ARALING ARTIKULO 10
Ang Pagmamahal at Pagpapahalaga kay Jehova ay Umaakay sa Bautismo
“Ano ang nakahahadlang sa akin na magpabautismo?”—GAWA 8:36.
AWIT 37 Buong-Kaluluwang Maglingkod kay Jehova
NILALAMAN *
1-2. Gaya ng makikita sa Gawa 8:27-31, 35-38, ano ang nagpakilos sa opisyal na Etiope na magpabautismo?
GUSTO mo na bang magpabautismo bilang alagad ni Kristo? Marami na ang gumawa niyan dahil sa pagmamahal at pagpapahalaga kay Jehova. Tingnan ang halimbawa ng isang opisyal na naglingkod sa reyna ng Etiopia.
2 Kumilos agad ang Etiope ayon sa natutuhan niya mula sa Kasulatan. (Basahin ang Gawa 8:27-31, 35-38.) Bakit? Maliwanag na pinahalagahan niya ang Salita ng Diyos; nagbabasa siya ng isang ulat sa aklat ng Isaias habang nasa karwahe. At nang makausap siya ni Felipe, napahalagahan niya ang ginawa ni Jesus para sa kaniya. Pero bakit siya nagpunta sa Jerusalem? Dahil mahal na niya si Jehova. Paano natin nalaman? Katatapos lang niyang sumamba kay Jehova sa Jerusalem. Lumilitaw na iniwan na ng lalaking ito ang relihiyon niya at sumama sa nag-iisang bansang nakaalay sa tunay na Diyos. Ang pagmamahal kay Jehova ay nagpakilos din sa kaniya na gawin ang isa pang mahalagang hakbang—ang magpabautismo at maging alagad ni Kristo.—Mat. 28:19.
3. Ano ang puwedeng makapigil sa isang tao na magpabautismo? (Tingnan ang kahong “ Ano ang Nasa Puso Mo?”)
3 Ang pagmamahal kay Jehova ay puwedeng magpakilos sa iyo na magpabautismo. Pero ang pagmamahal ay puwede ring makapigil sa iyo na gawin iyan. Paano? Tingnan ang ilang halimbawa. Baka mahal na mahal mo ang iyong di-Saksing mga kapamilya at kaibigan, at baka nag-aalala kang magalit sila kapag nagpabautismo ka. (Mat. 10:37) Baka may mga ginagawa kang kinapopootan ng Diyos, at nahihirapan kang alisin ang mga iyon. (Awit 97:10) O baka nakasanayan mo ang mga okasyong may kinalaman sa huwad na relihiyon. Baka napamahal na sa iyo ang masasayang alaala ng mga okasyong iyon. Dahil diyan, nahihirapan kang ihinto ang mga pagdiriwang na ayaw ni Jehova. (1 Cor. 10:20, 21) Kaya dapat kang magdesisyon, “Ano o sino ang pinakamamahal ko?”
SI JEHOVA DAPAT ANG PINAKAMAMAHAL MO
4. Ano ang pangunahing dahilan na aakay sa iyo para magpabautismo?
4 Marami kang puwedeng mahalin at pahalagahan. Halimbawa, baka napakahalaga na ng Bibliya sa iyo bago ka pa makipag-aral sa mga Saksi ni Jehova. At baka mahal mo na rin si Jesus. Ngayong nakilala mo na ang mga Saksi ni Jehova, baka gusto mo na rin silang makasama. Pero hindi dahil mahal mo ang mga iyan ay iaalay mo na ang sarili mo kay Jehova at magpapabautismo. Ang pangunahing dahilan na aakay sa iyo para magpabautismo ay ang pagmamahal sa Diyos na Jehova. Kung si Jehova ang pinakamamahal mo, hindi mo hahayaan ang anuman o ang sinuman na makahadlang sa paglilingkod mo sa kaniya. Ang pagmamahal mo kay Jehova ay magpapakilos sa iyo na magpabautismo at makakatulong sa iyo na makapanatiling tapat.
