Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 22

Ipakita ang Pagpapahalaga sa Di-nakikitang Kayamanan

Ipakita ang Pagpapahalaga sa Di-nakikitang Kayamanan

‘Panatilihing nakapokus ang inyong mga mata sa mga bagay na di-nakikita. Dahil ang mga bagay na nakikita ay pansamantala, pero ang mga bagay na di-nakikita ay walang hanggan.’—2 COR. 4:18.

AWIT 45 “Ang Pagbubulay-bulay ng Aking Puso”

NILALAMAN *

1. Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa mga kayamanan sa langit?

HINDI lahat ng kayamanan ay nakikita. Ang totoo, di-nakikita ang pinakamahahalagang kayamanan. Sa Sermon sa Bundok, may binanggit si Jesus na mga kayamanan sa langit na mas mahalaga kaysa sa pera. Sinabi pa niya: “Kung nasaan ang kayamanan mo, naroon din ang puso mo.” (Mat. 6:19-21) Kapag mahalaga sa atin ang isang bagay, papakilusin tayo ng puso natin na makuha iyon. Nakakapag-imbak tayo ng “mga kayamanan sa langit” kapag mayroon tayong mabuting pangalan, o katayuan, sa harap ng Diyos. Ang mga kayamanang iyon, sabi ni Jesus, ay hindi kailanman masisira o mananakaw.

2. (a) Ayon sa 2 Corinto 4:17, 18, pinapayuhan tayo ni Pablo na gawin ang ano? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

2 Pinapayuhan tayo ni apostol Pablo na panatilihing “nakapokus ang ating mga mata . . . sa mga bagay na di-nakikita.” (Basahin ang 2 Corinto 4:17, 18.) Kasama sa mga iyon ang mga pagpapalang matatanggap natin sa bagong sanlibutan ng Diyos. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang apat na di-nakikitang kayamanan na puwede na nating makuha ngayon—pakikipagkaibigan sa Diyos, panalangin, tulong ng banal na espiritu, at suporta sa ministeryo na natatanggap natin mula sa langit. Tatalakayin din kung paano natin maipapakitang mahalaga sa atin ang di-nakikitang mga kayamanang ito.

PAKIKIPAGKAIBIGAN KAY JEHOVA

3. Ano ang pinakamahalagang di-nakikitang kayamanan, at bakit posible ito?

3 Ang pinakamahalagang di-nakikitang kayamanan ay ang pakikipagkaibigan sa Diyos na Jehova. (Awit 25:14) Posible bang makipagkaibigan ang Diyos sa mga makasalanan at makapanatiling banal? Oo, dahil ang haing pantubos ni Jesus ay “nag-aalis ng kasalanan ng sangkatauhan.” (Juan 1:29) Patiuna nang alam ni Jehova na hindi mabibigo ang layunin niyang maglaan ng Tagapagligtas para sa sangkatauhan. Kaya posibleng makipagkaibigan ang Diyos sa mga taong nabubuhay noon bago mamatay si Kristo.​—Roma 3:25.

4. Magbigay ng ilang halimbawa ng mga taong nabuhay noon na naging kaibigan ng Diyos.

4 May ilang taong nabuhay noon na naging kaibigan ng Diyos. Si Abraham ay isang lalaking may napakatibay na pananampalataya. Mahigit 1,000 taon pagkamatay ni Abraham, tinawag siya ni Jehova na “kaibigan ko.” (Isa. 41:8) Kaya kahit patay na ang isang tao, kaibigan pa rin ang turing ni Jehova sa kaniya. Buháy pa rin si Abraham sa alaala ni Jehova. (Luc. 20:37, 38) Isa pang halimbawa si Job. Nang magtipon ang mga anghel sa langit, sinabi ni Jehova na “matuwid at tapat [si Job], natatakot siya sa Diyos, at itinatakwil niya ang kasamaan.” (Job 1:6-8) Ano naman ang tingin ni Jehova kay Daniel, na mga 80 taóng naglingkod nang tapat sa Diyos kahit nasa paganong lupain? Tatlong beses na tiniyak ng mga anghel sa kaniya na siya ay “talagang kalugod-lugod” sa Diyos. (Dan. 9:23; 10:11, 19) Makakapagtiwala tayong gustong-gusto ni Jehova na buhaying muli ang mga mahal niyang kaibigan na namatay na.​—Job 14:15.

