Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Huwag Magpatisod sa Pagkakamali ng Iba

Huwag Magpatisod sa Pagkakamali ng Iba

“Patuloy ninyong . . . lubusang patawarin ang isa’t isa.”—COL. 3:13.

AWIT: 121, 75

1, 2. Paano inihula ng Bibliya ang paglago ng bayan ni Jehova?

ANG tapat na mga lingkod ni Jehova sa lupa, ang kaniyang mga Saksi, ay bahagi ng isang organisasyon na talagang naiiba. Totoo, binubuo ito ng mga taong di-sakdal at may mga kapintasan. Pero dahil sa banal na espiritu ng Diyos, ang kaniyang pandaigdig na kongregasyon ay sumusulong at lumalago. Pag-isipan ang ilang magagandang bagay na ginagawa ni Jehova sa kaniyang di-sakdal pero masunuring bayan.

2 Nang magsimula ang mga huling araw noong 1914, kakaunti lang ang mga lingkod ng Diyos dito sa lupa. Pero pinagpala ni Jehova ang kanilang gawaing pangangaral. Sa paglipas ng mga dekada, milyon-milyon ang natuto ng mga katotohanan sa Bibliya at naging mga Saksi ni Jehova. Ang totoo, inihula ni Jehova ang pambihirang paglagong ito nang sabihin niya: “Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging makapangyarihang bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis nito sa sarili nitong panahon.” (Isa. 60:22) Talagang natutupad na ang hulang iyan sa mga huling araw na ito. Kaya naman sa ngayon, mas malaki ang bilang ng bayan ng Diyos sa lupa kaysa sa populasyon ng maraming bansa.

3. Paano nagpakita ng pag-ibig ang mga lingkod ng Diyos?

3 Sa mga huling araw na ito, tinulungan din ni Jehova ang kaniyang bayan na lalong malinang ang kaniyang pangunahing katangian—ang pag-ibig. (1 Juan 4:8) Si Jesus, na tumulad sa pag-ibig ng Diyos, ay nagsabi sa kaniyang mga tagasunod: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa . . . Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:34, 35) Napakahalaga nga nito lalo na nang magkaroon ng kakila-kilabot na mga digmaan sa pagitan ng mga bansa. Halimbawa, noong Digmaang Pandaigdig II, mga 55 milyon ang napatay. Pero hindi nakisangkot sa madugong digmaang iyon ang mga Saksi ni Jehova. (Basahin ang Mikas 4:1, 3.) Nakatulong ito para makapanatili silang “malinis sa dugo ng lahat ng tao.”—Gawa 20:26.

4. Bakit kapansin-pansin ang paglago ng bayan ni Jehova?

4 Sumusulong ang bayan ng Diyos sa gitna ng isang napakalupit na sanlibutan, na ayon sa Bibliya ay hawak ni Satanas, ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” (2 Cor. 4:4) Kontrolado niya ang politikal na mga elemento ng sanlibutang ito, pati na ang media. Pero hindi niya kayang pahintuin ang pangangaral ng mabuting balita. Kaya lang, dahil alam niyang kaunting panahon na lang ang natitira sa kaniya, sinisikap niyang italikod ang mga tao mula sa tunay na pagsamba, at gumagamit siya ng iba’t ibang pamamaraan para magawa iyon.—Apoc. 12:12.

ISANG PAGSUBOK SA KATAPATAN

5. Kung minsan, bakit nasasaktan ng iba ang damdamin natin? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

5 Sa kongregasyong Kristiyano, idiniriin ang kahalagahan ng pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa. Ipinakita ito ni Jesus nang sagutin niya ang tanong tungkol sa pinakadakilang utos. Sinabi niya: “‘Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.’ Ito ang pinakadakila at unang utos. Ang ikalawa, na tulad niyaon, ay ito, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’” (Mat. 22:35-39) Pero nililinaw ng Bibliya na dahil sa kasalanan ni Adan, lahat tayo ay ipinanganak na di-sakdal. (Basahin ang Roma 5:12, 19.) Kaya kung minsan, nasasaktan tayo dahil sa sinasabi o ginagawa ng ilang kapatid sa kongregasyon. Masusubok dito ang pag-ibig natin kay Jehova at sa kaniyang bayan. Ano ang gagawin natin sa gayong mga sitwasyon? Kahit ang tapat na mga lingkod ng Diyos noon ay nakapagsalita o nakagawa rin ng mga bagay na nakasakit sa iba, at matututo tayo sa mga ulat ng Bibliya tungkol dito.

