ARALING ARTIKULO 38
Samantalahin ang Panahon ng Kapayapaan
“Mapayapa sa lupain at walang nakikipagdigma sa kaniya nang mga panahong iyon; binigyan siya ni Jehova ng kapahingahan.”—2 CRO. 14:6.
AWIT 60 Buhay Nila ang Nakataya
NILALAMAN a
1. Kailan posibleng mahirap maglingkod kay Jehova?
PARA sa iyo, kailan mahirap maglingkod kay Jehova—kapag marami kang problema o kapag maayos ang buhay mo? Kapag may problema tayo, madali sa ating umasa kay Jehova. Pero paano kung payapa ang buhay natin? Hindi kaya mabawasan ang pokus natin sa paglilingkod sa Diyos? Nagbabala si Jehova sa mga Israelita na posibleng mangyari iyan.—Deut. 6:10-12.
2. Anong halimbawa ang ipinakita ni Haring Asa?
2 Magandang halimbawa si Haring Asa sa lubusang pagtitiwala kay Jehova. Naglingkod siya kay Jehova hindi lang sa mahihirap na sitwasyon kundi pati na sa panahon ng kapayapaan. Noon pa man, ‘ibinibigay na ni Asa ang buong puso niya kay Jehova.’ (1 Hari 15:14) Ipinakita ito ni Asa nang alisin niya ang huwad na pagsamba sa Juda. Sinasabi ng Bibliya na “inalis niya ang altar ng mga banyaga at ang matataas na lugar, pinagdurog-durog ang mga sagradong haligi, at pinagpuputol ang mga sagradong poste.” (2 Cro. 14:3, 5) Inalis pa nga niya ang lola niyang si Maaca sa mataas na posisyon nito sa kaharian. Bakit? Dahil iniimpluwensiyahan nito ang mga tao na sumamba sa idolo.—1 Hari 15:11-13.
3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
3 Hindi lang inalis ni Asa ang huwad na pagsamba; tinulungan din niya ang kaharian ng Juda na manumbalik kay Jehova. Binigyan ni Jehova si Asa at ang mga Israelita ng panahon ng kapayapaan. b Sa pamamahala ni Asa, naging “mapayapa sa lupain” sa loob ng 10 taon. (2 Cro. 14:1, 4, 6) Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano ginamit ni Asa ang panahong iyon. Tatalakayin din natin ang halimbawa ng unang-siglong mga Kristiyano na, gaya ni Asa, sinamantala ang panahon ng kapayapaan. At sasagutin natin ang tanong na ito: Kung malaya ang pagsamba kay Jehova sa bansa ninyo, paano ninyo sasamantalahin ang panahong ito ng kapayapaan?
PAANO GINAMIT NI ASA ANG PANAHON NG KAPAYAPAAN?
4. Ayon sa 2 Cronica 14:2, 6, 7, paano ginamit ni Asa ang panahon ng kapayapaan?
4 Basahin ang 2 Cronica 14:2, 6, 7. Sinabi ni Asa sa bayan na si Jehova ang ‘nagbigay sa kanila ng kapahingahan.’ Para kay Asa, hindi ito panahon para magrelaks. Sa kabaligtaran, nagtayo siya ng mga lunsod, pader, tore, at pintuang-daan. Sinabi niya sa mga taga-Juda: “Sa atin pa rin ang lupain.” Ano ang ibig niyang sabihin? Gusto niyang sabihin na malaya silang makakakilos sa lupaing ibinigay sa kanila ng Diyos at makakapagtayo sila nang walang kalabang gumugulo sa kanila. Sinasabi niya sa bayan na samantalahin ang panahong ito ng kapayapaan.
5. Bakit pinalakas ni Asa ang kaniyang hukbo?
5 Ginamit din ni Asa ang panahon ng kapayapaan para palakasin ang kaniyang hukbo. (2 Cro. 14:8) Ibig bang sabihin, wala siyang tiwala kay Jehova? Hindi. Alam kasi ni Asa na obligasyon niya bilang hari na ihanda ang bayan sa mga problema na puwedeng mapaharap sa kanila. Alam niyang matatapos din ang panahong ito ng kapayapaan sa Juda, at iyon nga ang nangyari.
