Kung Paano Ka Makahihinto
Kung Paano Ka Makahihinto
TULAD ng pag-aaral na sumakay sa isang bisikleta, ang paghinto sa paninigarilyo ay bihirang nagagawa sa unang pagtatangka mo. Kaya kung determinado kang huminto, dapat ay handa kang gumawa ng paulit-ulit na pagsisikap hanggang sa magtagumpay ka. Huwag mong malasin ang pagbalik sa bisyo na isang pagkatalo. Ituring mo ito bilang isang karanasan sa pagkatuto, isang maliit na balakid sa maaaring maging isang matagumpay na programa. Narito ang ilang mungkahi na nakatulong sa iba. Maaari ring makatulong ito sa iyo.
Ihanda ang Iyong Isip na Huminto
■ Una muna, dapat mong kumbinsihin ang iyong sarili na sulit ang pagsisikap sa paghinto. Itala ang iyong mga dahilan sa pagnanais na huminto, pati na ang lahat ng mga pakinabang. Pagkatapos mong huminto, ang pagrerepaso sa talaang ito ay magpapatibay sa iyong pasiya. Ang pagnanais na palugdan ang Diyos ang pinakamabuting motibo sa paghinto. Sinasabi ng Bibliya na dapat nating ibigin ang Diyos ng ating buong pag-iisip, puso, kaluluwa, at lakas. Iyan ang isang bagay na hindi natin magagawa kung sugapa tayo sa tabako.—Marcos 12:30.
■ Suriin mo ang iyong mga kaugalian sa paninigarilyo upang malaman kung kailan at bakit ka naninigarilyo. Maaaring masumpungan mong kapaki-pakinabang na isulat sa papel kung kailan at saan mo hinihitit ang bawat sigarilyo sa isang karaniwang araw. Tutulong ito sa iyo na patiunang makita ang mga situwasyon na maaaring tumukso sa iyo na manigarilyo pagkatapos mong huminto.
Iplano ang Petsa ng Paghinto
■ Pumili ng isang petsa sa paghinto, at markahan ito sa iyong kalendaryo. Pinakamainam na piliin ang isang araw kapag ikaw ay hindi pagod. Pagdating ng araw na iyon, huminto nang lubusan—bigla at ganap.
■ Bago dumating ang petsa ng paghinto, alisin ang mga abuhan ng sigarilyo, posporo, at pansindi ng sigarilyo. Labhan ang lahat ng iyong mga damit na amoy tabako.
■ Hingin ang tulong ng mga kamanggagawa, kaibigan, at pamilya na patibayin ka sa iyong mga pagsisikap na huminto. Huwag matakot na hilingin sa iba na huwag manigarilyo sa harap mo.
■ Magplano ng mga gawain para sa iyong araw ng paghinto. Maaaring magtungo ka sa isang lugar na hindi ipinahihintulot ang paninigarilyo, gaya sa isang museo o isang teatro. Maaari ka ring mag-ehersisyo—lumangoy o magbisikleta
o maglakad nang malayo.Pakikitungo sa Hirap na Dulot ng Paghinto
Kung ikaw ay malakas manigarilyo, malamang na maranasan mo ang mga sintomas ng hirap na dulot ng paghinto, na nagsisimula mga ilang oras pagkatapos mong humitit ng huling sigarilyo. Maaaring kabilang dito ang pagkamagagalitin, kawalan ng pasensiya, pakikipag-alit, kabalisahan, panlulumo, hindi pagkakatulog, pagiging di-mapakali, mas maganang pagkain, at paghahangad sa sigarilyo. Maaaring resetahan ka ng iyong doktor ng gamot na tutulong sa iyo na maibsan ang mga sintomas na ito. Karagdagan pa, may mga bagay na maaari mong gawin upang matulungan kang magwagi sa pakikibaka.
■ Sa unang ilang mahihirap na linggo, kumain ng mga pagkaing mababa sa calorie, at uminom ng maraming tubig. Nasumpungan ng ilan na nakatutulong ang magmirienda ng hilaw na mga gulay, gaya ng mga carrot o celery. Kung mag-eehersisyo ka, hindi ka tataba at mapagiginhawa mo ang maiigting na nerbiyo.
■ Iwasan ang mga dako at mga situwasyon kung saan ikaw ay matutuksong manigarilyo.
■ Labanan ang maling pangangatuwiran na maaaring tumukso sa iyo na manigarilyo. Narito ang ilang karaniwang kaisipan sa panahon ng paghinto: ‘Ngayon na lamang ako maninigarilyo upang makaraos ako sa mahirap na panahong ito.’ ‘Paninigarilyo ang tangi kong bisyo!’ ‘Hindi naman ganiyan kasama ang tabako; ang ilang malakas manigarilyo ay nabubuhay nang mahigit 90.’ ‘Mamamatay rin naman ako dahil sa isang bagay.’ ‘Hindi masaya ang buhay kung walang tabako.’
■ Kung parang natutukso ka, iantala mo. Sa pamamagitan ng paghihintay ng mga sampung minuto lamang, maaaring lumipas ang masidhing paghahangad. Kung minsan ang kaisipan na hindi na kailanman muling maninigarilyo ay tila napakahirap. Kung ganiyan ang nadarama mo, pagtuunan ng isip ang paghinto sa araw na ito lamang.
■ Kung ibig mong maglingkod sa Diyos, humingi ng tulong sa pamamagitan ng panalangin. Ang ating maibiging Maylalang ay makapaglalaan ng “tulong sa tamang panahon” sa mga nagsisikap na iayon ang kanilang buhay sa kaniyang kalooban. (Hebreo 4:16) Subalit huwag kang umasa ng isang himala. Dapat kang kumilos na kasuwato ng iyong mga panalangin.
Manatiling Isang Dating Naninigarilyo
■ Ang unang tatlong buwan ang pinakamahirap, subalit kahit na pagkatapos niyan ay dapat iwasan, kung maaari, ang mga naninigarilyo at ang mga situwasyon na maaaring tumukso sa iyo na manigarilyo.
■ Huwag mong linlangin ang iyong sarili sa pag-iisip na maaari kang manigarilyo paminsan-minsan, kahit na huminto ka nang manigarilyo sa loob ng isang taon o mahigit pa.
■ Labanan ang tukso na humitit ng “isa lamang sigarilyo.” Ang isa lamang ay maaaring humantong sa isa pa, at di-magtatagal ay masasayang ang lahat ng pagpapagal mo na huminto. Gayunman, kung ikaw ay napadaig at nanigarilyo, walang dahilan upang manigarilyo ng isa pa. Kapag ikaw ay bumalik sa dating bisyo, huminto muli.
Milyun-milyong naninigarilyo ang matagumpay na huminto. Taglay ang determinasyon at pagtitiyaga, makahihinto ka rin!