TALAMBUHAY
Ginawa Ko Lang ang Dapat Kong Gawin
MAHIGIT 30 taon nang abogado ng mga Saksi ni Jehova si Donald Ridley. Ipinagtanggol niya ang karapatan ng mga pasyente na huwag magpasalin ng dugo. Marami siyang naipanalo sa iba’t ibang korte suprema. “Don” ang tawag sa kaniya ng mga kaibigan niya, at kilala siyang masikap, mapagpakumbaba, at mapagsakripisyo.
Noong 2019, natuklasan ng mga doktor na mayroon siyang kakaibang sakit na wala nang lunas. Mabilis na lumala ang sakit niya, at namatay siya noong Agosto 16, 2019. Ito ang kuwento ng buhay niya.
Ipinanganak ako sa St. Paul, Minnesota, U.S.A., noong 1954. Katoliko ang pamilya namin at may maalwan kaming buhay. Lima kaming magkakapatid, at pangalawa ako sa panganay. Nag-aral ako sa isang Catholic elementary school, at isa akong sakristan. Pero wala pa rin akong gaanong alam sa Bibliya. Naniniwala akong may Diyos na lumalang ng lahat ng bagay, pero wala akong tiwala sa simbahan.
KUNG PAANO KO NALAMAN ANG KATOTOHANAN
Noong unang taon ko sa William Mitchell College of Law, may mag-asawang Saksi ni Jehova na pumunta sa bahay. Naglalaba ako noon, kaya sinabi nilang babalik na lang sila. Pagbalik nila, tinanong ko sila: “Bakit kung sino pa y’ong masasamang tao, sila pa y’ong umaasenso?” at “Ano ba ang dapat gawin para maging masaya?” Binigyan nila ako ng aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan at ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan, na may matingkad na
berdeng pabalat. Pumayag din akong magpa-Bible study. Dahil dito, naliwanagan ako. Tuwang-tuwa akong malaman na ang Kaharian ng Diyos ang mamamahala sa buong lupa. Nakita kong bigong-bigo ang pamamahala ng tao na naging dahilan ng pagdurusa, kawalang-katarungan, at mga problema.Noong 1982, inialay ko ang sarili ko kay Jehova, at nang taóng ding iyon, nagpabautismo ako sa “Kingdom Truth” na Kombensiyon na ginanap sa St. Paul Civic Center. Bumalik ako sa civic center nang sumunod na linggo para kumuha ng bar exam. Noong Oktubre, nalaman kong nakapasa ako sa exam, kaya puwede na akong magtrabaho bilang abogado.
Sa kombensiyong iyon, nakilala ko si Mike Richardson, isang Bethelite sa Brooklyn. Sinabi niya na may legal office na sa punong-tanggapan. Naalala ko ang sinabi ng mataas na opisyal na Etiope na nakaulat sa Gawa 8:36, at tinanong ko ang sarili ko, ‘Ano ang nakakahadlang sa akin na magtrabaho sa Legal Office?’ Kaya nag-apply ako sa Bethel.
Hindi natuwa ang mga magulang ko nang maging Saksi ni Jehova ako. Tinanong ako ng tatay ko kung ano ang mapapala ko sa pagtatrabaho sa Watchtower. Sinabi kong magboboluntaryo ako doon at tatanggap ako ng $75 buwan-buwan bilang reimbursement para sa mga Bethelite.
Noong 1984, nang matapos ang kontrata ko sa korteng pinagtatrabahuhan ko, nagsimula na akong maglingkod sa Bethel sa Brooklyn, New York. Naatasan ako sa Legal Office. Para sa akin, tamang-tama ang panahong ito ng pagkakaatas sa akin.
NI-RENOVATE ANG STANLEY THEATER
Nabili ang Stanley Theater sa Jersey City, New Jersey, noong Nobyembre 1983. Humingi ng permit ang mga brother para ma-renovate ang electrical at plumbing system ng gusali. Nang makipag-usap ang mga brother sa lokal na mga opisyal, sinabi nila na ang Stanley Theater ay gagamiting convention hall ng mga Saksi ni Jehova. Ang problema, ang mga gusali para sa pagsamba ay puwede lang itayo sa mga residential area. Dahil ang Stanley Theater ay nasa commercial area, hindi sila binigyan ng permit ng mga opisyal ng lunsod. Umapela ang mga brother, pero ibinasura ito.
