Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 41

Manatiling Tapat sa Panahon ng “Malaking Kapighatian”

Manatiling Tapat sa Panahon ng “Malaking Kapighatian”

“Ibigin ninyo si Jehova, kayong lahat na tapat sa kaniya! Iniingatan ni Jehova ang mga tapat.”—AWIT 31:23.

AWIT 129 Hindi Tayo Susuko

NILALAMAN *

1-2. (a) Ano ang malapit nang isigaw ng mga bansa? (b) Anong mga tanong ang kailangang masagot?

ISIPIN mong nangyari na ang inihulang pagsigaw ng mga bansa ng “kapayapaan at katiwasayan.” Baka ipagyabang nila na ngayon lang naranasan ng mundo ang ganitong kapayapaan. Gusto tayong paniwalain ng mga bansa na kontrolado nila ang sitwasyon sa mundo. Pero hindi nila kontrolado ang susunod na mangyayari! Bakit? Dahil ayon sa Bibliya, “biglang darating ang kanilang pagkapuksa, . . . at hinding-hindi sila makatatakas.”—1 Tes. 5:3.

2 May mahahalagang tanong na kailangang masagot: Ano ang mangyayari sa “malaking kapighatian”? Ano ang inaasahan ni Jehova na gagawin natin sa panahong iyon? At paano tayo ngayon makakapaghanda para makapanatili tayong tapat sa panahon ng malaking kapighatian?—Mat. 24:21.

ANO ANG MANGYAYARI SA “MALAKING KAPIGHATIAN”?

3. Ayon sa Apocalipsis 17:5, 15-18, paano pupuksain ng Diyos ang “Babilonyang Dakila”?

3 Basahin ang Apocalipsis 17:5, 15-18. Mapupuksa ang “Babilonyang Dakila”! Gaya ng nabanggit, hindi na kontrolado ng mga bansa ang mangyayari sa panahong ito. Bakit? Dahil “[ilalagay] ng Diyos sa puso nila na gawin ang nasa isip niya.” Ano ang nasa isip niya? Ang puksain ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, kasama ang Sangkakristiyanuhan. * Ilalagay ng Diyos ang kaisipan niya sa puso ng “10 sungay” ng “kulay-iskarlatang mabangis na hayop.” Sumasagisag ang 10 sungay sa lahat ng pamahalaang sumusuporta sa “mabangis na hayop”—ang United Nations. (Apoc. 17:3, 11-13; 18:8) Ang pagsalakay ng mga pamahalaan sa huwad na relihiyon ang pasimula ng malaking kapighatian. Talagang nakakapangilabot ang pangyayaring iyan na makakaapekto sa buong mundo.

4. (a) Ano-ano ang posibleng idahilan ng mga bansa sa pagsalakay nila sa huwad na relihiyon? (b) Ano ang malamang na gagawin ng mga miyembro ng mga relihiyong iyon?

4 Hindi natin alam kung ano ang idadahilan ng mga bansa sa pagsalakay nila sa Babilonyang Dakila. Baka sabihin nilang hadlang ang mga relihiyon sa kapayapaan at laging nakikialam sa politika. O baka sabihin nilang sobra-sobra na ang naipong kayamanan at ari-arian ng mga relihiyon. (Apoc. 18:3, 7) Malamang na hindi pupuksain ang lahat ng miyembro ng huwad na relihiyon sa pagsalakay na ito. Lumilitaw na ang mga relihiyosong organisasyon ang aalisin ng mga bansa. Kapag naalis na ang mga organisasyong ito, maiisip ng mga miyembro nito na binigo sila ng mga lider nila at malamang na itanggi nilang may kaugnayan sila sa mga relihiyong iyon.

5. Ano ang ipinangako ni Jehova tungkol sa malaking kapighatian, at bakit?

5 Hindi sinasabi sa Bibliya kung gaano katagal ang pagpuksa sa Babilonyang Dakila, pero alam natin na hindi ito magtatagal. (Apoc. 18:10, 21) Ipinangako ni Jehova na “paiikliin [niya] ang mga araw” ng kapighatian para makaligtas ang kaniyang “mga pinili” at ang tunay na relihiyon. (Mar. 13:19, 20) Pero ano ang inaasahan ni Jehova na gagawin natin kapag nagsimula na ang malaking kapighatian at bago sumiklab ang digmaan ng Armagedon?