Kung nabuhay ka sa Israel noong panahon ni Eli at ng kaniyang mga anak, ano ang magiging reaksiyon mo? (Tingnan ang parapo 6)

6. Paano nabigo si Eli na disiplinahin ang kaniyang mga anak?

6 Halimbawa, ang mataas na saserdoteng si Eli ay may dalawang anak na hindi sumusunod sa mga batas ni Jehova. Mababasa natin: “Ang mga anak ni Eli ay mga walang-kabuluhang lalaki; hindi nila kinikilala si Jehova.” (1 Sam. 2:12) Sa kabila ng napakahalagang papel ng kanilang ama sa tunay na pagsamba, gumagawa ng malulubhang kasalanan ang dalawang ito. Alam iyon ni Eli at dapat sana ay dinisiplina niya sila, pero naging pabaya siya. Dahil dito, hinatulan ng Diyos ang sambahayan ni Eli. (1 Sam. 3:10-14) Sa kalaunan, hindi na pinayagang maglingkod bilang mataas na saserdote ang kaniyang mga inapo. Kung nabuhay ka noong panahon ni Eli, ano ang magiging reaksiyon mo sa pangungunsinti niya sa mga kasalanan ng kaniyang mga anak? Matitisod ka ba hanggang sa puntong hindi ka na maglilingkod sa Diyos?

7. Ano ang malubhang kasalanan ni David, at ano ang ginawa ng Diyos may kinalaman dito?

7 Mahal ni Jehova si David, “isang lalaking kalugud-lugod sa kaniyang puso.” (1 Sam. 13:13, 14; Gawa 13:22) Pero nang maglaon, nangalunya si David kay Bat-sheba, at nagdalang-tao ito. Nangyari iyon nang ang asawa ni Bat-sheba na si Uria ay wala dahil naglilingkod ito sa hukbo. Nang pansamantala itong umuwi mula sa labanan, gumawa ng paraan si David para masipingan ni Uria si Bat-sheba at palitawin na ito ang ama ng bata. Tumanggi si Uria sa gusto ng hari, kaya isinaayos ni David na mapatay siya sa labanan. Patong-patong na trahedya ang dinanas ni David at ng kaniyang sambahayan dahil sa nagawa niyang krimen. (2 Sam. 12:9-12) Pero nagpakita ang Diyos ng awa sa lalaking ito na sa kabuoan ay lumakad sa harap ni Jehova “taglay ang katapatan ng puso.” (1 Hari 9:4) Kung nabuhay ka nang panahong iyon, ano ang magiging reaksiyon mo? Matitisod ka ba sa ginawa ni David?

8. (a) Paano nabigo si Pedro na tuparin ang sinabi niya? (b) Sa kabila ng pagkakamali ni Pedro, bakit patuloy pa rin siyang ginamit ni Jehova?

8 Ang isa pang halimbawa sa Bibliya ay si apostol Pedro. Pinili siya ni Jesus na maging isa sa mga apostol; pero kung minsan, may mga nasasabi o nagagawa si Pedro na talagang pinagsisisihan niya. Halimbawa, sa oras ng kagipitan, iniwan ng mga apostol si Jesus. Bago nito, sinabi ni Pedro na kahit iwan si Jesus ng iba, hindi niya iyon gagawin. (Mar. 14:27-31, 50) Pero nang arestuhin si Jesus, iniwan siya ng lahat ng apostol—pati na ni Pedro. Paulit-ulit ding ikinaila ni Pedro na kilala niya si Jesus. (Mar. 14:53, 54, 66-72) Pero nagsisi si Pedro, at patuloy siyang ginamit ni Jehova. Kung isa kang alagad noon, makaaapekto ba sa katapatan mo kay Jehova ang mga pagkakamali ni Pedro?

9. Bakit ka nagtitiwala na laging makatarungan ang Diyos?

9 Ilan lang ito sa mga halimbawa ng mga indibiduwal na nakagawa ng mga bagay na nakasakit sa iba. Marami pang lingkod ni Jehova sa nagdaang panahon at sa ngayon ang nakagawa ng masasamang bagay at nakasakit sa iba. Ang punto ay, ano ang magiging reaksiyon mo? Matitisod ka ba sa pagkakamali nila, iiwan si Jehova at ang kaniyang bayan, pati na ang iyong mga kakongregasyon? O iisipin mo bang binibigyan ni Jehova ng panahon ang mga nagkasala para magsisi at sa dakong huli, aayusin at itutuwid Niya ang mga bagay-bagay? Sa kabilang banda, may mga nakagawa ng malulubhang kasalanan ang tumatanggi sa awa ni Jehova at hindi nagsisisi. Sa gayong mga sitwasyon, may tiwala ka ba na sa tamang panahon ay hahatulan ni Jehova ang mga nagkasala, at marahil, ititiwalag sa kongregasyon?