Ano ang ilang paraan para maipakitang mahalaga sa atin ang di-nakikitang mga kayamanan? (Tingnan ang parapo 5) *

5. Paano ka magiging matalik na kaibigan ni Jehova?

5 Sa ngayon, milyon-milyong di-perpektong tao ang may matalik na pakikipagkaibigan kay Jehova. Sa pamamagitan ng paggawi, ipinapakita ng maraming lalaki, babae, at bata sa buong mundo na talagang kaibigan sila ng Diyos. Mga matuwid ang nagiging ‘matalik na kaibigan’ ni Jehova. (Kaw. 3:32) Naging posible ito dahil nananampalataya sila sa haing pantubos ni Jesus. Dahil sa haing pantubos, pumapayag si Jehova na maging kaibigan tayo at puwede nating ialay ang buhay natin sa kaniya at magpabautismo. Sa paggawa nito, makakasama tayo sa milyon-milyong nakaalay at bautisadong Kristiyano na naging ‘matalik na kaibigan’ ng pinakadakilang Persona sa uniberso!

6. Paano natin maipapakitang mahalaga sa atin ang pakikipagkaibigan sa Diyos?

6 Paano natin maipapakitang mahalaga sa atin ang pakikipagkaibigan sa Diyos? Gaya nina Abraham at Job na nanatiling tapat sa Diyos nang mahigit 100 taon, dapat din tayong manatiling tapat—gaano man tayo katagal nang naglilingkod kay Jehova sa sistemang ito. Gaya ni Daniel, dapat na mas mahalaga sa atin ang pakikipagkaibigan sa Diyos kaysa sa buhay natin. (Dan. 6:7, 10, 16, 22) Sa tulong ni Jehova, matitiis natin ang anumang problema at mapapanatili natin ang pakikipagkaibigan sa kaniya.​—Fil. 4:13.

PANALANGIN

7. (a) Ayon sa Kawikaan 15:8, ano ang tingin ni Jehova sa mga panalangin natin? (b) Paano sinasagot ni Jehova ang mga panalangin natin?

7 Ang isa pang di-nakikitang kayamanan ay ang panalangin. Nasasabi ng matalik na magkakaibigan sa isa’t isa ang iniisip at nararamdaman nila. Ganiyan din sa pakikipagkaibigan natin kay Jehova. Sa Salita niya, kinakausap tayo ni Jehova at dito niya sinasabi sa atin ang iniisip at nararamdaman niya. Kinakausap naman natin siya sa panalangin, at puwede nating sabihin sa kaniya ang mga niloloob natin. Gustong-gustong pakinggan ni Jehova ang mga panalangin natin. (Basahin ang Kawikaan 15:8.) Bilang mapagmahal na Kaibigan, hindi lang pinapakinggan ni Jehova ang mga panalangin natin, sinasagot din niya ito. Minsan, mabilis siyang sumagot. Minsan naman, baka kailangan nating manalangin nang paulit-ulit. Pero makakapagtiwala tayong sasagutin niya ito sa tamang panahon at sa pinakamagandang paraan. Baka iba rin sa inaasahan natin ang sagot niya. Halimbawa, imbes na alisin ang isang problema, puwede niya tayong bigyan ng karunungan at lakas “para matiis” ito.​—1 Cor. 10:13.

(Tingnan ang parapo 8) *

8. Paano natin maipapakitang mahalaga sa atin ang panalangin?

8 Paano natin maipapakitang mahalaga sa atin ang panalangin? Ang isang paraan ay ang pagsunod sa payo ni Jehova na ‘laging manalangin.’ (1 Tes. 5:17) Hindi tayo pinipilit ni Jehova na gawin ito. Iginagalang niya ang kalayaan nating magpasiya at hinihimok tayong “magmatiyaga . . . sa pananalangin.” (Roma 12:12) Kaya maipapakita natin ang pagpapahalaga kung madalas tayong mananalangin sa bawat araw. Siyempre, dapat na kasama sa panalangin natin ang pasasalamat at papuri kay Jehova.​—Awit 145:2, 3.

9. Ano ang tingin ng isang brother sa panalangin, at ano ang tingin mo rito?

9 Kapag matagal na tayong naglilingkod kay Jehova at nakikita nating sinasagot niya ang mga hinihiling natin, mas napapahalagahan natin ang panalangin. Tingnan ang halimbawa ni Chris, isang brother na 47 taon na sa buong-panahong paglilingkod. “Gustong-gusto kong gumising nang maaga para makapanalangin kay Jehova,” ang sabi niya. “Napakasarap makipag-usap kay Jehova habang sumisikat ang araw at nasisinagan ang napakagandang paligid! Napapakilos ako nitong pasalamatan siya sa lahat ng regalo niya, kasama na ang panalangin. At pagkatapos kong manalangin sa gabi, ang sarap matulog nang may malinis na konsensiya.”

