Malapit Na ang Pagliligtas sa Lupa
Malapit Na ang Pagliligtas sa Lupa
SI Stephen M. Wolf, tagapamanihala at opisyal na punong ehekutibo ng United Airlines, ay nagsabi sa isang editoryal: “Ang isa man ay isang dalubhasang tagapangalaga o hindi, hindi maikakaila na ang nakatatakot na kinabukasan tungkol sa nanganganib malipol na buhay-iláng at kagubatan ay nagbabadya ng kalungkutan sa buong lupa—at sa wakas, ay nagbabanta sa pag-iral ng lahat ng uri ng buhay, pati na ang sa sangkatauhan. Gaya ng nasabi na, ‘Hindi natin hinabi ang habi ng buhay; tayo ay isang hibla lamang dito. Anuman ang ating gawin sa habi, ay ginagawa natin sa ating sarili.’” Tama ang kaniyang tinuran.
Sinabi rin niya sa editoryal: “Tayo ang sanhi ng mga problema. At tayo rin ang tanging lunas.” Sa bagay na ito ay tama lamang siya sa isang punto. Tayo ang sanhi; hindi tayo ang lunas. Hindi tayo nagpapakita ng anumang tanda ng pagiging lunas. Ang pagsulong ay nagawa, subalit ito ay napakaliit kung isasaalang-alang ang pinsala na nagpapatuloy sa buong daigdig.
Noong nakaraang taón si Al Gore ay sumulat ng Earth in the Balance—Ecology and the Human Spirit. Ito ay isang aklat na nagbababala tungkol sa lumalagong pandaigdig na krisis sa kapaligiran, at dito’y binanggit niya ang mahalagang pangungusap na ito: “Mientras lalo kong sinasaliksik ang mga ugat ng pangglobong krisis sa kapaligiran, lalo akong nakukumbinsi na ito ay isang panlabas na kapahayagan ng isang panloob na krisis na, sa kakulangan ng mas mabuting salita, espirituwal.”
Tunay na ito nga ay isang espirituwal na krisis. Ito’y isang pagkasira ng espiritu ng tao. Ito’y isang pagkukusa na isakripisyo ang likas na kagandahan ng lupa at ang mga yaman nito, ang buhay ng libu-libong uri ng halaman at hayop, at pati na ang kalusugan at buhay ng tao. Higit pa, ito ay isang ganap na pagpapabaya sa mga anak at mga apo na kailangang harapin ang nasalantang lupa na naiwan sa kanila. Isa rin itong walang utang na loob at walang pakiramdam na pagwawalang-bahala sa Isa na lumikha ng lupa at dinisenyo ito bilang isang tahanan para sa tao.
Ipinakikilala ng Isaias 45:18 si Jehova bilang “ang Maylikha ng langit, Siyang tunay na Diyos, ang Nag-anyo ng lupa at ang Gumawa nito, Siyang Isa na nagtayong matatag nito, na hindi niya nilikha ito para sa walang kabuluhan, at kaniyang ginawa ito upang tahanan.” Sa pasimula inilagay niya ang tao sa lupa upang pangalagaan ito: “At kinuha ng Diyos na Jehova ang lalaki at inilagay sa halamanan ng Eden upang kaniyang alagaan at ingatan iyon.” (Genesis 2:15) Bagaman nilikhang sakdal, tinalikdan ni Adan ang kasakdalan at nagkaniyang landas. Tinalikdan niya ang kaniyang tungkulin na ‘ingatan ang lupa.’
Ang kabiguang iyon ay nagpapatuloy hanggang sa ating kaarawan, at ang kasalukuyang pagpapahamak sa lupa ay naging mapanganib. “Ginawang matuwid ng tunay na Diyos ang tao, ngunit nagsihanap sila sa ganang sarili ng maraming katha.” (Eclesiastes 7:29) “Sila’y nagpakasama; sila’y hindi kaniyang mga anak, ang kapintasan ay sa kanila. Isang lahing tampalasan at liko!” (Deuteronomio 32:5) Gayunman, ang lupa ay patuloy na tatahanan, subalit hindi ng isang tampalasan at likong lahi. Sinabi ng salmista na sa takdang panahon ng Diyos, tanging ‘ang matuwid ang magmamana nito.’—Awit 37:29.
