ARALING ARTIKULO 22
Karunungan Bilang Gabay Natin sa Buhay
“Si Jehova mismo ang nagbibigay ng karunungan.”—KAW. 2:6.
AWIT 89 Makinig at Sumunod Upang Pagpalain Ka
NILALAMAN a
1. Bakit kailangan nating lahat ng karunungan na mula sa Diyos? (Kawikaan 4:7)
KUNG gagawa ka ng isang mahalagang desisyon, tiyak na mananalangin ka para sa karunungan—dahil alam mo na kailangan mo iyon. (Sant. 1:5) Isinulat ni Haring Solomon: “Karunungan ang pinakamahalagang bagay.” (Basahin ang Kawikaan 4:7.) Siyempre, hindi lang basta karunungan ang tinutukoy ni Solomon. Ang tinutukoy niya ay ang karunungang nagmumula sa Diyos na Jehova. (Kaw. 2:6) Pero makakatulong kaya ang makadiyos na karunungan para maharap natin ang mga problema ngayon? Oo, gaya ng makikita natin sa artikulong ito.
2. Ano ang isang paraan para talagang maging marunong tayo?
2 Ang isa sa mga paraan para talagang maging marunong ay kung pag-aaralan at isasabuhay natin ang mga turo ng dalawang lalaki na kilala sa karunungan nila. Una, pag-usapan natin si Solomon. Sinasabi ng Bibliya na “binigyan ng Diyos si Solomon ng pambihirang karunungan at kaunawaan.” (1 Hari 4:29) Ikalawa, pag-usapan natin si Jesus na ang karunungan ay walang katulad. (Mat. 12:42) Inihula tungkol kay Jesus: “Sasakaniya ang espiritu ni Jehova, ang espiritu ng karunungan at ng kaunawaan.”—Isa. 11:2.
3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
3 Ginamit ni Solomon at ni Jesus ang karunungan na mula sa Diyos para makapagbigay sila ng payo tungkol sa mga bagay na talagang mahalaga sa atin. Tatalakayin natin sa artikulong ito ang tatlo sa mga ito: Tamang pananaw sa pera, trabaho, at sarili.
TAMANG PANANAW SA PERA
4. Ano ang pagkakaiba ng kalagayan sa buhay ni Solomon at ni Jesus?
4 Napakayaman ni Solomon, at marangya ang buhay niya. (1 Hari 10:7, 14, 15) Si Jesus naman, kakaunti ang pag-aari at walang permanenteng tirahan. (Mat. 8:20) Pero pareho silang may balanseng pananaw sa materyal na mga bagay dahil iisa lang ang Pinagmulan ng kanilang karunungan—ang Diyos na Jehova.
5. Ano ang balanseng pananaw ni Solomon tungkol sa pera?
5 Sinabi ni Solomon na ang pera ay “proteksiyon.” (Ecles. 7:12) Kapag may pera tayo, nabibili natin ang mga pangangailangan natin at ang ilang gusto natin. Pero kahit napakayaman ni Solomon, alam niya na may mas mahalagang bagay kaysa sa pera. Halimbawa, isinulat niya: “Ang magandang pangalan [o, “ang magandang reputasyon,” tlb.] ay mas dapat piliin kaysa sa malaking kayamanan.” (Kaw. 22:1) Nakita rin ni Solomon na ang mga taong umiibig sa pera ay hindi masaya sa kung ano ang mayroon sila. (Ecles. 5:10, 12) Sinabi rin niya na hindi natin dapat isipin na ang pera ang pinakamahalaga dahil puwede itong mawala sa isang iglap.—Kaw. 23:4, 5.
6. Ano ang balanseng pananaw ni Jesus sa materyal na mga bagay? (Mateo 6:31-33)
6 Balanse ang pananaw ni Jesus sa materyal na mga bagay. Nasiyahan siya sa pagkain at sa pag-inom. (Luc. 19:2, 6, 7) Sa isang pagkakataon, gumawa siya ng mainam na alak—ang pinakaunang himala na ginawa niya. (Juan 2:10, 11) At noong araw na mamatay siya, nakasuot siya ng mamahaling kasuotan. (Juan 19:23, 24) Pero hindi inuna ni Jesus sa buhay niya ang materyal na mga bagay. Sinabi niya sa mga tagasunod niya: “Walang alipin ang makapaglilingkod sa dalawang panginoon . . . Hindi kayo puwedeng magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.” (Mat. 6:24) Sinabi ni Jesus na kung uunahin natin ang Kaharian, titiyakin sa atin ni Jehova na ilalaan niya ang pangangailangan natin.—Basahin ang Mateo 6:31-33.
