Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 47

Mga Aral na Matututuhan Natin sa Aklat ng Levitico

Mga Aral na Matututuhan Natin sa Aklat ng Levitico

“Ang buong Kasulatan ay mula sa Diyos at kapaki-pakinabang.”​—2 TIM. 3:16.

AWIT 98 Ang Kasulatan—Nagmula sa Diyos

NILALAMAN *

1-2. Bakit dapat na maging interesado ang mga Kristiyano sa ngayon sa aklat ng Levitico?

IPINAALAALA ni apostol Pablo sa kaibigan niyang si Timoteo na “ang buong Kasulatan ay mula sa Diyos at kapaki-pakinabang.” (2 Tim. 3:16) Kasama roon ang aklat ng Levitico. Ano ang masasabi mo sa aklat na iyon? Baka para sa ilan, listahan lang ito ng mga kautusang lipas na, pero hindi ganoon ang pananaw ng tunay na mga Kristiyano.

2 Isinulat ang Levitico mga 3,500 taon na ang nakakalipas, pero iningatan ito ni Jehova “para matuto tayo.” (Roma 15:4) Dahil makikita sa Levitico ang kaisipan ni Jehova, dapat na maging interesado tayong pag-aralan ito. Sa katunayan, marami tayong matututuhan sa aklat na ito na mula sa Diyos. Talakayin natin ang apat sa mga iyon.

KUNG PAANO MAKUKUHA ANG PAGSANG-AYON NI JEHOVA

3. Bakit naghahandog ang mga Israelita sa taunang Araw ng Pagbabayad-Sala?

3 Unang aral: Kailangan muna nating makuha ang pagsang-ayon ni Jehova para tanggapin niya ang handog natin. Sa taunang Araw ng Pagbabayad-Sala, nagtitipon ang bansang Israel at naghahandog ng mga hayop. Ang mga handog na iyon ay nagpapaalaala sa mga Israelita na kailangan nilang maging malinis mula sa kasalanan. Pero bago dalhin ng mataas na saserdote ang haing dugo sa Kabanal-banalan sa mismong araw na iyon, may kailangan muna siyang gawin, at mas mahalaga iyon kaysa sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan.

(Tingnan ang parapo 4) *

4. Ayon sa Levitico 16:12, 13, ano ang ginagawa ng mataas na saserdote sa unang pagpasok niya sa Kabanal-banalan sa Araw ng Pagbabayad-Sala? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)

4 Basahin ang Levitico 16:12, 13. Isipin ang nangyayari sa Araw ng Pagbabayad-Sala: Papasok ang mataas na saserdote sa tabernakulo. Ito ang una sa tatlong beses na dapat siyang pumasok sa Kabanal-banalan sa araw na iyon. Hawak niya sa isang kamay ang isang lalagyang punô ng mabangong insenso, at sa kabila naman ay isang gintong lalagyan na punô ng baga. Pagdating niya sa may kurtina sa pasukan ng Kabanal-banalan, hihinto siya sandali. Buong paggalang siyang papasok sa Kabanal-banalan at tatayo sa tapat ng kaban ng tipan. Sa makasagisag na diwa, nakatayo siya sa harap mismo ng Diyos na Jehova! Ngayon, dahan-dahan niyang ibubuhos ang banal na insenso sa nagniningas na mga baga, at ang silid ay mapupuno ng mabangong amoy. * Pagkatapos, papasok siya ulit sa Kabanal-banalan dala ang dugo ng mga handog para sa kasalanan. Pansinin na sinusunog muna niya ang insenso bago ialay ang dugo ng mga handog para sa kasalanan.

