Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tulungan ang mga Anak ng mga Dayuhan

Tulungan ang mga Anak ng mga Dayuhan

“Wala na akong mas dakilang dahilan sa pagpapasalamat kaysa sa mga bagay na ito, na marinig ko na ang aking mga anak ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.”—3 JUAN 4.

AWIT: 88, 41

1, 2. (a) Anong problema ang nararanasan ng maraming anak ng mga nandayuhan? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin sa artikulong ito?

“MULA pagkasanggol, ginagamit ko sa bahay at sa kongregasyon ang wika ng mga magulang ko na nandayuhan,” ang sabi ni Joshua. “Pero nang mag-aral ako, mas gusto ko na ang lokal na wika. Sa loob lang ng ilang taon, tuluyan nang nagbago ang sitwasyon. Hindi ko na maintindihan ang mga pulong, at hindi na ako maka-relate sa kultura ng mga magulang ko.” Hindi lang si Joshua ang nakaranas ng ganiyan.

2 Sa ngayon, mahigit 240,000,000 katao ang nakatira sa labas ng kanilang bansang sinilangan. Kung isa kang magulang na nandayuhan, paano mo matutulungan ang iyong mga anak na maging espirituwal na mga anak na “patuloy na lumalakad sa katotohanan”? (3 Juan 4) At paano makatutulong ang iba?

MGA MAGULANG, MAGPAKITA NG MABUTING HALIMBAWA

3, 4. (a) Paano makapagpapakita ng mabuting halimbawa ang mga magulang sa kanilang mga anak? (b) Ano ang hindi dapat asahan ng mga magulang sa kanilang mga anak?

3 Mga magulang, mahalaga ang halimbawa ninyo para makalakad ang inyong mga anak sa daan ng buhay. Kapag nakikita nila na ‘hinahanap muna ninyo ang kaharian,’ natututo silang umasa kay Jehova para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. (Mat. 6:33, 34) Kaya mamuhay nang simple. Isakripisyo ang materyal na mga bagay kapalit ng espirituwal na mga pakinabang—at hindi ang kabaligtaran. Iwasan ang pangungutang. Hanapin ang “kayamanan sa langit”—ang pagsang-ayon ni Jehova—at hindi ang materyal na kayamanan o ang “kaluwalhatian ng tao.”—Basahin ang Marcos 10:21, 22; Juan 12:43.

4 Huwag maging masyadong abala kung kaya wala ka nang panahon sa iyong mga anak. Sabihin sa kanila na ipinagmamalaki mo sila kapag inuuna nila si Jehova sa halip na ang katanyagan o materyal na kayamanan—para sa kanila man o para sa iyo. Iwasan ang di-makakristiyanong pananaw na dapat bigyan ng mga anak ng maalwang buhay ang kanilang mga magulang. Tandaan, “hindi dapat mag-impok ang mga anak para sa kanilang mga magulang, kundi ang mga magulang para sa kanilang mga anak.”—2 Cor. 12:14.

MGA MAGULANG, SOLUSYUNAN ANG PROBLEMA SA WIKA

5. Bakit dapat kausapin ng mga magulang ang kanilang mga anak tungkol kay Jehova?

5 Gaya ng inihula, ang mga tao “mula sa lahat ng wika ng mga bansa” ay dumaragsa sa organisasyon ni Jehova. (Zac. 8:23) Pero baka mahirapan kang ituro sa iyong mga anak ang katotohanan kung magkaiba ang inyong wika. Ang iyong mga anak ang pinakamahalagang Bible study mo, at ang kanilang “pagkuha ng kaalaman” tungkol kay Jehova ay mangangahulugan ng buhay na walang hanggan para sa kanila. (Juan 17:3) Para matutuhan ng iyong mga anak ang turo ni Jehova, kailangang ‘salitain mo iyon’ sa lahat ng angkop na pagkakataon.—Basahin ang Deuteronomio 6:6, 7.

6. Paano makikinabang ang iyong mga anak kung matututuhan nila ang iyong wika? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

6 Malamang na matutuhan ng iyong mga anak ang lokal na wika mula sa kanilang paaralan at kapaligiran. Pero para matutuhan nila ang iyong wika, kailangan ninyong mag-usap nang madalas gamit ito. Kapag natutuhan nila ito, hindi lang kayo makakapag-usap nang puso sa puso. May iba pang pakinabang. Kung marunong silang magsalita ng ibang wika, tatalas ang kanilang isip at mas magiging mahusay silang makisama sa iba. Baka magkaroon din sila ng pagkakataong palawakin ang kanilang ministeryo. “Masayang umugnay sa kongregasyong banyaga ang wika,” ang sabi ni Carolina, na anak ng mga nandayuhan. “At ang sarap tumulong kung saan mas malaki ang pangangailangan.”