7. Paano nakinabang ang isang brother sa pagkakaroon ng balanseng pananaw sa pera?
7 Marami sa mga kapatid natin ang nakinabang dahil sinunod nila ang makadiyos na karunungan tungkol sa pera. Tingnan ang halimbawa ng brother na si Daniel. Sinabi niya: “Noong kabataan ako, desidido na ako na unahin sa buhay ko ang paglilingkod kay Jehova.” Dahil pinanatili niyang simple ang buhay niya, nagamit ni Daniel ang panahon at mga kasanayan niya sa maraming teokratikong proyekto. Sinabi pa niya: “Hindi ako nagsisisi sa desisyong ginawa ko. Ang totoo, puwede sana akong kumita ng malaking pera kung iyon ang naging pangunahin sa buhay ko. Pero hindi ko maipagpapalit sa pera ang pagkakaroon ng tunay na mga kaibigan at ang sayang nararamdaman ko dahil inuuna ko ang paglilingkod kay Jehova. Hindi matutumbasan ng pera ang mga pagpapalang tinatanggap ko mula kay Jehova.” Oo, nakikinabang tayo kapag nakapokus tayo, hindi sa pera, kundi sa espirituwal na mga bagay.
BALANSENG PANANAW SA TRABAHO
8. Paano natin nalaman na balanse ang pananaw ni Solomon sa trabaho? (Eclesiastes 5:18, 19)
8 Sinabi ni Solomon na ang sayang nakukuha sa pagtatrabaho nang husto ay “regalo . . . ng Diyos.” (Basahin ang Eclesiastes 5:18, 19.) Isinulat niya: “May pakinabang sa bawat pagsisikap.” (Kaw. 14:23) Totoong-totoo kay Solomon ang mga salitang iyon. Isa siyang masikap na manggagawa. Nagtayo siya ng mga bahay, gumawa ng mga ubasan, hardin, at imbakan ng tubig. Nagtayo rin siya ng mga lunsod. (1 Hari 9:19; Ecles. 2:4-6) Mabibigat na trabaho iyon, at tiyak na naging masaya siya. Pero alam ni Solomon na para maging tunay na masaya, may kailangan pa siyang gawin. Marami rin siyang ginawa para kay Jehova. Halimbawa, pinangunahan niya ang pagtatayo ng napakagandang templo para sa pagsamba kay Jehova—isang pitong-taóng proyekto! (1 Hari 6:38; 9:1) Matapos magawa ni Solomon ang maraming bagay na ito, nakita niya na ang pinakamahalagang bagay na magagawa ng isang tao ay ang paglilingkod kay Jehova. Isinulat niya: “Pagkatapos kong masabi ang lahat ng ito, ito ang punto: Matakot ka sa tunay na Diyos at sundin mo ang mga utos niya.”—Ecles. 12:13.
9. Paano tiniyak ni Jesus na hindi pangunahin sa buhay niya ang trabaho?
9 Masikap na manggagawa si Jesus. Noong nasa kabataan pa siya, nagtrabaho siya bilang karpintero. (Mar. 6:3) Malaki ang pamilya nila at siguradong pinahalagahan ng mga magulang niya ang tulong niya sa paglalaan ng pangangailangan nila. Perpekto si Jesus kaya perpekto rin ang mga gawa niya. At malamang na nagustuhan iyon ng maraming tao. Posibleng masayang-masaya si Jesus sa trabaho niya. Pero kahit masikap na manggagawa siya, lagi niyang tinitiyak na mayroon siyang panahon para paglingkuran si Jehova. (Juan 7:15) Nang maglaon, bilang buong-panahong mángangarál, sinabi niya sa mga nakikinig sa kaniya: “Gumawa kayo, hindi para sa pagkaing nasisira, kundi para sa di-nasisirang pagkain na nagbibigay ng buhay na walang hanggan.” (Juan 6:27) Sinabi rin ni Jesus sa Sermon sa Bundok: “Mag-imbak kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit.”—Mat. 6:20.
