Pang-aabuso sa Bata—‘Sino ang Gagawa ng Ganiyang Bagay?’
Pang-aabuso sa Bata—‘Sino ang Gagawa ng Ganiyang Bagay?’
KARAMIHAN ng mga magulang ay sasagot nang mali sa tanong na ito. Kapag sumasa-isip natin ang seksuwal na pang-aabuso, malamang na isaisip ng karamihan sa atin ang kakatwang estranghero na inihahayag ang kaniyang sarili sa mga bata o inaakit sila tungo sa isang kotse o sa makahoy na dako. Nailathala din ang tungkol sa grupo na umaakit sa mga bata upang kasangkapanin sa pornograpya o pagpapatutot o prostitusyon ng bata. Ang gayong mga bagay ay talagang nangyayari, ngunit ang mga taong ito ay malayo sa karaniwang uri ng mang-aabuso ng bata. Kaya sino ang karaniwang nang-aabuso sa bata?
Si Sue ay inabuso ng isang lalaki na namamahala sa isang relihiyosong grupo. Pinamamahalaan ng lalaki ang isang samahan ng mga kabataan, at lahat ay sumasang-ayon na siya ay kawili-wiling tao. Subalit seksuwal na inabuso niya si Sue at ang iba pang mga batang babae. Ang isa pang batang babae ay sumulat sa isang pitak na nagpapayo upang sabihin na ang kaniyang paboritong tiyo ay humihila sa kaniya at pinapangko siya at di-angkop na kinakarinyo. Natatandaan pa ng isang lalaki na nang siya’y bata pa madalas siyang abusuhin ng nakatatandang anak na lalaki ng isang malapit na kaibigan ng pamilya. Isang 11-taóng-gulang na batang lalaki ay inabuso ng kaniyang tiya na tinitirahan niya. Inuulat ng isang babae sa New York na siya’y inabuso ng kaniyang lolo nang siya ay pitong taóng gulang. Isang 15-anyos na batang lalaki ay inabuso ng kaniyang doktor sa panahon ng medikal na pagsusuri. Para kay Pam, ito ay masahol pa. Sa loob ng maraming taon, siya ay inabuso ng kaniyang sariling ama. At si Mary ay
inabuso ng dalawang nakatatandang kapatid na lalaki at isang nakatatandang pinsan-buo.Sa katunayan, malamang na wala pang sangkatlo ng seksuwal na mga pagsalakay sa bata ang ginawa ng mga estranghero. Karaniwan nang nakikilala ng biktima ang umabuso. Kadalasan ang nang-abuso ay isang kamag-anak. Kaya, sa karamihan ng mga kaso ang mga bata ay inaabuso ng mga taong kilala at pinagkakatiwalaan nila, na lalo pang nagpapahirap sa problema ng pangangalaga sa kanila.
Ang Pagkilos ng Mang-aabuso
Mayroon pang isang maling ideya ang maraming mga magulang. Inaakala ng ilan na ang pang-aabuso ay marahas, na ang bata ay nakikipaglaban at sumisigaw na nagmamakaawa. Maaaring hindi pa nga ganito, sa paanuman sa simula. Sa simula, ang seksuwal na pang-aabuso ay maaaring kunwa’y mapaglaro o mapagmahal na paghipo, at doon magsisimula. Malamang na himukin at gipitin ng mang-aabuso ang bata, ginagamit ang lahat ng likas na autoridad ng isang nakatatandang tao. Natatandaan mo ba kung ano ito nang ikaw ay isang bata at ikaw ay sinanay na sumunod sa mga matatanda kahit na inuutusan ka nila na gawin ang mga bagay na hindi mo gusto, gaya ng pagtulog nang maaga o pagkain ng iyong gulay? Sinasamantala ng mga mang-aabuso ang pagsasanay na ito. Isang nahatulang mang-aabuso ay nagsabi: “Ipakita mo sa akin ang isang masunuring bata, at ipakikita ko sa iyo ang isang madaling biktima.”
Isang bata ang nakatatanggap ng malalaswang tawag sa telepono. Nang tanungin kung bakit hindi niya ibinaba ang telepono, sinabi niya na inaakala niyang ito’y isang kabastusan kung ang isa ay nagsasalita pa! Natatandaan ng isang babae na 30 anyos na siya’y nilapitan ng kaniyang lolo sa gulang na 5. Sabi ng lolo sa kaniya: “Ginagawa ito ng mga mababait na bata sa kanilang Lolo at hindi sinasabi sa kanilang mga nanay.” Ilan sa mga limang-taóng-gulang ang makakapansin sa gayong pandaraya?