7. Ano ang puwede mong gawin kung magkaiba ang wika ninyong magkakapamilya?

7 Pero habang natututuhan ng mga bata ang lokal na kultura at wika, baka ang ilan sa kanila ay ayaw na o hindi na nga marunong makipag-usap sa wikang ginagamit ng kanilang mga magulang. Mga magulang, kung ganiyan ang inyong mga anak, puwede kaya ninyong pag-aralan ang lokal na wika? Mas magiging madali para sa inyo na palakihin sila bilang Kristiyano kung naiintindihan ninyo ang kanilang usapan, libangan, at mga gawain sa paaralan, at kung kaya ninyong makipag-usap sa kanilang mga guro. Siyempre pa, ang pag-aaral ng ibang wika ay nangangailangan ng panahon, pagsisikap, at kapakumbabaan. Pero ipagpalagay na naging bingi ang iyong anak. Hindi ka ba mag-aaral ng sign language para makausap mo siya? Hindi ba ganiyan din ang atensiyong dapat ibigay sa anak na mas marunong makipag-usap sa ibang wika? *

8. Paano mo matutulungan ang iyong mga anak kung limitado lang ang kakayahan mo sa wika?

8 Totoo, baka mahirapan ang ilang magulang na maging matatas sa bagong wika ng kanilang mga anak. Dahil dito, baka mahirapan silang ituro sa mga ito ang malalim na kaalaman tungkol sa “banal na mga kasulatan.” (2 Tim. 3:15) Kung ganiyan ang iyong sitwasyon, matutulungan mo pa rin ang iyong mga anak na makilala at mahalin si Jehova. “Limitado lang ang alam ng aming nagsosolong ina sa wikang naiintindihan namin, at kaming magkakapatid ay hindi gaanong marunong magsalita ng wika ni Inay,” ang naalaala ng elder na si Shan. “Pero kapag nakikita namin siyang nag-aaral, nananalangin, at nagsisikap na magdaos ng pampamilyang pagsamba linggo-linggo, nauunawaan namin na napakahalagang makilala namin si Jehova.”

9. Paano matutulungan ng mga magulang ang mga bata na kailangang mag-aral ng Bibliya sa dalawang wika?

9 Baka ang ilang bata ay kailangang turuan tungkol kay Jehova gamit ang dalawang wika—ang wika nila sa paaralan at ang wika sa tahanan. Kaya naman, may mga magulang na gumagamit ng nakalimbag na literatura, mga audio recording, at mga video sa dalawang wika. Maliwanag, ang mga magulang na nandayuhan ay kailangang gumugol ng mas maraming panahon at gumawa ng higit na pagsisikap para matulungan ang kanilang mga anak na magkaroon ng matibay na kaugnayan kay Jehova.

ALING KONGREGASYON KAYO DAPAT UMUGNAY?

10. (a) Sino ang dapat magpasiya kung aling kongregasyon dapat umugnay ang pamilya? (b) Ano ang dapat niyang gawin bago magpasiya?

10 Kapag ang “mga naninirahang dayuhan” ay nakatira malayo sa ibang Saksi na nagsasalita ng kanilang wika, kailangan nilang umugnay sa kongregasyong gumagamit ng lokal na wika. (Awit 146:9) Pero kung may malapit na kongregasyong gumagamit ng sarili mong wika, bumabangon ang tanong: Aling kongregasyon ang mas makabubuti sa inyong pamilya? Matapos ang maingat na pag-iisip, pananalangin, at pakikipag-usap sa kaniyang maybahay at mga anak, kailangang magpasiya ang ulo ng pamilya. (1 Cor. 11:3) Anong mga bagay ang dapat niyang isaalang-alang? Anong mga simulain ang dapat sundin? Tingnan natin ang ilan sa mga ito.

11, 12. (a) Paano nakaaapekto ang wika sa dami ng matututuhan ng bata sa mga pulong? (b) Bakit may mga batang ayaw mag-aral ng wika ng kanilang mga magulang?

11 Kailangang realistikong pag-aralan ng mga magulang ang pangangailangan ng kanilang mga anak. Totoo, anuman ang wikang gagamitin, hindi sapat ang ilang oras ng espirituwal na edukasyon linggo-linggo sa mga pulong para magkaroon ng matibay na kapit sa katotohanan ang isang bata. Pero pag-isipan ito: Kapag ang mga pulong ay idinaraos sa wikang mas naiintindihan ng mga bata, puwede silang matuto kahit sa simpleng pagdalo, at baka mas nakikinabang sila kaysa sa inaakala ng mga magulang. Maaaring hindi ganiyan ang kaso kung hindi lubusang naiintindihan ng mga bata ang wikang ginagamit sa mga pulong. (Basahin ang 1 Corinto 14:9, 11.) At kahit kinagisnan ng bata ang isang wika, hindi ibig sabihin na mananatili itong wika ng kaniyang isip o ng kaniyang puso. Sa katunayan, may mga batang nakapagkokomento, nakapangangaral, at nakagaganap ng bahagi sa pulong gamit ang wika ng kanilang mga magulang pero hindi naman bukal sa puso nila ang mga salitang ginagamit nila.

