Pagkopya sa Kamangha-manghang mga Disenyo ng Buhay
Pagkopya sa Kamangha-manghang mga Disenyo ng Buhay
Ang mga batang humahakbang-hakbang ay natutumba at nauuntog ang kanilang mga ulo. Ang mas nakatatandang mga bata ay nahuhulog sa mga punungkahoy at sa mga bisikleta. Ang mga manlalaro ay nagkakabanggaan sa palaruan. Ang mga motorista ay maraming aksidente sa daan. Gayunman, sa kabila ng lahat ng mga pagkahulog, pagkauntog, at mga pagbangga na ito, madalas na nakaliligtas tayo nang walang malubhang pinsala. May hilig tayo na ipagwalang-bahala ang tibay at kakayahang bumagay ng ating mga katawan. Subalit gaya ng natutuklasan ng mga siyentipiko, mula sa ating mga buto hanggang sa ating balat, tayo’y produkto ng tunay na napakatalinong mga disenyo.
ANG pinagsamang lakas at tibay—na medyo may kagaanan—ay makikita sa kalikasan. Ang malambot na mga murang usbong ay sumisiksik sa mga bitak ng kongkreto at bato at pinupuwersa ang mga bitak na bumuka nang husto habang ang mga ito ay lumalaki at nagiging mayayabong na punungkahoy. Natatagalan naman ng mga punungkahoy ang mga hangin na nagpapabagsak sa mga poste ng kuryente at sumisira sa mga bahay. Ang mga ibong karpenteros ay bumubutas sa kahoy at inaalog nang napakatindi ang mga ulo nito na maaaring dumurog sa isang karaniwang utak. Pinatatalbog ng mga balat ng buwaya at kaiman (alligator) ang mga sibat, palaso, at maging mga bala. (Ihambing ang Job 41:1, 26.) Ang mga bagay na ito ay kapuwa nakamangha at nakalito sa mga tao sa loob ng libu-libong taon.
Sa nakalipas na 40 taon, ang malalaking pagsulong sa teknolohiya ay nakapagbigay sa mga siyentipiko ng malalakas na bagong mga kasangkapan upang magamit sa pag-aaral sa mga misteryo sa likod ng mga disenyong ito, karamihan dito ay nakatago sa kaloob-looban ng nabubuhay na selula. Sa pagkaliit-liit na proporsiyong ito, ang kalidad ng disenyo ay talagang kamangha-mangha at lubhang masalimuot. Gayunman, ang layon ng siyensiya ay hindi lamang isiwalat ang mga sekreto na nasa ilalim ng kamangha-manghang mga materyales ng kalikasan kundi upang kopyahin ang mga ito—kahit man lamang sa pangkalahatang simulain. Lubhang may magandang hinaharap sa larangang ito ng pag-aaral anupat umakay ito sa paglikha ng isang bagong siyensiya na tinatawag na biomimetics, mula sa Griegong biʹos, na nangangahulugang “buhay,” at miʹme·sis, na nangangahulugang “paggaya.”
Nangangako ng Mas Mabuting Daigdig ang Biomimetics
“Ang biomimetics ay ang pag-aaral ng biyolohikal na kayarian [at] ang kanilang mga gawain,” paliwanag ng aklat na Biomimetics: Design and Processing of Materials. Idinagdag pa nito na ang pag-aaral na ito ay sa layuning ‘magpasigla ng bagong mga ideya at gawin ang mga ideyang ito na sintetikong mga sistema na kahawig niyaong masusumpungan sa mga biyolohikal na sistema.’
Ang siyentipikong si Stephen Wainwright ay nagsasabi na “sasaklawin ng biomimetics ang molecular biology at hahalinhan ito bilang ang pinakamapanghamon at pinakamahalagang biyolohikal na siyensiya sa ika-21 Siglo.” Ganito ang sabi ni Propesor Mehmet Sarikaya: “Tayo ay nasa bingit ng malaking pagbabago sa materya na makakatulad sa Panahon ng Bakal at ng Pagbabago sa Industriya. Tayo’y lumuluksong pasulong sa isang bagong panahon ng materya. Sa susunod na siglo, may palagay ako na lubhang babaguhin ng biomimetics ang paraan ng ating pamumuhay.”
Sa katunayan, nagsimula nang baguhin nito ang ating daigdig, gaya ng makikita natin. Subalit, tingnan muna natin sandali ang ilan sa hindi pa maunawaan sa ngayon na kamangha-manghang mga bagay na abalang-abalang pinag-aaralan ng mga siyentipiko. Susuriin din natin ang kapani-paniwalang mga pahiwatig sa likod ng salitang “disenyo” at tingnan kung paanong ang mga ito’y nagbibigay ng kahulugan sa kagila-gilalas na daigdig sa palibot natin.