Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Patuloy na Maglingkod kay Jehova Nang May Kagalakan

Patuloy na Maglingkod kay Jehova Nang May Kagalakan

ANO ang pinakamasayang araw ng buhay mo? Iyon ba ay noong ikasal ka o nang isilang ang panganay mo? O ang araw ng iyong bautismo? Malamang na iyon ang pinakamahalaga at pinakamasayang araw ng iyong buhay. Tiyak na tuwang-tuwa ang mga kapananampalataya mo nang ipakita mong iniibig mo ang Diyos nang iyong buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas!—Mar. 12:30.

Malamang na masayang-masaya kang naglilingkod kay Jehova mula nang mabautismuhan ka. Pero naiwala ng ilang mamamahayag ang kagalakang taglay nila noong una. Bakit kaya? Ano ang mga dahilan para patuloy tayong maglingkod kay Jehova nang may kagalakan?

KUNG BAKIT NAIWALA NG ILAN ANG KANILANG KAGALAKAN

Nagdudulot ng kagalakan ang mensahe ng Kaharian. Bakit? Dahil nangangako si Jehova na malapit na niyang wakasan ang masamang sistemang ito at pairalin ang bagong sanlibutan. Tinitiyak sa atin ng Zefanias 1:14: “Ang dakilang araw ni Jehova ay malapit na. Iyon ay malapit na, at iyon ay lubhang minamadali.” Pero kung sa pakiramdam natin ay matagal na tayong naghihintay, baka maiwala natin ang ating kagalakan at magmabagal tayo sa paglilingkod sa Diyos.—Kaw. 13:12.

Kapag kasama natin ang ating mga kapatid, napasisigla tayong patuloy na maglingkod kay Jehova nang may kagalakan. Baka nga ang mabuting paggawi ng mga lingkod ni Jehova ang nakaakit sa atin sa tunay na pagsamba at nakatulong para masaya tayong makapaglingkod sa Diyos. (1 Ped. 2:12) Pero paano kung isang kapuwa Kristiyano ang nadisiplina dahil hindi siya namuhay ayon sa mga pamantayan ng Diyos? May ilan na nasiraan ng loob dahil dito at naiwala nila ang kanilang kagalakan.

Maaari ding mawala ang ating kagalakan dahil sa materyalismo. Ginagamit ng Diyablo ang sanlibutang ito para kumbinsihin tayong bumili ng mga bagay na hindi naman talaga natin kailangan. Tandaan ang sinabi ni Jesus: “Walang sinuman ang maaaring magpaalipin sa dalawang panginoon; sapagkat alinman sa kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o pipisan siya sa isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.” (Mat. 6:24) Hindi tayo puwedeng maglingkod kay Jehova nang may kagalakan at kasabay nito ay magsikap na kamtin ang lahat ng iniaalok ng sanlibutan.

‘NAGAGALAK SA DIYOS NG ATING KALIGTASAN’

Para sa mga umiibig kay Jehova, hindi pabigat ang paglilingkod sa kaniya. (1 Juan 5:3) Tandaan na sinabi ni Jesus: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat ang aking pamatok ay may-kabaitan at ang aking pasan ay magaan.” (Mat. 11:28-30) Nakagiginhawa ang pamatok ng pagiging Kristiyano at nagdudulot ito ng kagalakan. Alamin natin ang tatlong mahahalagang dahilan kung bakit maaari tayong maglingkod nang ‘may kagalakan sa Diyos ng ating kaligtasan.’—Hab. 3:18.

Naglilingkod tayo sa ating Tagapagbigay-Buhay, na isang maligayang Diyos. (Gawa 17:28; 1 Tim. 1:11) Utang natin ang ating buhay sa ating Maylalang. Kaya naman patuloy natin siyang pinaglilingkuran nang may kagalakan, kahit maraming taon na ang lumipas mula nang mabautismuhan tayo.

Kuning halimbawa si Héctor, na 40 taóng naglingkod kay Jehova bilang naglalakbay na tagapangasiwa. Kahit may-edad na, nasisiyahan pa rin siyang maglingkod kay Jehova. (Awit 92:12-14) Bagaman limitado na ang paglilingkod ni Héctor mula nang magkasakit ang kaniyang asawa, hindi nabawasan ang kaniyang kagalakan. Sinabi niya: “Bagaman nalulungkot ako dahil unti-unting humihina ang pangangatawan ng asawa ko at isang hamon sa akin ang pag-aalaga sa kaniya, hindi ko hinahayaang mawala ang kagalakan ko sa paglilingkod sa tunay na Diyos. Alam kong utang ko ang buhay ko kay Jehova at may layunin siya sa paglalang niya sa tao. Sapat na itong dahilan para mahalin ko siya at paglingkuran nang buong puso. Sinisikap kong manatiling aktibo sa pangangaral at laging isaisip ang pag-asa ukol sa Kaharian para hindi mawala ang kagalakan ko.”

