ARALING ARTIKULO 20
Manatiling Positibo sa Inyong Ministeryo
“Maghasik ka ng binhi . . . , at huwag kang magpahinga.”—ECLES. 11:6.
AWIT 70 Hanapin ang mga Karapat-dapat
NILALAMAN a
1. Anong halimbawa ang ipinakita ni Jesus sa mga tagasunod niya, at ano ang naging epekto nito sa kanila? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
NOONG nandito si Jesus sa lupa, nanatili siyang positibo sa ministeryo niya, at gusto niyang ganoon din ang gawin ng mga tagasunod niya. (Juan 4:35, 36) Noong kasama si Jesus ng mga alagad niya, masigasig sila sa pangangaral. (Luc. 10:1, 5-11, 17) Pero nang maaresto si Jesus at mamatay, pansamantala silang nawalan ng gana sa pangangaral. (Juan 16:32) Matapos buhaying muli si Jesus, hinimok niya silang magpokus sa pangangaral. At nang umakyat na siya sa langit, naging napakasigasig nila kaya inireklamo ng mga kaaway nila: “Pinalaganap ninyo sa buong Jerusalem ang turo ninyo!”—Gawa 5:28.
2. Paano pinagpala ni Jehova ang pangangaral?
2 Ginabayan ni Jesus ang gawain ng mga unang-siglong Kristiyanong iyon, at pinagpala sila ni Jehova. Halimbawa, noong Pentecostes 33 C.E., mga 3,000 ang nabautismuhan. (Gawa 2:41) At patuloy pang dumami ang mga alagad. (Gawa 6:7) Pero inihula ni Jesus na sa mga huling araw, mas marami pa ang tatanggap sa mabuting balita.—Juan 14:12; Gawa 1:8.
3-4. Bakit posibleng mahirap mangaral sa ilang lugar, at ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
3 Sinisikap natin na manatiling positibo sa ministeryo. Madaling gawin iyan sa ilang lugar. Bakit? Dahil napakaraming gustong magpa-Bible study. Kailangan pa ngang maghintay ng ilan hanggang sa maging available ang isang Saksi para magturo sa kanila! Pero sa ibang lugar, nahihirapang mangaral ang mga kapatid; madalas na walang tao sa mga bahay, at ang mga nasa bahay naman ay baka hindi gaanong interesado sa Bibliya.
4 Kung mahirap mangaral sa lugar ninyo, makakatulong sa iyo ang mga mungkahi sa artikulong ito. Tatalakayin natin ang ginawa ng ilan para mas marami silang makausap sa ministeryo. At aalamin natin kung bakit makakapanatili tayong positibo makinig man o hindi sa mensahe natin ang mga tao.
MANATILING POSITIBO KAHIT MAHIRAP MATAGPUAN ANG MGA TAO
5. Bakit nahihirapang mangaral ang maraming Saksi?
5 Nahihirapan ang maraming Saksi na matagpuan ang mga tao sa bahay. May mga kapatid na nakatira sa mga lugar na maraming apartment o subdivision na mahigpit ang seguridad. Baka may nagbabantay doon o security guard na hindi basta nagpapapasok nang walang permiso ng mga nakatira doon. May mga kapatid naman na malayang nakakapunta sa mga bahay, pero kaunti lang ang naaabutan nila. Ang ilan ay nangangaral sa malalayong lugar na kaunti lang ang nakatira. Baka kailangan pa ngang maglakbay nang matagal ng mga kapatid para makausap ang isang tao—na posibleng hindi pa nga nila maabutan sa bahay! Kung ganito ang mga teritoryo natin, hindi tayo dapat sumuko. Ano ang puwede nating gawin para maharap ang mga problemang iyon at mas maraming makausap sa ministeryo?
6. Bakit maihahalintulad ang mga mángangarál sa mga mangingisda?
6 Inihalintulad ni Jesus ang pangangaral sa pangingisda. (Mar. 1:17) May mga mangingisda na walang nahuhuli kahit ilang araw na silang nangingisda. Pero hindi sila sumusuko; nag-a-adjust sila. Binabago nila ang oras, lugar, o paraan ng pangingisda nila. Puwede rin nating gawin iyan sa ating ministeryo. Tingnan ang sumusunod na mga mungkahi.