10. Ano ang puwedeng maging problema kung mahusay tayo sa trabaho?
10 Tinutulungan tayo ng makadiyos na karunungan na magkaroon ng balanseng pananaw sa ating trabaho. Bilang mga Kristiyano, itinuro sa atin na “magtrabaho . . . nang husto.” (Efe. 4:28) Madalas na napapansin ng mga employer natin ang ating katapatan at kasipagan, at baka pinapahalagahan pa nga nila kung paano tayo magtrabaho. Dahil diyan, baka magtrabaho tayo nang mas maraming oras kasi gusto natin na maging maganda ang tingin ng mga employer sa mga Saksi ni Jehova. Pero baka di-magtagal, mapabayaan na natin ang pamilya natin at teokratikong mga gawain. Kapag nangyari iyan, kailangan nating gumawa ng pagbabago.
11. Ano ang natutuhan ng isang brother tungkol sa pagiging balanse sa trabaho?
11 Nakita mismo ng brother na si William ang halaga ng pagiging balanse sa trabaho. Tungkol sa elder na dati niyang pinagtrabahuhan, sinabi ni William: “Ang [brother na ito] ay huwaran sa pagiging timbang sa trabaho. Nagtatrabaho siya nang mabuti, at gustong-gusto siya ng mga kliyente dahil sa kalidad ng trabaho niya. Pero pagkatapos ng maghapong trabaho, nagpopokus naman siya sa kaniyang pamilya at pagsamba sa Diyos. At alam mo ba, siya ang pinakamaligayang taong nakilala ko!” b
BALANSENG PANANAW SA SARILI
12. Paano ipinakita ni Solomon na balanse ang pananaw niya sa sarili, pero paano niya iyon naiwala?
12 Noong tapat pa si Solomon kay Jehova, balanse ang pananaw niya sa sarili niya. Noong kabataan siya, inamin niya na may mga limitasyon siya at hiningi niya ang tulong ni Jehova. (1 Hari 3:7-9) Noong unang mga taon ng pamamahala niya, alam din ni Solomon ang panganib ng pagiging mapagmataas. Isinulat niya: “Ang pagmamataas ay humahantong sa pagbagsak, at ang kayabangan ay humahantong sa pagkadapa.” (Kaw. 16:18) Nang maglaon, hindi nasunod ni Solomon ang sarili niyang payo. Dumating pa nga ang panahon na naging mapagmataas siya at hindi sinunod ang mga utos ng Diyos. Halimbawa, isa sa mga utos sa isang haring Hebreo ang nagsasabing huwag siyang “kukuha ng maraming asawa para hindi malihis ang puso niya.” (Deut. 17:17) Binale-wala ni Solomon ang utos na iyon at kumuha ng 700 asawa at 300 pangalawahing asawa, na ang karamihan ay pagano! (1 Hari 11:1-3) Iniisip siguro ni Solomon na “kontrolado niya ang lahat ng bagay.” Pero nang maglaon, napalayo siya kay Jehova at pinagdusahan ang resulta ng mga ginawa niya.—1 Hari 11:9-13.
13. Ano ang matututuhan natin kapag binulay-bulay natin ang pagiging mapagpakumbaba ni Jesus?
13 Balanse ang tingin ni Jesus sa sarili niya at kahit kailan, hindi siya naging mapagmataas. Noong nasa langit pa si Jesus, marami siyang ginawang kahanga-hangang bagay habang naglilingkod kay Jehova. Sa pamamagitan ni Jesus, “nilalang ang lahat ng iba pang bagay sa langit at sa lupa.” (Col. 1:16) Noong bautismuhan siya, naalala ni Jesus ang lahat ng bagay na ginawa niya kasama ng kaniyang Ama. (Mat. 3:16; Juan 17:5) Pero hindi iyon naging dahilan para magmataas si Jesus. Hindi rin niya ipinakita na nakakataas siya sa iba. Sinabi niya sa mga alagad niya na bumaba siya sa lupa, “hindi para paglingkuran, kundi para maglingkod at ibigay ang buhay niya bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mat. 20:28) Sinabi rin niya na wala siyang anumang magagawa sa sarili niyang pagkukusa. (Juan 5:19) Talagang mapagpakumbaba si Jesus! Napakagandang halimbawa niya para sa atin.
