Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 19

Pag-ibig at Katarungan sa Harap ng Kakila-kilabot na Kasamaan

Pag-ibig at Katarungan sa Harap ng Kakila-kilabot na Kasamaan

“Ikaw ay Diyos na hindi nalulugod sa kasamaan; walang sinumang masama ang mananatiling kasama mo.”—AWIT 5:4.

AWIT 142 Manalig sa Ating Pag-asa

NILALAMAN a

1-3. (a) Ayon sa Awit 5:4-6, ano ang nadarama ni Jehova sa kasamaan? (b) Bakit natin masasabing salungat sa “kautusan ng Kristo” ang pang-aabuso sa bata?

 KINAPOPOOTAN ng Diyos na Jehova ang lahat ng uri ng kasamaan. (Basahin ang Awit 5:4-6.) Napopoot siya sa seksuwal na pang-aabuso sa bata—isang kakila-kilabot na kasamaan! Bilang pagtulad kay Jehova, nasusuklam tayo sa pang-aabuso sa bata at hindi natin ito kinukunsinti sa kongregasyong Kristiyano.—Roma 12:9; Heb. 12:15, 16.

2 Anumang uri ng pang-aabuso sa bata ay salungat sa “kautusan ng Kristo.” (Gal. 6:2) Bakit natin nasabi iyan? Gaya ng natutuhan natin sa naunang artikulo, ang kautusan ng Kristo—na tumutukoy sa lahat ng itinuro ni Jesus sa pamamagitan ng kaniyang mga sinabi at ginawa—ay nakasalig sa pag-ibig at nagtataguyod ng katarungan. Dahil sa pagsunod ng tunay na mga Kristiyano sa kautusang ito, nadarama ng mga bata na sila ay ligtas at minamahal. Pero ang pang-aabuso sa bata ay isang kasakiman at hindi makatarungan, dahil inaalis nito ang kapanatagan ng biktima.

3 Nakakalungkot, laganap sa buong mundo ang seksuwal na pang-aabuso sa bata, at apektado ang tunay na mga Kristiyano. Bakit? Napakaraming “masasamang tao at mga impostor,” at baka nga sinusubukan pa ng ilan sa mga ito na mapabilang sa kongregasyon. (2 Tim. 3:13) Bukod diyan, may mga nag-aangking kabilang sa kongregasyon na nagpadala sa kanilang nakakarimarim na makalamang pagnanasa at nangmolestiya ng bata. Talakayin natin kung bakit napakabigat na kasalanan ang pang-aabuso sa bata. Pagkatapos, talakayin natin kung paano inaasikaso ng mga elder ang malulubhang pagkakasala, kasama na ang pang-aabuso sa bata, at kung paano mapoprotektahan ng mga magulang ang mga anak nila. b

NAPAKABIGAT NA KASALANAN

4-5. Bakit isang mabigat na kasalanan sa biktima ang pang-aabuso sa bata?

4 Ang pang-aabuso sa bata ay may nagtatagal na epekto sa mga biktima nito at sa mga nagmamahal sa kanila—ang kanilang pamilya at mga kapuwa Kristiyano. Napakabigat na kasalanan ang pang-aabuso sa bata.

5 Kasalanan sa biktima. c Isang kasalanan ang manakit sa iba at maging dahilan ng pagdurusa nila. Gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo, iyan mismo ang ginagawa ng nang-aabuso sa bata—sinisira niya ang buhay nito. Inaalis niya ang tiwala at kapanatagan ng bata. Dapat nating protektahan ang mga bata mula sa ganoong kasamaan, at dapat nating aliwin at tulungan ang mga biktima nito.—1 Tes. 5:14.

6-7. Bakit kasalanan sa kongregasyon at sa pamahalaan ang pang-aabuso sa bata?

6 Kasalanan sa kongregasyon. Ang sinuman sa kongregasyon na nang-abuso sa bata ay sumisira sa reputasyon ng kongregasyon. (Mat. 5:16; 1 Ped. 2:12) Nadadamay tuloy ang milyon-milyong tapat na Kristiyano na ‘nakikipaglaban nang husto para sa pananampalataya’! (Jud. 3) Hindi natin kinukunsinti ang di-nagsisising mga indibidwal na gumagawa ng masama at sumisira sa malinis na pangalan ng kongregasyon.

7 Kasalanan sa pamahalaan. Ang mga Kristiyano ay “dapat magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad.” (Roma 13:1) Masasabing nagpapasakop tayo sa pamahalaan kapag iginagalang natin ang mga batas nito. Kapag ang sinuman sa kongregasyon ay lumabag sa batas, gaya ng pang-aabuso sa bata, nagkakasala siya sa pamahalaan. (Ihambing ang Gawa 25:8.) Walang awtoridad ang mga elder na magpatupad ng batas ng pamahalaan, pero hindi nila pinoprotektahan ang sinumang nang-aabuso sa bata mula sa parusa ng gobyerno. (Roma 13:4) Aanihin ng nagkasala ang kaniyang itinanim.—Gal. 6:7.