7. Ano ang puwedeng maging resulta kung mangangaral tayo sa iba’t ibang oras?
7 Puntahan ang mga tao sa iba’t ibang oras. Mas marami tayong makakausap kung mangangaral tayo sa oras na malamang na nasa bahay ang mga tao. Siyempre, siguradong uuwi rin ang mga tao sa bahay nila! Nakita ng maraming kapatid na praktikal mangaral sa hapon o sa gabi kasi mas marami silang nakakausap. Baka mas relaks din at handang makipag-usap ang mga may-bahay sa ganoong mga oras. O baka makatulong sa iyo ang mungkahi ng elder na si David. Sinabi niya na pagkatapos magbahay-bahay sa isang teritoryo, binabalikan niya at ng partner niya ang mga bahay na walang tao. Sinabi niya, “Nagugulat ako kasi ang dami naming nakakausap pagbalik namin.” b
8. Paano makakatulong ang Eclesiastes 11:6 sa ating ministeryo?
8 Hindi tayo dapat sumuko. Iyan ang matututuhan natin sa ating temang teksto. (Basahin ang Eclesiastes 11:6.) Hindi sumuko si David, na binanggit kanina. Ilang beses niyang binalik-balikan ang isang bahay na walang tao. Sa wakas, naabutan din niya ang isang lalaki na interesadong pag-usapan ang Bibliya. Sinabi ng lalaki, “Mga walong taon na akong nakatira dito, pero ngayon lang ako may nakausap na Saksi ni Jehova dito sa bahay.” Sinabi ni David, “Nakita ko na kapag hindi ka sumuko sa pagbalik, madalas na ang makakausap mo ay mga taong interesado.”
9. Ano ang ginawa ng ilang Saksi para makausap ang mga mahirap matagpuan sa bahay?
9 Mangaral sa iba’t ibang lugar. Para makausap ang mga tao na mahirap matagpuan sa bahay, may mga kapatid na nangaral sa iba’t ibang lugar. Halimbawa, malaking tulong ang street witnessing at paggamit ng mga literature cart para mapangaralan ang mga taong nakatira sa malalaking apartment na hindi mapuntahan sa bahay-bahay. Dahil dito, personal natin silang nakakausap. Nakita rin ng maraming kapatid na mas malamang na makipag-usap o tumanggap ng literatura ang mga tao kapag nasa park, palengke, at business area ang mga ito. Sinabi ni Floiran, isang circuit overseer sa Bolivia: “Pumupunta kami sa mga palengke at business area mula 1:00 p.m. hanggang 3:00 p.m. kung kailan hindi masyadong busy ang mga nagtitinda. Madalas na maganda ang nagiging pag-uusap namin, at nakakapagpasimula pa nga kami ng mga Bible study.”
10. Anong mga paraan ang puwede mong gamitin para mapangaralan ang mga tao?
10 Gumamit ng iba’t ibang paraan. Baka ilang beses mo nang sinubukang makausap ang isang tao. Binago-bago mo na ang oras ng pagpunta mo pero hindi mo pa rin siya natagpuan sa bahay. May iba pa bang paraan para makausap siya? Sinabi ni Katarína: “Sinusulatan ko ang mga hindi ko maabutan sa bahay. Inilalagay ko sa sulat ang mga sasabihin ko kung nakausap ko sila nang personal.” Ang aral? Gumamit ng iba’t ibang paraan para makausap ang lahat sa inyong teritoryo.
MANATILING POSITIBO KAHIT AYAW MAKINIG NG MGA TAO
11. Bakit ayaw makinig ng ilan sa mensahe natin?
11 Ayaw makinig ng ilan sa mensahe natin. Hindi nila nakikitang kailangan nila ang Diyos o ang Bibliya. Hindi sila naniniwala sa Diyos dahil sa dami ng pagdurusang nakikita nila sa mundo. Hindi sila interesado sa Bibliya dahil nakikita nila na pakitang-tao lang ang pagsamba ng mga lider ng relihiyon. Masyado namang abala ang iba sa kakaisip sa kanilang trabaho, pamilya, o problema, at hindi nila nakikita na makakatulong sa kanila ang Bibliya. Paano tayo mananatiling masaya kahit na di-gaanong pinapahalagahan ng mga nakakausap natin ang ating mensahe?
