Kumusta Na ang Moral sa Ngayon?
Kumusta Na ang Moral sa Ngayon?
Isang umaga noong Abril 1999, naligalig ang katahimikan sa bayan ng Littleton, malapit sa Denver, Colorado, E.U.A. Dalawang kabataan na naka-trench coat (parang amerikanang kapote) na itim ang pumasok sa paaralang haiskul doon at pinagbabaril ang mga estudyante at mga guro. Nagpasabog din sila ng mga bomba. Labindalawang estudyante at isang guro ang namatay, at mahigit sa 20 ang nasugatan. Tinapos ng mga salarin ang masaker sa pamamagitan ng pagkitil sa kanilang sariling buhay. Sila ay 17 at 18 taóng gulang lamang at may masidhing poot sa ilang grupo.
NAKALULUNGKOT, ang halimbawang binanggit sa itaas ay hindi lamang natatanging pangyayari. Iniuulat ng mga pahayagan, radyo, at telebisyon ang gayunding mga pangyayari sa buong daigdig. Ayon sa National Center for Education Statistics, mga 11,000 mararahas na pangyayari na nagsasangkot ng mga sandata sa mga paaralan sa Amerika ang naiulat noong 1997. Sa Hamburg, Alemanya, dumami
nang 10 porsiyento ang mga ulat hinggil sa mararahas na gawa noong 1997, at 44 na porsiyento sa mga suspek ay mga kabataan na wala pang 21 anyos.Ang katiwalian ng mga pulitiko at mga opisyal ng pamahalaan ay karaniwan na. Isiniwalat ng isang ulat ng komisyoner ng European Union (EU) na si Anita Gradin noong 1998 na ang halaga ng katiwalian sa loob ng EU noong 1997 ay tinaya na 1.4 bilyong dolyar. Lahat ay sangkot dito, mula sa pagpapawalang-bisa sa tiket dahil sa maling pagparada hanggang sa pandaraya upang makatanggap ng pinansiyal na mga tulong mula sa EU para sa agrikultura o sa iba pa. Pinahintulutang magtinging legal ang ilegal na pagkuha ng malalaking pondo at ang pagpupuslit ng mga sandata at mga narkotiko, at ang mga empleado ng EU ay sinuhulan ng kriminal na mga organisasyon upang manahimik. Ang buong EU Commission ay nagbitiw sa trabaho noong 1999.
Gayunman, hindi lamang yaong mga nasa matataas na antas ng lipunan ang nandaraya. Isang ulat mula sa EU Commission may kinalaman sa ilegal na mga manggagawa ang nagsiwalat na umaabot sa 16 na porsiyento ng kabuuang pambansang produkto ng EU ang binubuo ng mga kinita mula sa mga negosyo na hindi nakarehistro at hindi nagbabayad ng buwis. Sa Russia, ang ilegal na kabuuang kita ay iniuulat na umaabot sa 50 porsiyento. Bukod dito, sa Estados Unidos, sinabi ng Association of Certified Fraud Examiners na taun-taon ay nalulugi ang mga kompanya ng mahigit pa sa 400 bilyong dolyar dahil sa mga empleadong nagnanakaw ng salapi o ari-arian mula sa kanila.
Ang Internet ay ginagamit ng maraming pedophile na naghahangad na marahuyo ang mga bata at mga menor-de-edad sa ilegal na mga gawain sa sekso. Tumitindi ang pagkabahala tungkol sa pornograpya sa mga bata sa Internet, ayon sa isang tagapagsalita sa Sweden para sa Save the Children. Sa Norway noong 1997, ang organisasyong ito ay nakatanggap ng 1,883 tip tungkol sa mga Web site sa Internet hinggil sa pornograpya sa mga bata. Nang sumunod na taon, ang bilang ng gayong mga tip ay biglang tumaas nang halos 5,000. Karamihan sa mga materyal ay ginagawa sa mga bansa na kung saan hindi makontrol ng pamahalaan o ng lokal na mga awtoridad ang karumal-dumal na gawaing ito.
Mas Mabuti Pa Kaya Noon?
Ang maraming tao na nanghihilakbot sa napakasamang kalagayan ng moral sa daigdig ngayon ay maaaring buong-pananabik na gumugunita sa magandang pagsasamahan ng pamayanan noong panahon ng kanilang mga magulang o mga lolo’t lola. Marahil ay narinig nila na mas payapa ang buhay ng mga tao noon at na mataas ang pagpapahalaga sa katapatan at iba pang aspekto ng moralidad sa lahat ng antas ng lipunan. Marahil ay ikinukuwento ng mga mas nakatatanda ang panahon nang nagtutulungan pa ang masisipag na mga tao, matibay pa ang ugnayan ng pamilya, at ang mga kabataan ay nakadarama pa ng katiwasayan at sila ay tumutulong noon sa bukirin ng kanilang mga magulang o sa kanilang talyer.
Umaakay ito sa mga tanong na: Ang moral ba ng mga tao noon ay talagang mas mabuti kaysa sa ngayon? O dahil lamang sa kasabikan sa nakaraan kung kaya napipilipit ang ating alaala sa nakalipas na mga panahon? Tingnan natin kung paano sumasagot ang mga istoryador at ang ibang tagasuri sa lipunan.
[Kahon sa pahina 3]
Binigyang-Katuturan ang Moral
Sa mga artikulong ito, ang salitang “moral” ay ginagamit sa diwa na may kaugnayan sa mga simulain hinggil sa tama at maling paggawi ng tao. Kasali rito ang pagkamatapat, pagiging totoo, at matataas na pamantayan ng asal sa sekso at sa iba pang bagay.