ARALING ARTIKULO 23
AWIT BLG. 28 Maging Kaibigan ni Jehova
Iniimbitahan Tayo ni Jehova sa Tolda Niya
“Maninirahan akong kasama nila, at ako ang magiging Diyos nila.”—EZEK. 37:27.
MATUTUTUHAN
Kung paano natin mas mapapahalagahan ang imbitasyon ni Jehova sa atin na manirahan sa tolda niya, pati na ang paraan ng pag-aasikaso at pangangalaga niya sa atin.
1-2. Ano ang imbitasyon ni Jehova sa tapat na mga mananamba niya?
KUNG may magtanong, ‘Ano si Jehova para sa iyo?’ Ano ang isasagot mo? Baka sabihin mo, ‘Kaibigan ko siya, Diyos, at Ama.’ Pero alam mo ba na si Jehova ay gaya rin ng isang may-ari ng bahay na nag-iimbita sa iyo?
2 May sinabi si Haring David tungkol sa pakikipagkaibigan ni Jehova sa tapat na mga mananamba Niya. Ikinumpara niya ito sa kaugnayan ng isang may-ari ng bahay sa mga panauhin nito. Sinabi ni David: “O Jehova, sino ang puwedeng maging panauhin sa iyong tolda? Sino ang puwedeng tumira sa iyong banal na bundok?” (Awit 15:1) Makikita natin sa talatang ito na puwede tayong maging panauhin, o bisita, sa tolda ni Jehova. Ibig sabihin, puwede niya tayong maging kaibigan. Isa ngang napakalaking pribilehiyo na maimbitahan ni Jehova!
GUSTO NI JEHOVA NA TUMIRA TAYO SA TOLDA NIYA
3. Sino ang pinakaunang inimbitahan ni Jehova, at ano ang naramdaman nila sa isa’t isa?
3 Noong simula, mag-isa lang si Jehova. Pero nang lalangin niya si Jesus, nagkaroon siya ng panauhin sa makasagisag na tolda niya. Si Jesus ang pinakaunang inimbitahan ni Jehova, at masaya si Jehova na gawin iyon. Sinasabi ng Bibliya na “gustong-gusto” ng Diyos na kasama ang panganay niyang Anak. At “masayang-masaya” rin si Jesus “sa piling ni [Jehova] sa lahat ng panahon.”—Kaw. 8:30.
4. Sino pa ang mga inimbitahan ni Jehova sa tolda niya?
4 Lumalang din si Jehova ng mga anghel, at inimbitahan din niya sila sa tolda niya. Tinawag silang mga “anak ng Diyos,” at ipinapakita ng Bibliya na masaya silang kasama si Jehova. (Job 38:7; Dan. 7:10) Sa loob ng mahabang panahon, ang mga kasama lang ng Diyos sa langit ang may pribilehiyong maging kaibigan niya. Pero nang lalangin niya ang mga tao, inimbitahan niya rin sila na tumira sa tolda niya. Ang ilan sa mga tumanggap sa imbitasyon niya ay sina Enoc, Noe, Abraham, at Job. Tinawag silang mga kaibigan ng Diyos kasi lumakad silang “kasama ng tunay na Diyos.”—Gen. 5:24; 6:9; Job 29:4; Isa. 41:8.
5. Ano ang matututuhan natin sa hulang nasa Ezekiel 37:26, 27?
5 Sa paglipas ng panahon, patuloy na iniimbitahan ni Jehova sa tolda niya ang mga kaibigan niya. (Basahin ang Ezekiel 37:26, 27.) Halimbawa, matututuhan natin sa hula ni Ezekiel na talagang gusto ng Diyos na maging malapít sa kaniya ang tapat na mga mananamba niya. Nangangako siya na “makikipagtipan [siya] sa kanila para sa kapayapaan.” Tumutukoy ang hulang iyan sa panahon kung kailan magkakasama sa makasagisag na tolda ni Jehova ang mga may pag-asa sa langit at ang mga may pag-asa sa lupa. Magiging “iisang kawan” sila. (Juan 10:16) Natutupad na ngayon ang hulang iyan!
PINAPANGALAGAAN TAYO NI JEHOVA NASAAN MAN TAYO
6. Kailan nagiging panauhin ang isa sa tolda ni Jehova, at saan makikita ang tolda Niya?
6 Noong panahon ng Bibliya, ang tolda ay isang lugar na puwede mong mapagpahingahan at masilungan. Kung panauhin ka sa isang tolda, aasahan mo na aasikasuhin ka ng may-ari nito. Nang ialay natin ang buhay natin kay Jehova, naging panauhin tayo sa makasagisag na tolda niya. (Awit 61:4) Sagana tayo sa espirituwal na pagkain, at masaya tayong makasama ang iba pang panauhin ni Jehova. Hindi makikita sa iisang lokasyon ang makasagisag na tolda niya. Kapag pumunta ka sa ibang bansa, baka para dumalo ng isang espesyal na kombensiyon, may makikilala ka na mga panauhin din sa tolda ng Diyos. Kaya makikita ang toldang ito saanman mayroong tapat na mga lingkod niya.—Apoc. 21:3.
