Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 19

Apocalipsis—Ang Kahulugan Nito Para sa Iyo Ngayon

Apocalipsis—Ang Kahulugan Nito Para sa Iyo Ngayon

“Maligaya ang bumabasa nang malakas . . . sa mga salita ng hulang ito.”​—APOC. 1:3.

AWIT 15 Purihin ang Panganay ni Jehova!

NILALAMAN a

1-2. Ano ang isang dahilan kung bakit dapat tayong maging interesado sa aklat ng Apocalipsis?

 NASUBUKAN mo na bang tumingin sa photo album ng iba? Habang tinitingnan mo ang mga litrato, karamihan sa nakikita mo ay hindi mo kakilala. Pero isa sa mga litrato ang nakakuha ng atensiyon mo. Bakit? Kasi nandoon ka. Habang tinitingnan mo ang litratong iyon, iniisip mo kung kailan at saan ito kinunan. At tinitingnan mo rin kung sino-sino ang naroon. Napakahalaga sa iyo ng litratong iyon.

2 Ang aklat ng Apocalipsis ay gaya ng litratong iyon. Bakit? May dalawang dahilan. Una, isinulat para sa atin ang aklat na iyon ng Bibliya. Mababasa sa unang talata: “Isang pagsisiwalat ni Jesu-Kristo, na ibinigay ng Diyos sa kaniya, para ipakita sa mga alipin niya ang mga bagay na malapit nang mangyari.” (Apoc. 1:1) Kaya ang mga nakasulat sa aklat na ito ay hindi para sa lahat, kundi para sa atin na mga nakaalay na lingkod ng Diyos. Bilang bayan ng Diyos, hindi na tayo dapat pang magulat na may bahagi tayo sa katuparan ng mga hula na nasa magandang aklat na ito. Sa ibang salita, nandoon tayo “sa litrato.”

3-4. Ayon sa aklat ng Apocalipsis, kailan matutupad ang mga hulang ito, at ano ang dapat na maging epekto nito sa bawat isa sa atin?

3 Ano naman ang ikalawang dahilan? Ang panahon kung kailan matutupad ang mga hulang ito. Tinukoy ng may-edad nang si apostol Juan ang panahong iyon nang sabihin niya: “Sa pamamagitan ng banal na espiritu ay nakarating ako sa araw ng Panginoon.” (Apoc. 1:10) Nang isulat ni Juan ang mga salitang iyon noong mga 96 C.E., malayo pa ang “araw ng Panginoon.” (Mat. 25:14, 19; Luc. 19:12) Pero ayon sa hula ng Bibliya, nagsimula na iyon noong 1914 nang maging Hari sa langit si Jesus. Mula nang taóng iyon patuloy, ang mga hula sa Apocalipsis may kinalaman sa bayan ng Diyos ay nagsimula nang matupad. Oo, nabubuhay na tayo sa “araw ng Panginoon”!

4 Dahil nabubuhay na tayo sa kapana-panabik na panahong ito, tayo ang lalo nang dapat magbigay ng higit na pansin sa maibiging payo na nasa Apocalipsis 1:3: “Maligaya ang bumabasa nang malakas at ang mga nakikinig sa mga salita ng hulang ito at tumutupad sa mga nakasulat dito, dahil ang takdang panahon ay malapit na.” Kaya kailangan nating ‘basahin nang malakas,’ ‘pakinggan ang mga salita ng hulang ito,’ at ‘tuparin’ ang mga iyon. Ano ang ilan sa mga salitang iyon na kailangan nating tuparin?

