ARALING ARTIKULO 8
“Panatilihin ang Inyong Katinuan, Maging Mapagbantay!”
“Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay!”—1 PED. 5:8.
AWIT 144 Masdan Mo ang Gantimpala!
NILALAMAN a
1. Ano ang isinagot ni Jesus sa tanong ng mga alagad niya kung kailan darating ang wakas, at ano ang sinabi niya na kailangan nilang gawin?
ILANG araw bago mamatay si Jesus, tinanong siya ng apat na alagad niya: “Ano ang magiging tanda . . . ng katapusan ng sistemang ito?” (Mat. 24:3) Malamang na gusto nilang malaman kung kailan magwawakas ang sistema ng mga Judio. Sa sagot ni Jesus sa kanila, hindi lang katapusan ng sistema ng mga Judio ang binanggit niya kundi pati na ang “katapusan ng sistemang ito” na kinabubuhayan natin. Sinabi ni Jesus: “Tungkol sa araw o oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa langit o kahit ang Anak, kundi ang Ama.” Pagkatapos, sinabi niya sa lahat ng alagad niya na kailangan nilang ‘manatiling gisíng’ at ‘patuloy na magbantay.’—Mar. 13:32-37.
2. Bakit kailangang patuloy na magbantay ng mga Kristiyano noong unang siglo?
2 Kailangang patuloy na magbantay ng mga Judiong Kristiyano noong unang siglo kasi nakadepende doon ang buhay nila. Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya kung ano ang mangyayari kapag malapit nang matapos ang sistema ng mga Judio. Sinabi niya: “Kapag nakita ninyong napaliligiran ang Jerusalem ng nagkakampong mga hukbo, kung gayon, makakatiyak kayong malapit na ang pagtitiwangwang sa kaniya.” Kapag nangyari iyon, kailangan nilang sundin ang sinabi ni Jesus na ‘tumakas papunta sa mga kabundukan.’ (Luc. 21:20, 21) Ang mga nakinig dito ay nakaligtas nang wasakin ng mga Romano ang Jerusalem.
3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
3 Ngayong nabubuhay tayo sa panahong malapit nang magwakas ang masamang sistemang ito, dapat din tayong manatiling gisíng at patuloy na magbantay. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano tayo magkakaroon ng tamang pananaw habang sinusubaybayan ang mga nangyayari sa mundo. Pag-uusapan din natin kung paano bibigyang-pansin ang sarili natin at kung paano natin gagamitin sa pinakamabuting paraan ang natitirang panahon.
MAGKAROON NG TAMANG PANANAW
4. Bakit interesado tayong makita na natutupad ngayon ang mga hula sa Bibliya?
4 May magaganda tayong dahilan kung bakit interesado tayong makita kung paano natutupad sa ngayon ang mga hula sa Bibliya. Sinabi pa nga ni Jesus ang mga mangyayari para malaman natin kapag malapit nang magwakas ang sistema ni Satanas. (Mat. 24:3-14) Sinabi ni apostol Pedro na bigyang-pansin ang natutupad na mga hula para manatiling matibay ang pananampalataya natin. (2 Ped. 1:19-21) Sinasabi sa pasimula ng Apocalipsis: “Isang pagsisiwalat ni Jesu-Kristo, na ibinigay ng Diyos sa kaniya, para ipakita sa mga alipin niya ang mga bagay na malapit nang mangyari.” (Apoc. 1:1) Kaya talagang interesado tayo sa mga nangyayari sa mundo ngayon at kung paano posibleng tinutupad ng mga ito ang mga hula sa Bibliya. At baka nga gusto pa nating pag-usapan ang mga iyon.
5. Ano ang dapat nating iwasan, at ano ang dapat nating gawin? (Tingnan din ang mga larawan.)
5 Kapag pinag-uusapan ang mga hula sa Bibliya, iwasang gumawa ng sariling konklusyon. Bakit? Kasi ayaw nating may masabi tayo na makakasira sa pagkakaisa ng kongregasyon. Halimbawa, baka marinig natin na pinag-uusapan ng mga lider ng bansa kung paano nila aayusin ang problema sa pagitan nila at na magdadala iyon ng kapayapaan at katiwasayan. Imbes na gumawa ng konklusyon na tinutupad nito ang hula sa 1 Tesalonica 5:3, dapat tayong maging updated sa pinakabagong paliwanag. Kapag nakabase sa ating mga publikasyon ang mga pag-uusap natin, matutulungan nating manatiling lubos na nagkakaisa ang “takbo ng pag-iisip” ng kongregasyon.—1 Cor. 1:10, tlb.; 4:6.
