Ang Taong Bukas-Palad ay Pagpapalain
NOON pa man, ang paghahain ay mahalagang bahagi na ng tunay na pagsamba. Ang mga Israelita ay naghahandog ng mga haing hayop, at kilalá ang mga Kristiyano dahil sa kanilang “hain ng papuri.” Pero may iba pang mga hain na nakalulugod sa Diyos. (Heb. 13:15, 16) Ang mga ito ay nagdudulot ng kasiyahan at mga pagpapala, gaya ng makikita sa sumusunod na mga halimbawa.
Si Hana, isang tapat na lingkod noon, ay hindi magkaanak kahit gustong-gusto niya. Sa panalangin, nanata siya kay Jehova na kung magkakaroon siya ng anak na lalaki, ‘ibibigay niya ito kay Jehova sa lahat ng mga araw ng buhay nito.’ (1 Sam. 1:10, 11) Nang maglaon, nagdalang-tao si Hana, at Samuel ang ipinangalan niya dito. Nang maawat sa suso si Samuel, dinala siya ni Hana sa tabernakulo gaya ng kaniyang ipinanata. Pinagpala ni Jehova si Hana dahil sa pagsasakripisyo niya. Nagkaroon pa siya ng limang anak. Samantala, si Samuel ay naging propeta at isang manunulat ng Bibliya.—1 Sam. 2:21.
Tulad nina Hana at Samuel, ang mga Kristiyano sa ngayon ay may pribilehiyo na gamitin ang kanilang buhay sa tapat na paglilingkod sa kanilang Maylikha. Nangako si Jesus na anumang sakripisyo na ginagawa natin alang-alang sa pagsamba kay Jehova ay pagpapalain.—Mar. 10:28-30.
Noong unang siglo, si Dorcas, isang babaeng Kristiyano, ay nakilala dahil sa kaniyang “mabubuting gawa at mga kaloob ng awa”—mga sakripisyong ginawa niya para tulungan ang iba. Pero “nagkasakit siya at namatay,” na lubhang ikinalungkot ng kongregasyon. Nang malaman ng mga alagad na nasa kalapít na lunsod lang si Pedro, nagmakaawa sila sa kaniya na puntahan sila. Isip-isipin ang kanilang kagalakan nang buhaying muli ni Pedro si Dorcas—ang kauna-unahang iniulat na pagkabuhay-muli na ginawa ng isang apostol! (Gawa 9:36-41) Hindi kinalimutan ng Diyos ang mga sakripisyo ni Dorcas. (Heb. 6:10) Ang ulat ng kaniyang pagiging bukas-palad ay iningatan sa Salita ng Diyos para matularan natin.
Nagpakita rin si apostol Pablo ng mahusay na halimbawa ng pagiging bukas-palad sa pagbibigay ng panahon at atensiyon. Nang sumulat siya sa mga kapatid na Kristiyano sa Corinto, sinabi ni Pablo: “Sa ganang akin ay buong lugod akong gugugol at lubusang magpapagugol para sa inyong mga kaluluwa.” (2 Cor. 12:15) Mula sa kaniyang karanasan, natutuhan ni Pablo na ang pagsasakripisyo para sa iba ay nagdudulot ng personal na kasiyahan. Pero ang lalong mahalaga, nagdudulot ito ng pagpapala at pagsang-ayon ni Jehova.—Gawa 20:24, 35.
Maliwanag na nagagalak si Jehova kapag ginagamit natin ang ating panahon at lakas para sa interes ng Kaharian at sa pagtulong sa mga kapananampalataya. Pero may iba pa bang paraan para suportahan ang pangangaral ng Kaharian? Oo! Mapararangalan din natin ang Diyos sa pamamagitan ng ating kusang-loob na mga donasyon. Ginagamit ang mga ito para sa gawaing pangangaral sa buong daigdig, kasama na rito ang pagsuporta sa mga misyonero at sa iba pang nasa pantanging buong-panahong paglilingkod. Ang paghahanda at pagsasalin ng mga literatura at video, pagtulong sa mga nakaranas ng sakuna, pati na ang pagtatayo ng mga bagong Kingdom Hall ay tinutustusan ng ating kusang-loob na mga donasyon. Tinitiyak sa atin na “siyang may mabait na mata [o bukas-palad] ay pagpapalain.” Kapag inihahandog natin kay Jehova ang ating mahahalagang pag-aari, napararangalan natin siya.—Kaw. 3:9; 22:9.