ARALING ARTIKULO 1
Maging Kumbinsido na ‘Katotohanan ang Salita ng Diyos’
ANG ATING TAUNANG TEKSTO PARA SA 2023: “Katotohanan ang diwa ng salita mo.”—AWIT 119:160.
AWIT 96 Ang Aklat ng Diyos—Isang Kayamanan
NILALAMAN a
1. Bakit marami sa ngayon ang nahihirapang magtiwala sa Bibliya?
MARAMI sa ngayon ang nahihirapang magtiwala sa iba. Hindi nila alam kung kanino sila magtitiwala. Hindi sila sigurado kung talagang iniisip ng mga taong pinagkakatiwalaan nila, gaya ng mga politiko, siyentipiko, at negosyante ang kapakanan nila. Wala rin silang tiwala sa mga lider ng relihiyon na nagsasabing mga Kristiyano sila pero hindi naman nila sinusunod ang Bibliya. Kaya hindi na nakakapagtakang nahihirapang maniwala sa Bibliya ang mga tao.
2. Ayon sa Awit 119:160, sa ano tayo dapat maging kumbinsido?
2 Bilang mga lingkod ni Jehova, kumbinsido tayo na siya ang “Diyos ng katotohanan” at laging pinakamabuti ang gusto niya para sa atin. (Awit 31:5; Isa. 48:17) Alam nating makakapagtiwala tayo sa mga nababasa natin sa Bibliya dahil “katotohanan ang diwa ng salita [ng Diyos].” b (Basahin ang Awit 119:160.) Sang-ayon tayo sa isinulat ng isang iskolar ng Bibliya: “Walang sinabi ang Diyos na mali o hindi matutupad. Makakapagtiwala ang bayan ng Diyos sa sinasabi niya dahil nagtitiwala sila sa Diyos na nagsabi nito.”
3. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
3 Paano natin matutulungan ang iba na magtiwala rin sa Salita ng Diyos? Tingnan natin ang tatlong dahilan kung bakit tayo makakapagtiwala sa Bibliya: (1) kung paano naingatan ang mensahe ng Bibliya, (2) kung paano natupad ang mga hula nito, at (3) ang kapangyarihan ng Bibliya na baguhin ang buhay ng mga tao.
NAINGATAN ANG MENSAHE NG BIBLIYA
4. Bakit nagdududa ang ilan kung talaga bang hindi nagbago ang nilalaman ng Bibliya?
4 Ginamit ng Diyos na Jehova ang mga 40 tapat na lalaki para isulat ang mga aklat ng Bibliya. Pero wala na ngayon ang orihinal na mga manuskrito ng Bibliya. c Mayroon na lang tayong kopya ng mga kopya. Kaya napapaisip ang ilang tao kung ang nababasa nila sa Bibliya ay kaparehong-kapareho ng mga orihinal. Naisip mo na rin ba iyan?
5. Paano kinopya ang Hebreong Kasulatan? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
5 Para maingatan ang salita ni Jehova, iniutos niya na gumawa ng mga kopya nito. Inutusan niya ang mga hari ng Israel na gumawa ng sarili nilang kopya ng nasusulat na Kautusan, at inatasan niya ang mga Levita na ituro ito sa mga tao. (Deut. 17:18; 31:24-26; Neh. 8:7) Nang maging bihag ang mga Judio sa Babilonya, isang grupo ng mga tagakopya ang gumawa ng maraming kopya ng Hebreong Kasulatan. (Ezra 7:6, tlb.) Maingat ang mga tagakopyang ito. Kaya may panahong sinimulan nilang bilangin, hindi lang ang mga salita, kundi pati ang mga letra para masigurado nilang tama ang pagkakakopya nila. Pero dahil hindi sila perpekto, mayroon pa ring kaunting pagkakamali na nakita sa ilan sa mga kopyang iyon. At dahil nakagawa ng maraming kopya ng iisang manuskrito, madaling makita ang mga pagkakamaling ito. Paano?
6. Paano nakita ang mga pagkakamali sa mga kopya ng Bibliya?
6 May maaasahang paraan ang mga iskolar ng Bibliya ngayon para makita ang nagawang pagkakamali ng mga tagakopya ng Bibliya. Halimbawa, may 100 lalaki na inutusang kopyahin ang isang pahina. Isa sa kanila ang nakagawa ng maliit na pagkakamali. Kapag ikinumpara natin ang ginawa niya sa ginawa ng iba, makikita natin kung saan siya nagkamali. Sa katulad na paraan, kapag ikinumpara ng mga iskolar ang mga manuskrito ng Bibliya, makikita rin ang mga pagkakamali o ang mga naalis ng isang tagakopya.