BANAL NA ESPIRITU

10. Bakit dapat nating pahalagahan ang banal na espiritu ng Diyos?

10 Ang banal na espiritu ng Diyos ay isa pang di-nakikitang regalo na dapat nating pahalagahan. Hinimok tayo ni Jesus na laging manalangin para sa banal na espiritu. (Luc. 11:9, 13) Ginagamit ni Jehova ang espiritu niya para bigyan tayo ng “lakas na higit sa karaniwan.” (2 Cor. 4:7; Gawa 1:8) Sa tulong nito, matitiis natin ang anumang problema.

(Tingnan ang parapo 11) *

11. Paano tayo tinutulungan ng banal na espiritu?

11 Matutulungan tayo ng banal na espiritu na magampanan ang mga atas natin sa paglilingkod. Mapapahusay rin nito ang mga kakayahan natin. Ang totoo, ang magagandang resulta ng pagsisikap natin ay dahil lang sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos.

12. Ayon sa Awit 139:23, 24, ano ang puwede nating hilingin sa tulong ng banal na espiritu?

12 Maipapakita nating mahalaga sa atin ang banal na espiritu ng Diyos kung ipapanalangin nating tulungan tayo nitong matukoy ang anumang maling kaisipan o pagnanasa sa puso natin. (Basahin ang Awit 139:23, 24.) Kapag natukoy na natin ang mga iyon sa tulong ng banal na espiritu, dapat naman nating hilingin na bigyan tayo ng lakas para malabanan ang mga iyon. Sa ganitong paraan, maipapakita nating determinado tayong iwasan ang lahat ng bagay na makakapighati sa banal na espiritu ni Jehova.​—Efe. 4:30.

13. Paano natin mas mapapahalagahan ang banal na espiritu?

13 Mas mapapahalagahan natin ang banal na espiritu kung iisipin natin ang mga naisasagawa nito ngayon. Bago umakyat si Jesus sa langit, sinabi niya sa mga alagad: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu, at magiging mga saksi ko kayo . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Iyan mismo ang nangyayari ngayon. Sa tulong ng banal na espiritu, mga walo at kalahating milyon sa buong mundo ang naging mananamba ni Jehova. At para tayong nasa espirituwal na paraiso dahil tinutulungan tayo nitong magkaroon ng magagandang “katangian na bunga ng espiritu”—pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. (Gal. 5:22, 23) Talaga ngang napakahalagang regalo ng banal na espiritu!

TULONG MULA SA LANGIT

14. Anong tulong ang natatanggap natin kapag nasa ministeryo?

14 Isa ring di-nakikitang kayamanan ang pagiging “kamanggagawa” ni Jehova at ng makalangit na bahagi ng organisasyon niya. (2 Cor. 6:1) Gumagawa tayong kasama nila sa tuwing nasa ministeryo tayo. Sinabi ni Pablo na siya at ang mga nakikibahagi rito ay “mga kamanggagawa ng Diyos.” (1 Cor. 3:9) Kapag nakikibahagi tayo sa ministeryo, nagiging kamanggagawa rin tayo ni Jesus. Tandaan na pagkatapos iutos ni Jesus sa mga tagasunod niya na “gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa,” sinabi niya: “Makakasama ninyo ako.” (Mat. 28:19, 20) Kumusta naman ang mga anghel? Nagpapasalamat tayo dahil ginagabayan tayo ng mga anghel habang sinasabi natin ang “walang-hanggang mabuting balita . . . sa mga nakatira sa lupa.”​—Apoc. 14:6.

15. Magbigay ng halimbawa mula sa Bibliya na nagpapakitang tinutulungan tayo ni Jehova sa ministeryo.

15 Ano ang naisasagawa natin dahil sa tulong mula sa langit? Habang inihahasik natin ang mensahe ng Kaharian, may binhi na napupunta sa matabang lupa at namumunga. (Mat. 13:18, 23) Sino ang dahilan kung bakit namumunga ang mga iyon? Sinabi ni Jesus na walang taong magiging tagasunod niya “malibang ilapit siya ng Ama.” (Juan 6:44) May makikita tayong halimbawa nito sa Bibliya. Alalahanin nang mangaral si Pablo sa mga babae sa labas ng lunsod ng Filipos. Ganito ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa isa sa kanila, si Lydia: “Binuksan ni Jehova ang puso niya para magbigay-pansin sa sinasabi ni Pablo.” (Gawa 16:13-15) Gaya ni Lydia, milyon-milyong iba pa ang inilapit din ni Jehova.