7. Bakit natin masasabing panauhin pa rin sa tolda ni Jehova ang tapat na mga lingkod niya na namatay na? (Tingnan din ang larawan.)
7 Paano naman ang tapat na mga lingkod ni Jehova na namatay na? Masasabi ba natin na panauhin pa rin sila sa tolda ni Jehova? Oo. Kasi buháy pa rin sila sa alaala niya. Sinabi ni Jesus: “Sa ulat tungkol sa matinik na halaman, may binanggit si Moises tungkol sa pagbuhay-muli sa mga patay. Tinawag niya si Jehova na ‘Diyos ni Abraham at Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’ Siya ay Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy, dahil silang lahat ay buháy sa kaniya.”—Luc. 20:37, 38.
MGA PAGPAPALANG NARARANASAN AT MGA PANANAGUTAN NG MGA NASA TOLDA NI JEHOVA
8. Ano ang mga nararanasan ng mga nasa tolda ni Jehova?
8 Kung paanong puwedeng mapagpahingahan at masilungan ang isang literal na tolda, nagbibigay rin ng kaginhawahan at proteksiyon ang tolda ni Jehova. Dahil dito, naiingatan ang kaugnayan natin sa kaniya at nagkakaroon tayo ng tunay na pag-asa sa hinaharap. Kung mananatili tayo sa tolda ni Jehova, walang magagawa si Satanas na permanenteng pinsala sa atin. (Awit 31:23; 1 Juan 3:8) Sa bagong sanlibutan, patuloy na poprotektahan ni Jehova ang tapat na mga lingkod niya sa anumang puwedeng sumira sa kaugnayan nila sa kaniya. Pero hindi lang iyan, poprotektahan din niya sila mula sa kamatayan.—Apoc. 21:4.
9. Ano ang inaasahan ni Jehova sa mga panauhin niya?
9 Talaga ngang malaking pribilehiyo na maging panauhin ni Jehova—puwede tayong maging malapít na kaibigan niya magpakailanman. Ano ang dapat nating gawin para patuloy tayong maging panauhin niya? Kung may kaibigan ka na mag-imbita sa iyo, siyempre, iisipin mo kung ano ang mga gusto at ayaw niya. Halimbawa, baka inaasahan niya na mag-aalis ka ng sapatos bago ka pumasok sa bahay niya. At bilang respeto sa kaniya, talagang gagawin mo iyon. Ganiyan din pagdating kay Jehova. Gusto rin nating malaman kung ano ang mga inaasahan niya sa mga iniimbitahan niya sa tolda niya. Dahil mahal natin siya, gusto nating gawin ang buong makakaya natin para ‘lubusan siyang mapalugdan.’ (Col. 1:10) Totoo, Kaibigan natin si Jehova. (Awit 25:14) Pero Diyos din natin siya at Ama, kaya dapat natin siyang igalang. Huwag nating kakalimutan iyan. Tutulong iyan sa atin para maiwasan ang mga paggawi na ayaw niya. Gusto nating maipakita na ‘kinikilala natin ang limitasyon natin’ bilang mga panauhin sa tolda niya.—Mik. 6:8, tlb.
NAGING PATAS SI JEHOVA SA MGA ISRAELITA
10-11. Bakit natin masasabi na naging patas si Jehova sa lahat ng Israelita noong nasa ilang sila ng Sinai?
10 Patas si Jehova sa lahat ng panauhin niya—hindi siya nagtatangi. (Roma 2:11) Makikita natin iyan sa naging pakikitungo niya sa mga Israelita noong nasa ilang sila ng Sinai.
11 Pagkatapos palayain ni Jehova ang bayan niya mula sa pagkaalipin sa Ehipto, nag-atas siya ng mga saserdote na maglilingkod sa tabernakulo. Inatasan niya ang mga Levita na mag-asikaso ng mga gawain sa banal na toldang iyon. Kung ikukumpara sa mga Israelitang nasa malayo, mas nakakalamang ba ang mga naglilingkod sa tabernakulo pati na ang mga nakapuwesto malapit dito? Hindi! Alam nating patas si Jehova.