7. Bakit masasabing naging maingat ang mga tagakopya ng Bibliya sa pagkopya nito?
7 Nagsikap nang husto ang mga tagakopya ng manuskrito ng Bibliya para magawa nila ito nang tama. Halimbawa, ang pinakamatanda at kumpletong kopya ng Hebreong Kasulatan ay noon pang 1008 o 1009 C.E. Tinatawag itong Leningrad Codex. Pero may natagpuang mga manuskrito o bahagi ng mga manuskrito na mas matanda pa nang mga 1,000 taon kaysa sa Leningrad Codex. Baka isipin ng ilan na matapos itong kopyahin nang paulit-ulit sa loob ng mahigit 1,000 taon, magiging malayong-malayo na ang Leningrad Codex sa mas matatandang manuskrito. Pero hindi totoo iyan. Nang pagkumparahin ng mga iskolar ang mga naunang manuskrito at ang mga bagong manuskrito, nakita nilang kakaunti lang ang pagkakaiba sa mga salita, pero hindi nagbago ang mensahe ng Bibliya.
8. Ano ang pagkakaiba ng mga kopya ng Kristiyanong Griegong Kasulatan at ng ilang sinaunang aklat?
8 Gumawa rin ng mga kopya ng Kasulatan ang unang mga Kristiyano. Maingat nilang kinopya ang 27 aklat ng Griegong Kasulatan na ginamit nila sa mga pulong at pangangaral. Nang ikumpara ng mga iskolar ang mga manuskrito ng Griegong Kasulatan sa kasabay nitong ibang mga aklat, sinabi ng isang iskolar: “Sa pangkalahatan, mas maraming [kopya ang Griegong Kasulatan], . . . at mas kumpleto ito.” Sinabi ng aklat na Anatomy of the New Testament: “Makakapagtiwala tayo na ang mensahe ng nababasa natin sa salin [ng Griegong Kasulatan] ngayon ay kapareho pa rin ng mensahe ng mga sinaunang sumulat nito.”
9. Ano ang sinabi ng Isaias 40:8 tungkol sa mensahe ng Bibliya?
9 Sa loob ng daan-daang taon, marami ang nagsikap na makopya nang tama ang Bibliya. Kaya makakaasa tayo na tama ang Bibliyang binabasa at pinag-aaralan natin ngayon. d Alam nating tiniyak ni Jehova na tama ang mensaheng mababasa natin sa Salita niya. (Basahin ang Isaias 40:8.) Pero baka sabihin ng ilan na kahit naingatan ang mensahe ng Bibliya, hindi pa rin ito nangangahulugang galing ito sa Diyos. Kaya tingnan natin ang ilang ebidensiya na talagang galing sa Diyos ang Bibliya.
TOTOO ANG MGA HULA SA BIBLIYA
10. Magbigay ng halimbawa ng natupad na hula na nagpapatunay na totoo ang sinasabi ng 2 Pedro 1:21. (Tingnan ang mga larawan.)
10 Maraming hula sa Bibliya ang natupad na. Ang ilan ay isinulat daan-daang taon bago pa ito mangyari. Pinapatunayan ng kasaysayan na ang mga hulang ito ay natupad. Hindi na ito nakakapagtaka dahil ang Awtor ng mga hula sa Bibliya ay si Jehova. (Basahin ang 2 Pedro 1:21.) Isipin ang hula tungkol sa pagbagsak ng sinaunang lunsod ng Babilonya. Noong ikawalong siglo B.C.E., pinatnubayan ng Diyos si propeta Isaias na ihula na masasakop ang makapangyarihang lunsod ng Babilonya noon. Inihula pa nga niyang Ciro ang pangalan ng sasakop sa lunsod na ito at kung paano ito masasakop. (Isa. 44:27–45:2) Inihula rin ni Isaias na mawawasak ang Babilonya at na hindi na ito titirhan. (Isa. 13:19, 20) Iyan mismo ang nangyari. Sinakop ng mga Medo at mga Persiano ang Babilonya noong 539 B.C.E. Kaya ang dating dakilang lunsod na ito ay isa na lang tambak ng mga guho ngayon.—Tingnan ang video na Inihula ng Bibliya ang Pagbagsak ng Babilonya sa electronic format ng aklat na Masayang Buhay Magpakailanman, aralin 3 number 5.