Inilaan ni Jehova ang haing pantubos kaya puwede tayong magkaroon ng masayang buhay. “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Kung mananampalataya tayo sa maibiging paglalaan ng haing pantubos, patatawarin ng Diyos ang ating mga kasalanan at maaari tayong magkaroon ng buhay na walang hanggan. Napakagandang dahilan iyan para magpasalamat! Ang pasasalamat natin sa pantubos ang mag-uudyok sa atin na maglingkod kay Jehova nang may kagalakan.

Si Jesús, isang brother na nakatira sa Mexico, ay nagsabi: “Subsob ako sa trabaho, at kung minsan, nagtatrabaho ako nang limang sunod-sunod na shift kahit hindi naman kailangan. Gusto ko lang kumita nang mas malaki. Nang malaman ko ang tungkol kay Jehova at na ibinigay niya ang pinakamamahal niyang Anak para sa mga tao, gustong-gusto ko siyang paglingkuran. Kaya inialay ko ang buhay ko kay Jehova, at pagkatapos ng 28 taon sa kompanya, nagbitiw ako at pumasok sa buong-panahong paglilingkod.” Iyon ang simula ng masasayang taon ng paglilingkod kay Jehova.

Namumuhay tayo nang malinis sa moral at ang bunga nito ay malaking kagalakan. Kumusta ang buhay mo bago mo nakilala si Jehova? Ipinaalaala ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Roma na sila “noon ay mga alipin ng kasalanan” pero naging “mga alipin ng katuwiran.” Mayroon na silang “bunga tungo sa kabanalan,” na magdudulot ng buhay na walang hanggan. (Roma 6:17-22) Dahil namumuhay tayo ayon sa kabanalan, malaya tayo sa kalungkutang dulot ng imoral o marahas na pamumuhay. Talagang dahilan iyan para magalak!

Si Jaime ay isang boksingerong ateista at ebolusyonista. Nang magsimula siyang dumalo sa mga pulong, humanga siya sa pag-ibig na naobserbahan niya. Para makapagbagong-buhay, hiniling niya kay Jehova na tulungan siyang manampalataya sa Kaniya. “Unti-unti kong nalaman na mayroon palang maibiging Ama at maawaing Diyos,” ang sabi ni Jaime. “Naging proteksiyon sa akin ang matuwid na pamantayan ni Jehova. Kung hindi ako nagbago, baka patay na ako ngayon, gaya ng mga dating kaibigan kong boksingero. Ang pinakamaliligayang taon ng buhay ko ay noong naglilingkod na ako kay Jehova.”

HUWAG SUMUKO!

Ano ang dapat nating madama habang hinihintay ang wakas ng masamang sistemang ito ng mga bagay? Tandaan na tayo ay “naghahasik may kinalaman sa espiritu” at “mag-aani ng buhay na walang hanggan.” Kaya “huwag tayong manghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam, sapagkat sa takdang kapanahunan ay mag-aani tayo kung hindi tayo manghihimagod.” (Gal. 6:8, 9) Sa tulong ni Jehova, nawa’y makapagbata tayo, makapaglinang ng mga katangiang kailangan para maligtas sa “malaking kapighatian,” at patuloy na maglingkod kay Jehova nang may kagalakan, kahit sa harap ng mga pagsubok.—Apoc. 7:9, 13, 14; Sant. 1:2-4.

Makapagtitiwala tayo na gagantimpalaan ng Diyos ang ating pagbabata dahil alam niya ang ating ginagawa at na mahal natin siya at ang kaniyang pangalan. Kung patuloy tayong maglilingkod kay Jehova nang may kagalakan, magiging gaya tayo ng salmistang si David na nagsabi: “Lagi kong inilalagay si Jehova sa harap ko. Sa dahilang siya ay nasa aking kanan, hindi ako makikilos. Kaya nagsasaya ang aking puso, at ang aking kaluwalhatian ay nagnanais na magalak. Gayundin, ang aking sariling laman ay tatahang tiwasay.”—Awit 16:8, 9.