Pagsunod sa mga Tunog ng Trumpeta sa Ngayon
ALAM nating lahat na pinapatnubayan ni Jehova ang bayan niya at binibigyan ng kanilang espirituwal na pangangailangan sa “mga huling araw” na ito. (2 Tim. 3:1) Siyempre, nasa atin na kung susunod tayo. Maikukumpara natin ang ating kalagayan sa kalagayan ng mga Israelita noon sa ilang. Dapat silang sumunod sa mga tunog ng trumpeta.
Nagpagawa si Jehova kay Moises ng dalawang trumpeta mula sa pinukpok na pilak “para tipunin ang kapulungan at para ipaalám na aalis na ang kampo.” (Bil. 10:2) Hihipan ng mga saserdote ang mga trumpeta sa iba’t ibang paraan para ipaalám sa bayan kung ano ang dapat nitong gawin. (Bil. 10:3-8) Sa ngayon, ang mga lingkod ng Diyos ay tumatanggap ng mga tagubilin sa iba’t ibang paraan. Talakayin natin ang tatlo sa mga ito na gaya ng tunog ng trumpeta noon. Sa ngayon, iniimbitahan sa malalaking pagtitipon ang mga lingkod ng Diyos, tumatanggap ng pagsasanay ang mga inatasang tagapangasiwa, at may mga pagbabago sa teokratikong mga kaayusan para sa lahat ng kongregasyon.
IMBITASYON SA MALALAKING PAGTITIPON
Kapag gustong tipunin ni Jehova ang “buong bayan” sa pasukan sa bandang silangan ng tabernakulo, hihipan ng mga saserdote ang dalawang trumpeta. (Bil. 10:3) Ang tunog na iyon ay maririnig ng lahat ng tribo na nagkakampo sa palibot ng tabernakulo sa apat na pangkat. Ang mga nagkakampo malapit sa pasukan ay agad na makakapunta doon sa loob lang ng ilang minuto. Ang iba naman ay nasa malayo at baka mangailangan ng higit na panahon at pagsisikap para makarating. Malayo man sila o malapit, gusto ni Jehova na silang lahat ay magtipon at makinabang.
Sa ngayon, hindi naman tayo sa tabernakulo nagtitipon, pero iniimbitahan tayo sa mga pagtitipon ng bayan ng Diyos. Kasama na rito ang mga panrehiyong kombensiyon at iba pang espesyal na mga okasyon kung saan tumatanggap tayo ng mahahalagang impormasyon at tagubilin. Ang mga lingkod ni Jehova sa buong mundo ay nagkakaroon ng ganitong mga programa. Kaya lahat ng dumadalo ay masayang nagkakatipon bilang isang grupo. Ang ilan ay naglalakbay nang mas malayo kaysa sa iba. Pero sulit naman ito para sa lahat ng dumadalo.
Paano naman ang mga grupo na nasa liblib na lugar? Dahil sa teknolohiya, marami ang nakakapakinig ng programa at nararamdaman nila na bahagi sila ng malaking pagtitipon. Halimbawa, nang dumalaw ang kinatawan ng punong-tanggapan, nagdesisyon ang sangay sa Benin na i-broadcast ang programa sa Arlit, Niger, isang
bayan sa Sahara Desert. Lahat-lahat, 21 kapatid at interesado ang dumalo. Kahit nasa malayo sila, pakiramdam nila, nakasama na rin nila ang 44,131 dumalo sa Benin. Sinabi ng isang brother: “Maraming, maraming salamat sa pagbo-broadcast ng programang ito. Kitang-kita namin kung gaano n’yo kami kamahal.”IMBITASYON SA MGA INATASANG TAGAPANGASIWA
Kapag isang trumpeta lang ang hinipan ng mga saserdote, ang magtitipon lang sa tolda ng pagpupulong ay “ang mga pinuno, ang mga ulo ng libo-libo sa Israel.” (Bil. 10:4) Doon sila makakatanggap ng impormasyon at pagsasanay mula kay Moises. Tutulong ito sa kanila na magampanan ang kanilang responsibilidad sa tribo nila. Kaya kung isa ka sa mga pinunong iyon, tiyak na gugustuhin mong nandoon ka para makinabang.