TIYAKING KATANGGAP-TANGGAP KAY JEHOVA ANG PAGSAMBA MO

5. Paano ipinapakita ng aklat ng Apocalipsis na mahalagang tiyakin na katanggap-tanggap kay Jehova ang pagsamba natin?

5 Sa unang kabanata pa lang ng Apocalipsis, makikita na natin na alam na alam ni Jesus ang nangyayari sa mga kongregasyon. (Apoc. 1:12-16, 20; 2:1) Ipinapakita ito ng mga mensaheng ipinadala ni Jesus sa pitong kongregasyon sa Asia Minor. Sa mga mensaheng iyon, nagbigay siya ng espesipikong tagubilin na makakatulong sa mga Kristiyano noong unang siglo para matiyak na katanggap-tanggap kay Jehova ang pagsamba nila. Para din sa ating lahat na mga lingkod ng Diyos sa ngayon ang mga mensaheng iyon. Ano ang aral para sa atin? Alam na alam ng ating Lider, si Kristo Jesus, ang espirituwal na kalagayan natin. Siya ang nangangasiwa at nangangalaga sa atin. Nakikita niya ang lahat ng bagay. Alam niya kung ano ang kailangan nating gawin para patuloy tayong sang-ayunan ni Jehova. Anong mga tagubilin niya ang kailangan nating tuparin?

6. (a) Ayon sa sinabi ni Jesus sa Apocalipsis 2:3, 4, ano ang naging problema ng kongregasyon sa Efeso? (b) Ano ang matututuhan natin dito?

6 Basahin ang Apocalipsis 2:3, 4. Hindi natin dapat maiwala ang ating unang pag-ibig kay Jehova. Ipinakita ng mensahe ni Jesus sa kongregasyon sa Efeso na matiisin sila at patuloy silang naglingkod kay Jehova kahit sa mahihirap na sitwasyon. Pero naiwala nila ang pag-ibig na taglay nila noong una. Kailangan nilang maibalik ang pag-ibig na iyon—dahil kung hindi, hindi magiging katanggap-tanggap ang pagsamba nila. Sa ngayon, hindi lang pagtitiis ang kailangan natin. Kailangan nating magtiis nang may tamang dahilan. Interesado ang ating Diyos hindi lang sa kung ano ang ginagawa natin kundi kung bakit din natin ito ginagawa. Mahalaga sa kaniya ang motibo natin. Gusto niyang sambahin natin siya dahil mahal na mahal natin siya at pinapahalagahan.​—Kaw. 16:2; Mar. 12:29, 30.

7. (a) Gaya ng sinabi ni Jesus sa Apocalipsis 3:1-3, ano ang naging problema ng kongregasyon sa Sardis? (b) Ano ang kailangan nating gawin?

7 Basahin ang Apocalipsis 3:1-3. Dapat na patuloy tayong maging gising at mapagbantay. Iba naman ang problema ng kongregasyon sa Sardis. Noong una, masigasig sila sa espirituwal. Pero nang bandang huli, pinabayaan nila ang paglilingkod nila sa Diyos. Kaya sinabihan sila ni Jesus na kailangan nilang ‘gumising.’ Ano ang aral para sa atin? Siyempre, hindi lilimutin ni Jehova ang mga ginawa natin para sa kaniya. (Heb. 6:10) Pero hindi natin dapat isipin na dahil naglingkod na tayo kay Jehova noon, hindi na tayo kailangang maglingkod sa kaniya ngayon. Kahit mas marami tayong limitasyon ngayon, kailangan na lagi tayong maraming “ginagawa para sa Panginoon,” na nananatiling gising at mapagbantay hanggang sa wakas.​—1 Cor. 15:58; Mat. 24:13; Mar. 13:33.

8. Ayon sa Apocalipsis 3:15-17, ano ang matututuhan natin sa sinabi ni Jesus sa mga kapatid sa Laodicea?

8 Basahin ang Apocalipsis 3:15-17. Dapat na maging masigasig tayo sa ating pagsamba kay Jehova at gawin ito nang buong puso. Makikita sa mensahe ni Jesus na may problema rin ang mga taga-Laodicea. “Maligamgam” ang pagsamba nila. Dahil dito, sinabi ni Jesus na “miserable at kaawa-awa” ang kalagayan nila. Kailangan nilang maging masigasig sa pagsamba nila kay Jehova. (Apoc. 3:19) Ano ang aral para sa atin? Kapag nababawasan ang sigasig natin, kailangan nating maging mas mapagpahalaga sa lahat ng mabubuting bagay na inilalaan sa atin ni Jehova at ng organisasyon niya. (Apoc. 3:18) Hindi natin dapat hayaan na maging pangalawahin sa buhay natin ang pagsamba kay Jehova dahil lang sa kagustuhan nating magkaroon ng magandang buhay.