PATULOY NA ITAGUYOD ANG DALISAY NA PAGSAMBA KAY JEHOVA

6. Bakit hindi sapat na putulin lang natin ang ating kaugnayan sa huwad na relihiyon?

6 Gaya ng tinalakay sa naunang artikulo, inaasahan ni Jehova na ang mga mananamba niya ay hihiwalay sa Babilonyang Dakila. Pero hindi sapat na putulin lang natin ang ating kaugnayan sa huwad na relihiyon. Dapat din tayong maging determinado na itaguyod ang tunay na relihiyon—ang dalisay na pagsamba kay Jehova. Tingnan ang dalawang paraan kung paano natin iyan magagawa.

Huwag sana nating pabayaan ang pagtitipon natin, kahit sa mahihirap na kalagayan (Tingnan ang parapo 7) *

7. (a) Paano tayo makakapanindigan sa matuwid na pamantayang moral ni Jehova? (b) Paano idiniriin sa Hebreo 10:24, 25 ang kahalagahan ng pagtitipon natin, lalo na sa ngayon?

7 Una, dapat tayong manindigan sa matuwid na pamantayang moral ni Jehova. Hindi natin tatanggapin ang pamantayan ng sanlibutan. Halimbawa, hindi natin sasang-ayunan ang anumang uri ng seksuwal na imoralidad, kasama na ang pagpapakasal ng parehong babae o parehong lalaki at ang iba pang homoseksuwal na paggawi. (Mat. 19:4, 5; Roma 1:26, 27) Ikalawa, dapat tayong patuloy na sumamba kasama ng ating mga kapuwa Kristiyano. Gagawin natin ito saanman posible—sa Kingdom Hall, o kung kinakailangan, sa bahay ng mga kapatid o baka patago pa nga. Anuman ang mangyari, hindi tayo hihinto sa pagtitipon para sumamba. Ang totoo, kailangan natin itong gawin “nang higit pa habang nakikita nating papalapit na ang araw.”—Basahin ang Hebreo 10:24, 25.

8. Paano malamang na magbago ang ating mensahe sa hinaharap?

8 Sa malaking kapighatian, malamang na magbago ang mensaheng ihahayag natin. Sa ngayon, ipinangangaral natin ang mabuting balita ng Kaharian at sinisikap nating gumawa ng mga alagad. Pero sa panahong iyon, posibleng ang mensahe natin ay maging gaya ng bumabagsak na mga tipak ng yelo—talagang masasaktan ang mga makakarinig nito. (Apoc. 16:21) Posibleng ihayag natin ang nalalapit na pagkapuksa ng sanlibutan ni Satanas. Darating ang panahon, malalaman din natin kung ano ang mensaheng iyan at kung paano natin iyan ihahayag. Gagamitin ba natin ang mga paraan na mahigit 100 taon na nating ginagamit sa ating ministeryo? O gagamit tayo ng ibang paraan? Hindi pa natin alam. Pero anumang paraan ang gamitin natin, lumilitaw na magkakaroon tayo ng pribilehiyong ihayag ang mensahe ng paghatol ni Jehova!—Ezek. 2:3-5.

9. Ano ang posibleng gawin ng mga bansa dahil sa ating mensahe, pero ano ang natitiyak natin?

9 Malamang na dahil sa ating mensahe, sisikapin ng mga bansa na patahimikin na tayo habambuhay. Kung paanong umaasa tayo ngayon sa tulong ni Jehova sa ating ministeryo, kailangan din nating umasa sa tulong niya sa panahong iyon. Makakatiyak tayong palalakasin tayo ng Diyos para magawa ang kaniyang kalooban.—Mik. 3:8.

MAGING HANDA SA PAGSALAKAY SA BAYAN NG DIYOS

10. Gaya ng inihula sa Lucas 21:25-28, ano ang magiging reaksiyon ng karamihan dahil sa mangyayari sa malaking kapighatian?