MANATILING MATAPAT

10. Paano tiningnan ni Jesus ang mga pagkakamali nina Hudas Iscariote at Pedro?

10 Mababasa natin sa Bibliya ang tungkol sa mga lingkod ng Diyos na nanatiling matapat kay Jehova at sa kaniyang bayan sa kabila ng malulubhang pagkakamali ng iba. Halimbawa, matapos manalangin nang buong magdamag sa kaniyang Ama, pumili si Jesus ng 12 apostol. Isa sa kanila ay si Hudas Iscariote. Nang maglaon, ipinagkanulo ni Hudas si Kristo, pero hindi hinayaan ni Jesus na makasira iyon sa kaugnayan niya sa kaniyang Ama na si Jehova, kung paanong hindi rin niya hinayaang masira ito ng pagkakaila ni Pedro sa kaniya. (Luc. 6:12-16; 22:2-6, 31, 32) Alam ni Jesus na hindi kasalanan ni Jehova o ng kaniyang bayan ang ginawa nina Hudas at Pedro. Ipinagpatuloy ni Jesus ang kaniyang mahalagang gawain kahit binigo siya ng ilan sa mga tagasunod niya. Dahil dito, ginantimpalaan ni Jehova si Jesus—binuhay siyang muli, at nang maglaon, ginawa siyang Hari sa makalangit na Kaharian.—Mat. 28:7, 18-20.

11. Ano ang inihula ng Bibliya tungkol sa mga lingkod ni Jehova sa panahong ito?

11 Makatuwiran ang pagtitiwala ni Jesus kay Jehova at sa kaniyang bayan. May dahilan din tayo para magtiwala, lalo na kapag nakikita natin ang kahanga-hangang naisasakatuparan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod sa mga huling araw na ito. Dahil nasa kanila ang patnubay ni Jehova, sila lang ang organisasyon na nangangaral ng katotohanan sa buong mundo. Inilalarawan sa Isaias 65:14 ang espirituwal na kalagayan ng bayan ng Diyos: “Narito! Ang aking mga lingkod ay hihiyaw nang may kagalakan dahil sa mabuting kalagayan ng puso.”

12. Paano natin dapat tingnan ang pagkakamali ng iba?

12 Maligaya ang mga lingkod ni Jehova sa mabubuting bagay na nagagawa nila dahil sa patnubay ni Jehova. Sa kabaligtaran, dumaraing ang sanlibutan na nasa impluwensiya ni Satanas dahil lalong sumasamâ ang mga kalagayan dito. Tiyak na magiging mali kung isisisi natin kay Jehova o sa kaniyang kongregasyon ang pagkakamali ng iilan sa kaniyang mga lingkod. Kailangan tayong manatiling matapat kay Jehova at sa kaniyang mga kaayusan at magkaroon ng tamang pananaw at pagtugon sa pagkakamali ng iba.

PAGTUGON SA PAGKAKAMALI NG IBA

13, 14. (a) Bakit dapat tayong maging matiisin sa isa’t isa? (b) Anong pangako ang dapat nating tandaan?

13 Kaya ano ang magiging reaksiyon natin kung may isang lingkod ng Diyos na nagsabi o nakagawa ng bagay na nakasakit sa ating damdamin? Ganito ang simulain ng Bibliya: “Huwag kang magmadaling maghinanakit sa iyong espiritu, sapagkat hinanakit ang nagpapahinga sa dibdib ng mga hangal.” (Ecles. 7:9) Tandaan, mga 6,000 taon na ang layo natin mula sa kasakdalang tinaglay ng tao noon sa Eden. Ang di-sakdal na mga tao ay tiyak na magkakamali. Kaya hindi makabubuti kung masyadong mataas ang inaasahan natin sa ating mga kapananampalataya at hahayaan nating mawala ang ating kagalakan sa paglilingkod sa Diyos dahil sa kanilang mga pagkakamali. At mas malaking pagkakamali kung magpapatisod tayo sa ginawa ng iba at iiwan ang organisasyon ni Jehova. Kung gagawin natin iyan, maiwawala natin hindi lang ang pribilehiyong gawin ang kalooban ng Diyos kundi pati na rin ang pag-asang mabuhay sa kaniyang bagong sanlibutan.