Ang Pagmamalasakit ni Jehova sa Lupa
Nang matapos ni Jehova ang kaniyang paglalang sa lupa, kaniyang “nakita ang lahat ng kaniyang nilikha, at narito! napakabuti.” Nais niyangGenesis 1:30, 31.
manatili itong gayon. Gumawa siya ng isang magandang halamanan sa Eden at inilagay niya ang taong si Adan doon upang alagaan ito. Ang mga halaman na tumubo roon ay hindi lamang para sa gamit ng tao. Sabi ng Diyos: “Sa bawat mabangis na hayop sa lupa at sa bawat ibon sa himpapawid at sa bawat nagsisiusad sa ibabaw ng lupa na may buhay bilang isang kaluluwa ay ibinigay ko ang lahat na sariwang pananim bilang pagkain.”—Nang ang Kautusang Mosaiko ay ibigay nang dakong huli sa Israel, ito’y gumawa ng probisyon para sa pangangalaga sa lupain. Tuwing ikapitong taon ito ay magiging “isang sabbath ng ganap na kapahingahan sa lupain.” Kung ano ang tumubo mismo sa panahong iyon ay hindi aanihin kundi ilalaan sa mga dukha gayundin sa kanilang mga alagang hayop at para sa mabangis na hayop na nasa kanilang lupain.—Levitico 25:4-7.
Ang pagmamalasakit ni Jehova sa kaligtasan ng mga uri ng buhay ay ipinakita sa bagay na mga pares ng nabubuhay na mga hayop ang ipinasok sa daong noong panahon ng Baha nang kaarawan ni Noe. Ang pagmamalasakit ding iyon ay makikita sa tipang Batas. Halimbawa, ang baka na gumigiik ng butil ay hindi dapat busalan. May karapatan itong kumain ng ilang butil. Ang isang baka at isang asno ay hindi dapat magkatuwang kapag nag-aararo. Iyan ay hindi makatuwiran sa mas maliit, mas mahinang hayop. Ang asno ng iyong kapuwa ay dapat tulungan kung ito ay nasa mahirap na kalagayan, kahit na kung ang may-ari nito ay isang kaaway at kahit na kung ito ay nangangahulugan ng paggawa ng ilang gawain sa Sabbath. (Exodo 23:4, 5; Deuteronomio 22:1, 2, 10; 25:4; Lucas 14:5) Ang mga itlog o inakay ay maaaring kunin mula sa pugad ng ibon, ngunit hindi ang inahing ibon. Ito ay kailangang iwan upang ipagpatuloy ang kaniyang uri. At sinabi ni Jesus na kahit na ang maya na maliit ang halaga, ‘kahit isa sa kanila’y hindi nahuhulog sa lupa nang hindi nalalaman ng Diyos.’—Mateo 10:29; Deuteronomio 22:6, 7.
Ang kinasihang salmista ay nagsabi: “Ang mga langit ay mga langit ni Jehova, ngunit ang lupa ay kaniyang ibinigay sa mga anak ng mga tao.” (Awit 115:16) Sinabi ni Jesus sa Mateo 5:5: “Maligaya ang maaamo, sapagkat mamanahin nila ang lupa.” Inaakala mo bang ang manang ito mula kay Jehova ay isang maruming lupa? Kung ikaw ay may magandang tahanan na ipamamana mo sa iyong mga anak, hahayaan mo bang manatili ang mga naninirahan dito na sinisira ang bahay at ang lupa? Bagkus, hindi ba paaalisin mo sila at kukumpunihin mo ito bago mo ipamana sa iyong mga anak?