10 Basahin ang Lucas 21:25-28. Sa malaking kapighatian, magugulat ang mga tao sa pagbagsak ng lahat ng bagay sa sanlibutan na iniisip nilang matatag. ‘Magdurusa’ sila habang iniisip kung makakaligtas sila sa pinakamadilim na panahong ito sa kasaysayan ng tao. (Zef. 1:14, 15) Malamang na magiging mas mahirap ang buhay para sa lahat, kahit sa mga lingkod ni Jehova. Dahil hindi tayo bahagi ng sanlibutan, baka mapaharap tayo sa mga hamon. Sa panahong iyon, baka wala tayo ng ilan sa mga pangangailangan natin.

11. (a) Bakit pupuntiryahin ang mga Saksi ni Jehova? (b) Bakit wala tayong dapat ikatakot sa malaking kapighatian?

11 Sa panahon ding iyon, baka magalit ang mga dating miyembro ng huwad na relihiyon dahil patuloy pa rin sa pagsamba ang mga Saksi ni Jehova. Siguradong hindi sila mananahimik; ilalabas nila ang kanilang galit, baka pati sa social media. Ang mga bansa at ang tagapamahala nilang si Satanas ay mapopoot sa atin dahil tayo na lang ang natitirang relihiyon. Makikita nilang hindi pa sila nagtatagumpay sa pagpuksa sa lahat ng relihiyon sa mundo. Kaya tayo ang magiging puntirya nila. At ang mga bansa ay magiging si Gog ng Magog. * Magsasama-sama sila para salakayin at lipulin ang bayan ni Jehova. (Ezek. 38:2, 14-16) Baka mag-alala tayo kapag naiisip natin ang mga posibilidad na ito, lalo na’t hindi natin alam ang eksaktong mangyayari. Pero ito ang sigurado: Wala tayong dapat ikatakot sa malaking kapighatian. Bibigyan tayo ni Jehova ng tagubilin para maligtas. (Awit 34:19) ‘Makakatayo tayo nang tuwid at maitataas natin ang ating mga ulo,’ dahil alam nating “nalalapit na ang kaligtasan” natin. *

12. Paano tayo inihahanda ng “tapat at matalinong alipin” sa mangyayari sa hinaharap?

12 Inihahanda na tayo ng “tapat at matalinong alipin” para makapanatiling tapat sa panahon ng malaking kapighatian. (Mat. 24:45) Ginagawa nila ito sa maraming paraan. Pansinin ang isang halimbawa: ang napapanahong programa ng ating mga kombensiyon noong 2016-2018. Sa mga kombensiyong ito, napatibay tayong pasulungin ang mga katangiang kailangan natin habang papalapit ang araw ni Jehova. Talakayin natin sa maikli ang mga katangiang iyan.

PATULOY NA PASULUNGIN ANG IYONG KATAPATAN, PAGTITIIS, AT LAKAS NG LOOB

Maghanda na ngayon para makaligtas sa “malaking kapighatian” (Tingnan ang parapo 13-16) *

13. Paano natin mapapatibay ang katapatan natin kay Jehova, at bakit dapat nating gawin iyan ngayon pa lang?

13 Katapatan: Ang tema ng kombensiyon noong 2016 ay “Manatiling Matapat kay Jehova!” Natutuhan natin sa kombensiyong ito na kung matibay ang ating kaugnayan kay Jehova, magiging tapat tayo sa kaniya. Napaalalahanan tayo na puwede tayong maging malapít kay Jehova kung mananalangin tayo mula sa puso at mag-aaral mabuti ng kaniyang Salita. Bibigyan tayo nito ng lakas na malampasan kahit ang pinakamahihirap na pagsubok. Habang papalapit ang katapusan ng sistema ni Satanas, lalong hihirap ang mga pagsubok sa ating katapatan sa Diyos at sa kaniyang Kaharian. Malamang na patuloy tayong tutuyain ng mga tao. (2 Ped. 3:3, 4) Asahan na natin iyan, lalo na habang sinisikap nating manatiling neutral. Dapat nating patibayin ang katapatan natin ngayon pa lang para makapanatili tayong tapat sa malaking kapighatian.

