ARALING ARTIKULO 48
Siguradong Tutulungan Ka ni Jehova sa Mahihirap na Sitwasyon
“‘Magpakalakas kayo, . . . dahil ako ay sumasainyo,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.”—HAG. 2:4.
AWIT BLG. 118 Palakasin Mo ang Aming Pananampalataya
NILALAMAN a
1-2. (a) Ano ang pagkakatulad ng sitwasyon natin at ng mga Judio na bumalik sa Jerusalem? (b) Ano ang ilan sa mahihirap na sitwasyon na napaharap sa mga Judio? (Tingnan ang kahong “ Panahon nina Hagai, Zacarias, at Ezra.”)
MINSAN ba, nag-aalala ka kung ano ang mangyayari sa hinaharap? Baka nawalan ka ng trabaho at iniisip mo kung paano mo paglalaanan ang pamilya mo. Baka nag-aalala ka sa kaligtasan nila kasi magulo ang sitwasyon sa politika o ipinagbabawal ang gawain natin sa lugar ninyo. Kung ganiyan ang sitwasyon mo ngayon, mapapatibay ka kapag nalaman mo kung paano tinulungan ni Jehova ang mga Israelita noon nang mapaharap sila sa ganiyan ding mga problema.
2 Kinailangan ng mga Judiong lumaki sa Babilonya ng matibay na pananampalataya. Kailangan kasi nilang iwan ang maalwang buhay doon para pumunta sa isang lugar na wala silang masyadong alam. Pagdating nila sa lugar na iyon, naging problema agad nila ang paglalaan sa pamilya nila, ang magulong sitwasyon sa politika, at ang pag-uusig mula sa nakapalibot na mga bansa. Dahil dito, nahirapan ang ilan na magpokus sa muling pagtatayo ng templo ni Jehova. Kaya noong mga 520 B.C.E., isinugo ni Jehova ang mga propetang sina Hagai at Zacarias para tulungan ang bayan na maibalik ang sigasig nila sa pagsamba. (Hag. 1:1; Zac. 1:1) At gaya ng makikita natin, nagawa iyon ng mga propetang ito. Pero pagkalipas ng halos 50 taon, kailangan ulit patibayin ang bumalik na mga Judio. Kaya mula sa Babilonya, pumunta sa Jerusalem ang mahusay na tagakopya ng Kautusan na si Ezra para tulungan ang bayan ng Diyos na gawing pangunahin sa buhay nila ang tunay na pagsamba.—Ezra 7:1, 6.
3. Anong mga tanong ang tatalakayin natin? (Kawikaan 22:19)
3 Natulungan ng mga hula nina Hagai at Zacarias ang bayan ng Diyos noon na patuloy na magtiwala kay Jehova sa panahon ng pag-uusig. Matutulungan din tayo ngayon ng mga hulang ito na magtiwalang susuportahan tayo ni Jehova sa mahihirap na sitwasyon. (Basahin ang Kawikaan 22:19.) Habang tinatalakay natin ang mga hula nina Hagai at Zacarias at ang halimbawa ni Ezra, sasagutin natin ang mga tanong na ito: Ano ang naging epekto sa mga Judio ng mahihirap na sitwasyon? Bakit dapat tayong magpokus sa paggawa ng kalooban ng Diyos kahit may mga problema? At paano natin mapapatibay ang pagtitiwala natin kay Jehova kapag nasa ganoong mga sitwasyon tayo?
ANG NAGING EPEKTO SA MGA JUDIO NG MAHIHIRAP NA SITWASYON
4-5. Ano ang posibleng dahilan kung bakit nawala ang sigasig ng mga Judio sa pagtatayo ng templo?
4 Pagdating ng mga Judio sa Jerusalem, napakarami nilang kailangang gawin. Agad nilang itinayong muli ang altar ni Jehova at ang pundasyon ng templo. (Ezra 3:1-3, 10) Pero di-nagtagal, nawala ang sigasig nila. Bakit? Bukod sa pagtatayo ng templo, kailangan din kasi nilang magtayo ng sarili nilang bahay, magtanim, at maglaan para sa pamilya nila. (Ezra 2:68, 70) Pinag-usig pa nga sila ng mga kaaway nila, na gustong pahintuin ang pagtatayo ng templo.—Ezra 4:1-5.