8. Ano ang tingin ni Jehova sa mga pagkakasala sa kapuwa tao?

8 Higit sa lahat, kasalanan sa Diyos. (Awit 51:4) Kapag nagkakasala ang isang tao sa kaniyang kapuwa, nagkakasala rin siya kay Jehova. Tingnan ang isang halimbawa sa Kautusang ibinigay ng Diyos sa Israel. Sinasabi sa Kautusan na ang nagnanakaw at nandaraya ay gumagawi “nang di-tapat kay Jehova.” (Lev. 6:2-4) Kung gayon, ang sinuman sa kongregasyon na nang-aabuso sa bata ay hindi nagiging tapat sa Diyos dahil inaalisan niya ng kapanatagan ang bata. Sinisira niya ang pangalan ni Jehova. Kaya maliwanag na ang pang-aabuso ay isang kasuklam-suklam na kasalanan sa Diyos, at dapat din natin itong kasuklaman.

9. Anong impormasyong batay sa Kasulatan ang ibinibigay ng organisasyon ni Jehova sa paglipas ng mga taon, at bakit?

9 Sa paglipas ng mga taon, ang organisasyon ni Jehova ay nagbibigay ng maraming impormasyong batay sa Kasulatan tungkol sa pang-aabuso sa bata. Halimbawa, tinalakay sa Ang Bantayan at Gumising! kung paano haharapin ng mga minolestiya ang trauma na idinulot nito sa kanila, kung paano makakatulong at makapagpapatibay ang iba, at kung paano mapoprotektahan ng mga magulang ang kanilang mga anak. Ang mga elder ay tumatanggap ng detalyadong tagubilin batay sa Kasulatan kung ano ang dapat gawin kapag may mga kaso ng pang-aabuso sa bata. Patuloy na sinusuri ng organisasyon ang mga tagubiling ibinibigay nito sa mga elder sa ganitong mga kaso. Bakit? Para matiyak na ayon sa kautusan ng Kristo ang ginagawa ng mga elder.

KAPAG MAY NAKAGAWA NG MALUBHANG PAGKAKASALA

10-12. (a) Kapag may nakagawa ng malubhang pagkakasala, ano ang tinatandaan ng mga elder, at ano ang mga dapat nilang pag-isipan? (b) Ayon sa Santiago 5:14, 15, ano ang sinisikap gawin ng mga elder?

10 Kapag may nakagawa ng malubhang pagkakasala, tinatandaan ng mga elder na dapat nilang pakitunguhan ang kawan sa maibiging paraan at gawin ang tama sa paningin ng Diyos bilang pagsunod sa kautusan ng Kristo. Kaya marami silang dapat pag-isipan kapag nakatanggap sila ng sumbong tungkol sa isang malubhang pagkakasala. Napakahalaga sa mga elder na mapanatiling banal ang pangalan ng Diyos. (Lev. 22:31, 32; Mat. 6:9) Mahalaga rin sa kanila ang espirituwal na kapakanan ng mga kapatid sa kongregasyon at gusto nilang makatulong sa sinumang naging biktima ng ginawang pagkakasala.

11 Bukod diyan, kapag ang nagkasala ay kabilang sa kongregasyon, tutulungan siya ng mga elder na maibalik ang kaugnayan niya sa Diyos kung posible. (Basahin ang Santiago 5:14, 15.) Ang isang Kristiyanong nagpadala sa maling pagnanasa at nakagawa ng malubhang pagkakasala ay may sakit sa espirituwal. Ibig sabihin, hindi na maganda ang kaugnayan niya kay Jehova. d Kaya parang doktor ang mga elder. Sinisikap nilang ‘mapagaling ang maysakit,’ ang nagkasala. Ang kanilang payo mula sa Kasulatan ay makakatulong sa kaniya na maibalik ang kaugnayan niya sa Diyos, pero posible lang ito kung taimtim siyang nagsisisi.—Gawa 3:19; 2 Cor. 2:5-10.

12 Maliwanag na napakabigat ng pananagutan ng mga elder. Gayon na lang ang malasakit nila sa kawan na ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos. (1 Ped. 5:1-3) Gusto nilang maging panatag ang mga kapatid sa loob ng kongregasyon. Dahil diyan, kumikilos agad ang mga elder kapag nakatanggap sila ng sumbong tungkol sa isang malubhang pagkakasala, kasama na ang pang-aabuso sa bata. Tingnan ang mga tanong sa pasimula ng parapo 13, 15, at 17.