14. (a) Anong pagbabago ang mangyayari may kaugnayan sa mga nangunguna sa organisasyon ni Jehova sa lupa? (b) Bakit kailangan nating maging tapat sa panahong iyon?

14 Sa malaking kapighatian, magkakaroon ng pagbabago may kaugnayan sa mga nangunguna sa organisasyon ni Jehova sa lupa. Darating ang panahon na ang lahat ng pinahirang nandito pa sa lupa ay dadalhin sa langit para makipaglaban sa digmaan ng Armagedon. (Mat. 24:31; Apoc. 2:26, 27) Ibig sabihin, hindi na natin makakasama dito sa lupa ang Lupong Tagapamahala. Pero mananatiling organisado ang malaking pulutong. Pangungunahan sila ng kuwalipikadong mga brother na kabilang sa ibang mga tupa. Kailangan nating ipakita ang ating katapatan sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga brother na ito at pagsunod sa tagubiling ibibigay nila mula sa Diyos. Nakadepende rito ang kaligtasan natin!

15. Paano natin mapapasulong ang kakayahang magtiis, at bakit mahalagang gawin natin iyan ngayon pa lang?

15 Pagtitiis: Ang tema ng kombensiyon noong 2017 ay “Huwag Sumuko!” Natulungan tayo nitong mapasulong ang kakayahan nating magtiis, o magbata, sa panahon ng pagsubok. Natutuhan natin na ang kakayahan nating magtiis ay hindi nakadepende sa kalagayan natin—kung bubuti ito o hindi—kundi nakadepende sa pagtitiwala natin kay Jehova. (Roma 12:12) Huwag nating kakalimutan ang ipinangako ni Jesus: “Ang makapagtitiis hanggang sa wakas ay maliligtas.” (Mat. 24:13) Ibig sabihin, kailangan nating manatiling tapat anumang hamon ang harapin natin. Kapag nagtitiis tayo ngayon sa ilalim ng bawat pagsubok, titibay ang pananampalataya natin bago dumating ang malaking kapighatian.

16. Saan nakadepende ang ating lakas ng loob, at paano natin ito mapapasulong ngayon?

16 Lakas ng loob: Ang tema ng kombensiyon noong 2018 ay “Magpakalakas-Loob!” Ipinaalaala sa atin sa kombensiyong ito na hindi nakadepende sa mga kakayahan natin ang ating lakas ng loob. Gaya ng kakayahang magtiis, ang tunay na lakas ng loob ay nagmumula sa pagtitiwala kay Jehova. Paano natin mapapatibay ang pagtitiwala natin sa kaniya? Sa pamamagitan ng pagbabasa ng kaniyang Salita araw-araw at pagbubulay-bulay sa pagliligtas ni Jehova sa bayan niya noon. (Awit 68:20; 2 Ped. 2:9) Kapag sinalakay tayo ng mga bansa sa malaking kapighatian, lalo nating kailangan ng lakas ng loob at pagtitiwala kay Jehova. (Awit 112:7, 8; Heb. 13:6) Kung magtitiwala tayo kay Jehova ngayon pa lang, magkakaroon tayo ng lakas ng loob na maharap ang pagsalakay ni Gog. *

PANABIKAN ANG IYONG KALIGTASAN

Si Jesus at ang kaniyang hukbo sa langit ay malapit nang sumalakay sa digmaan ng Armagedon para puksain ang mga kaaway ng Diyos! (Tingnan ang parapo 17)

17. Bakit wala tayong dapat ikatakot sa Armagedon? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)

17 Gaya ng nabanggit sa naunang artikulo, karamihan sa atin ay nabubuhay na sa mga huling araw mula pa sa pagkasanggol. Pero umaasa rin tayong mabubuhay tayo hanggang sa matapos ang malaking kapighatian. Ang digmaan ng Armagedon ang pangwakas na kaganapan sa katapusan ng sistemang ito. Pero wala tayong dapat ikatakot. Bakit? Dahil ito ay laban ng Diyos. (Kaw. 1:33; Ezek. 38:18-20; Zac. 14:3) Sa hudyat ni Jehova, pangungunahan ni Jesu-Kristo ang pakikipagdigma. Makakasama niya ang mga pinahirang binuhay-muli at ang napakaraming anghel. Makikipaglaban sila kay Satanas, sa kaniyang mga demonyo, at sa mga hukbo nila sa lupa.—Dan. 12:1; Apoc. 6:2; 17:14.