9. Gaya ng sinabi ni Jesus sa mga Kristiyano sa Pergamo at Tiatira, anong panganib ang kailangan nating iwasan?

9 Dapat nating itakwil ang turo ng mga apostata. Sinaway ni Jesus ang ilan sa mga taga-Pergamo dahil nagiging dahilan sila ng pagkakabaha-bahagi. (Apoc. 2:14-16) Kinomendahan niya ang mga nasa Tiatira na nagsikap umiwas sa “malalalim na bagay ni Satanas,” at pinayuhan niya sila na “manghawakan” sa katotohanan. (Apoc. 2:24-26) Pero hinayaan ng ilang Kristiyano noon na madaya sila ng maling mga turo at kinailangan nilang magsisi. Kumusta naman tayo ngayon? Dapat nating itakwil ang anumang turo na salungat sa kaisipan ni Jehova. “Mukhang makadiyos” ang mga apostata, pero “iba naman ang paraan ng pamumuhay” nila. (2 Tim. 3:5) Kung masikap tayong estudyante ng Salita ng Diyos, mas madali nating matutukoy at maitatakwil ang maling mga turo.​—2 Tim. 3:14-17; Jud. 3, 4.

10. Ano pa ang matututuhan natin sa sinabi ni Jesus sa mga kongregasyon sa Pergamo at Tiatira?

10 Hindi tayo dapat makibahagi sa anumang uri ng imoralidad o kunsintihin ito. May isa pang problema ang mga nasa Pergamo at Tiatira. Hinatulan ni Jesus ang ilan sa mga nasa kongregasyong iyon dahil hindi nila itinatakwil ang imoralidad. (Apoc. 2:14, 20) Ano ang aral para sa atin? Kahit matagal na tayong naglilingkod kay Jehova at marami tayong pribilehiyo, hinding-hindi niya tayo kukunsintihin kung gagawa tayo ng anumang imoral na gawain. (1 Sam. 15:22; 1 Ped. 2:16) Gusto niya na manghawakan tayo sa matataas na pamantayan niya gaano man kababa ang pamantayan ng sanlibutang ito.​—Efe. 6:11-13.

11. Ano na ang natutuhan natin? (Tingnan din ang kahong “Mga Aral Para sa Atin Ngayon.”)

11 Sa mga tinalakay natin, ano na ang natutuhan natin? Nakita natin na kailangan nating tiyakin na katanggap-tanggap kay Jehova ang pagsamba natin. Kung may ginagawa tayo na nagiging dahilan para hindi maging katanggap-tanggap ang pagsamba natin, kailangan nating kumilos agad para makuha ang pagsang-ayon ng Diyos. (Apoc. 2:5, 16; 3:3, 16) Pero may mensahe pa si Jesus sa mga kongregasyon. Ano iyon?

MAGING HANDANG MAGTIIS NG PAG-UUSIG

Matapos palayasin si Satanas mula sa langit, paano niya sinasalakay ang bayan ng Diyos? (Tingnan ang parapo 12-16)

12. Ano ang matututuhan natin sa mensahe ni Jesus sa mga nasa Smirna at Filadelfia? (Apocalipsis 2:10)

12 Talakayin naman natin ngayon ang mensahe ni Jesus sa mga kongregasyon sa Smirna at Filadelfia. Sinabi niya sa mga Kristiyano roon na huwag matakot sa pag-uusig, kasi gagantimpalaan ang kanilang katapatan. (Basahin ang Apocalipsis 2:10; 3:10) Ano ang aral para sa atin ngayon? Dapat nating asahan ang pag-uusig at maging handang magtiis. (Mat. 24:9, 13; 2 Cor. 12:10) Bakit mahalaga ang paalalang ito?

