ARALING ARTIKULO 30
Patuloy na Lumakad sa Katotohanan
“Wala nang mas makapagpapasaya pa sa akin kaysa rito: ang marinig ko na ang mga anak ko ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.”—3 JUAN 4.
AWIT 54 “Ito ang Daan”
NILALAMAN a
1. Gaya ng mababasa sa 3 Juan 3, 4, ano ang nakapagpapasaya sa atin?
TIYAK na masayang-masaya si apostol Juan nang mabalitaan niyang patuloy na naglilingkod kay Jehova ang mga taong tinulungan niyang makaalam ng katotohanan. Marami silang naging problema, at sinikap ni Juan na mapatibay ang pananampalataya ng tapat na mga Kristiyanong ito na itinuturing niyang espirituwal na mga anak. Masaya rin tayo kapag ang ating mga anak o ang mga tinulungan nating makaalam ng katotohanan ay nag-alay ng kanilang sarili kay Jehova at patuloy na naglilingkod sa kaniya.—Basahin ang 3 Juan 3, 4.
2. Bakit ipinasulat kay Juan ang mga liham?
2 Noong 98 C.E., malamang na nakatira si Juan sa Efeso o malapit dito. Posibleng tumira siya doon matapos siyang palayain mula sa isla ng Patmos. Nang mga panahong iyon, ipinasulat ni Jehova sa kaniya ang tatlong liham. Ipinasulat ang mga liham na iyon para pasiglahin ang tapat na mga Kristiyano na panatilihin ang kanilang pananampalataya kay Jesus at patuloy na lumakad sa katotohanan.
3. Anong mga tanong ang sasagutin natin?
3 Si Juan na lang noon ang natitirang apostol, at nag-aalala siya sa nagiging epekto sa mga kongregasyon ng huwad na mga guro. b (1 Juan 2:18, 19, 26) Sinasabi ng mga apostatang iyon na kilala nila ang Diyos, pero hindi naman nila sinusunod ang mga utos ni Jehova. Tatalakayin sa artikulong ito ang payo ni Juan, at sasagutin natin ang tatlong tanong: Ano ang ibig sabihin ng paglakad sa katotohanan? Anong mga hamon ang napapaharap sa atin? Paano natin matutulungan ang isa’t isa na manatili sa katotohanan?
ANO ANG IBIG SABIHIN NG PAGLAKAD SA KATOTOHANAN?
4. Ayon sa 1 Juan 2:3-6 at 2 Juan 4, 6, ano ang kasama sa paglakad sa katotohanan?
4 Para makalakad sa katotohanan, kailangan nating malaman ang katotohanang nasa Bibliya. Dapat din nating ‘sundin ang mga utos’ ni Jehova. (Basahin ang 1 Juan 2:3-6; 2 Juan 4, 6.) Si Jesus ang pinakamahusay na halimbawa sa pagsunod kay Jehova. Kaya ang isang mahalagang paraan ng pagsunod kay Jehova ay ang pagsunod nang mabuti sa mga yapak ni Jesus.—Juan 8:29; 1 Ped. 2:21.
5. Sa ano tayo dapat maging kumbinsido?
5 Para patuloy na makalakad sa katotohanan, dapat na kumbinsido tayo na si Jehova ang Diyos ng katotohanan at na totoo ang lahat ng sinasabi niya sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Dapat din tayong maging kumbinsido na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas. Marami sa ngayon ang nagdududa na si Jesus ang inatasan bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. Nagbabala si Juan na puwedeng mailigaw ng “maraming manlilinlang” ang mga hindi nakahandang ipagtanggol ang katotohanan tungkol kay Jehova at kay Jesus. (2 Juan 7-11) Isinulat ni Juan: “Sino ang sinungaling kundi ang nagkakaila na si Jesus ang Kristo?” (1 Juan 2:22) Ang paraan lang para hindi tayo malinlang ay kung pag-aaralan natin ang Salita ng Diyos. Sa paggawa nito, makikilala natin si Jehova at si Jesus. (Juan 17:3) At makukumbinsi tayong nasa atin ang katotohanan.
ANONG MGA HAMON ANG NAPAPAHARAP SA ATIN?