18. (a) Ano ang ipinangako ni Jehova? (b) Paano pinapatibay ng Apocalipsis 7:9, 13-17 ang iyong pag-asa sa hinaharap?

18 Ipinangako ni Jehova: “Anumang sandata ang gawin para ipanlaban sa iyo ay hindi magtatagumpay.” (Isa. 54:17) Isang “malaking pulutong” ng tapat na mga mananamba ni Jehova ang makakaligtas at “[lalabas] mula sa malaking kapighatian”! Pagkatapos, patuloy silang maglilingkod sa kaniya. (Basahin ang Apocalipsis 7:9, 13-17.) Talagang pinapatibay ng Bibliya ang pag-asa natin sa hinaharap! Alam nating “iniingatan ni Jehova ang mga tapat.” (Awit 31:23) Ang lahat ng umiibig at pumupuri kay Jehova ay magsasaya kapag ipinagbangong-puri na niya ang kaniyang banal na pangalan.—Ezek. 38:23.

19. Anong napakagandang kinabukasan ang naghihintay sa atin?

19 Ano kaya ang magiging laman ng 2 Timoteo 3:2-5 kung tungkol na ito sa mga tao na nasa bagong sanlibutan at wala sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas? (Tingnan ang kahong “ Ang mga Tao sa Hinaharap.”) Sinabi ni Brother George Gangas, * dating miyembro ng Lupong Tagapamahala: “Napakaganda ng mundo kapag ang lahat ng tao ay sumasamba kay Jehova! Di-magtatagal, magkakaroon ka ng pribilehiyong mabuhay sa isang bagong sistema. Mabubuhay ka hangga’t nabubuhay si Jehova. Mabubuhay tayo nang walang hanggan.” Isa ngang napakagandang pag-asa!

AWIT 122 Magpakatatag!

^ par. 5 Alam nating malapit nang maranasan ng sangkatauhan ang “malaking kapighatian.” Ano ang ibig sabihin niyan para sa atin? Ano ang inaasahan ni Jehova na gagawin natin sa panahong iyon? Anong mga katangian ang kailangan nating pasulungin ngayon para makapanatili tayong tapat? Malalaman natin sa artikulong ito.

^ par. 3 KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang Sangkakristiyanuhan ay binubuo ng mga relihiyong nag-aangking Kristiyano pero hindi naman nagtuturo sa mga tao na sambahin si Jehova ayon sa kaniyang pamantayan.

^ par. 11 KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang terminong Gog ng Magog (at ang pinaikling anyo na Gog) ay tumutukoy sa koalisyon ng mga bansa na sasalakay sa mga mananamba ni Jehova sa malaking kapighatian.

^ par. 11 Para sa mas detalyadong pagtalakay sa lahat ng mangyayari bago ang digmaan ng Armagedon, tingnan ang kabanata 21 ng aklat na Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos! Para sa higit pang detalye tungkol sa pagsalakay ni Gog ng Magog at kung paano ipagtatanggol ni Jehova ang bayan niya sa Armagedon, tingnan ang kabanata 17 at 18 ng aklat na Ibinalik ang Dalisay na Pagsamba kay Jehova.

^ par. 16 Ang 2019 kombensiyon na may temang “Ang Pag-ibig ay Hindi Kailanman Nabibigo!” ay tumutulong sa atin na magtiwala sa pag-ibig at proteksiyon ni Jehova.—1 Cor. 13:8.

^ par. 19 Tingnan ang artikulong “Ang Kaniyang mga Gawa ay Sumusunod sa Kaniya” sa Disyembre 1, 1994, isyu ng Bantayan.

^ par. 65 LARAWAN: Isang maliit na grupo ng mga Saksi ang lakas-loob na nagtitipon sa gubat para magdaos ng pulong sa panahon ng malaking kapighatian.

^ par. 67 LARAWAN: Isang malaking pulutong ng tapat na mga mananamba ni Jehova ang lalabas mula sa malaking kapighatian nang ligtas at maligaya!