ARALING ARTIKULO 19
AWIT BLG. 6 Ang Langit ay Lumuluwalhati sa Diyos
Tularan ang Tapat na mga Anghel
“Purihin ninyo si Jehova, lahat kayong mga anghel niya.”—AWIT 103:20.
MATUTUTUHAN
Kung paano tutularan ang halimbawa ng tapat na mga anghel.
1-2. (a) Ano ang pagkakaiba ng mga tao at ng mga anghel? (b) Ano ang pagkakapareho natin at ng mga anghel?
NANG akayin tayo ni Jehova sa katotohanan, naging bahagi tayo ng isang napakalaki at mapagmahal na pamilya. Kasama sa pamilyang iyan ang milyon-milyong tapat na mga anghel. (Dan. 7:9, 10) Pero baka maisip natin na ibang-iba tayo sa mga anghel. Halimbawa, napakatagal na nilang nabubuhay kumpara sa atin. (Job 38:4, 7) Mas malakas din sila, mas banal, at mas matuwid kung ikukumpara sa atin na di-perpektong mga tao.—Luc. 9:26.
2 Pero kahit may mga pagkakaiba tayo sa kanila, marami rin tayong pagkakapareho. Halimbawa, puwede nating maipakita ang magagandang katangian ni Jehova gaya nila. Mayroon din tayong kalayaang magpasiya. Gaya ng mga anghel, mayroon tayong kani-kaniyang pangalan, katangian, at mga responsibilidad. At pareho nating kailangang sambahin ang ating Maylalang.—1 Ped. 1:12.
3. Ano ang matututuhan natin sa tapat na mga anghel?
3 Dahil marami tayong pagkakapareho sa mga anghel, puwede tayong matuto at mapatibay sa magandang halimbawa nila. Sa artikulong ito, matututuhan natin kung paano natin matutularan ang kapakumbabaan ng tapat na mga anghel, pati na ang pag-ibig nila sa mga tao, ang pagtitiis nila, at ang pagsisikap nilang mapanatiling malinis ang kongregasyon.
MAPAGPAKUMBABA ANG MGA ANGHEL
4. (a) Paano naging mapagpakumbaba ang mga anghel? (b) Bakit mapagpakumbaba ang mga anghel? (Awit 89:7)
4 Mapagpakumbaba ang tapat na mga anghel. Kahit na makaranasan sila, malakas, at matalino, sinusunod pa rin nila ang mga tagubilin ni Jehova. (Awit 103:20) Hindi nila ipinagmamayabang ang mga ginagawa nila sa atas nila. Hindi rin sila nagpapakitang-gilas gamit ang kapangyarihan nila. Masaya nilang ginagawa anuman ang iutos sa kanila ni Jehova kahit pa nga hindi malaman ang pangalan nila. a (Gen. 32:24, 29; 2 Hari 19:35) Tinatanggihan din nila ang mga papuring para kay Jehova. Bakit mapagpakumbaba ang mga anghel? Dahil mahal nila si Jehova at talagang iginagalang nila siya.—Basahin ang Awit 89:7.
5. Paano naging mapagpakumbaba ang isang anghel nang ituwid niya si apostol Juan? (Tingnan din ang larawan.)
5 Tingnan natin kung paano ipinakita ng isang ulat sa Bibliya ang kapakumbabaan ng mga anghel. Noong mga 96 C.E., isang di-pinangalanang anghel ang naghatid kay apostol Juan ng isang kamangha-manghang pangitain. (Apoc. 1:1) Ano ang naging reaksiyon ni Juan sa nakita niya? Sumubsob siya para sambahin ang anghel. Pero pinigilan siya agad ng anghel at sinabi: “Mag-ingat ka! Huwag mong gawin iyan! Isa lang akong aliping gaya mo at ng mga kapatid mo . . . Ang Diyos ang sambahin mo!” (Apoc. 19:10) Talagang mapagpakumbaba ang anghel! Ayaw niyang tanggapin ang karangalang ibinibigay sa kaniya. Agad niyang sinabi na ang Diyos na Jehova ang dapat na sambahin ni Juan. Hindi rin niya inisip na nakakahigit siya. Kahit mas matagal nang naglilingkod kay Jehova ang anghel at mas makapangyarihan siya kaysa kay Juan, mapagpakumbaba siya. Sinabi niyang alipin lang din siya gaya ng apostol. Kinailangang ituwid ng anghel si Juan, pero ginawa niya ito sa mabait na paraan. Hindi niya ipinahiya ang may-edad nang apostol. Malamang na inisip niyang nagawa lang iyon ni Juan dahil manghang-mangha ito sa nakita niya.