6. Ano ang matututuhan natin sa 2 Pedro 3:11-13?
6 Basahin ang 2 Pedro 3:11-13. Tinutulungan tayo ni apostol Pedro na magkaroon ng tamang pananaw kapag pinag-aaralan ang mga hula sa Bibliya. Sinasabi niya sa atin na ‘isaisip ang pagdating ng araw ni Jehova.’ Bakit? Hindi naman dahil gusto nating alamin ang “araw at oras” kung kailan darating ang Armagedon, kundi dahil gusto nating gamitin ang natitirang panahon para magpakita ng “banal na paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon.” (Mat. 24:36; Luc. 12:40) Gusto nating mapanatili ang mabuting paggawi at matiyak na ginagawa natin ang lahat para kay Jehova dahil mahal natin siya. Para magawa iyan, dapat nating bigyang-pansin ang sarili natin.
BIGYANG-PANSIN ANG SARILI NATIN
7. Paano natin ipinapakitang binibigyang-pansin natin ang sarili natin? (Lucas 21:34)
7 Sinabi ni Jesus sa mga alagad niya na bukod sa mga pangyayari sa mundo, dapat din nilang bigyang-pansin ang sarili nila. Nilinaw niya ito sa Lucas 21:34. (Basahin.) Sinabi ni Jesus: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili.” Kapag binibigyang-pansin ng isang tao ang sarili niya, alisto siya sa mga puwedeng makasira sa kaugnayan niya kay Jehova, at gumagawa siya ng paraan para maiwasan ang mga iyon. Dahil dito, napapanatili niya ang sarili niya sa pag-ibig ng Diyos.—Kaw. 22:3; Jud. 20, 21.
8. Ano ang ipinaalala ni apostol Pablo sa mga Kristiyano?
8 Ipinaalala ni apostol Pablo sa mga Kristiyano na bigyang-pansin ang sarili nila. Halimbawa, sinabi niya sa mga Kristiyano sa Efeso: “Bantayan ninyong mabuti kung kumikilos kayo na gaya ng marunong at hindi gaya ng di-marunong.” (Efe. 5:15, 16) Laging gumagawa ng paraan si Satanas para sirain ang pakikipagkaibigan natin kay Jehova, kaya pinapayuhan tayo ng Bibliya na ‘patuloy na alamin kung ano ang kalooban ni Jehova.’ Kapag ginawa natin iyan, maiingatan natin ang sarili natin.—Efe. 5:17.
9. Paano natin malalaman ang kalooban ni Jehova para sa atin?
9 Hindi sinasabi ng Bibliya ang lahat ng puwedeng makasira sa pakikipagkaibigan natin kay Jehova. At madalas, wala itong direktang binabanggit tungkol sa mga bagay na pinagdedesisyunan natin. Para makagawa ng mga tamang desisyon, kailangan nating alamin ang “kalooban ni Jehova.” Magagawa natin iyan kung regular tayong mag-aaral ng Salita ng Diyos at bubulay-bulayin ito. Kapag mas naiintindihan natin ang kalooban ni Jehova at sinisikap nating magkaroon ng “pag-iisip ni Kristo,” mas malamang na makagawa tayo ng mga tamang desisyon kahit na walang espesipikong batas tungkol doon. (1 Cor. 2:14-16) Minsan, madaling matukoy kung ano ang mga bagay na dapat nating iwasan; pero may mga pagkakataon na hindi.
10. Ano ang ilan sa mga dapat nating iwasan?
10 Kasama sa mga dapat nating iwasan ang flirting, sobrang pag-inom at pagkain, at pagsasabi ng masasakit na salita, pati na ang mararahas na libangan, pornograpya, at iba pang katulad nito. (Awit 101:3) Palaging naghahanap ang kaaway natin, ang Diyablo, ng mga pagkakataon para sirain ang pakikipagkaibigan natin kay Jehova. (1 Ped. 5:8) Kapag hindi tayo naging mapagbantay, puwedeng itanim ni Satanas sa isip at puso natin ang inggit, kawalang-katapatan, kasakiman, galit, pride, at hinanakit. (Gal. 5:19-21) Sa una, baka isipin nating hindi naman iyon ganoon kasama. Pero kung hindi natin agad aalisin ang mga iyon, lalala iyon at mapapahamak tayo.—Sant. 1:14, 15.