5 Nahirapan din ang mga Judio dahil sa magulong sitwasyon sa politika. Sakop na ng Imperyo ng Persia ang lupain nila. Pagkamatay ni Haring Ciro ng Persia noong 530 B.C.E., gustong sakupin ng kasunod niyang hari na si Cambyses ang Ehipto. Noong papunta na sa Ehipto si Cambyses, malamang na dumaan ang mga mandirigma niya sa teritoryo ng Israel at humingi sa mga Israelita ng pagkain, tubig, at matitirhan, kaya lalong nahirapan ang mga ito. Nang mamahala ang kasunod na hari na si Dario I, marami pa ring problema, gaya ng kaguluhan at rebelyon. Dahil sa mga ito, siguradong nag-alala ang maraming Judio kung paano nila paglalaanan ang pamilya nila. Sa dami ng inaalala nila, inisip ng ilang Judio na hindi ito ang tamang panahon para muling itayo ang templo ni Jehova.—Hag. 1:2.
6. Ayon sa Zacarias 4:6, 7, ano pa ang napaharap sa mga Judio, at ano ang tiniyak sa kanila ni Zacarias?
6 Basahin ang Zacarias 4:6, 7. Bukod sa kahirapan sa buhay at kaguluhan sa politika, kailangan ding harapin ng mga Judio ang pag-uusig. Noong 522 B.C.E., nakumbinsi ng mga kaaway nila ang mga namamahala sa Persia na ipatigil ang muling pagtatayo ng templo ni Jehova. Pero tiniyak ni Zacarias sa mga Judio na gagamitin ni Jehova ang espiritu Niya para alisin ang mga hadlang. Noong 520 B.C.E., pinayagan na ulit sila ni Haring Dario na ipagpatuloy ang pagtatayo at binigyan pa sila ng pondo. Inutusan din niya ang mga gobernador na tulungan sila.—Ezra 6:1, 6-10.
7. Dahil inuna ng mga Judio ang gawain ni Jehova, anong mga pagpapala ang tinanggap nila?
7 Sa pamamagitan nina Hagai at Zacarias, nangako si Jehova sa bayan niya na susuportahan niya sila kung uunahin nila ang muling pagtatayo ng templo. (Hag. 1:8, 13, 14; Zac. 1:3, 16) Napatibay ang mga Judio, kaya itinuloy nila ang pagtatayo noong 520 B.C.E., at natapos nila ito nang wala pang limang taon. Dahil inuna nila ang gawain ni Jehova sa kabila ng mga problema, sinuportahan niya sila hindi lang sa materyal kundi pati na sa espirituwal. Ano ang resulta? Naging masaya sila sa pagsamba kay Jehova.—Ezra 6:14-16, 22.
MANATILING NAKAPOKUS SA PAGGAWA NG KALOOBAN NG DIYOS
8. Paano makakatulong sa atin ang Hagai 2:4 para manatili tayong nakapokus sa paggawa ng kalooban ng Diyos? (Tingnan din ang talababa.)
8 Napakalapit na ng malaking kapighatian, kaya mahalaga na sundin natin ang utos na mangaral. (Mar. 13:10) Pero baka mahirapan tayong magpokus sa ministeryo kung may problema tayo sa pinansiyal o ipinagbabawal ang pangangaral sa lugar natin. Kaya ano ang tutulong sa atin na unahin ang Kaharian? Dapat tayong magtiwala na kasama natin si “Jehova ng mga hukbo.” b Susuportahan niya tayo kung patuloy nating uunahin ang Kaharian imbes na ang sariling kapakanan natin. Kaya wala tayong dapat ikatakot.—Basahin ang Hagai 2:4.
9-10. Paano napatunayan ng isang mag-asawa na totoo ang mga sinabi ni Jesus sa Mateo 6:33?
