Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 24

Makakatakas Ka sa mga Bitag ni Satanas!

Makakatakas Ka sa mga Bitag ni Satanas!

‘Tumakas sa bitag ng Diyablo.’—2 TIM. 2:26.

AWIT 36 Bantayan ang Ating Puso

NILALAMAN a

1. Bakit masasabing si Satanas ay parang isang mangangaso?

 GUSTO ng isang mangangaso na makahuli ng hayop o mapatay ito. Gumagamit siya ng iba’t ibang bitag, o trap, gaya ng sinabi ng isa sa mga di-totoong kaibigan ni Job. (Job 18:8-10) Paano ba binibitag ng mangangaso ang isang hayop? Pinag-aaralan niya ito. Saan ito pumupunta? Ano ang mga gusto nito? Paano niya ito mahuhuli nang hindi nito namamalayan? Ganiyan din si Satanas. Pinag-aaralan niya tayo. Inaalam niya kung saan tayo pumupunta at kung ano ang mga gusto natin. Saka siya gagamit ng bitag na makakahuli sa atin. Pero mabitag man tayo, sinasabi ng Bibliya na makakatakas tayo. Itinuturo din nito kung paano natin maiiwasan ang mga bitag na iyon.

Ang pride at kasakiman ang dalawa sa pinakaepektibong bitag ni Satanas (Tingnan ang parapo 2) c

2. Ano ang dalawa sa pinakaepektibong bitag ni Satanas?

2 Dalawa sa pinakaepektibong bitag ni Satanas ang pride at kasakiman. b Libo-libong taon na niyang ginagamit ang mga ito. Para siyang isang manghuhuli ng ibon na gumagamit ng pain o kaya ng net para makabitag. (Awit 91:3) Pero maiiwasan nating mabitag ni Satanas. Bakit? Dahil sinabi na sa atin ni Jehova kung ano ang mga pakanang ginagamit ni Satanas.​—2 Cor. 2:11.

May matututuhan tayo sa masasamang halimbawa sa Bibliya para matakasan natin o maiwasan ang mga bitag ng Diyablo (Tingnan ang parapo 3) d

3. Bakit ipinasulat ni Jehova sa Bibliya ang nangyari sa mga taong naging ma-pride at sakim?

3 Para malaman natin ang masasamang resulta ng pride at kasakiman, ipinasulat ni Jehova ang nangyari sa ilang lingkod niya noon. Makikita natin sa mga ito na nabitag ni Satanas kahit ang matatagal nang lingkod ni Jehova. Ibig sabihin ba nito, hindi natin maiiwasang mabitag ni Satanas? Hindi naman. Kaya nga ipinasulat ni Jehova sa Bibliya ang mga halimbawang ito para maging “babala sa atin.” (1 Cor. 10:11) Alam niya na makakatulong sa atin ang mga ito para makaiwas tayo o makatakas sa mga bitag ng Diyablo.

ANG BITAG NG PRIDE

Tingnan ang parapo 4

4. Ano ang puwedeng mangyari sa atin kung ma-pride tayo?

4 Gusto ni Satanas na maging ma-pride tayo. Alam niya na kung hahayaan nating mangyari iyon, matutulad tayo sa kaniya at maiwawala natin ang pag-asang mabuhay magpakailanman. (Kaw. 16:18) Kaya naman, nagbabala si apostol Pablo na baka ‘magmalaki ang isang tao at tumanggap siya ng hatol na katulad ng sa Diyablo.’ (1 Tim. 3:6, 7) Puwedeng mangyari iyan sa kahit sino sa atin, baguhan man tayo o matagal nang naglilingkod kay Jehova.

5. Batay sa Eclesiastes 7:16, 20, paano makikita sa isang tao na ma-pride siya?

5 Makasarili ang mga taong ma-pride. Gusto ni Satanas na magpokus tayo sa sarili natin imbes na kay Jehova, lalo na kapag may problema tayo. Halimbawa, pinagbintangan ka ba? O tinrato nang di-patas? Matutuwa si Satanas kung sisisihin mo si Jehova o ang mga kapatid mo. At gusto ng Diyablo na isipin mong malulutas mo ito sa sarili mong paraan nang walang patnubay ng Salita ni Jehova.​—Basahin ang Eclesiastes 7:16, 20.