5. Ano ang matututuhan natin sa paggamit ng insenso sa Araw ng Pagbabayad-Sala?

5 Ano ang matututuhan natin sa paggamit ng insenso sa Araw ng Pagbabayad-Sala? Ipinapakita ng Bibliya na ang panalangin ng tapat na mga mananamba ni Jehova ay gaya ng insenso. (Awit 141:2; Apoc. 5:8) Tandaan na buong paggalang na dinadala ng mataas na saserdote ang insenso sa harap ng presensiya ni Jehova. Kaya kapag lumalapit tayo kay Jehova sa panalangin, ginagawa natin iyon nang may matinding paggalang. Laking pasasalamat natin na hinahayaan tayo ng Maylalang ng uniberso na lumapit sa kaniya, gaya ng anak na lumalapit sa kaniyang ama. (Sant. 4:8) Tinatanggap niya tayo bilang mga kaibigan niya! (Awit 25:14) Gayon na lang ang pagpapahalaga natin sa pribilehiyong ito kaya ayaw nating gumawa ng anumang bagay na ikasasama ng loob niya.

6. Ano ang matututuhan natin sa ginagawa ng mataas na saserdote na pagsusunog muna ng insenso bago maghandog?

6 Tandaan na kailangan munang sunugin ng mataas na saserdote ang insenso bago siya maghandog. Sa gayon, matitiyak niya na habang naghahandog siya, may pagsang-ayon siya ng Diyos. Ano ang matututuhan natin dito? Noong nasa lupa si Jesus, may mahalagang bagay siyang kailangang gawin—isang bagay na mas mahalaga kaysa sa pagliligtas sa mga tao—bago niya ihandog ang kaniyang buhay. Ano iyon? Kailangan niyang maging masunurin kay Jehova sa buong buhay niya para tanggapin ni Jehova ang kaniyang handog. Sa gayon, mapapatunayan ni Jesus na ang pagsunod sa paraan ni Jehova ang tamang paraan ng pamumuhay. Maipagbabangong-puri ni Jesus—o mapapatunayan niyang tama at makatarungan—ang soberanya, o paraan ng pamamahala, ng kaniyang Ama.

7. Paano napasaya ni Jesus ang kaniyang Ama sa buong buhay niya?

7 Sa buong buhay ni Jesus sa lupa, lubusan siyang sumunod sa matuwid na pamantayan ni Jehova. Kahit napaharap siya sa mga tukso at pagsubok at alam niyang daranas siya ng malupit na kamatayan, determinado pa rin siyang patunayan na ang paraan ng pamamahala ng kaniyang Ama ang pinakamabuti. (Fil. 2:8) Noong dumanas siya ng mga pagsubok, nanalangin si Jesus “nang may paghiyaw at mga luha.” (Heb. 5:7) Makikita sa kaniyang taimtim na mga panalangin ang katapatan niya kay Jehova, at nakatulong ito para maging mas determinado siyang manatiling masunurin. Para kay Jehova, ang mga panalangin ni Jesus ay gaya ng mabangong insenso. Sa buong buhay ni Jesus, napasaya niya ang kaniyang Ama at naipagbangong-puri ang soberanya ng Diyos.

8. Paano natin matutularan si Jesus?

8 Matutularan natin si Jesus kung gagawin natin ang ating buong makakaya para makapanatiling tapat kay Jehova. Kapag dumaranas ng pagsubok, magsumamo tayo kay Jehova na tulungan tayong mapasaya siya. Sa gayon, maipapakita nating sinusuportahan natin ang paraan ng pamamahala ni Jehova. Alam nating hindi pakikinggan ni Jehova ang mga panalangin natin kung gumagawa tayo ng mga bagay na kinapopootan niya. Pero kung sumusunod tayo sa pamantayan ni Jehova, makakapagtiwala tayo na ituturing niyang gaya ng mabangong insenso ang taos-puso nating mga panalangin. At makakatiyak tayong mapapasaya natin ang ating Ama sa langit dahil sa ating katapatan at pagkamasunurin.—Kaw. 27:11.