16. Sino ang dapat parangalan sa magagandang resulta ng ating ministeryo?

16 Sino ang dapat parangalan sa magagandang resulta ng ating ministeryo? Sinagot iyan ni Pablo nang sabihin niya sa kongregasyon sa Corinto: “Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, pero ang Diyos ang patuloy na nagpapalago, kaya ang dapat purihin ay hindi ang nagtanim o ang nagdilig, kundi ang Diyos na nagpapalago.” (1 Cor. 3:6, 7) Gaya ni Pablo, dapat na lagi nating ibigay kay Jehova ang papuri para sa magagandang resulta ng ating ministeryo.

17. Paano natin maipapakitang mahalaga sa atin ang pribilehiyong maging “kamanggagawa” ng Diyos, ni Kristo, at ng mga anghel?

17 Paano natin maipapakitang mahalaga sa atin ang pribilehiyong maging “kamanggagawa” ng Diyos, ni Kristo, at ng mga anghel? Magagawa natin ito kung masigasig tayo sa pagsasabi sa iba ng mabuting balita. Ang isang paraan ay ang pagpapatotoo “nang hayagan at sa bahay-bahay.” (Gawa 20:20) Marami rin ang nagpapatotoo nang di-pormal. Palakaibigan sila at sinusubukan nilang makapagpasimula ng pag-uusap. Kung may gustong makipag-usap, mataktika nilang sasabihin ang tungkol sa mensahe ng Kaharian.

(Tingnan ang parapo 18) *

18-19. (a) Paano natin dinidiligan ang binhi ng katotohanan? (b) Ilahad ang isang karanasan na nagpapakitang tinulungan ni Jehova ang isang Bible study.

18 Bilang “mga kamanggagawa ng Diyos,” hindi lang tayo dapat magtanim ng binhi ng katotohanan; dapat din natin itong diligan. Kapag nagpakita ng interes ang isang tao, sinisikap natin siyang balikan o isinasaayos nating mapuntahan siya ng iba para mapasimulan ng Bible study. Natutuwa tayo kapag nakikita nating tinutulungan ni Jehova ang Bible study na baguhin ang puso at isip nito.

19 Tingnan ang halimbawa ni Raphalalani, isang albularyo sa South Africa. Gustong-gusto niya ang mga natututuhan niya sa Bible study. Pero nahirapan siyang tanggapin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pakikipag-usap sa namatay na mga ninuno. (Deut. 18:10-12) Unti-unti, hinayaan niyang baguhin ng Diyos ang pag-iisip niya hanggang sa tumigil na siya sa pagiging albularyo—kahit iyon lang ang pinagkakakitaan niya. Sinabi ni Raphalalani, na 60 anyos na ngayon: “Nagpapasalamat ako sa napakaraming tulong sa akin ng mga Saksi ni Jehova, gaya ng paghahanap ng trabaho. Higit sa lahat, nagpapasalamat ako kay Jehova dahil tinulungan niya akong magbago, kaya nakakapangaral na ako ngayon bilang isang bautisadong Saksi niya.”

20. Ano ang determinasyon mo?

20 Sa artikulong ito, tinalakay natin ang apat na di-nakikitang kayamanan. Ang pinakamahalaga sa lahat ay ang pagiging matalik na kaibigan ni Jehova. Dahil dito, nakikinabang tayo sa iba pang di-nakikitang kayamanan—panalangin, banal na espiritu, at tulong mula sa langit. Maging determinado sana tayong mas pahalagahan pa ang di-nakikitang mga kayamanang ito. At lagi sana nating pasalamatan si Jehova, ang pinakamabuti nating Kaibigan.

AWIT 145 Ang Paraisong Pangako ng Diyos

^ par. 5 Tinalakay sa naunang artikulo ang ilang nakikitang kayamanan mula sa Diyos. Tatalakayin naman sa artikulong ito ang di-nakikitang mga kayamanan at kung paano natin maipapakitang mahalaga sa atin ang mga ito. Tutulong din ito para mas mapahalagahan natin ang Pinagmumulan ng mga kayamanang iyon, ang Diyos na Jehova.

^ par. 58 LARAWAN: (1) Habang pinagmamasdan ng isang sister ang mga nilalang, pinag-iisipan niya ang pakikipagkaibigan niya kay Jehova.

^ par. 60 LARAWAN: (2) Ang sister ding ito ay humihingi kay Jehova ng lakas ng loob para makapagpatotoo.

^ par. 62 LARAWAN: (3) Tinulungan ng banal na espiritu ang sister na magkaroon ng lakas ng loob na makapagpatotoo nang di-pormal.

^ par. 64 LARAWAN: (4) Bina-Bible study ng sister ang nakausap niya. Ginagawa niya iyon sa tulong ng mga anghel.