Naging mapagpakumbaba ang anghel nang kausapin at ituwid niya si Juan (Tingnan ang parapo 5)
6. Paano natin matutularan ang kapakumbabaan ng mga anghel?
6 Paano natin matutularan ang kapakumbabaan ng mga anghel? Matutularan natin sila kung hindi natin ipagyayabang ang mga nagagawa natin sa paglilingkod kay Jehova o ipapakitang nagawa natin ang isang bagay dahil magaling tayo. (1 Cor. 4:7) Isa pa, hindi rin natin dapat isipin na mas mahalaga tayo sa iba dahil mas matagal na tayong naglilingkod o dahil sa mga pribilehiyo natin. Ang totoo, habang mas dumadami ang nagagawa natin sa paglilingkod kay Jehova, dapat na mas ituring natin ang sarili natin na nakabababa. (Luc. 9:48) Gusto nating paglingkuran ang iba gaya ng ginawa ng mga anghel, at ayaw nating mapunta sa atin ang atensiyon.
7. Paano tayo magiging mapagpakumbaba kapag kailangan nating magpayo o magtuwid?
7 Maipapakita rin natin ang kapakumbabaan kapag nagpapayo tayo o nagtutuwid. Halimbawa, baka kailangan nating payuhan nang deretsahan ang isang kapatid o ang anak natin. Magagawa pa rin natin iyan sa mabait na paraan, gaya ng ginawa ng anghel nang ituwid niya si Juan. Deretsahan ang payo niya pero hindi nakakawala ng dangal. Kung hindi natin iisiping nakakataas tayo sa pinapayuhan natin, magiging magalang at maawain tayo kapag nagbibigay ng payo na galing sa Bibliya.—Col. 4:6.
MAHAL NG MGA ANGHEL ANG MGA TAO
8. (a) Ayon sa Lucas 15:10, paano ipinapakita ng mga anghel na mahal nila ang mga tao? (b) Paano tayo tinutulungan ng mga anghel sa pangangaral? (Tingnan din ang larawan.)
8 Mahal ng mga anghel ang mga tao. Hindi sila malayo sa atin. Nagsasaya ang mga anghel kapag may isang nawawalang tupa na bumalik kay Jehova. Masaya rin sila kapag binago ng isang tao ang paraan ng pamumuhay niya at nagsimulang maglingkod sa Diyos. (Basahin ang Lucas 15:10.) Tinutulungan din tayo ng mga anghel sa pangangaral. (Apoc. 14:6) Hindi sila ang mismong nangangaral, pero puwede nila tayong akayin sa isang indibidwal na gustong makilala si Jehova. Siyempre, hindi natin masasabing ganiyan palagi ang nangyayari kasi puwedeng gumamit si Jehova ng ibang paraan para magawa iyan. Puwede niyang gamitin ang banal na espiritu niya. (Gawa 16:6, 7) Pero sigurado tayo na talagang ginagamit ni Jehova ang mga anghel niya. Kaya kapag nangangaral tayo, alam nating nandiyan sila para suportahan tayo.—Tingnan ang kahong “ Sinagot ang mga Panalangin Nila.” b
Kakatapos lang mag-cart witnessing ng isang mag-asawa. Nang pauwi na sila, nakakita ang sister ng isang babae na mukhang problemado. Naisip ng sister na posibleng inaakay siya ng mga anghel sa babaeng iyon na nangangailangan ng tulong sa espirituwal. Kaya kinausap niya ang babae (Tingnan ang parapo 8)
9. Paano natin matutularan ang pag-ibig ng mga anghel sa mga tao?
9 Paano natin matutularan ang pag-ibig ng mga anghel sa mga tao? Kapag may ipinatalastas na nakabalik na sa organisasyon, puwede tayong magsaya gaya ng mga anghel. Puwede nating lapitan ang kapatid na iyon at iparamdam sa kaniya na mahal natin siya at masayang-masaya tayo. (Luc. 15:4-7; 2 Cor. 2:6-8) Matutularan din natin ang mga anghel kung gagawin natin ang buong makakaya natin sa pangangaral. (Ecles. 11:6) At gaya ng mga anghel, puwede nating suportahan ang iba sa ministeryo. Halimbawa, puwede nating samahan sa paglilingkod ang isang baguhang mamamahayag. Puwede rin nating tulungan ang mga kapatid na may-edad o may sakit para makapangaral pa rin sila.