11. Ano ang isang panganib na dapat nating iwasan, at bakit?
11 Ang isang panganib na baka hindi agad natin mapansin ay ang masasamang kasama. Halimbawa, may katrabaho kang hindi Saksi. Mabait ka sa kaniya at matulungin kasi gusto mong maging maganda ang tingin niya sa atin. Baka minsan, sinasabayan mo siya sa pagkain. Pero nang tumagal, dumadalas na ito. Minsan, napupunta ang usapan sa mga imoral na bagay, at hindi mo iyon tinatanggap noong una. Pero dahil nasasanay ka na, nagiging okey na rin iyon sa iyo. Isang araw pagkatapos ng trabaho ninyo, niyaya ka niyang uminom, at pumayag ka. Bandang huli, tanggap mo na ang lahat ng sinasabi niya. Kapag ganito na ang sitwasyon, baka magawa mo na rin ang mga ginagawa niya. Gusto talaga nating maging mabait at magalang sa lahat, pero dapat nating tandaan na malakas ang impluwensiya sa atin ng mga kasama natin. (1 Cor. 15:33) Kung bibigyang-pansin natin ang sarili natin, gaya ng sinabi ni Jesus, iiwasan natin ang di-kinakailangang pakikipagsamahan sa mga hindi sumusunod sa pamantayan ni Jehova. (2 Cor. 6:15) Makikita rin natin ang panganib at maiiwasan ito.
GAMITIN SA PINAKAMABUTING PARAAN ANG ORAS NINYO
12. Ano ang ginawa ng mga alagad ni Jesus habang hinihintay ang wakas?
12 Gusto ni Jesus na maraming ginagawa ang mga alagad niya habang hinihintay ang wakas. Kaya binigyan niya sila ng atas. Inutusan niya silang ipangaral ang mabuting balita “sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:6-8) Napakalaki ng atas na iyon! Dahil ginawa ng mga alagad ni Jesus ang buong makakaya nila sa pangangaral, nagamit nila sa pinakamabuting paraan ang oras nila.
13. Bakit dapat nating gamitin sa pinakamabuting paraan ang oras natin? (Colosas 4:5)
13 Basahin ang Colosas 4:5. Binibigyang-pansin natin ang ating sarili kapag pinag-iisipan nating mabuti kung paano natin ginagamit ang oras natin. Kahit sino, puwedeng maapektuhan ng “di-inaasahang pangyayari.” (Ecles. 9:11) Puwede rin tayong mamatay anumang oras.
14-15. Paano natin magagamit sa pinakamabuting paraan ang oras natin? (Hebreo 6:11, 12) (Tingnan din ang larawan.)
14 Magagamit natin sa pinakamabuting paraan ang oras natin kung gagawin natin ang kalooban ni Jehova at papatibayin ang pakikipagkaibigan sa kaniya. (Juan 14:21) Kailangan nating “maging matatag . . . , di-natitinag at laging maraming ginagawa para sa Panginoon.” (1 Cor. 15:58) At kapag dumating ang wakas—wakas man ng buhay natin o ng masamang sistemang ito—wala tayong pagsisisihan.—Mat. 24:13; Roma 14:8.
15 Sa ngayon, patuloy na tinutulungan ni Jesus ang mga alagad niya habang ipinapangaral nila ang Kaharian ng Diyos sa buong lupa. Tinupad ni Jesus ang pangako niya. Sa tulong ng organisasyon ni Jehova, sinasanay tayo ni Jesus sa pangangaral at ibinibigay ang mga tool na kailangan natin. (Mat. 28:18-20) Magagawa naman natin ang inaasahan sa atin ni Jesus kung magiging masipag tayo sa pangangaral at pagtuturo at kung magiging mapagbantay tayo habang hinihintay nating wakasan ni Jehova ang sistemang ito. Kapag sinunod natin ang payo sa Hebreo 6:11, 12, makakapanghawakan tayo sa pag-asa natin “hanggang sa wakas.”—Basahin.
16. Ano ang determinado nating gawin?
16 Nakapagdesisyon na si Jehova kung anong araw at oras niya wawakasan ang sistema ni Satanas. Kapag dumating ang araw na iyon, siguradong tutuparin ni Jehova ang lahat ng hula na nasa Salita niya. Pero minsan, baka nagtataka tayo kung bakit hindi pa dumarating ang wakas. Tandaan, ‘hindi maaantala’ ang araw ni Jehova! (Hab. 2:3) Kaya maging determinado tayong ‘patuloy na maghintay kay Jehova.’ Matiyaga tayong ‘maghintay sa Diyos na ating tagapagligtas.’—Mik. 7:7.
AWIT 139 Kapag Naging Bago ang Lahat ng Bagay
a Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano tayo magkakaroon ng tamang pananaw at magiging mapagbantay. Tatalakayin din natin kung paano bibigyang-pansin ang sarili natin at kung paano natin magagamit sa pinakamabuting paraan ang oras natin.
b LARAWAN: (Itaas) Nanonood ng balita ang mag-asawa. Pagkatapos ng pulong, ikinukuwento nila sa iba ang opinyon nila sa napanood nilang balita. (Ibaba) Nanonood ng update ng Lupong Tagapamahala ang mag-asawa para alam nila ang pinakabagong unawa sa mga hula sa Bibliya. Nagbibigay sila sa iba ng mga salig-Bibliyang publikasyon na inilaan ng tapat na alipin.