6. Ano ang isang hamong napapaharap sa mga kabataang Kristiyano?
6 Dapat mag-ingat ang lahat ng Kristiyano para hindi sila mailigaw ng pilosopiya ng tao. (1 Juan 2:26) Lalo nang dapat mag-ingat ang mga kabataan. Sinabi ni Alexia, c 25-anyos na sister mula sa France: “Noong nag-aaral pa ako, natutuhan ko ang tungkol sa ebolusyon at iba pang pilosopiya ng tao. Litong-lito ako. Kung minsan, parang may katuwiran ang mga turong iyon. Pero hindi naman dapat na basta na lang ako maniwala sa mga itinuturo sa school at bale-walain ang itinuturo ng Bibliya.” Pinag-aralan ni Alexia ang aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? Mga ilang linggo lang, nawala ang pagdududa niya. Sinabi ni Alexia: “Napatunayan kong totoo ang sinasabi ng Bibliya. At naisip kong kapag sinunod ko ang mga pamantayan nito, magiging masaya at payapa ang buhay ko.”
7. Ano ang dapat nating iwasan, at bakit?
7 Dapat iwasan ng lahat ng Kristiyano, bata man o matanda, na magkaroon ng dobleng pamumuhay. Idiniin ni Juan na hindi tayo puwedeng lumakad sa katotohanan at kasabay nito ay namumuhay rin nang imoral. (1 Juan 1:6) Kung gusto nating sang-ayunan tayo ng Diyos ngayon at sa hinaharap, lagi nating isiping kitang-kita ni Jehova ang lahat ng ginagawa natin. Wala tayong maitatagong kasalanan sa kaniya.—Heb. 4:13.
8. Ano ang hindi natin dapat tularan?
8 Hindi natin dapat tularan ang pananaw ng mundo sa kasalanan. Isinulat ni apostol Juan: “Kung sasabihin natin, ‘Wala tayong kasalanan,’ dinaraya natin ang sarili natin.” (1 Juan 1:8) Noong panahon ni Juan, sinasabi ng mga apostata na ang isang tao ay puwedeng patuloy na gumawa ng kasalanan at maging kaibigan pa rin ng Diyos. Ganiyan din ang pananaw ng mga tao sa ngayon. Marami ang nagsasabing naniniwala sila sa Diyos, pero hindi sila sang-ayon sa pananaw ni Jehova sa kasalanan, lalo na pagdating sa sex. Katanggap-tanggap na sa ngayon ang mga itinuturing ni Jehova na kasalanan.
9. Paano nakikinabang ang mga kabataan kapag sinusunod nila ang mga pamantayan ng Bibliya?
9 Baka ma-pressure ang mga kabataang Kristiyano na gayahin ang pananaw ng kanilang mga kaklase o katrabaho pagdating sa imoral na mga gawain. Nangyari iyan kay Aleksandar. Sinabi niya: “Pinipilit ako ng mga kaeskuwela ko na makipag-sex sa kanila. Sinasabi nilang homoseksuwal ako kasi wala akong girlfriend.” Baka mangyari din iyan sa iyo. Pero kung susundin mo ang mga pamantayan ng Bibliya, mapapanatili mo ang iyong paggalang sa sarili, maiiwasan mong masaktan, at maiingatan mo ang kalusugan mo at kaugnayan kay Jehova. At sa tuwing napaglalabanan mo ang pressure na gumawa ng masama, mas nagiging madali na sa iyo na gawin ang tama. Tandaan na ang pilipit na pananaw ng mundo sa sex ay galing kay Satanas. Kaya kapag hindi mo tinutularan ang pananaw ng mundo, ‘nadadaig mo ang isa na masama.’—1 Juan 2:14.
10. Paano makakatulong ang 1 Juan 1:9 para mapaglingkuran natin si Jehova nang may malinis na konsensiya?
10 Alam natin na si Jehova ang may karapatang magsabi kung ano ang maituturing na kasalanan, at ginagawa natin ang lahat para hindi magkasala. Pero kapag nakagawa tayo ng kasalanan, ipinagtatapat natin ito kay Jehova sa panalangin. (Basahin ang 1 Juan 1:9.) At kung makagawa tayo ng malubhang kasalanan, humihingi tayo ng tulong sa mga elder, na inatasan ni Jehova na mangalaga sa atin. (Sant. 5:14-16) Pero hindi naman tayo dapat masiraan ng loob dahil sa mga nagawa nating kasalanan noon. Bakit? Dahil inilaan ng ating mapagmahal na Ama ang haing pantubos ng kaniyang Anak para mapatawad ang mga kasalanan natin. Kapag sinabi ni Jehova na papatawarin niya ang mga nagsisising nagkasala, talagang gagawin niya iyon. Kaya walang makakahadlang sa atin na paglingkuran si Jehova nang may malinis na konsensiya.—1 Juan 2:1, 2, 12; 3:19, 20.