14 Para mapanatili ang ating kagalakan at pag-asa, tandaan natin ang nakaaaliw na pangakong ito ni Jehova: “Narito, lumalalang ako ng mga bagong langit at ng isang bagong lupa; at ang mga dating bagay ay hindi aalalahanin, ni mapapasapuso man ang mga iyon.” (Isa. 65:17; 2 Ped. 3:13) Huwag mong hayaan ang pagkakamali ng iba na makahadlang sa iyo sa pagtatamo ng mga pagpapalang iyan.

15. Ayon kay Jesus, ano ang dapat nating gawin kapag nagkakamali ang iba?

15 Pero dahil wala pa tayo sa bagong sanlibutan, dapat nating suriin ang kaisipan ng Diyos kung paano tayo dapat tumugon kapag may nagsabi o nakagawa ng bagay na nakasakit sa ating damdamin. Halimbawa, tandaan ang simulaing sinabi ni Jesus: “Kung pinatatawad ninyo ang mga tao sa kanilang mga pagkakamali, patatawarin din kayo ng inyong makalangit na Ama; samantalang kung hindi ninyo pinatatawad ang mga tao sa kanilang mga pagkakamali, hindi rin naman patatawarin ng inyong Ama ang inyong mga pagkakamali.” Tandaan din na nang magtanong si Pedro kung dapat ba tayong magpatawad nang “hanggang sa pitong ulit,” sumagot si Jesus: “Sinasabi ko sa iyo, hindi, Hanggang sa pitong ulit, kundi, Hanggang sa pitumpu’t pitong ulit.” Maliwanag na gusto ni Jesus na lagi tayong maging handang magpatawad; ito ang dapat nating maging unang opsyon.—Mat. 6:14, 15; 18:21, 22.

16. Anong magandang halimbawa ang ipinakita ni Jose?

16 Si Jose, ang panganay na anak ni Jacob kay Raquel, ay magandang halimbawa sa pagtugon sa mga pagkakamali ng iba. Nagselos ang 10 kapatid sa ama ni Jose dahil mas mahal siya ng kanilang ama. Ipinagbili nila si Jose para maging alipin. Pagkaraan ng maraming taon, dahil sa magandang nagawa ni Jose para sa Ehipto, ginawa siyang ikalawang tagapamahala sa bansang iyon. Nang magkaroon ng taggutom sa kanilang lugar, pumunta ang mga kapatid ni Jose sa Ehipto para bumili ng pagkain pero hindi nila siya nakilala. Puwede sanang gamitin ni Jose ang awtoridad niya para maghiganti sa napakasamang ginawa ng mga kapatid niya, pero hindi niya ito ginawa. Sa halip, sinubok niya ang kaniyang mga kapatid para malaman kung nagbago na ang mga ito. Nang makita niyang talagang nagbago na sila, nagpakilala si Jose sa kanila. Nang maglaon, sinabi niya: “Huwag kayong matakot. Ako mismo ang patuloy na maglalaan ng pagkain sa inyo at sa inyong maliliit na anak.” Idinagdag pa ng Bibliya: “Sa gayon ay inaliw niya sila at nagsalita sa kanila nang nakapagpapatibay-loob.”—Gen. 50:21.

17. Ano ang gagawin mo kapag nagkakamali ang iba?

17 Tandaan din na dahil lahat tayo ay nagkakamali, posibleng nakasasakit din tayo sa iba. Kapag nalaman nating may nasaktan tayo, sinasabi ng Bibliya na dapat natin siyang puntahan para makipag-ayos. (Basahin ang Mateo 5:23, 24.) Pinahahalagahan natin kapag pinalalampas ng iba ang ating mga pagkakamali, kaya dapat na ganoon din ang gawin natin. Hinihimok tayo ng Colosas 3:13: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.” Ang pag-ibig Kristiyano ay ‘hindi nagbibilang ng pinsala,’ ayon sa 1 Corinto 13:5. Kapag nagpapatawad tayo sa iba, patatawarin din tayo ni Jehova. Oo, pagdating sa pagkakamali ng iba, dapat tularan ng mga Kristiyano ang ating maawaing Ama na nagpapatawad sa ating mga pagkakamali.—Basahin ang Awit 103:12-14.