14. Ano ang matututuhan natin kay Jesus sa pagkakaroon ng tamang pananaw sa sarili?
14 Tinuruan ni Jesus ang mga tagasunod niya na magkaroon ng tamang pananaw sa sarili. Sa isang pagkakataon, sinabi ni Jesus sa kanila: “Biláng niya [ng Diyos] kahit ang mga buhok ninyo sa ulo.” (Mat. 10:30) Talagang nakakapagpatibay iyan, lalo na kung negatibo ang tingin natin sa ating sarili. Talagang interesado sa atin ang ating Ama sa langit at mahalaga tayo sa kaniya. Kung pinili tayo ni Jehova na maging mananamba niya at binigyan niya tayo ng pagkakataong mabuhay nang walang hanggan sa bagong sanlibutan, hindi natin dapat kuwestiyunin iyan.
15. (a) Anong balanseng pananaw sa sarili ang sinabi ng Bantayan? (b) Gaya ng ipinapakita sa mga larawan sa pahina 24, kung masyado tayong nakapokus sa sarili natin, anong magagandang bagay ang puwede nating mapalampas?
15 Mga 15 taon na ang nakakaraan, ganito ang sinabi ng Bantayan tungkol sa pagkakaroon ng balanseng pananaw sa sarili: “Mangyari pa, hindi natin iisipin na masyado na tayong mataas anupat nagiging hambog na tayo; ni nanaisin ang kabaligtaran nito at isipin na wala tayong halaga. Sa halip, tunguhin nating maglinang ng makatuwirang pangmalas sa ating sarili, isang pangmalas na nagsasaalang-alang sa ating kalakasan at mga limitasyon. Ganito ang pagkakasabi rito ng isang Kristiyanong babae: ‘Hindi ako ubod-samâ; hindi rin naman ako sakdal. May magaganda akong katangian at mayroon din namang pangit, at ganoon tayong lahat.’” c Talagang kapaki-pakinabang ang pagkakaroon ng balanseng pananaw sa sarili.
16. Bakit tayo pinapatnubayan ni Jehova?
16 Pinapatnubayan tayo ni Jehova gamit ang Salita niya. Mahal niya tayo, at gusto niya tayong maging masaya. (Isa. 48:17, 18) Ang pinakamatalinong gawin ay ang unahin si Jehova sa buhay natin—iyan ang talagang magpapasaya sa atin. Kapag ginawa natin iyan, maiiwasan natin ang maraming problemang nararanasan ng mga taong masyadong nakapokus sa pera, trabaho, o sarili. Determinado sana tayong maging marunong at pasayahin ang puso ni Jehova!—Kaw. 23:15.
AWIT 94 Salamat sa Salita ng Diyos
a Napakatalino ni Solomon at ni Jesus. Ang Pinagmulan ng karunungan nila ay ang Diyos na Jehova. Sa artikulong ito, aalamin natin kung ano ang matututuhan natin sa mga payo ni Solomon at ni Jesus tungkol sa pagkakaroon ng balanseng pananaw sa pera, trabaho, at sarili. Tatalakayin din natin kung paano nakinabang ang ilang kapatid natin sa pagsunod sa mga payong iyon mula sa Bibliya.
b Tingnan ang artikulong “Kung Paano Masisiyahan sa Mabibigat na Trabaho” sa Bantayan, Pebrero 1, 2015.
c Tingnan ang artikulong “Masusumpungan Mo ang Kagalakan sa Tulong ng Bibliya” sa Bantayan, Agosto 1, 2005.
d LARAWAN: Magkakongregasyon ang dalawang kabataang sina John at Tom. Nauubos ang oras ni John sa paglilinis ng kotse niya. Ginagamit naman ni Tom ang kotse niya para isabay ang iba papunta sa ministeryo at sa mga pulong ng kongregasyon.
e LARAWAN: Nag-o-overtime si John sa trabaho. Ayaw niyang madismaya ang boss niya. Kaya sa tuwing sinasabi ng boss niya na mag-overtime siya, pumapayag si John. Nang gabi ring iyon, sinamahan naman ni Tom, na isang ministeryal na lingkod, ang isang elder sa pagse-shepherding. Dati, ipinaliwanag ni Tom sa boss niya na may mga gabi sa isang linggo na hindi siya makakapag-overtime dahil nakalaan iyon sa pagsamba niya kay Jehova.
f LARAWAN: Masyadong nakapokus si John sa sarili niya. Mas inuuna naman ni Tom ang espirituwal na mga bagay kaysa sa sarili niya. Dumami ang mga kaibigan niya dahil tumutulong siya sa pagre-renovate ng Assembly Hall.