5. Ano-anong tanong ang tatalakayin natin?
5 Sinabi ni Jesus na dapat nating ibigin si Jehova nang buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas. (Mar. 12:30) Paano ka magkakaroon ng ganiyang kalalim na pag-ibig at paggalang kay Jehova? Kapag pinag-isipan natin kung gaano tayo kamahal ni Jehova, mapapakilos tayong mahalin din siya. (1 Juan 4:19) Ano pa ang puwede mong gawin at maramdaman kapag si Jehova na ang pinakamamahal mo? *
6. Ayon sa Roma 1:20, ano ang isang paraan para matuto tungkol kay Jehova?
6 Matuto tungkol kay Jehova sa pamamagitan ng mga nilalang niya. (Basahin ang Roma 1:20; Apoc. 4:11) Pag-isipan ang karunungang makikita sa pagkakadisenyo sa mga halaman at hayop. Pag-aralan ang kahanga-hangang pagkakagawa sa ating katawan. (Awit 139:14) At pag-isipan ang enerhiyang inilagay ni Jehova sa araw, na isa lang sa bilyon-bilyong bituin. * (Isa. 40:26) Kapag ginawa mo iyan, lalalim ang paggalang mo kay Jehova. Mahalagang malaman na si Jehova ay marunong at makapangyarihan. Pero para lalong sumidhi ang pag-ibig mo sa kaniya at maging matalik mo siyang kaibigan, marami ka pang kailangang malaman tungkol sa kaniya.
7. Para magkaroon ng masidhing pagmamahal kay Jehova, sa ano ka dapat makumbinsi?
7 Dapat na kumbinsido kang nagmamalasakit si Jehova sa iyo. Mahirap ba para sa iyo na paniwalaang napapansin ka ng Maylalang ng langit at lupa at na nagmamalasakit siya sa iyo? Kung gayon, tandaan na si Jehova ay “hindi . . . malayo sa bawat isa sa atin.” (Gawa 17:26-28) “Sinusuri [niya] ang lahat ng puso,” at nangangako siya na “kung hahanapin mo siya, hahayaan niyang makita mo siya.” (1 Cro. 28:9) Ang totoo, nag-aaral ka ngayon ng Bibliya dahil sinabi ni Jehova, “inilapit kita sa akin.” (Jer. 31:3) Habang pinahahalagahan mo ang lahat ng ginawa ni Jehova para sa iyo, lalong sumisidhi ang pagmamahal mo sa kaniya.
8. Paano mo maipapakitang nagpapasalamat ka kay Jehova?
8 Ang pananalangin ay isang paraan para maipakita ang pasasalamat kay Jehova. Lalo mong mamahalin ang Diyos kapag sinasabi mo sa kaniya ang mga ikinababahala mo at pinapasalamatan siya sa lahat ng ginagawa niya para sa iyo. Titibay ang pagkakaibigan ninyo ni Jehova kapag nakikita mong dinirinig niya ang mga panalangin mo. (Awit 116:1) Makukumbinsi kang naiintindihan ka niya. Pero para mapalapít kay Jehova, kailangan mong maintindihan ang paraan ng pag-iisip niya. At kailangan mo ring malaman ang gusto niyang gawin mo. Malalaman mo lang iyan kapag pinag-aralan mo ang kaniyang Salita, ang Bibliya.
9. Paano mo maipapakitang pinapahalagahan mo ang Bibliya?
9 Pahalagahan ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Sa Bibliya lang makikita ang katotohanan tungkol kay Jehova at sa layunin niya para sa iyo. Ipinapakita mong mahalaga sa iyo ang Bibliya kapag binabasa mo ito araw-araw, pinaghahandaan ang pakikipag-aral mo ng Bibliya, at isinasabuhay ang natututuhan mo. (Awit 119:97, 99; Juan 17:17) Mayroon ka bang iskedyul ng pagbabasa ng Bibliya araw-araw? Sinusunod mo ba ito?