12. Paano makakatulong sa ministeryo natin ang Filipos 2:4?
12 Magpakita ng malasakit. Maraming ayaw makinig noong una sa mabuting balita, pero nang maramdaman nilang nagmamalasakit sa kanila ang isang kapatid, tinanggap nila ang mensahe. (Basahin ang Filipos 2:4.) Halimbawa, sinabi ni David, na binanggit kanina, “Kung may magsabing hindi siya interesado, itinatabi na namin ang aming Bibliya o literatura at sinasabi: ‘Puwede ko bang malaman kung bakit?’” Ramdam ng mga tao kapag may nagmamalasakit sa kanila. Baka malimutan nila ang mismong sinabi natin, pero malamang na matandaan nila ang malasakit natin. Hindi man tayo bigyan ng may-bahay ng pagkakataong magsalita, maipapakita pa rin natin sa ating kilos at ekspresyon ng mukha na nagmamalasakit tayo sa kaniya.
13. Paano natin ibabagay ang ating mensahe sa pangangailangan ng bawat may-bahay?
13 Nagpapakita tayo ng malasakit kapag ibinabagay natin ang ating mensahe sa pangangailangan at interes ng may-bahay. Halimbawa, may palatandaan ba na may mga bata sa isang bahay? Baka maging interesado ang mga magulang sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagpapalaki ng mga anak o sa mga mungkahi nito kung paano magiging mas masaya ang pamilya. Marami bang lock sa pinto nila? Baka puwede nating ipakipag-usap ang tungkol sa krimen at ang takot na ibinibigay nito sa mga tao. Baka matuwa ang may-bahay kapag nalaman niyang may permanenteng solusyon sa krimen. Sikaping ipakita kung paano makakatulong sa kanila ang Bibliya. Sinabi ni Katarína, na binanggit kanina, “Lagi kong ipinapaalala sa sarili ko kung gaano kalaki ang naitulong sa akin ng Bibliya.” Kumbinsido si Katarína sa sinasabi niya, at damang-dama iyon ng mga taong nakakausap niya.
14. Batay sa Kawikaan 27:17, paano magtutulungan ang magkapartner sa ministeryo?
14 Tanggapin ang tulong ng iba. Noong unang siglo, itinuro ni Pablo kay Timoteo ang mga paraan niya ng pangangaral at pagtuturo, at hinimok niya si Timoteo na ituro din iyon sa iba. (1 Cor. 4:17) Gaya ni Timoteo, matututo din tayo sa makaranasang mga kapatid sa kongregasyon. (Basahin ang Kawikaan 27:17.) Tingnan ang halimbawa ng brother na si Shawn. May panahong nagpayunir siya sa isang lugar kung saan ang karamihan sa mga tao ay kontento na sa relihiyon nila. Paano siya nanatiling masaya? “Kung posible, nagsasama ako ng partner sa ministeryo,” ang sabi niya. “Habang papunta sa kasunod na bahay, nagtutulungan kami kung paano pa kami magiging mas mahusay sa pagtuturo. Halimbawa, pinag-uusapan namin kung ano ang sinabi ng may-bahay at kung ano ang isinagot namin. Pinag-uusapan din namin kung ano ang puwede naming isagot kung iyon ulit ang sabihin ng may-bahay.”
15. Bakit napakahalaga ng panalangin sa ating ministeryo?
15 Humingi ng tulong kay Jehova sa panalangin. Humingi ng tulong kay Jehova sa tuwing mangangaral ka. Kung wala ang tulong ng banal na espiritu niya, wala tayong maisasagawa. (Awit 127:1; Luc. 11:13) Maging espesipiko kapag humihingi ka ng tulong kay Jehova sa panalangin. Halimbawa, hilingin sa kaniya na akayin ka sa mga taong gustong matuto tungkol sa kaniya at handang makinig. Pagkatapos, kaayon ng panalangin mo, mangaral sa lahat ng makakausap mo.
16. Bakit napakahalaga ng personal study sa ating ministeryo?
16 Maglaan ng panahon para sa personal study. Sinasabi ng Salita ng Diyos: ‘Patunayan sa inyong sarili kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at perpektong kalooban ng Diyos.’ (Roma 12:2) Kapag mas nagiging kumbinsido tayong alam natin ang katotohanan tungkol sa Diyos, mas nagkakaroon tayo ng kumpiyansang ipakipag-usap ito sa iba. Sinabi ni Katarína, na binanggit kanina: “Na-realize ko na kailangan kong patibayin ang pananampalataya ko sa ilang pangunahing turo ng Bibliya. Kaya pinag-aralan kong mabuti ang mga ebidensiya na mayroong Maylalang, na ang Bibliya ay talagang Salita ng Diyos, at na ang Diyos ay may organisasyon na kumakatawan sa kaniya sa ngayon.” Sinabi ni Katarína na nakatulong ang personal study para tumibay ang pananampalataya niya at maging mas masaya sa ministeryo.