9 Tingnan ang karanasan nina Oleg at Irina, c isang mag-asawang payunir. Pagkalipat nila ng lugar para tumulong sa isang kongregasyon, nawalan sila ng trabaho dahil sa lumalalang problema sa ekonomiya sa bansa nila. Mga isang taon din silang walang permanenteng trabaho. Pero patuloy nilang nararamdaman ang suporta ni Jehova, at paminsan-minsan, nakakatanggap sila ng tulong mula sa mga kapatid. Ano ang ginawa nila para makayanan ang sitwasyon nila? Sinabi ni Oleg, na na-depress noong una, “Nakatulong ang pagiging busy namin sa ministeryo para magpokus sa pinakamahalagang bagay.” Habang naghahanap silang mag-asawa ng trabaho, nanatili silang busy sa pangangaral.
10 Minsan, pag-uwi nila galing sa ministeryo, nalaman nila na naglakbay pa ng mga 160 kilometro ang kaibigan nila para dalhan sila ng dalawang bag ng grocery. Sinabi ni Oleg: “Noong araw na iyon, naramdaman ulit namin kung gaano kami kamahal ni Jehova at ng kongregasyon. Kumbinsido kami na talagang hindi papabayaan ni Jehova ang mga lingkod niya kahit na parang wala nang pag-asa ang sitwasyon nila.”—Mat. 6:33.
11. Ano ang aasahan natin kung magpopokus tayo sa paggawa ng kalooban ng Diyos?
11 Gusto ni Jehova na magpokus tayo sa nagliligtas-buhay na gawain, ang paggawa ng mga alagad. Gaya ng sinabi sa parapo 7, pinatibay ni Hagai ang bayan ni Jehova na maging masigasig ulit sa paglilingkod sa kaniya, na para bang ngayon lang nila itatayo ang pundasyon ng templo. Kung gagawin nila iyon, nangako si Jehova na “pagpapalain” niya sila. (Hag. 2:18, 19) Makakapagtiwala rin tayo na pagpapalain ni Jehova ang mga pagsisikap natin kung uunahin natin ang atas na ibinigay niya sa atin.
KUNG PAANO TITIBAY ANG PAGTITIWALA NATIN KAY JEHOVA
12. Bakit kailangan ni Ezra at ng mga kasama niya ng matibay na pananampalataya?
12 Noong 468 B.C.E., naglakbay si Ezra papuntang Jerusalem kasama ang ikalawang grupo ng mga Judio mula sa Babilonya. Kailangan ni Ezra at ng mga kasama niya ng matibay na pananampalataya. Delikado ang mga dadaanan nila. Isa pa, puwede silang pagnakawan kasi marami silang dalang ginto at pilak na ibinigay ng hari para sa templo. (Ezra 7:12-16; 8:31) Pagdating nila sa Jerusalem, nakita nila na hindi rin pala ligtas sa lugar na iyon. Kaunti lang ang nakatira doon, at kailangan pang ayusin ang mga pader at pintuang-daan ng lunsod. Paano pinatibay ni Ezra ang pagtitiwala niya kay Jehova, at ano ang matututuhan natin dito?
13. Paano pinatibay ni Ezra ang pagtitiwala niya kay Jehova? (Tingnan din ang talababa.)
13 Nakita ni Ezra kung paano sinuportahan ni Jehova ang bayan Niya sa mahihirap na sitwasyon. Noong 484 B.C.E., maraming taon bago pumunta si Ezra sa Jerusalem, malamang na nakatira siya sa Babilonya. Ipinag-utos noon ni Haring Ahasuero na patayin ang lahat ng Judio na nasa Imperyo ng Persia. (Es. 3:7, 13-15) Nalagay sa panganib ang buhay ni Ezra! Dahil sa bantang ito, nag-ayuno at nagdalamhati ang mga Judio “sa bawat nasasakupang distrito” ng Persia at siguradong humingi sila ng tulong kay Jehova sa panalangin. (Es. 4:3) Isipin na lang ang naramdaman ni Ezra at ng ibang mga Judio nang mabaligtad ang sitwasyon—ang mga kaaway nila ang napatay! (Es. 9:1, 2) Siguradong naihanda si Ezra ng karanasan niyang ito para sa iba pang mahihirap na sitwasyon at napatibay nito ang pagtitiwala niya sa kakayahan ni Jehova na protektahan ang bayan Niya. d