Noong unang linggo ko sa Bethel, ang organisasyon ay nagsampa ng kaso sa korte tungkol dito. Dahil kakatapos lang ng dalawang taon kong pagtatrabaho sa korte sa St. Paul, Minnesota, pamilyar ako sa ganitong mga kaso.
Ikinatuwiran ng isa sa ating mga abogado na ang Stanley Theater ay ginamit noon sa iba’t ibang pampublikong okasyon, gaya ng pagpapalabas ng pelikula at mga concert. Kaya bakit magiging ilegal na gamitin ito sa relihiyosong pagtitipon? Isinaalang-alang ito ng korte at nakita nilang nilabag ng Jersey City ang ating kalayaan sa pagsamba. Inutusan ng korte ang lunsod na ibigay ang kinakailangang permit, at nakita ko dito kung paano pinagpala ni Jehova ang legal na usapin ng organisasyon sa ikasusulong ng gawain. Tuwang-tuwa ako dahil naging bahagi ako nito.Pinasimulan ng mga brother ang malaking proyekto ng pagre-renovate, at wala pang isang taon mula nang simulan ito, ginanap ang pagtatapos ng ika-79 na klase ng Gilead sa Jersey City Assembly Hall noong Setyembre 8, 1985. Isang pribilehiyo na maging bahagi ng legal team sa pagpapasulong ng kapakanan ng Kaharian, at mas masaya ako ngayon kaysa noong nagtatrabaho pa ako bilang abogado sa labas ng Bethel. Wala akong kamalay-malay na gagamitin pa pala ako ni Jehova sa ganitong mga pribilehiyo.
IPINAGTANGGOL ANG KARAPATAN SA PAGPAPAGAMOT NANG WALANG PAGSASALIN NG DUGO
Noong dekada ’80, karaniwan nang hindi pinapakinggan ng mga doktor at ospital ang kahilingan ng isang adultong Saksi na gamutin siya nang walang pagsasalin ng dugo. Malaking problema ito lalo na sa mga buntis, kasi madalas na ikinakatuwiran ng mga hukom na walang karapatan ang mga ito na tumangging magpasalin ng dugo. Sinasabi ng mga hukom na kung hindi magpapasalin ng dugo ang mga ito, baka lumaking walang ina ang bata.
Noong Disyembre 29, 1988, dumanas si Sister Denise Nicoleau ng matinding pagdurugo matapos siyang manganak. Bumaba nang wala pang 5.0 ang hemoglobin niya, kaya hiniling ng doktor niya na magpasalin siya ng dugo. Tumanggi si Sister Nicoleau. Kinaumagahan, humingi ang ospital ng pahintulot mula sa korte para masalinan siya ng dugo. Pinayagan ng hukom ang ospital na salinan ito ng dugo nang wala man lang pagdinig o nang hindi man lang ipinapaalám kay Sister Nicoleau o sa asawa niya.
Noong Biyernes, Disyembre 30, sinalinan ng dugo si Sister Nicoleau kahit tutol ang asawa niya at iba pang kapamilya. Nang gabing iyon, inaresto ang ilang kapamilya niya, pati na ang
isa o dalawang elder, dahil humarang daw sila para hindi masalinan ng dugo si Sister Nicoleau. Noong Sabado ng umaga, Disyembre 31, laman na ng balita sa loob at labas ng New York City ang ginawang pag-aresto.Noong Lunes ng umaga, nakipag-usap ako kay Milton Mollen, isang hukom sa mas mataas na korte. Ipinaliwanag ko ang kaso at idiniin na pinirmahan agad ng hukom ang utos na salinan ng dugo si Sister Nicoleau nang wala pang ginagawang pagdinig. Pinapunta ako ni Justice Mollen sa opisina niya nang hapong iyon para pag-usapan ang kaso at ang mga batas may kaugnayan dito. Nang gabing iyon, sinamahan ako ng overseer ko na si Philip Brumley sa opisina ni Justice Mollen. Inimbitahan din ni Justice Mollen ang abogado ng ospital. Mainitan ang pag-uusap namin. Umabot pa nga sa punto na nagsulat si Brother Brumley sa kaniyang notepad na nagsasabing “kalma lang.” Magandang payo iyon dahil talagang nag-iinit na ako sa galit para patunayang mali ang abogado ng ospital.
Pagkatapos ng mga isang oras, sinabi ni Justice Mollen na ang kasong ito ang uunahin niya kinabukasan. Nang paalis na kami sa opisina ni Justice Mollen, sinabi niya na “mamomroblema bukas” ang abogado ng ospital. Ibig sabihin, mahihirapan ang abogado na patunayang tama ang argumento niya. Para bang tinitiyak sa akin ni Jehova na malaki ang tsansa naming manalo. Nakakatuwang isipin na ginagamit kami ni Jehova para mangyari ang kalooban niya.