6. Ano ang matututuhan mo sa karanasan ng isang sister sa Netherlands?

6 Isang sister sa Netherlands ang naiinis sa mga pagkakamali ng mga kapatid. Naisip niyang ayaw na niya silang makasama. “Pakiramdam ko, nag-iisa ako, at hindi ko naman mabago ang nararamdaman ko,” ang sabi niya. “Sinabi ko sa asawa ko na lumipat na lang kami ng kongregasyon.” Pinanood ng sister ang JW Broadcasting® ng Marso 2016, at nalaman niya doon ang mga puwedeng gawin kapag nagkakamali sa atin ang iba. Sinabi niya: “Nakita ko na kailangan kong magpakumbaba at amining nagkakamali din ako imbes na subukang baguhin ang mga kapatid sa kongregasyon. Nakatulong sa akin ang Broadcasting na magpokus kay Jehova at sa kaniyang soberanya.” Nakita mo ba ang aral? Kapag may problema, manatiling nakapokus kay Jehova. Hilingin sa kaniya na tulungan kang matularan ang pananaw niya sa iba. Nakikita ng iyong Ama sa langit ang mga pagkakamali nila, pero handa siyang patawarin sila. Gusto niyang iyon din ang gawin mo.​—1 Juan 4:20.

Tingnan ang parapo 7

7. Ano ang nangyari kay Haring Uzias?

7 Dahil sa pride, hindi nakinig sa payo at naging pangahas si Haring Uzias ng Juda. Napakahusay sana ni Uzias. Marami siyang naipanalong digmaan, naipatayong lunsod, taniman, at hayupan. “Pinasagana siya ng tunay na Diyos.” (2 Cro. 26:3-7, 10) “Pero nang makapangyarihan na siya, naging mapagmataas siya at ito ang nagpahamak sa kaniya,” ang sabi ng Bibliya. Iniutos ni Jehova na mga saserdote lang ang puwedeng maghandog ng insenso sa templo. Pero dahil sa kapangahasan, ginawa iyon ni Haring Uzias. Hindi natuwa si Jehova at pinarusahan siya ng ketong. Nanatiling ketongin si Uzias hanggang sa mamatay siya.​—2 Cro. 26:16-21.

8. Ayon sa 1 Corinto 4:6, 7, paano natin maiiwasang magmalaki?

8 Puwede rin ba tayong mabitag ng pride, o pagmamalaki, gaya ni Uzias? Tingnan ang halimbawa ni José. Isa siyang mahusay na negosyante at iginagalang na elder sa kongregasyon. Nagpapahayag siya sa mga asamblea at kombensiyon, at hinihingan pa nga ng payo ng mga tagapangasiwa ng sirkito. “Pero nagtiwala ako sa sarili kong kakayahan at karanasan,” ang sabi niya. “Hindi ako umasa kay Jehova. Akala ko, kayang-kaya ko kaya hindi ako nakinig sa mga babala at payo ni Jehova.” Nakagawa ng malubhang kasalanan si José at natiwalag. Ilang taon na rin mula nang makabalik siya. Sinabi niya, “Itinuro sa akin ni Jehova na ang mahalaga ay hindi ang posisyon kundi ang pagsunod sa kaniya.” Dapat nating tandaan na ang lahat ng kakayahan at pribilehiyo natin ay galing kay Jehova. (Basahin ang 1 Corinto 4:6, 7.) Kung mapagmalaki tayo, hindi tayo gagamitin ni Jehova.

ANG BITAG NG KASAKIMAN

Tingnan ang parapo 9

9. Ano ang nagawa ni Satanas at ni Eva dahil sa kasakiman?

9 Kung kasakiman ang pag-uusapan, si Satanas na Diyablo ang unang maiisip natin. Siguradong maraming magagandang pribilehiyo noon si Satanas dahil anghel siya ni Jehova. Pero hindi siya nakontento. Hinangad niya ang pagsamba na para lang kay Jehova. Gusto ni Satanas na maging ganiyan din tayo, kaya gumagawa siya ng paraan para hindi tayo maging kontento. Una niyang ginawa iyan kay Eva. Pinaglaanan ni Jehova si Eva at ang asawa nito ng maraming pagkain—“mula sa bawat puno sa hardin” maliban sa isa. (Gen. 2:16) Pero dinaya ni Satanas si Eva; pinalabas niyang kailangang kumain ni Eva ng bunga mula sa ipinagbabawal na puno. Dahil hindi nakontento si Eva sa kung ano ang mayroon siya at gusto niya ng higit pa, nagkasala siya at namatay.​—Gen. 3:6, 19.