10. Ano ang matututuhan natin sa karanasan ni Sara?
10 Paano kung limitado lang ang kaya nating gawin dahil sa kalagayan natin? May magagawa pa rin tayo para makipagtulungan sa mga anghel sa pangangaral. Tingnan ang halimbawa ng isang sister sa India. Mga 20 taon nang payunir si Sara c nang magkasakit siya at hindi na makatayo o makalakad. Siyempre, lungkot na lungkot siya. Pero nakatulong sa kaniya ang mga kapatid at ang regular na pagbabasa niya ng Bibliya para maging masaya ulit siya. Pero dahil nagbago ang kalagayan niya, kailangan niyang i-adjust ang paraan ng paglilingkod niya. Dahil hindi man lang siya makaupo para mag-letter writing, telephone witnessing lang talaga ang kaya niya. Kaya tinawagan niya ang mga dati na niyang dinadalaw. Sa mga tinawagan niya, may mga sinabi sila na mga interesado ring mag-aral ng Bibliya. Dahil dito, nagkaroon ng 70 Bible study si Sara sa loob lang ng ilang buwan! Pero hindi niya kayang asikasuhin ang lahat, kaya ibinigay niya ang iba sa mga kakongregasyon niya. Marami sa mga ito ang dumadalo na sa mga pulong. Gaya ni Sara, ibinibigay rin ng maraming kapatid ang buong makakaya nila sa pangangaral. Siguradong masayang-masaya ang mga anghel na makasama sila sa ministeryo!
NAGTITIIS ANG MGA ANGHEL
11. Paano nagpakita ng magandang halimbawa ang mga anghel sa pagtitiis?
11 Napakagandang halimbawa ng tapat na mga anghel pagdating sa pagtitiis. Libo-libong taon na nilang pinagtitiisan ang kawalang-katarungan at kasamaan. Nakita nilang nagrebelde kay Jehova si Satanas at ang maraming iba pang anghel na kasama nilang naglilingkod noon. (Gen. 3:1; 6:1, 2; Jud. 6) May pagkakataon pa ngang nilabanan ng isang makapangyarihang demonyo ang isang tapat na anghel. (Dan. 10:13) Isa pa, mula nang magkaroon ng mga tao, nakita ng tapat na mga anghel na pinili ng karamihan sa mga ito na huwag maglingkod kay Jehova. Pero nanatili silang tapat at naglingkod kay Jehova nang masaya at masigasig. Alam nilang aalisin ng Diyos ang lahat ng kawalang-katarungan sa tamang panahon.
12. Paano tayo makakapagtiis?
12 Paano natin matutularan ang pagtitiis ng mga anghel? Gaya nila, baka may nakikita tayong kawalang-katarungan o may kumakalaban sa atin. Pero gaya rin nila, nagtitiwala tayo na aalisin ng Diyos ang lahat ng kasamaan sa tamang panahon. Kaya tularan ang tapat na mga anghel at “huwag tayong tumigil sa paggawa ng mabuti.” (Gal. 6:9) Nangangako rin ang Diyos na tutulungan niya tayong magtiis. (1 Cor. 10:13) Puwede tayong humingi ng banal na espiritu niya. Tutulong ito sa atin na makapagtiis at maging masaya. (Gal. 5:22; Col. 1:11) Paano kung may kumakalaban sa iyo o umuusig? Huwag kang matakot. Magtiwala ka kay Jehova. Lagi ka niyang tutulungan at papalakasin.—Heb. 13:6.