13-14. Sumusunod ba ang mga elder sa batas ng pamahalaan na ireport ang mga kaso ng pang-aabuso sa bata? Ipaliwanag.

13 Sumusunod ba ang mga elder sa batas ng pamahalaan na ireport ang mga kaso ng pang-aabuso sa bata? Oo. Sa mga lugar na may ganiyang batas, sinisikap ng mga elder na sundin iyan. (Roma 13:1) Hindi iyan labag sa kautusan ng Diyos. (Gawa 5:28, 29) Kaya kapag may ganitong sumbong, inaalam agad ng mga elder ang dapat nilang gawin para masunod ang batas.

14 Ipinapaalaala ng mga elder sa mga biktima at mga magulang ng mga ito at sa iba pang nakakaalam ng nangyari na puwede silang magsumbong sa mga awtoridad. Pero paano kung ang nang-abuso ay kabilang sa kongregasyon at nalaman ito ng komunidad? Dapat bang isipin ng Kristiyanong nagsumbong na sinira niya ang pangalan ng Diyos? Hindi. Ang nang-abuso ang sumira sa pangalan ng Diyos.

15-16. (a) Ayon sa 1 Timoteo 5:19, bakit kailangan ang dalawa o higit pang testigo bago bumuo ng hudisyal na komite ang mga elder? (b) Ano ang ginagawa ng mga elder kapag nalaman nilang may inaakusahan sa kongregasyon ng pang-aabuso sa bata?

15 Sa kongregasyon, bakit kailangan ang dalawa o higit pang testigo bago bumuo ng hudisyal na komite ang mga elder? Ang kahilingang ito ay bahagi ng mataas na pamantayan ng Bibliya sa katarungan. Kapag hindi umamin ang nagkasala, kailangan ang dalawang testigo para makabuo ng hudisyal na komite ang mga elder. (Deut. 19:15; Mat. 18:16; basahin ang 1 Timoteo 5:19.) Ibig bang sabihin nito, dapat munang magkaroon ng dalawang testigo bago isumbong sa mga awtoridad ang pang-aabuso? Hindi. Hindi na iyan kailangan kapag may isusumbong na krimen ang mga elder o ang iba pa.

16 Kapag nalaman ng mga elder na may inaakusahan sa kongregasyon ng pang-aabuso sa bata, sinisikap nilang masunod ang batas tungkol sa pagsusumbong. Pagkatapos, mag-iimbestiga sila batay sa Bibliya. Kapag hindi umamin ang akusado, pakikinggan ng mga elder ang mga testigo. Kung may dalawa o higit pang testigo​—ang nag-aakusa at iba pang testigong makapagpapatunay sa pang-aabusong iyon o sa iba pang insidente ng pang-aabuso sa bata na ginawa ng akusado​—bubuo na ng hudisyal na komite ang mga elder. e Kung walang makuhang ikalawang testigo, hindi ito nangangahulugang nagsisinungaling ang nag-aakusa. Kahit walang dalawang testigo, kinikilala pa rin ng mga elder na baka nga may malubhang kasalanang nagawa ang akusado na sobrang nakasakit sa iba. Patuloy nilang tutulungan ang sinumang indibidwal na nasaktan. At mananatiling alisto ang mga elder para maprotektahan ang kongregasyon laban sa anumang masamang bagay na posibleng gawin ng akusado.—Gawa 20:28.

17-18. Ipaliwanag ang papel ng hudisyal na komite.

17 Ano ang papel ng hudisyal na komite? Ang salitang “hudisyal” ay hindi nangangahulugang ang mga elder ang hahatol, o magpapasiya, kung dapat parusahan ang nagkasala dahil sa paglabag niya sa batas. Hindi nakikialam ang mga elder sa pagpapatupad ng batas; ipinauubaya nila ito sa mga awtoridad. (Roma 13:2-4; Tito 3:1) Kung gayon, ano ang ginagawa ng mga elder? Sila ay humahatol, o nagpapasiya, kung puwede pang manatili sa kongregasyon ang isang indibidwal.