14. Ano ang natutuhan ng isang sister nang makita niya ang tulong ni Jehova sa mahirap na sitwasyon?
14 Kapag nakikita natin ang tulong ni Jehova sa mahihirap na sitwasyon, mas tumitibay ang pagtitiwala natin sa kaniya. Tingnan ang karanasan ni Anastasia, na taga-Eastern Europe. Nag-resign siya sa trabaho para makapanatili siyang neutral. Sinabi niya, “Noon lang nangyari sa akin na wala akong kapera-pera.” Pero sinabi niya: “Nanalangin ako kay Jehova, at kitang-kita ko kung paano niya ako tinulungan. Hindi na ako matatakot kapag nawalan ako ulit ng trabaho. Kung tinutulungan ako ni Jehova ngayon, tutulungan niya ako ulit sa mga susunod na araw.”
15. Ano ang nakatulong kay Ezra na mapanatili ang pagtitiwala niya kay Jehova? (Ezra 7:27, 28)
15 Nakita ni Ezra ang tulong ni Jehova sa buhay niya. Kapag iniisip ni Ezra kung gaano karaming beses siyang tinulungan ni Jehova, siguradong nakatulong iyon para patuloy siyang magtiwala sa Kaniya. Pansinin ang pananalitang “dahil sa tulong ng aking Diyos na si Jehova.” (Basahin ang Ezra 7:27, 28.) Apat na beses pang gumamit si Ezra ng kahawig na pananalita sa aklat na isinulat niya.—Ezra 7:6, 9; 8:18, 22.
16. Sa anong mga sitwasyon natin mas makikita ang tulong ni Jehova? (Tingnan din ang larawan.)
16 Kaya tayong tulungan ni Jehova kapag nasa mahirap na sitwasyon tayo. Halimbawa, kapag nagpapaalam tayo sa boss natin na magbakasyon para makadalo ng kombensiyon o nagpapabago tayo ng iskedyul sa trabaho para makadalo tayo sa lahat ng pulong, binibigyan natin si Jehova ng pagkakataon na tulungan tayo. Baka mas maganda pa sa inaasahan natin ang maging resulta. At dahil diyan, lalong titibay ang pagtitiwala natin kay Jehova.
17. Paano naging mapagpakumbaba si Ezra sa mahihirap na sitwasyon? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
17 Mapagpakumbaba si Ezra, at humingi siya ng tulong kay Jehova. Sa tuwing nag-aalala si Ezra sa mga atas niya, nagpapakita siya ng kapakumbabaan at nananalangin siya kay Jehova. (Ezra 8:21-23; 9:3-5) Dahil umasa si Ezra kay Jehova, sinuportahan siya ng iba at tinularan nila ang pananampalataya niya. (Ezra 10:1-4) Kapag sobra tayong nag-aalala sa materyal na pangangailangan o sa kaligtasan ng pamilya natin, dapat tayong magtiwala kay Jehova at humingi ng tulong sa kaniya sa panalangin.
18. Ano ang tutulong para mas tumibay ang pagtitiwala natin kay Jehova?
18 Kung magiging mapagpakumbaba tayo, mananalangin kay Jehova, at tatanggapin ang tulong ng mga kapatid, mas titibay ang pagtitiwala natin sa Diyos. Napanatili ni Erika, na may tatlong anak, ang pagtitiwala niya kay Jehova kahit nagkaroon ng trahedya sa buhay niya. Sa loob lang ng maikling panahon, nakunan siya at namatayan pa ng asawa. Tungkol sa mga nangyaring ito, sinabi niya: “Kung minsan, hindi mo alam kung paano ka tutulungan ni Jehova. Ginamit ni Jehova ang mga kaibigan ko para sagutin ang marami sa mga panalangin ko. Nakatulong sa akin ang mga sinabi at ginawa nila. Kapag ikinukuwento ko sa kanila ang mga nangyayari sa akin, mas madali nila akong natutulungan.”