10. Bakit napakaespesyal ng Bibliya?
10 Napakaespesyal ng Bibliya dahil may mga ulat ito tungkol kay Jesus na galing mismo sa mga nakasaksi sa mga pangyayari sa buhay niya. Ito lang ang maaasahang aklat na nagpapaliwanag ng ginawa ni Jesus para sa iyo. Habang nalalaman mo ang mga sinabi at ginawa ni Jesus, malamang na gugustuhin mong maging kaibigan siya.
11. Ano ang makakatulong para mahalin mo si Jehova?
11 Mahalin mo si Jesus, at lalo mo pang mamahalin si Jehova. Bakit? Dahil lubusang natularan ni Jesus ang mga katangian ng kaniyang Ama. (Juan 14:9) Kaya habang nakikilala mo si Jesus, lalo mong nakikilala at napapahalagahan si Jehova. Pag-isipan ang habag na ipinakita ni Jesus sa mga taong hinahamak—ang mahihirap, maysakit, at mahihina. Pag-isipan din ang praktikal na mga payo niya at kung paano bumuti ang buhay mo dahil nakinig ka sa kaniya.—Mat. 5:1-11; 7:24-27.
12. Habang nakikilala mo si Jesus, mapapakilos kang gawin ang ano?
12 Lalo mo pang mamahalin si Jesus kapag pinag-isipan mo ang sakripisyong ginawa niya para mapatawad ang mga kasalanan natin. (Mat. 20:28) Kapag nalaman mong kusang-loob na ibinigay ni Jesus ang buhay niya para sa iyo, mapapakilos kang magsisi at humingi ng tawad kay Jehova. (Gawa 3:19, 20; 1 Juan 1:9) At habang napapamahal sa iyo si Jesus at si Jehova, mapapalapít ka sa mga taong nagmamahal din sa kanila.
13. Paano ka tutulungan ni Jehova?
13 Mahalin ang mga nagmamahal kay Jehova. Baka hindi maintindihan ng iyong di-Saksing mga kapamilya at kaibigan kung bakit ka nag-alay kay Jehova. Baka nga pigilan ka pa nila sa paglilingkod. Tutulungan ka ni Jehova sa pamamagitan ng mga kapatid sa kongregasyon. Kung ituturing mo silang pamilya, mararamdaman mo ang pagmamahal at suportang kailangan mo. (Mar. 10:29, 30; Heb. 10:24, 25) Balang-araw, baka makasama mo rin ang pamilya mo sa paglilingkod kay Jehova at baka sundin na rin nila ang pamantayan niya.—1 Ped. 2:12.
14. Gaya ng binabanggit sa 1 Juan 5:3, ano ang nalaman mo tungkol sa pamantayan ni Jehova?
14 Pahalagahan at sundin ang pamantayan ni Jehova. Bago mo makilala si Jehova, baka may sarili ka nang pamantayan. Pero ngayon, nakita mong mas mabuting sundin ang pamantayan ni Jehova. (Awit 1:1-3; basahin ang 1 Juan 5:3.) Pag-isipan ang payo ng Bibliya para sa mga asawang lalaki, asawang babae, magulang, at anak. (Efe. 5:22–6:4) Nang sundin mo ang payong iyan, naging mas masaya ba ang pamilya mo? Nang sundin mo ang payo ni Jehova tungkol sa pagpili ng kaibigan, naging mas mabuting tao ka ba? Naging mas masaya ka ba? (Kaw. 13:20; 1 Cor. 15:33) Malamang na oo ang sagot mo sa mga iyan.
15. Ano ang puwede mong gawin kung kailangan mo ng tulong para maisabuhay ang mga prinsipyo sa Bibliya?
15 Kung minsan, baka hindi mo alam kung paano isasabuhay ang mga prinsipyo sa Bibliya na natututuhan mo. Kaya naman ginagamit ni Jehova ang organisasyon niya para maglaan ng salig-Bibliyang mga publikasyon na makakatulong sa iyong makilala kung ano ang tama at mali. (Heb. 5:13, 14) Kapag binasa mo at pinag-aralan ang mga ito, makikita mo kung gaano ito kapraktikal at kung saang bahagi ng buhay mo ito masusunod, kaya lalo mong gugustuhing maging bahagi ng organisasyon ni Jehova.