NAGLILINGKOD TAYO UDYOK NG PAG-IBIG AT PASASALAMAT

(Tingnan ang parapo 9) *

9. Bakit naghahandog ng haing pansalo-salo ang mga Israelita noon?

9 Ikalawang aral: Naglilingkod tayo kay Jehova udyok ng pasasalamat sa kaniya. Matututuhan natin ang aral na iyan kapag sinuri natin ang handog na pansalo-salo, isa pang mahalagang bahagi ng pagsamba ng mga Israelita noon. * Sa aklat ng Levitico, makikita na puwedeng maghandog ang isang Israelita ng haing pansalo-salo “bilang hain ng pasasalamat.” (Lev. 7:11-13, 16-18) Naghahandog siya nito, hindi dahil kailangan, kundi dahil gusto niya. Kaya ito ay kusang-loob na handog na ibinibigay ng isa dahil mahal niya ang kaniyang Diyos na si Jehova. Ang naghandog, ang pamilya niya, at ang mga saserdote ay magsasalo-salo sa karne ng inihandog na hayop. Pero may ilang bahagi ng hayop na para lang kay Jehova. Ano-ano iyon?

(Tingnan ang parapo 10) *

10. Ano ang pagkakatulad ng haing pansalo-salong binanggit sa Levitico 3:6, 12, 14-16 at ng paglilingkod ni Jesus kay Jehova?

10 Ikatlong aral: Dahil mahal natin si Jehova, ibinibigay natin sa kaniya ang ating pinakamabuti. Para kay Jehova, ang taba ang pinakamagandang parte ng hayop. Espesyal din para sa kaniya ang iba pa nitong bahagi, gaya ng bato. (Basahin ang Levitico 3:6, 12, 14-16.) Kaya talagang natutuwa si Jehova kapag ang mga ito ay kusang inihahandog sa kaniya ng isang Israelita. Ipinapakita ng Israelitang iyon na gustong-gusto niyang ibigay sa Diyos ang pinakamabuti. Ganiyan din si Jesus. Dahil mahal niya si Jehova, ibinigay niya kay Jehova ang kaniyang pinakamabuti—buong kaluluwa siyang naglingkod sa Diyos. (Juan 14:31) Kaligayahan ni Jesus na gawin ang kalooban ng Diyos; napakahalaga sa kaniya ng kautusan ng Diyos. (Awit 40:8) Siguradong masayang-masaya si Jehova na makitang taos-pusong naglilingkod sa kaniya si Jesus!

Dahil mahal natin si Jehova, ibinibigay natin sa kaniya ang ating pinakamabuti (Tingnan ang parapo 11-12) *

11. Ano ang pagkakatulad ng paglilingkod natin at ng haing pansalo-salo, at bakit iyon nakakapagpatibay?

11 Gaya ng mga haing pansalo-salo, ipinapakita ng paglilingkod natin kay Jehova ang nadarama natin para sa kaniya. Ibinibigay natin kay Jehova ang ating pinakamabuti dahil mahal na mahal natin siya. Tiyak na masayang-masaya si Jehova na makitang naglilingkod sa kaniya ang milyon-milyong mananamba niya dahil sa kanilang malalim na pag-ibig sa kaniya at sa kaniyang pamantayan! Nakakapagpatibay isiping nakikita at pinahahalagahan ni Jehova hindi lang ang ginagawa natin kundi pati ang motibo natin. Halimbawa, kung may-edad ka na at limitado na lang ang nagagawa mo, makakatiyak kang naiintindihan iyon ni Jehova. Baka pakiramdam mo, kaunti na lang ang nagagawa mo para sa kaniya, pero nakikita ni Jehova na dahil mahal na mahal mo siya, ginagawa mo ang makakaya mo. Natutuwa siyang tanggapin ang pinakamabuting maibibigay mo.

12. Bakit nakakapagpatibay ang nadarama ni Jehova sa mga haing pansalo-salo?

12 Ano ang matututuhan natin sa haing pansalo-salo? Habang nasusunog ang pinakamagagandang parte ng hayop, pumapailanlang ang usok at napapasaya nito si Jehova. Ipinapakita lang niyan na natutuwa rin si Jehova sa iyong kusa at buong-kaluluwang paglilingkod. (Col. 3:23) Isipin kung gaano mo siya napapasaya. Anumang nagagawa mo para sa kaniya udyok ng pag-ibig, malaki man iyon o maliit, ay itinuturing niyang kayamanan na iingatan niya at pahahalagahan magpakailanman.—Mat. 6:20; Heb. 6:10.