12 Karagdagan pa, hindi lang wika ang nakaiimpluwensiya sa puso ng isang bata. Ganiyan ang nangyari kay Joshua, na nabanggit sa simula. Sinabi ng ate niyang si Esther, “Para sa maliliit na bata, ang wika, kultura, at relihiyon ng kanilang mga magulang ay magkakaugnay.” Kung hindi matanggap ng mga anak ang kultura ng kanilang mga magulang, baka ayaw na rin nilang pag-aralan ang wika ng kanilang mga magulang, pati na ang kanilang relihiyon. Kaya ano ang puwedeng gawin ng mga magulang?

13, 14. (a) Bakit lumipat sa kongregasyong gumagamit ng lokal na wika ang isang pamilyang nandayuhan? (b) Paano nanatiling malakas sa espirituwal ang mga magulang?

13 Inuuna ng mga magulang na Kristiyano ang espirituwal na kapakanan ng kanilang mga anak bago ang sariling kagustuhan. (1 Cor. 10:24) Ikinuwento ni Samuel, tatay nina Joshua at Esther: “Inobserbahan naming mag-asawa ang aming mga anak kung aling wika sila mas susulong sa espirituwal, at nanalangin kami para humiling ng karunungan. Hindi kumbinyente sa aming mag-asawa ang naging kasagutan. Pero dahil nakita namin na hindi nakikinabang ang mga bata sa mga pulong na idinaraos sa wika namin, nagpasiya kaming lumipat sa kongregasyong gumagamit ng lokal na wika. Regular kaming dumadalo sa mga pulong at nakikibahagi sa ministeryo nang magkakasama. Niyayaya rin namin ang mga kapatid sa lugar namin para makasama sa pagkain at pamamasyal. Nakatulong ang lahat ng ito para makilala ng mga anak namin ang mga kapatid at si Jehova, hindi lang bilang kanilang Diyos kundi bilang kanilang Ama at Kaibigan. Para sa amin, mas importante ito kaysa sa maging mahusay sila sa wika namin.”

14 Idinagdag pa ni Samuel: “Para manatiling malakas sa espirituwal, dumadalo rin kaming mag-asawa sa mga pulong na idinaraos sa wika namin. Napaka-busy namin at napapagod kami. Pero nagpapasalamat kami kay Jehova dahil pinagpala niya ang mga pagsisikap at sakripisyo namin. Lahat ng tatlong anak namin ay naglilingkod kay Jehova sa buong-panahong ministeryo.”

ANG MAGAGAWA NG MGA KABATAAN

15. Bakit naisip ng sister na si Kristina na mas mapapabuti siya sa kongregasyong gumagamit ng lokal na wika?

15 Baka mapag-isip-isip ng adultong mga anak na mas makapaglilingkod sila kay Jehova sa kongregasyong gumagamit ng wikang mas naiintindihan nila. Kung gayon, hindi dapat isipin ng kanilang mga magulang na inaayawan sila ng kanilang mga anak. “May alam akong konti sa wika ng mga magulang ko, pero hindi ko maintindihan ang wikang ginagamit sa mga pulong,” ang kuwento ni Kristina. “Noong 12 anyos ako, dumalo ako ng kombensiyon sa wikang ginagamit namin sa paaralan. Sa kauna-unahang pagkakataon, naintindihan ko na ang naririnig ko ay ang katotohanan! Ang isa pang mahalagang pangyayari ay nang magsimula akong manalangin gamit ang wika namin sa paaralan. Talagang nasabi ko kay Jehova ang laman ng puso ko!” (Gawa 2:11, 41) Nang maging adulto na si Kristina, ipinakipag-usap niya ang tungkol dito sa kaniyang mga magulang at lumipat siya sa kongregasyong gumagamit ng lokal na wika. Sinabi niya: “Ang pag-aaral ko tungkol kay Jehova sa wika namin sa paaralan ang nagpakilos sa akin.” Di-nagtagal, nag-regular pioneer si Kristina at napakasaya niya.