Ngayon, ang mga elder sa kongregasyon ay hindi naman mga “pinuno”; hindi rin sila nag-aastang panginoon sa kawan ng Diyos na pinapangalagaan nila. (1 Ped. 5:1-3) Pero ginagawa nila ang lahat para pastulan ang kawan. Kaya handa nilang tanggapin ang imbitasyon para sa karagdagang pagsasanay, gaya ng Kingdom Ministry School. Dito natututo ang mga elder na maging mas epektibo sa pangangalaga sa kongregasyon. Kaya nakikinabang sa espirituwal ang lahat. Kahit hindi ka pa nakakatanggap ng ganoong pagsasanay, malamang na nakikinabang ka naman mula sa mga nakapag-aral na dito.
IMBITASYON NA SUMUNOD SA MGA PAGBABAGO
Kung minsan, pabago-bagong tunog ang maririnig kapag hinihipan ng mga saserdote ang mga trumpeta. Ibig sabihin nito, pinapalipat na ni Jehova sa ibang lugar ang buong kampo. (Bil. 10:5, 6) Kapag lumilipat ng lugar ang kampo, ginagawa ito sa napakaorganisadong paraan, pero malaking trabaho ito para sa bawat isa. Kung minsan, ang ilan ay nagdadalawang-isip tungkol dito. Bakit?
Baka iniisip ng ilan na napakadalas naman ang paglipat at sa panahong hindi nila inaasahan. “Kung minsan, ang ulap ay nananatili lang nang magdamag.” Kung minsan naman, ang pagitan ng mga paglipat ay “dalawang araw . . . , isang buwan, o mas matagal pa.” (Bil. 9:21, 22) Mga ilang beses kaya sila lumipat? Binabanggit ng Bilang kabanata 33 na nagkampo ang mga Israelita sa mga 40 lugar.
Kung minsan, nakakakita sila ng isang lugar na malilim. Napakalaking bagay na makakita nito sa isang “malawak at nakakatakot na ilang.” (Deut. 1:19) Kaya iniisip nila na baka hindi ganoon kaganda ang susunod na lilipatan nila.
Maririnig ng lahat ang pabago-bagong tunog ng trumpeta, pero hindi sila puwedeng sabay-sabay na umalis. Kaya kapag nagsimula nang umalis ang ilang tribo, baka mainip sa paghihintay ang ibang tribo. Ang pabago-bagong tunog ng trumpeta ay nagsasabing dapat nang umalis ang mga tribong nagkakampo sa silangan—ang tribo ni Juda, Isacar, at Zebulon. (Bil. 2:3-7; 10:5, 6) Pagkaalis nila, hihihip ulit ang mga saserdote ng pabago-bagong tunog na nagsasabing dapat namang umalis ang tatlong-tribong pangkat na nasa timog. Patuloy itong gagawin ng mga saserdote hanggang sa makaalis ang buong kampo.
Baka hindi mo matanggap ang ilang pagbabago sa organisasyon. Baka iniisip mong napakarami namang pagbabago. Baka gustong-gusto mo na ang ilang kaayusan at iniisip mong hindi na sana ito binago. Anuman ang dahilan mo, baka maramdaman mong nasusubok ang pagkamatiisin mo, at mahirapan kang tanggapin ang pagbabago. Pero kung iisipin nating makakabuti sa atin ang pagbabago, pagpapalain tayo ng Diyos.
Noong panahon ni Moises, ginabayan ni Jehova ang milyon-milyong lalaki, babae, at mga bata habang naglalakbay sa ilang. Kung wala ito, hindi sila makakaligtas. Sa ngayon, ginagabayan tayo ni Jehova sa mapanganib na mga huling araw na ito. Tinutulungan niya tayo na maging malapít sa kaniya at mapanatiling matibay ang ating pananampalataya. Kaya gawin sana natin ang ating buong makakaya na tularan ang tapat na mga Israelita sa pagsunod sa mga tunog ng trumpeta!