11. Paano natin maiingatan ang ating sarili mula sa mga turo na puwedeng magpahina ng pananampalataya natin?
11 Dapat nating iwasan ang turo ng mga apostata. Mula pa nang magsimula ang kongregasyong Kristiyano, gumagamit na ang Diyablo ng maraming manlilinlang para magtanim ng pagdududa sa isip ng tapat na mga lingkod ng Diyos. Kaya dapat nating matukoy kung ano ang totoo at kung ano ang kasinungalingan. d Puwedeng gamitin ng mga kaaway natin ang Internet o social media para pahinain ang pagtitiwala natin kay Jehova at sa mga kapatid. Tandaan kung sino ang nasa likod ng gayong propaganda, at iwasan ito!—1 Juan 4:1, 6; Apoc. 12:9.
12. Bakit dapat nating patibayin ang pananampalataya natin sa mga katotohanang natutuhan natin?
12 Para malabanan ang mga propaganda ni Satanas, dapat nating patibayin ang pananampalataya natin kay Jesus at magtiwalang ginagamit siya ni Jehova para gawin ang kalooban Niya. Dapat din tayong magtiwala sa tapat at matalinong alipin na ginagamit ni Jehova para mangasiwa sa organisasyon niya ngayon. (Mat. 24:45-47) Mapapatibay natin ang pagtitiwala natin kung regular tayong mag-aaral ng Salita ng Diyos. Sa paggawa nito, ang pananampalataya natin ay magiging gaya ng isang puno na malalim ang pagkakaugat. Ganito rin ang sinabi ni Pablo nang sumulat siya sa kongregasyon sa Colosas: “Dahil tinanggap na ninyo ang Panginoong Kristo Jesus, patuloy kayong lumakad na kaisa niya. . . . Dapat na malalim ang pagkakaugat ng pananampalataya ninyo sa kaniya, dapat na magpalakas ito sa inyo at magpatatag.” (Col. 2:6, 7) Kung pagsisikapan nating patibayin ang pananampalataya natin, magiging imposible para kay Satanas o sa mga tagasuporta niya na pahintuin tayo sa paglakad sa katotohanan.—2 Juan 8, 9.
13. Ano ang dapat nating asahan, at bakit?
13 Dapat nating asahan na kapopootan tayo ng mundo. (1 Juan 3:13) Ipinapaalala sa atin ni Juan na “ang buong mundo ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng isa na masama.” (1 Juan 5:19) Habang palapit nang palapit ang wakas ng sistemang ito, lalong nag-iinit sa galit si Satanas. (Apoc. 12:12) Gumagamit siya ng mga tusong pakana, gaya ng imoralidad o kasinungalingan ng mga apostata. Pero sumasalakay din siya nang harapan. Alam ni Satanas na kaunti na lang ang panahon niya para pahintuin ang pangangaral o sirain ang pananampalataya natin. Kaya hindi nakakapagtakang hinihigpitan o ipinagbabawal ang gawain natin sa ilang bansa. Pero nakakapagtiis ang mga kapatid natin sa mga lugar na iyon. Pinapatunayan nila na anuman ang gawin ni Satanas, makakapanatili tayong tapat!
TULUNGAN ANG ISA’T ISA NA MANATILI SA KATOTOHANAN
14. Ano ang isang paraan para matulungan natin ang mga kapatid na manatili sa katotohanan?
14 Para matulungan natin ang mga kapatid na manatili sa katotohanan, dapat tayong magpakita ng habag. (1 Juan 3:10, 11, 16-18) Dapat nating mahalin ang isa’t isa, hindi lang kapag maganda ang kalagayan, kundi kahit sa mahihirap na sitwasyon. Halimbawa, may kilala ka bang namatayan ng mahal sa buhay na kailangang patibayin o tulungan sa iba pang paraan? O may nabalitaan ka bang mga kapatid na naapektuhan ng sakuna at kailangan ng tulong para maitayo ang Kingdom Hall o bahay nila? Maipapakita natin ang pag-ibig at habag sa mga kapatid, hindi lang sa sinasabi, kundi lalo na sa ginagawa natin.