At natatandaan ba ninyo kung paanong naiibigan ninyong tumanggap ng mga regalo at mga sorpresa bilang isang bata? Kalimitang ginagamit ng mga mang-aabuso ang ugaling-bata na ito upang simulan ang pang-aabuso. Halimbawa, ano ang gagawin ng inyong anak kung sabihin ng dyanitor sa paaralan: “Samahan mo ako sandali sa tanggapan pagkatapos ng klase, at bibigyan kita ng pera”? o kung sabihin ng isang yaya: “Papayagan kitang matulog nang gabi at manood ng telebisyon, kung gagawin mo muna ito sa akin”?
Kung minsan ginagamit ng mga mang-aabuso ang likas na hilig ng bata sa mga sekreto o lihim. Hindi ba nakatutuwa sa inyo, nang kayo’y bata, na magkaroon ng isang sekreto? Isang batang babae ang nag-ingat ng isang sekreto sa kaniyang mga magulang. Ngunit isang araw nakita siya ng kaniyang mga magulang na kumikilos sa isang adelantado (para sa kaniyang edad), seksuwal na gawi. Nang tanungin kung saan niya natutuhan ang gayong bagay, ang batang babae ay nagsabi: “Ito’y isang sekreto.” Ipinaliwanag ng kaniyang ama na kung minsan hindi tayo dapat maglihim anupa’t inihayag ng batang babae ang kaniyang sekreto. Isang 40-taónggulang na lalaki na may sariling pamilya, na isang malapit na kamag-anak ng pamilya, ang seksuwal na umabuso sa kaniya.
Sa wakas, maaaring kasangkot ang pagbabanta o pananakot, tusong mga pagbabanta na tumatama sa pagkadama ng bata ng kasiguruhan. Isang may edad nang babae ang nagsasabi na siya ay inabuso ng kaniyang amain nang siya’y bata. Siya’y inabuso sa loob ng apat na taon, nagsimula nang siya’y anim. Bakit hindi niya sinabi sa kaniyang nanay? “Sabi niya na kung sasabihin ko raw sa sinuman ang tungkol dito, huhulihin siya ng pulis at ang aking ina ay mawawalan ng trabaho. Ang pamilya ay magugutom at kasalanan kong lahat ito.”
Sinasaklaw ng autor na si Gail Sheehy ang marami sa mga puntong ito sa sumusunod na obserbasyon: “Nakakalimutan natin kung papaanong ang mga nakatatanda ay waring makapangyarihan sa atin nang tayo mismo ay mga bata.” Sabi pa niya: “Napakadali para sa isang magulang o yaya na simulan ang seksuwal na mga gawain sa ilalim ng pagkukunwang normal na pagpapaligo at pangkalinisang pagsusuri. Nalalaman lamang ng bata na may mali pagka sinimulan na ang paglilihim: ‘Huwag mong sasabihin sa iyong nanay na ginawa natin iyon’—at sapat na pahiwatig ay maaaring ilagay sa pamamagitan ng isang haplos—‘o hindi ka na niya mahal.’” Matitiis ba ng inyong anak ang gayong uri ng saykolohikal na pananakot?
Ang Pinakamabuting Depensa ng Bata
Kaya, ang mga mang-aabuso ay maaaring ang lubhang di-inaasahang tao at maaari nilang gamitin ang masalimuot at tusong mga taktika. Marahil ang pang-aabuso sa bata ay halos kasintanda na ng kasaysayan. Ngunit habang ang salinlahing ito ay sumusulong, at higit at higit na mga tao ay “mga maibigin sa kanilang sarili, . . . walang katutubong pag-ibig, . . . walang pagpipigil-sa-sarili,” ang banta ay tumitindi. (2 Timoteo 3:1-3) Gayunman, ang mga bata ay may isang napakalakas na depensa. Ano iyon? Ang kanilang mga magulang. Ito ang mga adulto na pinakamabuting makapangangalaga sa kanila mula sa ibang mga adulto na magnanais mang-abuso sa kanila. Tingnan natin kung papaano.
[Blurb sa pahina 5]
Siya ay inabuso ng kaniyang ministro