12. Paano ipinakita ni Jehova na patas siya sa lahat ng Israelita? (Exodo 40:38) (Tingnan din ang larawan.)
12 Puwedeng maging malapít na kaibigan ni Jehova ang lahat ng Israelita, anuman ang atas nila at saanman sila nakapuwesto sa kampo. Halimbawa, sinigurado ni Jehova na makikita ng buong bayan ang haliging ulap at haliging apoy na nasa ibabaw ng tabernakulo. (Basahin ang Exodo 40:38.) Kapag nagsimula nang gumalaw ang ulap para magbigay ng direksiyon, makikita ito kahit ng mga Israelitang nakapuwesto sa pinakadulo ng kampo. Kaya makakasabay sila sa pagkakalas ng tolda, pag-aayos ng gamit, at pag-alis ng buong bayan. (Bil. 9:15-23) Maririnig din ng lahat ang tunog ng dalawang pilak na trumpeta na naghuhudyat na dapat nang umalis. (Bil. 10:2) Kaya hindi porke nakapuwesto ang isang Israelita malapit sa tabernakulo, ibig sabihin, mas malapít na siyang kaibigan ni Jehova. Ang totoo, lahat ng Israelita, puwedeng maging panauhin ni Jehova. Makakaasa silang lahat na makakatanggap sila ng tagubilin at proteksiyon niya. Ganiyan din sa ngayon. Saanman tayo nakatira, mararamdaman nating mahal tayo ni Jehova, pinapangalagaan niya tayo, at pinoprotektahan.
PATAS SI JEHOVA HANGGANG NGAYON
13. Bakit natin masasabing patas si Jehova hanggang ngayon?
13 May mga Saksi ni Jehova na nakatira malapit sa punong-tanggapan o sa isang tanggapang pansangay. Ang iba pa nga, naglilingkod mismo sa mga pasilidad na iyon. Kaya nakakasali sila sa mga gawain doon at nakakasama nila ang mga nangunguna. Ang iba naman, naglilingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito o sa iba pang uri ng pantanging buong-panahong paglilingkod. Hindi ka man kasama sa alinman sa mga ito, makakasigurado ka pa rin na panauhin ka ni Jehova at mahal ka niya. Kilalang-kilala ka niya, at ibibigay niya ang kailangan mo. (1 Ped. 5:7) Lahat ng lingkod ng Diyos, nakakatanggap ng espirituwal na pagkain, patnubay, at proteksiyon na kailangan nila.
14. Sa ano pang paraan ipinakita ni Jehova na patas siya?
14 Tiniyak ni Jehova na puwedeng mabasa ngayon ng mga tao sa buong mundo ang Bibliya. Isa pang paraan iyan ni Jehova para ipakitang patas siya. Ang Banal na Kasulatan ay unang isinulat sa tatlong wika: Hebreo, Aramaiko, at Griego. Masasabi ba natin na may mas malapít na kaugnayan kay Jehova ang mga nakakabasa sa mga wikang iyon? Hindi.—Mat. 11:25.
15. Ano pang patunay ang nagpapakita na patas si Jehova? (Tingnan din ang larawan.)
15 Hindi kailangan na mataas ang pinag-aralan natin o alam natin ang orihinal na mga wika ng Bibliya para maging kaibigan tayo ni Jehova. Ipinapaalam niya ang karunungan niya sa lahat ng tao sa buong mundo, mataas man ang pinag-aralan o hindi. Isinalin sa libo-libong wika ang kaniyang Salita, ang Bibliya; kaya may pagkakataon ang mga tao sa buong mundo na matuto sa kaniya at maging kaibigan niya.—2 Tim. 3:16, 17.
MAGING PANAUHIN NI JEHOVA MAGPAKAILANMAN
16. Ayon sa Gawa 10:34, 35, paano tayo magiging panauhin ni Jehova magpakailanman?
16 Napakalaking pribilehiyo na maging panauhin ni Jehova sa makasagisag na tolda niya. Napakabait niya, napakamapagmahal, at napakamapagpatuloy. Hindi rin siya nagtatangi, kaya iniimbitahan niya ang lahat, anuman ang pinagmulan, kultura, edukasyon, tribo, edad, o kasarian nila. Pero tatanggapin lang tayo ni Jehova na maging panauhin niya kung susundin natin ang mga pamantayan niya.—Basahin ang Gawa 10:34, 35.
17. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
17 Sa Awit 15:1, nagtanong si David: “O Jehova, sino ang puwedeng maging panauhin sa iyong tolda? Sino ang puwedeng tumira sa iyong banal na bundok?” Ipinaalam ni Jehova kay David ang sagot sa mga tanong na iyan. Tatalakayin sa susunod na artikulo ang ilan sa mga dapat nating gawin para patuloy tayong maging panauhin ni Jehova.
AWIT BLG. 32 Pumanig kay Jehova!