13-14. Paano naapektuhan ang bayan ng Diyos ng mga pangyayaring binanggit sa Apocalipsis kabanata 12?

13 Sinasabi ng aklat ng Apocalipsis na pag-uusigin ang bayan ng Diyos sa panahon natin—ang “araw ng Panginoon.” Sa Apocalipsis kabanata 12, binanggit na agad na sumiklab ang digmaan sa langit matapos iluklok si Jesus bilang Hari sa Kaharian ng Diyos. Si Miguel—ang niluwalhating si Jesu-Kristo—at ang hukbo niya ay nakipagdigma kay Satanas at sa mga demonyo. (Apoc. 12:7, 8) Bilang resulta, natalo ang mga kaaway na iyon ng Diyos at inihagis sila sa lupa. Nagdulot ito ng matinding pagdurusa sa mga tao. (Apoc. 12:9, 12) Pero ano ang naging epekto nito sa bayan ng Diyos?

14 Sinabi rin ng Apocalipsis kung ano ang ginawa ni Satanas. Dahil hindi na siya makakaakyat sa langit, ibinuhos niya ang galit niya sa natitirang mga pinahiran, ang mga kinatawan ng Kaharian ng Diyos dito sa lupa na “may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (Apoc. 12:17; 2 Cor. 5:20; Efe. 6:19, 20) Paano natutupad ang hulang ito?

15. Kanino lumalarawan ang ‘dalawang saksi’ na binanggit sa Apocalipsis kabanata 11, at ano ang nangyari sa kanila?

15 Inimpluwensiyahan ni Satanas ang mga kaaway ng Diyos na salakayin ang mga pinahirang kapatid na nangunguna sa gawaing pangangaral ng Kaharian. Inilarawan ang mga kapatid na ito sa aklat ng Apocalipsis bilang ‘dalawang saksi’ na pinatay. b (Apoc. 11:3, 7-11) Noong 1918, walo sa mga kapatid na iyon ang inakusahan, hinatulang may-sala, at sinentensiyahang mabilanggo nang maraming taon. Kaya iniisip ng marami na napahinto na ang gawain ng mga pinahirang ito.

16. Anong kahanga-hangang pangyayari ang naganap noong 1919, pero ano ang patuloy na ginagawa ni Satanas mula noon?

16 Sinabi rin ng hula sa Apocalipsis kabanata 11 na matapos ang maikling yugto ng panahon, bubuhaying muli ang ‘dalawang saksi.’ Natupad ang hulang ito sa kahanga-hangang paraan, wala pang isang taon matapos mabilanggo ang mga brother na iyon. Noong Marso 1919, pinalaya ang mga pinahirang kapatid na ito at di-nagtagal, iniurong ang mga demanda laban sa kanila. Agad nilang ipinagpatuloy ang pangunguna sa gawaing pangangaral at pagtuturo. Pero hindi pa rin huminto si Satanas sa pagsalakay sa bayan ng Diyos. Mula noon, ibinubuhos ni Satanas ang “ilog” ng pag-uusig sa lahat ng lingkod ng Diyos. (Apoc. 12:15) Talagang “kailangan ng [bawat isa sa atin] ng pagtitiis at pananampalataya.”​—Apoc. 13:10.

LUBUSANG MAKIBAHAGI SA GAWAING IBINIGAY SA ATIN NI JEHOVA

17. Anong di-inaasahang tulong ang tinatanggap ng bayan ng Diyos, kahit target sila ng mga pagsalakay ni Satanas?

17 Ipinapakita ng Apocalipsis kabanata 12 na tatanggap ang bayan ng Diyos ng tulong na manggagaling sa di-inaasahang pinagmulan. Ipinapaliwanag dito na para bang nilulon ng “lupa” ang “ilog” ng pag-uusig. (Apoc. 12:16) At ganiyan nga ang nangyari. Kung minsan, pumapabor sa bayan ng Diyos ang mas matatag na mga bahagi ng sanlibutan ni Satanas, gaya ng ilang hudisyal na sistema. May mga pagkakataong nananalo sa korte ang mga lingkod ni Jehova kaya nagkakaroon sila ng kaunting kalayaan. Paano nila ginagamit ang kalayaang iyon? Sinasamantala nila ang bawat pagkakataon para lubusan silang makibahagi sa gawaing ibinigay sa kanila ni Jehova. (1 Cor. 16:9) Ano ang kasama sa gawaing ito?