Tingnan ang parapo 10

10. Paano nabitag ng kasakiman si Haring David?

10 Dahil sa kasakiman, nalimutan ni Haring David ang mga ibinigay sa kaniya ni Jehova, kasama na ang kayamanan, katanyagan, at tagumpay sa maraming kaaway. Sinabi ni David na ‘hindi niya mabanggit ang lahat ng ibinigay sa kaniya ng Diyos dahil sa dami!’ (Awit 40:5) Pero may pagkakataong nalimutan ni David ang mga ibinigay sa kaniya ni Jehova. Hindi na siya kontento at gusto pa niya ng higit. Marami nang asawa noon si David pero hinayaan niyang tumubo sa puso niya ang pagnanasa sa asawa ng iba. Si Bat-sheba ang babaeng iyon, at si Uria na Hiteo ang asawa nito. Naging makasarili si David at nakipagtalik siya kay Bat-sheba, at nagdalang-tao ito. Hindi pa siya nakontento, gumawa pa siya ng paraan para mapatay si Uria! (2 Sam. 11:2-15) Bakit iyon nagawa ni David? Hindi ba niya naisip na nakikita siya ni Jehova? Ang dating tapat na lingkod ni Jehova ay nagpadala sa kasakiman at pinagbayaran niya iyon nang malaki. Buti na lang, inamin ni David na nagkasala siya at pinagsisihan iyon. Laking pasasalamat niya na pinatawad siya ni Jehova!—2 Sam. 12:7-13.

11. Ayon sa Efeso 5:3, 4, paano natin maiiwasang maging sakim?

11 Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni David? Maiiwasan nating maging sakim kung lagi tayong magiging mapagpasalamat sa lahat ng ibinibigay ni Jehova sa atin. (Basahin ang Efeso 5:3, 4.) Dapat tayong makontento sa kung ano ang mayroon tayo. Tinuturuan natin ang mga bagong Bible study na mag-isip ng isang pagpapala at ipagpasalamat iyon kay Jehova sa panalangin. Kung araw-araw nilang gagawin iyon sa loob ng isang linggo, pitong iba’t ibang bagay ang maipagpapasalamat nila. (1 Tes. 5:18) Nagagawa mo rin ba iyon? Kung iisipin mo ang lahat ng ginagawa ni Jehova para sa iyo, magiging mapagpasalamat ka. Kung mapagpasalamat ka, magiging kontento ka. At kung kontento ka, hindi ka magiging sakim.

Tingnan ang parapo 12

12. Ano ang nagawa ni Hudas Iscariote dahil sa kasakiman?

12 Dahil sa kasakiman, naging traidor si Hudas Iscariote. Pero hindi siya ganoon noong una. (Luc. 6:13, 16) Pinili siya ni Jesus na maging apostol. Lumilitaw na mahusay at maaasahan si Hudas dahil siya ang pinagkatiwalaang humawak ng kahon ng pera. Ginagamit ni Jesus at ng mga apostol ang perang iyon para sa pangangaral. Sa ngayon, gaya iyon ng donasyon sa pambuong-daigdig na gawain. Pero nagsimulang magnakaw si Hudas. Kahit paulit-ulit na nagbabala si Jesus tungkol sa kasakiman, hindi niya iyon pinakinggan.​—Mar. 7:22, 23; Luc. 11:39; 12:15.

13. Kailan nahalata ang kasakiman ni Hudas?

13 Nahalata ang kasakiman ni Hudas sa isang pangyayari di-nagtagal bago patayin si Jesus. Bisita noon ni Simon na ketongin si Jesus at ang mga alagad niya, kasama na si Maria at ang kapatid nitong si Marta. Habang kumakain sila, tumayo si Maria at ibinuhos ang mamahalin at mabangong langis sa ulo ni Jesus. Ikinagalit iyon ni Hudas at ng iba pang alagad. Baka iniisip ng ibang alagad na mas maganda sana kung nagamit sa pangangaral ang pera. Pero iba ang motibo ni Hudas. Dahil “magnanakaw siya,” gusto niyang makapagnakaw ng pera sa kahon. At dahil nga sa kasakiman, tinraidor ni Hudas si Jesus kapalit ng halaga ng isang alipin.​—Juan 12:2-6; Mat. 26:6-16; Luc. 22:3-6.