Magdamag kaming naghanda ng aming argumento para sa susunod na araw. Malapit lang ang korte sa Brooklyn Bethel, kaya karamihan sa amin ay naglalakad lang papunta doon. Matapos marinig ng apat na hukom ang aming mga argumento, kinansela nila ang utos para sa pagsasalin ng dugo. Pabor ang mataas na korte kay Sister Nicoleau at sinabing labag sa karapatang pantao ang pagpirma sa isang kautusan nang hindi muna kinokonsulta ang pasyente.
Pinagtibay ng pinakamataas na korte sa New York ang karapatan ni Sister Nicoleau na gamutin nang walang pagsasalin ng dugo. Una ito sa apat na kaso ng pagsasalin ng dugo na pinaboran ng matataas na korte, at nagkapribilehiyo akong maging bahagi ng mga ito. (Tingnan ang Mga Naipanalo sa Korte Suprema ng Estado.”) Nakasama ko rin ang ibang mga abogado sa Bethel sa mga kasong may kinalaman sa kustodiya sa bata, diborsiyo, real estate, at mga batas sa paggamit ng lupa at mga gusali.
kahong “PAG-AASAWA AT BUHAY PAMPAMILYA
Nang makilala ko ang asawa kong si Dawn, may tatlo na siyang anak at diborsiyada siya. Nagtatrabaho siya at nagpapayunir. Mahirap ang kalagayan niya sa buhay, kaya hangang-hanga ako sa determinasyon niyang maglingkod kay Jehova. Noong 1992, dumalo kami sa “Light Bearers” na Pandistritong Kombensiyon sa New York City, at nagpaalam akong liligawan ko siya. Nagpakasal kami nang sumunod na taon. Pinagpala ako ni Jehova ng isang asawang palaisip sa espirituwal at masayahin. Masayang-masaya ang pagsasama namin.—Kaw. 31:12.
Nang ikasal kami, ang mga bata ay edad 11, 13, at 16. Gusto kong maging mabuting ama sa kanila, kaya binasa kong mabuti at sinunod ang lahat ng tungkol sa pagiging isang stepparent mula sa ating mga publikasyon. Siyempre, may mga hamon, pero natutuwa akong tinanggap nila ako bilang kanilang mapagmahal na ama at pinagkakatiwalaang kaibigan. Bukás ang pinto namin sa mga kaibigan ng mga anak namin, at tuwang-tuwa kaming makasama ang masisiglang kabataang ito.
Noong 2013, lumipat kami ni Dawn sa Wisconsin para alagaan ang aming tumatanda nang mga magulang. Hindi ko inaasahan na magpapatuloy pa rin ang paglilingkod ko sa Bethel. Ginamit pa rin akong abogado ng ating organisasyon bilang temporary volunteer.
BIGLAANG PAGBABAGO
Noong Setyembre 2018, napansin kong parang laging may bara sa lalamunan ko. Nagpatingin ako sa doktor, pero hindi niya makita ang problema. Pagkaraan, sinabi ng isa pang doktor na magpatingin ako sa neurologist. Noong Enero 2019, sinabi ng neurologist na posibleng mayroon akong isang kakaibang sakit na tinatawag na progressive supranuclear palsy (PSP).
Pagkalipas ng tatlong araw, habang nag-a-ice skating, nabalian ako ng buto sa kanang kamay. Bata pa lang ako, nag-a-ice skating na ako; sanay na sanay na ako dito. Kaya alam kong nawawala na ang kakayahan kong makontrol ang paggalaw ko. Nabahala ako sa mabilis na paglala ng sakit ko. Naapektuhan na ang pagsasalita ko, pagkilos, at paglunok.
Masayang-masaya ako na nagkaroon ako ng maliit na bahagi sa organisasyon ni Jehova bilang abogado. Nagkapribilehiyo rin ako na sumulat ng maraming artikulo sa mga magasing binabasa ng mga propesyonal at maging tagapagsalita sa mga seminar na pang-medicolegal sa buong mundo para ipagtanggol ang karapatan ng mga Saksi ni Jehova na magpagamot nang walang pagsasalin ng dugo. Pero gaya ng sinasabi sa Lucas 17:10, masasabi ko ring: ‘Ako ay isang hamak na alipin lang. Ginawa ko lang ang dapat kong gawin.’