BAKIT NANANATILI TAYONG POSITIBO SA ATING MINISTERYO?
17. Bakit nanatiling positibo si Jesus sa kaniyang ministeryo?
17 Nanatiling positibo si Jesus at patuloy na nangaral kahit may mga ayaw makinig sa mensahe niya. Bakit? Alam niya na talagang kailangan ng mga tao na malaman ang katotohanan, at gusto niyang marami ang mabigyan ng pagkakataon na tumanggap ng mensahe ng Kaharian. Alam din niya na ang mga ayaw makinig noong una ay puwede ring magbago ng isip. Isang halimbawa nito ang pamilya ni Jesus. Sa tatlo-at-kalahating-taóng ministeryo niya, walang naging alagad sa mga kapatid niya. (Juan 7:5) Pero naging Kristiyano sila pagkatapos niyang buhaying muli.—Gawa 1:14.
18. Bakit patuloy tayong nangangaral?
18 Hindi natin alam kung sino ang tatanggap sa mga katotohanan sa Bibliya na itinuturo natin. May ilan na hindi agad tumatanggap sa mensahe. Kahit ang mga ayaw makinig noong una ay ‘lumuluwalhati din sa Diyos’ kapag nakita nila ang ating mabuting paggawi at pagiging positibo.—1 Ped. 2:12.
19. Ano ang matututuhan natin sa 1 Corinto 3:6, 7 tungkol sa ating ministeryo?
19 Habang nangangaral tayo at nagtuturo, dapat nating tandaan na Diyos ang nagpapalago ng ating gawain. (Basahin ang 1 Corinto 3:6, 7.) Sinabi ni Getahun, isang brother na taga-Ethiopia: “Sa mahigit 20 taon, ako lang ang Saksi sa lugar namin. Pero ngayon, 14 na ang mamamahayag dito. Nabautismuhan na ang 13 sa kanila, kasama na ang asawa ko at tatlong anak. Sa average, 32 ang dumadalo sa mga pulong.” Masaya si Getahun dahil patuloy siyang nangaral habang matiyagang naghihintay kay Jehova na akayin ang mga tapat-puso sa organisasyon Niya.—Juan 6:44.
20. Bakit masasabing para tayong mga rescuer?
20 Napakahalaga kay Jehova ng buhay ng lahat ng tao. Binigyan niya tayo ng pribilehiyo na maging kamanggagawa ng kaniyang Anak sa pagtitipon ng mga tao mula sa lahat ng bansa bago magwakas ang sistemang ito. (Hag. 2:7) Ang pangangaral ay parang isang rescue mission. At maihahalintulad tayo sa mga miyembro ng isang rescue team na ipinadala para sagipin ang mga taong na-trap sa isang minahan. Kahit na baka ilang minero lang ang maabutang buháy, napakahalaga pa rin ng pagsisikap ng lahat ng rescuer. Ganiyan din sa ating ministeryo. Hindi natin alam kung ilan pa ang masasagip natin mula sa sistema ni Satanas. Pero puwedeng gamitin ni Jehova ang kahit sino sa atin para matulungan sila. Sinabi ni Andreas, na taga-Bolivia, “Kapag may isang taong nakaalam ng katotohanan at nagpabautismo, dahil iyon sa pagsisikap ng lahat.” Lagi rin sana tayong maging positibo sa ating ministeryo. Kung gagawin natin iyan, pagpapalain tayo ni Jehova at talagang mae-enjoy natin ang ministeryo.
AWIT 66 Ihayag ang Mabuting Balita
a Paano tayo mananatiling positibo sa ministeryo kahit marami ang wala sa bahay o ayaw makinig sa mensahe natin? Sa artikulong ito, may makikita tayong mga mungkahi na makakatulong sa atin.
b Kapag sinusunod ng mga mamamahayag ang mga mungkahi sa artikulong ito, dapat nilang tiyakin na kaayon iyon ng mga data protection law sa kanilang lugar.
c LARAWAN: (mula taas pababa): Isang mag-asawa ang nangangaral sa lugar na mahirap maabutan ang mga tao sa bahay. Nasa trabaho ang unang may-bahay, nasa medical clinic ang ikalawa, at nasa grocery ang ikatlo. Nakausap nila ang unang may-bahay nang puntahan nila siya sa gabi. Nakausap naman nila ang ikalawa habang nagpa-public witnessing malapit sa clinic. At tinawagan naman nila ang ikatlong may-bahay.