PINAGPAPALA NI JEHOVA ANG ORGANISASYON NIYA

13. Ayon sa Levitico 9:23, 24, paano ipinakita ni Jehova na sinasang-ayunan niya ang mga saserdote?

13 Ikaapat na aral: Pinagpapala ni Jehova ang makalupang bahagi ng organisasyon niya. Pag-isipan ang nangyari noong 1512 B.C.E. nang itayo ang tabernakulo sa paanan ng Bundok Sinai. (Ex. 40:17) Pinangunahan ni Moises ang seremonya sa pag-aatas kay Aaron at sa mga anak nito bilang mga saserdote. Nagtipon ang bayang Israel para masaksihan ang unang pag-aalay ng mga saserdote ng mga handog na hayop. (Lev. 9:1-5) Paano ipinakita ni Jehova na sinasang-ayunan niya ang mga inatasang saserdote? Habang pinagpapala nina Aaron at Moises ang bayan, nagpadala si Jehova ng apoy na tumupok sa handog na nasa altar.—Basahin ang Levitico 9:23, 24.

14. Bakit mahalaga sa atin sa ngayon ang ipinakitang pagsang-ayon ni Jehova kay Aaron at sa mga anak nito bilang mga saserdote?

14 Ano ang pinapatunayan ng kahanga-hangang pangyayaring ito? Ipinapakita nito na lubusang sinusuportahan ni Jehova si Aaron at ang mga anak nito bilang mga saserdote. Nang makita ng mga Israelita ang malinaw na ebidensiyang ito, naintindihan nilang kailangan din nilang lubusang suportahan ang mga saserdote. Mahalaga ba sa atin sa ngayon ang pangyayaring ito? Oo! Ang mga saserdote sa Israel ay kumakatawan sa nakahihigit na mga saserdote—ang mas dakilang Mataas na Saserdote na si Kristo at ang 144,000 makakasama niya sa langit bilang mga hari at saserdote.—Heb. 4:14; 8:3-5; 10:1.

Pinagpapala at pinapatnubayan ni Jehova ang organisasyon niya. Buong puso natin itong sinusuportahan (Tingnan ang parapo 15-17) *

15-16. Paano ipinapakita ni Jehova ang pagsang-ayon niya sa “tapat at matalinong alipin”?

15 Noong 1919, inatasan ni Jesus ang isang maliit na grupo ng pinahirang mga kapatid bilang “tapat at matalinong alipin.” Ang aliping ito ang nangunguna sa gawaing pangangaral at nagbibigay sa mga tagasunod ni Kristo ng “pagkain sa tamang panahon.” (Mat. 24:45) May nakikita ba tayong malinaw na ebidensiya na sinasang-ayunan ng Diyos ang tapat at matalinong alipin?

16 Sinisikap ni Satanas at ng sanlibutan niya na mapahinto ang gawain ng tapat na alipin. Kung wala ang tulong ni Jehova, baka imposible nang magawa ng alipin ang atas nito. Pero sa kabila ng dalawang digmaang pandaigdig, walang-tigil na pag-uusig, pagbagsak ng ekonomiya sa buong mundo, at di-makatarungang pagtrato, ang tapat at matalinong alipin ay patuloy pa ring nakakapaglaan ng espirituwal na pagkain sa mga tagasunod ni Kristo sa lupa. Ang pagkaing iyan ay sagana, walang bayad, at makukuha sa mahigit 900 wika! Malinaw na ebidensiya iyan ng suporta ng Diyos. Ito pa ang isang ebidensiya: ang pangangaral. Ang mabuting balita ay talagang naipangangaral “sa buong lupa.” (Mat. 24:14) Maliwanag, pinapatnubayan at pinagpapala ni Jehova ang organisasyon niya sa ngayon.