18 Inaasikaso ng hudisyal na komite ang mga bagay na nakakaapekto sa espirituwalidad ng nagkasala at ng kongregasyon. Sa tulong ng Bibliya, nakikita ng mga elder kung ang nagkasala ay nagsisisi o hindi. Kung hindi siya nagsisisi, ititiwalag siya at ipapatalastas ito sa kongregasyon. (1 Cor. 5:11-13) Kung nagsisisi siya, maaari siyang manatili sa kongregasyon. Pero sasabihin sa kaniya ng mga elder na baka hindi na siya kailanman maging kuwalipikado sa mga pribilehiyo o anumang pananagutan sa kongregasyon. Samantala, puwedeng kausapin ng mga elder sa pribado ang mga magulang ng mga menor de edad para bantayan ang kanilang mga anak kapag nakakahalubilo ng mga ito ang taong iyon. Sa paggawa nito, titiyakin ng mga elder na hindi nila maisisiwalat ang mga naging biktima ng pang-aabuso.

PROTEKTAHAN ANG IYONG MGA ANAK

19-22. Ano ang puwedeng gawin ng mga magulang para maprotektahan ang kanilang mga anak? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)

19 Sino ang unang-unang dapat magprotekta sa mga anak? Ang mga magulang. f Ang iyong mga anak ay ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Sila ay “mana mula kay Jehova.” (Awit 127:3) Kaya pananagutan mo silang ingatan. Paano mo sila mapoprotektahan mula sa pang-aabuso?

20 Una, alamin ang dapat malaman tungkol sa pang-aabuso. Alamin kung anong uri ng tao ang mga nang-aabuso sa bata at kung anong mga taktika ang ginagamit nila. Maging alisto sa mga posibleng panganib. (Kaw. 22:3; 24:3) Tandaan, karaniwan nang kilala at pinagkakatiwalaan ng bata ang nang-aabuso.

21 Ikalawa, laging makipag-usap sa iyong mga anak. (Deut. 6:6, 7) Makinig sa sinasabi nila. (Sant. 1:19) Tandaan, kadalasan nang nag-aalangan ang mga bata na isumbong ang pang-aabuso. Natatakot kasi sila na baka hindi sila paniwalaan, o baka pinagbantaan sila ng nang-abuso. Kung nagsususpetsa kang may masamang nangyari sa anak mo, mahinahon siyang tanungin at matiyagang pakinggan ang sasabihin niya.

22 Ikatlo, turuan ang iyong mga anak. Sabihin sa kanila ang dapat nilang malaman tungkol sa sex depende sa edad nila. Ituro sa kanila ang dapat sabihin at gawin kapag may nagtatangkang hipuan sila. Gamitin ang mga impormasyong inilaan ng organisasyon ng Diyos tungkol sa pagprotekta sa iyong mga anak.—Tingnan ang kahong “Alamin ang Dapat Malaman at Ituro Ito sa mga Anak.”

23. Ano ang tingin natin sa seksuwal na pang-aabuso sa bata, at anong tanong ang sasagutin sa susunod na artikulo?

23 Para sa ating mga Saksi ni Jehova, napakasama at napakabigat na kasalanan ang seksuwal na pang-aabuso sa bata. Dahil sa kautusan ng Kristo, hindi natin pinagtatakpan o kinukunsinti ang mga nang-aabuso. Samantala, ano ang magagawa natin para matulungan ang mga biktima ng pang-aabuso? Sasagutin iyan sa susunod na artikulo.

AWIT 103 Mga Pastol—Regalo ng Diyos

a Tatalakayin sa artikulong ito kung paano mapoprotektahan ang mga bata sa seksuwal na pang-aabuso. Tatalakayin din natin kung paano iniingatan ng mga elder ang kongregasyon at kung paano mapoprotektahan ng mga magulang ang mga anak nila.

b KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang seksuwal na pang-aabuso sa bata ay ang paggamit sa isang bata para masapatan ang seksuwal na pagnanasa ng isang adulto. Maaaring kasama rito ang pakikipagtalik; oral o anal sex; paghimas sa ari, dibdib, o puwit; o iba pang kahalayan. Karamihan sa mga biktima ay mga batang babae, pero marami ring batang lalaki na inaabuso. Mga lalaki ang kadalasang nang-aabuso, pero mayroon ding mga babae.

c KARAGDAGANG PALIWANAG: Sa artikulong ito at sa kasunod, ang salitang “biktima” ay tumutukoy sa isa na minolestiya noong bata pa siya. Gagamitin natin ang salitang ito para linawing ang bata ay nasaktan at pinagsamantalahan at na siya ay inosente.

d Hindi puwedeng idahilan ng isa ang kaniyang mahinang espirituwalidad para malusutan ang nagawa niyang malubhang kasalanan. Mananagot pa rin siya kay Jehova.—Roma 14:12.

e Hindi kailangang humarap ang batang biktima sa akusado. Maaaring ang magulang o iba pang pinagkakatiwalaan ng bata ang magsabi sa mga elder ng nangyari para hindi na lalong magdusa ang bata.

f Ito ay para din sa mga guardian o iba pang tumatayong magulang ng bata.