16. Paano inoorganisa ni Jehova ang bayan niya?
16 Mahalin at suportahan ang organisasyon ni Jehova. Inoorganisa ni Jehova ang bayan niya sa mga kongregasyon. At ang Anak niyang si Jesus ang ulo ng lahat ng kongregasyon. (Efe. 1:22; 5:23) Inatasan ni Jesus ang maliit na grupo ng mga pinahiran para manguna sa pag-oorganisa ng gawain natin. Tinawag sila ni Jesus na “tapat at matalinong alipin,” at ginagampanan nila ang responsibilidad nilang pakainin at protektahan ka sa espirituwal. (Mat. 24:45-47) Ang isang paraan ng pagtulong ng tapat na alipin ay tiyaking kuwalipikado ang mga elder na magpapastol sa iyo. (Isa. 32:1, 2; Heb. 13:17; 1 Ped. ) Handa ang mga elder na gawin ang lahat para patibayin ka at tulungang mapalapít kay Jehova. Pero ang isa sa pinakamahalagang magagawa nila ay ang tulungan kang makapagturo sa iba tungkol kay Jehova.— 5:2, 3Efe. 4:11-13.
17. Ayon sa Roma 10:10, 13, 14, bakit natin sinasabi sa iba ang tungkol kay Jehova?
17 Tulungan ang iba na mahalin si Jehova. Inutusan ni Jesus ang mga tagasunod niya na magturo sa iba tungkol kay Jehova. (Mat. 28:19, 20) Puwede namang basta na lang sundin ang utos na iyan dahil sa obligasyon. Pero habang sumisidhi ang pagmamahal mo kay Jehova, mararamdaman mo rin ang naramdaman nina apostol Pedro at Juan. Sinabi nila: “Hindi namin kayang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na nakita namin at narinig.” (Gawa 4:20) Napakasaya kapag nakakatulong tayo sa iba na mahalin si Jehova. Isipin kung gaano kasaya ang ebanghelisador na si Felipe nang matulungan niya ang Etiope na malaman ang katotohanan at mabautismuhan! Kapag tinutularan mo si Felipe at sinusunod ang utos ni Jesus na mangaral, pinapatunayan mong gusto mong maging Saksi ni Jehova. (Basahin ang Roma 10:10, 13, 14.) At baka maitanong mo rin ang itinanong ng Etiope: “Ano ang nakahahadlang sa akin na magpabautismo?”—Gawa 8:36.
18. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
18 Ang pagpapabautismo ang pinakamahalagang desisyon na gagawin mo sa buhay mo. Kaya kailangan mo itong pag-isipang mabuti. Ano ang kailangan mong malaman tungkol sa bautismo? Ano ang kailangan mong gawin bago at pagkatapos ng bautismo? Sasagutin ang mga iyan sa susunod na artikulo.
AWIT 2 Jehova ang Iyong Ngalan
^ par. 5 May ilang nagmamahal kay Jehova na nag-aalangan pa ring magpabautismo at maging Saksi niya. Kung ganiyan ang nararamdaman mo, matutulungan ka ng artikulong ito na pag-isipang muli ang ilang bagay na aakay sa iyo na magpabautismo.
^ par. 5 Iba-iba ang tao, kaya baka hindi masunod ng ilan ang mga mungkahi ayon sa pagkakasunod-sunod sa artikulong ito.
^ par. 6 Para sa iba pang halimbawa, tingnan ang mga brosyur na Saan Nagmula ang Buhay? at The Origin of Life—Five Questions Worth Asking.
^ par. 61 LARAWAN: Isang sister ang nagbigay ng tract sa isang kabataang babae sa tindahan.