16. Bakit natutuwa ang sister na si Nadia na nanatili siya sa kongregasyong banyaga ang wika?

16 Mga kabataan, mas gusto ba ninyong umugnay sa kongregasyong gumagamit ng lokal na wika? Kung oo, bakit? Mas magiging malapít ba kayo kay Jehova kung lilipat kayo ng kongregasyon? (Sant. 4:8) O baka naman gusto ninyong lumipat para hindi kayo gaanong mabantayan ng inyong mga magulang o para hindi kayo gaanong mahirapan? “Nang magtin-edyer kaming magkakapatid, gusto sana naming lumipat sa kongregasyong gumagamit ng lokal na wika,” ang sabi ni Nadia, na naglilingkod ngayon sa Bethel. Pero alam ng mga magulang niya na hindi makabubuti sa espirituwalidad ng kanilang mga anak kung lilipat ng kongregasyon ang mga ito. “Mabuti na lang, nagsikap ang mga magulang namin na ituro sa amin ang wika nila, at pinanatili kami sa kongregasyong banyaga ang wika. Napabuti kami at nagkaroon ng maraming pagkakataon na tulungan ang iba na makilala si Jehova.”

ANG MAITUTULONG NG IBA

17. (a) Sino ang inatasan ni Jehova na magpalaki sa mga anak? (b) Saan makakakuha ang mga magulang ng tulong sa pagtuturo ng katotohanan sa kanilang mga anak?

17 Ang mga magulang—hindi ang mga lolo at lola o sino pa man—ang inatasan ni Jehova ng pribilehiyong palakihin sa katotohanan ang kanilang mga anak. (Basahin ang Kawikaan 1:8; 31:10, 27, 28.) Siyempre pa, kung hindi nakapagsasalita ng lokal na wika ang mga magulang, baka kailangan nila ng tulong para maabot ang puso ng kanilang mga anak. Kung hihingi sila ng tulong sa iba, hindi naman ibig sabihin nito na tinatalikuran na nila ang kanilang espirituwal na pananagutan. Sa halip, bahagi ito ng pagpapalaki nila sa kanilang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efe. 6:4) Halimbawa, puwede silang humingi ng mga mungkahi sa mga elder sa pagdaraos ng pampamilyang pagsamba at paghahanap ng mabubuting kasama para sa kanilang mga anak.

Parehong nakikinabang ang mga anak at mga magulang sa pakikipagsamahan sa kongregasyon (Tingnan ang parapo 18, 19)

18, 19. (a) Paano matutulungan ng mga kapatid na may-gulang sa espirituwal ang mga bata? (b) Ano ang dapat na patuloy na gawin ng mga magulang?

18 Paminsan-minsan, puwedeng anyayahan ng mga magulang ang ibang pamilya na sumama sa kanilang pampamilyang pagsamba. Maraming kabataan din ang sumulong dahil sa magandang impluwensiya ng mga kapatid na may balanseng pananaw sa espirituwal, na sumasama sa kanila sa ministeryo at sa angkop na paglilibang. (Kaw. 27:17) “Tandang-tanda ko pa ang mga kapatid na umalalay sa akin,” ang sabi ni Shan, na nabanggit kanina. “Mas marami akong natututuhan kapag tinutulungan nila ako sa mga bahagi ko sa pulong. At nag-e-enjoy ako sa mga libangang ginagawa namin bilang grupo.”

19 Siyempre pa, ang mga napili ng mga magulang na tumulong sa kanilang mga anak ay dapat magpatibay sa respeto ng mga bata sa kanilang mga magulang. Dapat silang magsalita nang positibo tungkol sa mga magulang at huwag agawin ang pananagutan ng mga ito. Dapat din nilang iwasan ang paggawing sa tingin ng mga nasa loob o labas ng kongregasyon ay kuwestiyunable sa moral. (1 Ped. 2:12) Hindi dapat ipaubaya ng mga magulang sa iba ang espirituwal na pagsasanay sa kanilang mga anak. Dapat nilang subaybayan ang tulong na ibinibigay ng iba, at sila mismo ang patuloy na magtuturo sa kanilang mga anak.

20. Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maging mahuhusay na lingkod ni Jehova?

20 Mga magulang, manalangin kay Jehova para sa kaniyang tulong, at gawin ang inyong buong makakaya. (Basahin ang 2 Cronica 15:7.) Unahin ang kaugnayan ng inyong anak kay Jehova sa halip na ang inyong sariling interes. Gawin ang lahat para matiyak na tatagos sa puso ng inyong anak ang Salita ng Diyos. Patuloy na umasang magiging mahusay na lingkod siya ni Jehova. Kapag sinunod ng inyong mga anak ang Salita ng Diyos at ang inyong mabuting halimbawa, madarama ninyo ang gaya ng nadama ni apostol Juan sa kaniyang espirituwal na mga anak: “Wala na akong mas dakilang dahilan sa pagpapasalamat kaysa sa mga bagay na ito, na marinig ko na ang aking mga anak ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.”—3 Juan 4.

^ par. 7 Tingnan ang artikulong “Maaari Mong Matutuhan ang Ibang Wika!” sa Gumising!, Marso 2007, p. 10-12.