PAANO ITO GINAMIT NG UNANG-SIGLONG MGA KRISTIYANO?
6. Paano ginamit ng unang-siglong mga Kristiyano ang panahon ng kapayapaan?
6 Madalas na pinag-uusig ang unang-siglong mga Kristiyano, pero nagkaroon din sila ng panahon ng kapayapaan. Paano ginamit ng tapat na mga alagad ang panahong ito? Lubusan nilang ipinangaral ang mabuting balita. Sinasabi sa aklat ng Gawa na ‘namuhay sila nang may takot kay Jehova.’ Patuloy nilang ipinangaral ang mabuting balita, kaya ‘patuloy silang dumami.’ Talagang pinagpala ni Jehova ang sigasig nila sa pangangaral sa panahon ng kapayapaan!—Gawa 9:26-31.
7-8. Ano ang ginawa ni Pablo at ng iba pa nang magkaroon sila ng pagkakataong mangaral? Ipaliwanag.
7 Sinamantala ng unang-siglong mga alagad ang bawat pagkakataon para ipangaral ang mabuting balita. Halimbawa, nang makita ni apostol Pablo na may isang malaking pinto na binuksan para sa kaniya habang nasa Efeso, sinamantala niya ang pagkakataon na mangaral at gumawa ng alagad sa lunsod na iyon.—1 Cor. 16:8, 9.
8 Nagkaroon din ng pagkakataon si Pablo at ang ibang Kristiyano nang maayos ang isyu tungkol sa pagtutuli noong 49 C.E. (Gawa 15:23-29) Matapos ipaalám sa mga kongregasyon ang desisyon tungkol sa isyu, nagsikap nang husto ang mga alagad na ihayag “ang mabuting balita ng salita ni Jehova.” (Gawa 15:30-35) Ano ang resulta? Sinasabi ng Bibliya na “patuloy na [tumibay] ang pananampalataya ng mga kongregasyon at nadaragdagan sila araw-araw.”—Gawa 16:4, 5.
SAMANTALAHIN NGAYON ANG PANAHON NG KAPAYAPAAN
9. Ano ang sitwasyon sa maraming bansa ngayon, at ano ang puwede nating itanong sa sarili?
9 Sa maraming bansa ngayon, malaya tayong nakakapangaral. Ganito ba ang sitwasyon sa bansa ninyo? Kung oo, tanungin ang sarili, ‘Paano ko sinasamantala ang kalayaang ito?’ Sa mga huling araw na ito, abalang-abala ang organisasyon ni Jehova sa pinakamalaking kampanya ng pangangaral at pagtuturo sa buong mundo. (Mar. 13:10) Marami tayong puwedeng gawin para sa kampanyang ito.
10. Batay sa 2 Timoteo 4:2, ano ang kailangan nating gawin?
10 Paano mo sasamantalahin ang panahon ng kapayapaan? (Basahin ang 2 Timoteo 4:2.) Bakit hindi suriin ang kalagayan mo para makita kung ikaw o ang isang kapamilya mo ay puwedeng magpalawak ng ministeryo, o baka magpayunir pa nga? Hindi ngayon ang panahon para magkamal ng kayamanan, dahil hindi ito makakaligtas sa malaking kapighatian.—Kaw. 11:4; Mat. 6:31-33; 1 Juan 2:15-17.
11. Ano ang ginawa ng ilan para mapangaralan ng mabuting balita ang maraming tao?
11 May mga mamamahayag na nag-aral ng ibang wika para magamit sa pangangaral at pagtuturo. Pinaglalaanan sila ng organisasyon ng Diyos ng mga literatura sa Bibliya para matulungan silang mangaral sa dumaraming wika. Halimbawa, noong 2010, ang ating mga literatura ay available sa mga 500 wika. Sa ngayon, available na ang mga ito sa mahigit 1,000 wika!