14. Paano sinunod ng isang mag-asawa ang sinasabi sa Lucas 16:13?

14 Ipinaalala ni Jesus sa mga tagasunod niya ang mahalagang katotohanang ito: “Hindi kayo puwedeng maging alipin ng Diyos at ng Kayamanan.” (Basahin ang Lucas 16:13.) Totoo pa rin iyan sa ngayon. Tingnan kung paano sinunod ng isang mag-asawa sa Romania ang sinabi ni Jesus. Inalok sila na magtrabaho pansamantala sa isang mas maunlad na bansa. “Malaki ang utang namin sa bangko, kaya iniisip namin no’ng una na pagpapala ni Jehova ang trabahong ito,” ang sabi nila. Kaya lang, mababawasan ang panahon nila sa paglilingkod kay Jehova. Nang mabasa nila ang artikulong “Manatiling Tapat Taglay ang Pinagkaisang Puso” sa Agosto 15, 2008 ng Bantayan, nagdesisyon sila. Sinabi nila: “Kung mangingibang-bansa kami para kumita ng mas maraming pera, hindi namin inuuna si Jehova sa buhay namin. At sigurado kami na maaapektuhan ang kaugnayan namin sa kaniya.” Kaya hindi nila tinanggap ang trabaho. Ano ang nangyari? Nakakita ang brother ng trabaho sa bansa nila na sasapat sa pangangailangan nila. Sinabi ng sister: “Hindi maikli ang kamay ni Jehova.” Masaya ang mag-asawang ito na si Jehova ang ginawa nilang Panginoon at hindi ang pera.

IWASAN ANG MGA BITAG NI SATANAS

15. Bakit tayo makakasigurong matatakasan natin ang mga bitag ni Satanas?

15 Paano kung napansin nating nabibitag na tayo ng pride o kasakiman? Makakatakas pa tayo! Sinabi ni Pablo na puwede pang makatakas ang mga ‘nahuling buháy’ ng Diyablo. (2 Tim. 2:26) Ganiyan ang nangyari kay David. Nakinig siya sa payo ni Natan, pinagsisihan ang kasakiman niya, at inayos ang kaugnayan niya kay Jehova. Tandaan na mas malakas si Jehova kaysa kay Satanas. Kaya kung tatanggapin natin ang tulong ni Jehova, matatakasan natin ang kahit anong bitag ng Diyablo.

16. Ano ang makakatulong para maiwasan natin ang mga bitag ni Satanas?

16 Mas mabuti kung maiiwasan na natin ang mga bitag ni Satanas para hindi na natin kailangang takasan ang mga iyon. Magagawa lang natin iyan sa tulong ng Diyos. Pero hindi tayo dapat maging kampante! May ilang matatagal nang lingkod ni Jehova na naging ma-pride din o sakim. Kaya hilingin kay Jehova araw-araw na tulungan kang makita kung unti-unti nang nakakaimpluwensiya sa iniisip mo at ginagawa ang masasamang ugaling ito. (Awit 139:23, 24) Huwag na huwag kang magpapabitag kay Satanas!

17. Ano ang malapit nang mangyari sa ating kalaban, ang Diyablo?

17 Libo-libong taon nang nambibitag si Satanas. Pero malapit na siyang igapos at puksain. (Apoc. 20:1-3, 10) Gustong-gusto na nating mangyari iyan. Pero hangga’t hindi pa dumarating ang panahong iyan, manatiling alerto sa mga bitag ni Satanas. Sikaping huwag magpadaig sa pride o kasakiman. Maging determinadong ‘labanan ang Diyablo, at lalayo siya sa inyo.’—Sant. 4:7.

AWIT 127 Ang Uri ng Pagkatao na Dapat Kong Taglayin

a Si Satanas ay gaya ng isang mahusay na mangangaso. Gusto niya tayong mabitag kahit matagal na tayong naglilingkod kay Jehova. Sa artikulong ito, malalaman natin kung paano ginagamit ni Satanas ang pride at kasakiman para sirain ang kaugnayan natin sa Diyos. Tatalakayin din natin kung paano nahulog ang ilan sa bitag ng pride at kasakiman at kung paano natin maiiwasan ang mga ito.

b KARAGDAGANG PALIWANAG: Nakapokus ang artikulong ito sa maling pride, o ang pagkadama ng isang tao na nakakahigit siya sa iba, at sa kasakiman, o sobrang paghahangad ng pera, kapangyarihan, sex, o iba pang gaya nito.

c LARAWAN: Isang ma-pride na brother ang ayaw makinig sa payo. Isang sister na marami nang nabili ang hindi pa rin kontento.

d LARAWAN: Nagpadaig sa pride ang isang anghel at si Haring Uzias. Dahil sa kasakiman, kumain si Eva mula sa ipinagbabawal na puno, nangalunya si David, at nagnakaw ng pera si Hudas.