17. Paano natin masusuportahan ang organisasyong ginagamit ni Jehova?

17 Magandang pag-isipan natin, ‘Pinahahalagahan ko ba na kabilang ako sa makalupang bahagi ng organisasyon ni Jehova?’ Gaya ng apoy mula sa langit noong panahon nina Moises at Aaron, napakalinaw rin ng ebidensiyang ibinigay sa atin ngayon ni Jehova. Talagang marami tayong dapat ipagpasalamat. (1 Tes. 5:18, 19) Paano natin masusuportahan ang organisasyong ginagamit niya? Sa pamamagitan ng pagsunod sa patnubay ng Bibliya na natatanggap natin mula sa mga publikasyon, pulong, asamblea, at kombensiyon. Masusuportahan din natin ito sa pamamagitan ng lubusang pakikibahagi sa pangangaral at pagtuturo.—1 Cor. 15:58.

18. Ano ang determinado mong gawin?

18 Maging determinado sana tayong isabuhay ang mga natutuhan natin sa aklat ng Levitico. Gawin natin ang ating magagawa para sang-ayunan tayo ni Jehova at tanggapin ang ating mga handog. Paglingkuran natin si Jehova udyok ng pasasalamat sa kaniya. Patuloy nating ibigay kay Jehova ang ating pinakamabuti dahil mahal natin siya. At buong puso nating suportahan ang organisasyong pinagpapala niya sa ngayon. Kung gagawin natin iyan, maipapakita nating pinahahalagahan natin ang pribilehiyong mapaglingkuran siya bilang kaniyang mga Saksi!

AWIT 96 Ang Aklat ng Diyos—Isang Kayamanan

^ par. 5 Ang aklat ng Levitico ay naglalaman ng mga kautusang ibinigay ni Jehova sa Israel noon. Bilang mga Kristiyano, hindi na natin kailangang sundin ang mga kautusang iyon, pero may matututuhan pa rin tayo rito. Tatalakayin sa artikulong ito ang mahahalagang aral na matututuhan natin sa aklat ng Levitico.

^ par. 4 Ang insensong sinusunog sa tabernakulo ay itinuturing na banal, at sa Israel noon, ginagamit lang ito para sa pagsamba kay Jehova. (Ex. 30:34-38) Walang ulat na gumamit ng insenso ang mga Kristiyano noong unang siglo sa kanilang pagsamba.

^ par. 9 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa handog na pansalo-salo, tingnan ang Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1, p. 890-891.

^ par. 54 LARAWAN: Sa Araw ng Pagbabayad-Sala, pumapasok ang mataas na saserdote sa Kabanal-banalan na may dalang insenso at baga para mapunô ang silid ng mabangong amoy. Pagkatapos, papasok siya ulit sa Kabanal-banalan dala ang dugo ng mga handog para sa kasalanan.

^ par. 56 LARAWAN: Israelita na nagbibigay sa saserdote ng isang tupa bilang haing pansalo-salo para ipakita ang pasasalamat ng pamilya nila kay Jehova.

^ par. 58 LARAWAN: Sa ministeryo ni Jesus sa lupa, ipinakita niyang mahal na mahal niya si Jehova sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos ng Diyos at pagtulong sa mga alagad niya na sumunod din dito.

^ par. 60 LARAWAN: Kahit mahina na ang may-edad na sister, ibinibigay niya ang pinakamabuti niya kay Jehova sa pamamagitan ng letter writing.

^ par. 62 LARAWAN: Noong Pebrero 2019, inilabas ni Brother Gerrit Lösch ng Lupong Tagapamahala ang nirebisang Bagong Sanlibutang Salin sa wikang German, at tuwang-tuwa ang mga dumalo. Sa ngayon, masayang ginagamit ng mga mamamahayag sa Germany ang bagong labas na Bibliya sa kanilang ministeryo, gaya ng dalawang sister na ito.