Anong dalawang mensahe ang inihahayag ng bayan ng Diyos? (Tingnan ang parapo 18-19)

18. Ano ang pangunahing gawain natin sa mga huling araw na ito?

18 Inihula ni Jesus na ipangangaral ng mga tagasunod niya ang ‘mabuting balita tungkol sa Kaharian’ ng Diyos sa buong lupa bago dumating ang wakas. (Mat. 24:14) Habang ginagawa nila ito, tinutulungan sila ng isang anghel, o grupo ng mga anghel, na mayroong “walang-hanggang mabuting balita para sa mga nakatira sa lupa, sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.”​—Apoc. 14:6.

19. Anong iba pang mensahe ang kailangang ipangaral ng mga nagmamahal kay Jehova?

19 Hindi lang mabuting balita tungkol sa Kaharian ang kailangang ipangaral ng bayan ng Diyos. Kailangan din nilang suportahan ang gawain ng mga anghel na inilarawan sa Apocalipsis kabanata 8 hanggang 10. Inihahayag ng mga anghel na ito ang sunod-sunod na kapahamakan laban sa mga tumatanggi sa Kaharian ng Diyos. Kaya inihahayag ng mga Saksi ni Jehova ang isang mensahe ng paghatol na gaya ng “yelo at apoy.” Isinisiwalat nila ang hatol ng Diyos laban sa iba’t ibang bahagi ng masamang sanlibutan ni Satanas. (Apoc. 8:7, 13) Kailangang malaman ng mga tao na malapit na ang wakas para makagawa sila ng malalaking pagbabago sa buhay nila at makaligtas sa araw ng galit ni Jehova. (Zef. 2:2, 3) Pero hindi gustong marinig ng mga tao ang mensaheng ito. Kaya kailangan natin ng lakas ng loob para sabihin ito sa iba. Sa malaking kapighatian, mas bibigat pa ang mensahe ng pangwakas na hatol.​—Apoc. 16:21.

TUPARIN ANG MGA SALITA NG HULANG ITO

20. Ano ang tatalakayin natin sa susunod na dalawang artikulo?

20 Kailangan talaga nating tuparin ang “mga salita ng hulang ito” dahil bahagi tayo ng katuparan ng nababasa natin sa aklat ng Apocalipsis. (Apoc. 1:3) Paano tayo tapat na makapagtitiis ng mga pag-uusig at patuloy na makapangangaral nang may lakas ng loob? May dalawang bagay na magpapatibay sa atin: una, ang isinisiwalat ng aklat ng Apocalipsis laban sa mga kaaway ng Diyos at, ikalawa, ang mga pagpapalang matatanggap natin kung mananatili tayong tapat. Tatalakayin natin iyan sa susunod na dalawang artikulo.

AWIT 32 Pumanig kay Jehova!

a Nabubuhay na tayo sa kapana-panabik na panahon! Natutupad na sa ngayon ang mga hula sa aklat ng Apocalipsis. Paano nakakaapekto sa atin ang mga hulang iyon? Tatalakayin sa artikulong ito at sa susunod na dalawang artikulo ang ilang punto mula sa aklat ng Apocalipsis. Tutulungan din tayo ng mga artikulong ito na masunod ang mga bagay na nakasulat sa aklat na iyon para patuloy na maging katanggap-tanggap sa Diyos na Jehova ang pagsamba natin.

b Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Bantayan, Nobyembre 15, 2014, p. 30.