12. Paano nakikinabang ang mga nakakarinig ng mensahe ng Kaharian sa sarili nilang wika? Magbigay ng halimbawa.
12 Ano ang epekto sa mga tao kapag narinig nila ang katotohanan mula sa Salita ng Diyos sa sarili nilang wika? Tingnan kung paano nakinabang ang isang sister sa panrehiyong kombensiyon sa Memphis, Tennessee, U.S.A. Iniharap ang programa sa wikang Kinyarwanda, na pangunahing sinasalita sa Rwanda, Congo (Kinshasa), at Uganda. Pagkatapos ng kombensiyon, sinabi ng sister na iyon na nagsasalita ng Kinyarwanda: “Ngayon ko lang naintindihan nang husto ang programa ng kombensiyon mula noong lumipat ako sa United States 17 taon na ang nakakalipas.” Talagang naabot ang puso ng sister nang marinig niya ang programa sa wika niya! Kung ipinapahintulot ng kalagayan mo, puwede ka bang mag-aral ng ibang wika para matulungan ang ilan sa teritoryo ninyo? Mayroon kayang ilan na mas makikinig sa iyo kapag kinausap mo sila sa sarili nilang wika? Magiging sulit ang pagsisikap mo.
13. Paano ginamit ng mga kapatid sa Russia ang panahon ng kapayapaan?
13 Hindi malayang nakakapangaral ang lahat ng kapatid. Sa ilang bansa, pinagbabawalan sila ng gobyerno. Tingnan ang nangyari sa mga kapatid sa Russia. Maraming taon silang pinag-usig, pero noong Marso 1991, pinahintulutan sila ng gobyerno na malayang sumamba. Nang panahong iyon, mga 16,000 ang Saksi sa Russia. Pagkalipas ng 20 taon, mahigit 160,000 na sila! Talagang sinamantala ng mga kapatid ang pagkakataon nilang mangaral nang malaya! Kaya lang, natapos ang panahong iyon ng kapayapaan. Pero hindi nabawasan ang sigasig nila para kay Jehova. Patuloy nilang ginagawa ang buong makakaya nila para mapaglingkuran siya.
MATATAPOS ANG PANAHON NG KAPAYAPAAN
14-15. Paano ginamit ni Jehova ang kapangyarihan niya para tulungan si Asa?
14 Hindi rin laging mapayapa noong panahon ni Asa. Dumating mula sa Etiopia ang isang malaking hukbo ng mahigit isang milyong mandirigma. Sigurado ang kumandante nitong si Zera na matatalo nila ang Juda. Pero nagtiwala si Haring Asa sa Diyos niyang si Jehova. Nanalangin si Asa: “Diyos naming Jehova, tulungan mo kami, dahil umaasa kami sa iyo, at lalaban kami sa malaking hukbong ito sa ngalan mo.”—2 Cro. 14:11.
15 Halos doble ang laki ng hukbo ng Etiopia kumpara sa hukbo ni Asa, pero nagtiwala si Asa sa kapangyarihan at kakayahan ni Jehova na iligtas ang bayan Niya. At hindi siya binigo ni Jehova; dumanas ng kahiya-hiyang pagkatalo ang hukbo ng Etiopia.—2 Cro. 14:8-13.
16. Paano natin nalaman na matatapos ang panahon ng kapayapaan?
16 Hindi natin alam kung ano ang eksaktong mangyayari sa bawat isa sa atin sa hinaharap, pero alam natin na pansamantala lang ang panahon ng kapayapaan na nararanasan ng mga lingkod ng Diyos. Ang totoo, inihula ni Jesus na sa mga huling araw, ang mga alagad niya ay ‘kapopootan ng lahat ng bansa.’ (Mat. 24:9) Gayundin, sinabi ni apostol Pablo na “pag-uusigin din ang lahat ng gustong mamuhay nang may makadiyos na debosyon bilang mga alagad ni Kristo Jesus.” (2 Tim. 3:12) “Galit na galit” si Satanas, at dinadaya lang natin ang ating sarili kung iniisip nating matatakasan natin ang galit niya.—Apoc. 12:12.