Ganiyan nga ang ginawa ni Jehova bago niya pinapasok ang mga Israelita sa lupain na ipinangako niya sa kanila. Dahil sa kanilang malubhang imoralidad dinumhan ng mga Canaanita ang lupain, at sa kadahilanang iyan sila ay pinaalis ni Jehova. Kasabay nito, binabalaan niya ang mga Israelita na kung dudumhan nila ang lupain na gaya ng ginawa ng mga Canaanita, sila man ay paalisin. Ang ulat ay nakatala sa Levitico 18:24-28:
“Huwag kayong magpakarumi sa alinman sa mga bagay na ito [insesto, sodomiya, pagsiping sa mga hayop, kasalanan sa dugo], sapagkat sa lahat ng mga bagay na ito ay nangadumhan ang mga bansang aking palalayasin sa harap ninyo. At nadumhan ang lupain, at aking dadalhan ng parusa ito dahil sa kasalanan nito, at iluluwa ng lupain ang mga maninirahan nito. At inyo ngang iingatan ang aking mga palatuntunan at ang aking mga kahatulan, at huwag kayong gagawa ng anuman sa mga karumal-dumal na bagay na ito, maging ang isang katutubo o isang taga ibang bayan man na nakikipamayan sa inyo. Sapagkat lahat ng karumal-dumal na bagay na ito ay ginawa ng mga tao sa lupaing iyan na una kaysa inyo, at ang lupain ay nadumhan. Kung gayon ay hindi kayo iluluwa ng lupain sa pagkahawa ninyo na gaya ng pagluluwa sa bansang nagsitahan ng una kaysa inyo.”
Gayunman, dinumhan ng Israel ang lupain sa paggawa ng malubhang mga imoralidad na ginawa ng mga Canaanita. Tapat sa kaniyang salita, pinalayas ni Jehova ang Israel sa pamamagitan ng pagpapadala sa mga taga-Babilonya upang dalhin silang bihag sa Babilonya. Bago pa nangyari ito, ang babala ay ibinigay sa mga Israelita ng propeta ni Jehova na si Isaias: “Narito! pinawawalan ni Jehova ng laman ang lupa at sinisira, at binabaligtad at pinangangalat ang mga nananahan doon. At ang lupa naman ay nadumhan sa ilalim ng mga nananahan doon, sapagkat kanilang sinalansang ang mga utos, binago ang alituntunin, sinira ang walang-hanggang tipan. Kaya nilamon ng sumpa ang lupain, at silang tumatahan doon ay nasumpungang salarin. Kaya ang mga tao sa lupain ay kumaunti, at kakaunti-kaunti na lamang mortal na mga tao ang natira.”—Isaias 24:1, 5, 6.
Kapahamakan Para sa mga Nagpapahamak sa Lupa
Sa ngayon tayo ay nasa kahawig na kalagayan. Ang mga aklat, magasin, pahayagan, telebisyon, video, at ang media sa pangkalahatan ay nagpapabanaag ng isang lipunan na ubod ng sama sa sekso, brutal na marahas, at bulok sa pulitika. Salaulang dinudumhan ng masakim na komersiyal na mga korporasyon ang kapaligiran, ipinadadala pa nga ang ipinagbabawal na mga produktong mapanganib sa kalusugan sa kani-kanilang mayayamang bansa tungo sa nagpapaunlad na mga bansa kung saan walang ipinatutupad na gayong mga pananggalang. Ang mga Kristiyano ay binabalaan na iwasan ang gayong landasin:
“Ito, samakatuwid, ay sinasabi at pinatototohanan ko alang-alang sa Panginoon, na kayo’y hindi na lumalakad na gaya ng mga bansa sa kawalang-kawawaan ng kanilang mga isip, samantalang nasa kadiliman sila ng pag-iisip, at hiwalay sa buhay na nauukol sa Diyos, dahil sa kanilang kawalang-alam, dahil sa kawalan ng pakiramdam ng kanilang mga puso. Yamang wala silang bahagya mang wagas na asal, sila’y napahikayat sa kahalayan upang gumawa ng lahat ng uri ng karumihan pati ng kasakiman.”—Efeso 4:17-19; 2 Timoteo 3:1-5.
Kapuwa ang espiritu ng tao at ang kapaligiran ay nadumhan. Ang lupa ay may katutubong mga pansupil at tinitimbang ang lahat ng bagay. Dahil sa pagkakasala ng tao, ang budhi ng tao, ang kaniya mismong katutubong pansupil, ay naging masama, na humantong sa pagdumi sa lupa. Ngayon, tanging ang Diyos lamang ang makasusupil sa tao. Tanging ang Diyos lamang ang makapagliligtas sa lupa. Tayo’y may katiyakan na gagawin niya ito sapagkat sa Apocalipsis 11:18, ang Diyos na Jehova ay nangangakong “ipapahamak ang mga nagpapahamak sa lupa.”