PINAPANATILI NG MGA ANGHEL NA MALINIS ANG KONGREGASYON
13. Anong espesyal na atas ang ibinigay sa mga anghel sa mga huling araw? (Mateo 13:47-49)
13 Binigyan ni Jehova ng espesyal na atas ang mga anghel sa mga huling araw. (Basahin ang Mateo 13:47-49.) Dahil sa pangangaral natin, milyon-milyong tao sa buong mundo ang nagiging interesado sa mabuting balita. Gumawa ng pagbabago ang ilan sa kanila at naging tunay na mga Kristiyano. Pero hindi ganiyan ang ginawa ng iba. Inatasan ang mga anghel na ‘ihiwalay ang masasama mula sa mga matuwid.’ Kaya malaki ang papel nila para mapanatiling malinis ang kongregasyon. Hindi naman ibig sabihin nito na hindi na makakabalik ang sinumang umalis o inalis sa kongregasyon. Hindi rin ibig sabihin nito na wala nang magiging problema sa kongregasyon. Pero makakasigurado tayo na ginagawa ng mga anghel ang lahat para mapanatiling malinis ang kongregasyon.
14-15. Paano natin matutularan ang pagsisikap ng mga anghel na mapanatiling malinis ang kongregasyon? (Tingnan din ang mga larawan.)
14 Paano natin matutularan ang pagsisikap ng mga anghel na mapanatiling malinis ang kongregasyon? Una, gagawin natin ang lahat para maingatan ang kaugnayan natin kay Jehova. Pipili tayo ng mabubuting kasama at iiwasan ang anumang bagay na puwedeng sumira sa pakikipagkaibigan natin sa kaniya. (Awit 101:3) Sa ganitong paraan, mapapanatili nating malinis ang kongregasyon. Puwede rin nating tulungan ang mga kapatid na manatiling tapat kay Jehova. Halimbawa, paano kung nalaman nating nakagawa ng malubhang kasalanan ang isang kapatid? Dahil mahal natin siya, sasabihan natin siyang lumapit sa mga elder. Kung hindi niya gagawin iyon, tayo na ang magsasabi sa kanila. Gusto nating matulungan agad ang mga kapatid nating may sakit sa espirituwal!—Sant. 5:14, 15.
15 Nakakalungkot, kailangang alisin sa kongregasyon ang ilang nakagawa ng malubhang kasalanan. Kapag nangyari iyan, ‘titigilan na natin ang pakikisama’ sa kanila. d (1 Cor. 5:9-13) Makakatulong ito para mapanatiling malinis ang kongregasyon. Isa pa, mas matutulungan natin ang mga inalis sa kongregasyon kung hindi tayo makikisama sa kanila. Sa paggawa nito, puwede silang matauhan at makapag-isip na maglingkod ulit kay Jehova. At kapag nakabalik sila, magsasaya tayo kasama ni Jehova at ng mga anghel niya.—Luc. 15:7.
Ano ang dapat nating gawin kapag nalaman nating nakagawa ng malubhang kasalanan ang isang kapatid? (Tingnan ang parapo 14) e
16. Ano ang gusto mong tularan sa mga anghel?
16 Napakalaking pribilehiyo na matuto tungkol sa mga anghel at makasama sila sa paglilingkod! Tularan natin ang magagandang katangian nila: ang kapakumbabaan nila, pag-ibig sa mga tao, pagtitiis, at pagsisikap na mapanatiling malinis ang kongregasyon. Kung tutularan natin ang tapat na mga anghel, magiging bahagi tayo ng pamilya ni Jehova magpakailanman.
AWIT BLG. 123 Magpasakop sa Teokratikong Kaayusan
a Daan-daang milyon ang mga anghel, pero dalawa lang ang pinangalanan sa Bibliya—sina Miguel at Gabriel.—Dan. 12:1; Luc. 1:19.
b Para sa iba pang katulad na karanasan, tingnan ang Watch Tower Publications Index sa heading na “Angels” at subheading na “angelic direction (examples).”
c Binago ang pangalan.
d Gaya ng sinabi sa 2024 Ikalawang Update ng Lupong Tagapamahala, kapag dumalo ang isang inalis sa kongregasyon sa mga pulong, puwedeng gamitin ng mamamahayag ang konsensiya niyang sinanay sa Bibliya para magpasiya kung magbibigay siya o hindi ng maikling pagbati at kung iwe-welcome niya ito.
e LARAWAN: Sinabihan ng sister ang kaibigan niyang nakagawa ng malubhang kasalanan na lumapit sa mga elder. Pero nang lumipas ang ilang panahon at hindi iyon gawin ng kaibigan niya, siya na ang nakipag-usap sa mga elder.