamumugarang puno ay namamatay dahil sa paghinto ng daloy ng tubig at sustansiya. Lumalaki ang mga uod sa taglamig at lumalabas sa tag-araw upang lumipad at umatake sa bagong mga puno at ulitin ang siklo.
[Dayagram]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Adulto
Mga itlog
Uod
Pupa
[Mga larawan sa pahina 22, 23]
Malapitang larawan ng nasirang puno
Pinamumugarang mga puno
Mga kulapol ng resin