15. Ayon sa 1 Juan 4:7, 8, ano ang dapat nating gawin?
15 Tinutularan natin ang ating mapagmahal na Ama sa langit kapag iniibig natin ang isa’t isa. (Basahin ang 1 Juan 4:7, 8.) Maipapakita natin ang pag-ibig kung papatawarin natin ang isa’t isa. Halimbawa, baka may nakasakit sa atin pero humingi naman ng tawad. Maipapakita natin ang pag-ibig kung papatawarin natin siya at kakalimutan ang nagawa niyang pagkakamali. (Col. 3:13) Nasaktan ang brother na si Aldo nang may sabihing di-maganda tungkol sa pinagmulan niya ang isang brother na nirerespeto niya. Sinabi ni Aldo, “Paulit-ulit akong nanalangin kay Jehova na tulungan akong huwag mainis sa brother na ’yon.” Pero may iba pang ginawa si Aldo. Niyaya niya ang brother na sumama sa kaniya sa ministeryo. Habang magkasama sila, sinabi ni Aldo na nasaktan siya sa sinabi nito. “Nang malaman ng brother na nasaktan ako sa sinabi niya,” ang sabi ni Aldo, “humingi siya ng tawad. Damang-dama ko sa tono ng boses niya na sising-sisi siya. Dahil dito, hindi nasira ang pagkakaibigan namin.”
16-17. Ano ang dapat na maging determinasyon natin?
16 Mahal na mahal ni apostol Juan ang mga kapatid niya, at gusto niyang magkaroon sila ng matibay na pananampalataya. Kitang-kita ito sa mga payong mababasa sa tatlong liham niya. Nakakapagpatibay ngang isipin na ang mga lalaki at babaeng mamamahalang kasama ni Kristo sa langit ay mapagmahal at mapagmalasakit din gaya ni Juan!—1 Juan 2:27.
17 Isapuso sana natin ang mga payong tinalakay natin. Maging determinado sana tayong lumakad sa katotohanan, at lagi nating sundin si Jehova. Pag-aralan natin ang kaniyang Salita, at magtiwala tayo dito. Patibayin ang pananampalataya kay Jesus. Huwag paniwalaan ang mga pilosopiya ng tao, at iwasan ang turo ng mga apostata. Huwag magkaroon ng dobleng pamumuhay, at huwag magpadala sa panggigipit na gumawa ng kasalanan. Mamuhay ayon sa mataas na pamantayan ni Jehova. At tulungan natin ang mga kapatid na manatiling matatag sa pamamagitan ng pagpapatawad sa mga nakasakit sa atin at pagtulong sa mga nangangailangan. Kapag ginawa natin ang mga ito, kahit may mga hamong mapaharap sa atin, patuloy tayong makakalakad sa katotohanan.
AWIT 49 Pinasasaya ang Puso ni Jehova
a Nabubuhay tayo sa mundong pinamamahalaan ni Satanas, ang ama ng kasinungalingan. Kaya napakahirap para sa atin na lumakad sa katotohanan. Nahirapan din ang mga Kristiyano noong unang siglo C.E. Para matulungan sila, pati na rin tayo, ipinasulat ni Jehova kay apostol Juan ang tatlong liham. Makikita sa mga liham na iyon kung ano ang mga puwedeng magpatigil sa atin sa paglakad sa katotohanan at kung ano ang puwede nating gawin para maharap ang mga hamong iyon.
b Tingnan ang kahong “Kung Bakit Ipinasulat ang mga Liham ni Juan.”
c Binago ang ilang pangalan.
d Tingnan ang araling artikulong “Tama Ba ang Nakuha Mong Impormasyon?” sa Agosto 2018 na isyu ng Bantayan.
f LARAWAN: Sa school, kaliwa’t kanan ang homoseksuwal na propaganda na nakikita at naririnig ng isang kabataang sister. (Sa ilang kultura, ginagamit ang rainbow bilang simbolo ng homoseksuwalidad.) Kaya nag-research siya para patibayin ang pananampalataya niya sa mga paniniwala niya. Natulungan siya nito na makagawa ng tamang desisyon.