17. Sa anong mga paraan posibleng masubok ang ating pananampalataya?
17 Malapit nang masubok ang pananampalataya ng bawat isa sa atin. Mararanasan ng mga tao ang “malaking kapighatian na hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng mundo hanggang sa ngayon.” (Mat. 24:21) Sa panahong iyan, baka talikuran tayo ng mga kapamilya natin at baka ipagbawal ang ating gawain. (Mat. 10:35, 36) Tutularan ba natin si Asa, na nagtiwalang tutulungan at poprotektahan siya ni Jehova?
18. Ayon sa Hebreo 10:38, 39, ano ang tutulong sa atin na maging handa kapag natapos na ang panahon ng kapayapaan?
18 Ngayon pa lang, pinapatibay na tayo ni Jehova para maging handa tayo sa mga mangyayari sa hinaharap. Ginagabayan niya ang “tapat at matalinong alipin” para maglaan ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon” na tutulong sa atin na manatiling matatag. (Mat. 24:45) Pero dapat pa rin nating gawin ang buong makakaya natin para mapatibay ang pananampalataya natin kay Jehova.—Basahin ang Hebreo 10:38, 39.
19-20. Kaayon ng 1 Cronica 28:9, ano-ano ang dapat nating itanong sa ating sarili, at bakit?
19 Gaya ni Haring Asa, kailangan nating “hanapin si Jehova.” (2 Cro. 14:4; 15:1, 2) Magagawa natin iyan kung kikilalanin natin si Jehova at magpapabautismo. Ginagawa natin ang lahat para mapalalim ang ating pag-ibig kay Jehova. Para makita kung nagagawa natin iyan, puwede nating itanong sa ating sarili, ‘Regular ba akong dumadalo sa mga pulong?’ Kapag dumadalo tayo, napapatibay tayo na patuloy na maglingkod kay Jehova at napapalakas tayo ng ating mga kapatid. (Mat. 11:28) Puwede rin nating itanong, ‘Regular ba akong nag-aaral ng Bibliya?’ Kung kasama mo ang pamilya mo sa bahay, mayroon ba kayong pampamilyang pagsamba linggo-linggo? O kung mag-isa ka lang, mayroon ka pa rin bang regular na iskedyul ng pag-aaral sa Bibliya? At ginagawa mo ba ang lahat para makabahagi sa pangangaral at pagtuturo?
20 Bakit dapat nating itanong ang mga iyan? Sinasabi ng Bibliya na sinusuri ni Jehova ang laman ng ating isip at puso, kaya dapat din nating gawin iyon. (Basahin ang 1 Cronica 28:9.) Kung makita nating may kailangan tayong baguhin sa ating mga tunguhin, ugali, o pag-iisip, dapat nating hilingin ang tulong ni Jehova na mabago ang mga iyon. Ngayon na ang panahon para ihanda ang ating sarili sa mga pagsubok na darating. Kaya samantalahin ang panahon ng kapayapaan. At huwag mong hayaan na may makapigil sa iyo sa paggawa niyan!
AWIT 62 Ang Bagong Awit
a Malaya ba ang pagsamba kay Jehova sa bansa ninyo? Kung oo, paano ninyo ginagamit ang panahong ito ng kapayapaan? Tatalakayin sa artikulong ito kung paano ninyo matutularan si Haring Asa ng Juda at ang unang-siglong mga Kristiyano. Sinamantala nila ang panahon ng kapayapaan.
b KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang salitang “kapayapaan” ay hindi lang nangangahulugan na walang digmaan. Ang salitang Hebreo ay nagpapahiwatig din ng magandang kalusugan, pagiging ligtas, at maayos na kalagayan.
c LARAWAN: Inalis ni Haring Asa ang lola niya sa posisyon nito dahil iniimpluwensiyahan nito ang mga tao na sumamba sa idolo. Tinularan si Asa ng mga tagasuporta niya at winasak nila ang mga idolo.
d LARAWAN: Isang mag-asawa ang nagpasimple ng buhay para makapaglingkod kung saan malaki ang pangangailangan.