PANATILIHIN ANG PAGTITIWALA KAY JEHOVA HANGGANG WAKAS
19-20. Ano ang matututuhan natin sa mga Judio na hindi na nakabalik sa Jerusalem?
19 May matututuhan din tayo sa mga Judio na hindi na nakabalik sa Jerusalem. Hindi na nakabalik ang ilan dahil sa katandaan, malalang sakit, o obligasyon sa pamilya. Pero masaya nilang sinuportahan ang mga bumalik—nagbigay sila ng kontribusyon para sa templo. (Ezra 1:5, 6) Lumilitaw na pagkalipas ng mga 19 na taon mula nang dumating ang unang grupo ng mga Judio sa Jerusalem, nagpapadala pa rin ng kontribusyon doon ang mga naiwan sa Babilonya.—Zac. 6:10.
20 Kahit hindi na natin magawa ang lahat ng gusto nating gawin para kay Jehova, makakapagtiwala tayong pinapahalagahan niya ang lahat ng pagsisikap natin. Bakit natin nasabi iyan? Noong panahon ni Zacarias, inutusan siya ni Jehova na gumawa ng isang koronang gawa sa ginto at pilak na ipinadala ng mga tapon sa Babilonya. (Zac. 6:11) Dahil sa “maringal na korona” na ito, maaalala ang maraming kontribusyon nila. (Zac. 6:14, tlb.) Makakapagtiwala tayo na hindi makakalimutan ni Jehova ang mga pagsisikap natin na paglingkuran siya sa mahihirap na sitwasyon.—Heb. 6:10.
21. Ano ang tutulong sa atin na manatiling buo ang tiwala kay Jehova anumang sitwasyon ang mapaharap sa atin?
21 Siguradong may mararanasan pa tayong mahihirap na sitwasyon sa mga huling araw na ito, at baka lumala pa nga ang mga iyon. (2 Tim. 3:1, 13) Pero hindi tayo dapat sobrang mag-alala. Tandaan ang sinabi ni Jehova sa bayan niya noong panahon ni Hagai: “Ako ay sumasainyo . . . Huwag kayong matakot.” (Hag. 2:4, 5) Makakatiyak din tayo na tutulungan tayo ni Jehova kung lagi nating sisikaping gawin ang kalooban niya. Kung susundin natin ang mga natutuhan natin mula sa mga hula nina Hagai at Zacarias at mula sa halimbawa ni Ezra, mananatiling buo ang tiwala natin kay Jehova anumang mahirap na sitwasyon ang mapaharap sa atin.
AWIT BLG. 122 Magpakatatag!
a Mapapatibay ng artikulong ito ang pagtitiwala natin kay Jehova kapag may problema tayo sa pinansiyal, magulo ang sitwasyon sa politika sa lugar natin, o may pagbabawal sa gawain natin.
b Ang pananalitang “Jehova ng mga hukbo” ay lumitaw nang 14 na beses sa aklat ng Hagai. Ipinapaalala nito noon sa mga Judio at sa atin din na napakamakapangyarihan ni Jehova at nasa pangunguna niya ang malalaking hukbo ng mga anghel.—Awit 103:20, 21.
c Binago ang ilang pangalan.
d Bilang isang mahusay na tagakopya ng Kautusan ng Diyos, tumibay ang pagtitiwala ni Ezra sa mga hula ni Jehova bago pa siya pumunta sa Jerusalem.—2 Cro. 36:22, 23; Ezra 7:6, 9, 10; Jer. 29:14.
e LARAWAN: Nagpapaalam ang isang brother sa boss niya na magbakasyon para dumalo sa kombensiyon, pero hindi siya pinayagan. Nananalangin siya para humingi ng tulong kay Jehova habang naghahanda siya ng sasabihin niya sa boss niya kapag nagpaalam siya ulit. Ipinapakita niya sa boss niya ang imbitasyon sa kombensiyon at ipinapaliwanag ang kahalagahan ng pag-aaral ng Bibliya. Humanga ang boss niya sa sinabi niya at pinayagan na siyang dumalo.