Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Masaya Habang Matiyagang Naghihintay kay Jehova

Maging Masaya Habang Matiyagang Naghihintay kay Jehova

NANANABIK ka ba sa panahong aalisin na ni Jehova ang lahat ng kasamaan at gagawin na niyang bago ang lahat ng bagay? (Apoc. 21:​1-5) Sigurado iyan! Pero hindi laging madali na matiyagang maghintay kay Jehova, lalo na kapag may mga problema tayo. Nalulungkot tayo kapag hindi nangyayari ang inaasahan natin.​—Kaw. 13:12.

Pero inaasahan ni Jehova na matiyaga tayong maghihintay sa panahong itinakda niya. Bakit? At ano ang tutulong sa atin na maging masaya habang naghihintay?

BAKIT INAASAHAN NI JEHOVA NA MAGHIHINTAY TAYO?

Sinasabi ng Bibliya: “Si Jehova ay matiyagang naghihintay para magpakita ng kabutihan sa inyo, at kikilos siya para magpakita sa inyo ng awa. Dahil si Jehova ay Diyos ng katarungan. Maligaya ang lahat ng patuloy na naghihintay sa kaniya.” (Isa. 30:18) Para talaga sa masuwaying mga Judio ang mga sinabing ito ni Isaias. (Isa. 30:1) Pero may ilang Judio pa rin na tapat, at nagbigay sa kanila ng pag-asa ang mga salitang ito. Nagbibigay rin ito ng pag-asa sa tapat na mga lingkod ni Jehova ngayon.

Kaya dapat tayong matiyagang maghintay dahil si Jehova mismo ay matiyagang naghihintay. Mayroon na siyang itinakdang panahon kung kailan niya wawakasan ang sistemang ito, at hinihintay niyang dumating ang araw at oras na iyon. (Mat. 24:36) Sa panahong iyon, mapapatunayang mali ang lahat ng akusasyon ni Satanas kay Jehova at sa mga lingkod Niya. Pagkatapos, aalisin ni Jehova si Satanas at ang lahat ng pumapanig sa kaniya, pero ‘magpapakita Siya sa atin ng awa.’

Sa ngayon, hindi laging aalisin ni Jehova ang mga problema natin, pero tinitiyak niya na puwede tayong maging masaya habang naghihintay. Gaya ng sinabi ni Isaias, puwede tayong maging masaya habang naghihintay sa isang magandang bagay na mangyayari. (Isa. 30:18) a Paano natin iyan magagawa? May apat na bagay na makakatulong sa atin.

KUNG PAANO MAGIGING MASAYA HABANG NAGHIHINTAY

Isipin ang magagandang bagay na nangyayari sa buhay mo. Sa buong buhay ni Haring David, marami siyang nakitang masasamang bagay. (Awit 37:35) Pero isinulat niya: “Manatili kang tahimik sa harap ni Jehova at hintayin mo siya nang may pananabik. Huwag kang magalit sa taong nagtatagumpay sa mga pakana niya.” (Awit 37:7) Ginawa iyan ni David. Nagpokus siya sa pag-asa niya. Pinahalagahan niya rin ang lahat ng ginawa ni Jehova para sa kaniya. (Awit 40:5) Kung magpopokus din tayo sa magagandang nangyayari sa buhay natin at hindi sa mga problema, magiging mas madali sa atin na maghintay kay Jehova.

Laging maghanap ng pagkakataon para purihin si Jehova. Sinabi kay Jehova ng manunulat ng Awit 71, lumilitaw na si David: “Patuloy akong maghihintay; daragdagan ko pa ang papuri ko sa iyo.” (Awit 71:14) Paano niya mapapapurihan si Jehova? Sasabihin niya sa iba ang tungkol kay Jehova, at aawit siya ng mga papuri sa Kaniya. (Awit 71:​16, 23) Gaya ni David, puwede rin tayong maging masaya habang naghihintay kay Jehova. Mapapapurihan natin siya kapag nangangaral tayo, nakikipag-usap sa iba tungkol sa kaniya, at kumakanta ng mga awit natin. Sa susunod na kakantahin mo ang mga awit natin, pag-isipan mong mabuti ang lyrics nito at kung paano ka nito matutulungan na maging masaya.

Maglaan ng panahon sa mga kapatid para mapatibay ka. Nang magkaroon ng mga problema si David, sinabi niya kay Jehova: “Sa harap ng mga tapat sa iyo, aasa ako sa pangalan mo.” (Awit 52:9) Mapapatibay rin tayo ng mga kapatid, hindi lang sa mga pulong at ministeryo, kundi pati na sa mga social gathering.​—Roma 1:​11, 12.

Patibayin ang pag-asa mo. Sinasabi sa Awit 62:5: “Tahimik akong naghihintay sa Diyos dahil siya ang nagbibigay sa akin ng pag-asa.” Mahalaga na matibay ang pag-asa natin, lalo na kung hindi dumating ang wakas sa panahong inaasahan natin. Dapat na kumbinsido tayo na matutupad ang mga pangako ni Jehova gaano katagal man tayo kailangang maghintay. Mapapatibay natin ang ating pag-asa kung pag-aaralan natin ang Salita ng Diyos. Halimbawa, puwede nating pag-isipan kung paano natupad ang mga hula dito, kung paano magkakaugnay ang buong Bibliya, at kung ano ang sinasabi nito tungkol kay Jehova. (Awit 1:​2, 3) Kailangan din nating patuloy na ‘manalangin taglay ang banal na espiritu’ para mapanatili natin ang magandang kaugnayan kay Jehova habang hinihintay natin ang katuparan ng pangako niya na buhay na walang hanggan.​—Jud. 20, 21.

Gaya ni Haring David, makakapagtiwala ka na binabantayan ni Jehova ang mga naghihintay sa Kaniya at nagpapakita Siya ng tapat na pag-ibig sa kanila. (Awit 33:​18, 22) Matiyaga kang makakapaghintay kay Jehova kung magpopokus ka sa magagandang nangyayari sa buhay mo, pupurihin mo siya, makikipagpatibayan ka sa mga kapatid, at papanatilihin mong matibay ang pag-asa mo.

a Ang orihinal na salita na isinaling “patuloy na naghihintay” ay puwede ring mangahulugang “manabik na mangyari ang isang bagay.” Ipinapakita nito na hindi naman masama kung gusto na nating wakasan ni Jehova ang mga pagdurusa natin.