11. Paano natutupad sa ngayon ang hula sa Daniel 2:41-43?
11 Hindi lang noon natupad ang mga hula sa Bibliya; natutupad din ito ngayon. Halimbawa, pag-isipan kung paano natupad ang hula ni Daniel tungkol sa Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. (Basahin ang Daniel 2:41-43.) Inihula ni Daniel na ang tambalang kapangyarihang pandaigdig na ito ay “may bahaging malakas” gaya ng bakal at “may bahaging mahina” gaya ng putik. At talagang natutupad na iyan. Ipinakita ng Britain at America na malakas sila gaya ng bakal dahil malaki ang naging papel nila para maipanalo ang dalawang Digmaang Pandaigdig, at patuloy pang lumalakas ang kanilang puwersang militar. Pero pinapahina ng mga mamamayan nila ang lakas na ito dahil sa ipinaglalaban nilang mga karapatan sa pamamagitan ng mga unyon, mga kampanya para sa karapatang sibil, at mga kilos-protesta. Isang eksperto sa politika ang nagsabi kamakailan: “Sa lahat ng demokratikong mga bansa sa daigdig ngayon, wala nang bansang mas nababahagi sa politika kaysa sa United States.” Ang Britain naman ay nababahagi dahil hindi nagkakasundo ang mga mamamayan nito tungkol sa pakikipag-ugnayan ng bansa nila sa mga bansang bahagi ng European Union. Dahil sa mga pagkakabaha-bahaging ito, halos imposible para sa Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano na kumilos ayon sa mga pasiya nito.
12. Paano makakatulong sa atin ang mga hula sa Bibliya?
12 Maraming hula sa Bibliya ang natupad na at tumutulong ito sa atin na magtiwala na matutupad ang mga pangako ng Diyos sa hinaharap. Sasang-ayon tayo sa panalangin ng salmista kay Jehova: “Nananabik ako sa pagliligtas mo, dahil ang salita mo ang pag-asa ko.” (Awit 119:81) Sinabi ng Bibliya na bibigyan tayo ni Jehova ng “magandang kinabukasan at pag-asa.” (Jer. 29:11) Hindi nakadepende sa pagsisikap ng tao ang pag-asa natin sa hinaharap, kundi sa mga pangako ni Jehova. Kung patuloy nating pag-aaralan ang mga hula sa Bibliya, titibay ang pagtitiwala natin sa Salita ng Diyos.
NAKATULONG SA MARAMI ANG MGA PAYO NG BIBLIYA
13. Ayon sa Awit 119:66, 138, ano ang isa pang dahilan kung bakit tayo makakapagtiwala sa Bibliya?
13 May isa pang dahilan kung bakit tayo makakapagtiwala sa Bibliya. Pansinin ang magagandang resulta kapag sinusunod ng mga tao ang mga payo nito. (Basahin ang Awit 119:66, 138.) Halimbawa, may mga mag-asawang muntik nang maghiwalay pero masaya na ulit ang pagsasama nila ngayon kasi sinunod nila ang mga payo ng Bibliya. Dahil lumaki ang mga anak nila sa isang pamilyang Kristiyano, nakadarama ang mga ito ng pangangalaga at pagmamahal.—Efe. 5:22-29.
14. Magbigay ng halimbawa kung paano nakatulong sa isang tao ang pagsunod sa mga payo ng Bibliya.
14 Kahit ang mga kriminal ay gumawa ng malalaking pagbabago sa buhay nila dahil sa pagsunod sa mga payo ng Bibliya. Tingnan ang karanasan ni Jack. e Marahas siya at isa siya sa mga kinatatakutang bilanggo na nahatulan ng kamatayan. Isang araw, sumama si Jack sa Bible study. Humanga si Jack sa kabaitan ng mga kapatid na nangunguna sa pag-aaral ng Bibliya, kaya nagpa-Bible study rin siya. Dahil sa mga katotohanan sa Bibliya na natutuhan niya, gumawa siya ng malalaking pagbabago sa buhay niya. Di-nagtagal, naging di-bautisadong mamamahayag si Jack at nabautismuhan. Masigasig siyang nangaral sa ibang bilanggo tungkol sa Kaharian ng Diyos at di-bababa sa apat sa kanila ang nag-aral ng Bibliya. Sa araw na ilalapat na ang hatol sa kaniya, ibang-ibang tao na si Jack. Sinabi ng isa sa mga abogado niya: “Hindi na siya ang Jack na nakilala ko 20 taon na ang nakakaraan. Talagang binago siya ng mga turo ng mga Saksi ni Jehova.” Kahit nahatulan ng kamatayan si Jack, ipinapakita ng halimbawa niya na makakapagtiwala tayo sa Salita ng Diyos at sa kapangyarihan nitong baguhin ang buhay ng mga tao.—Isa. 11:6-9.
15. Paano naiiba ang bayan ni Jehova dahil sa pagsunod nila sa mga katotohanan sa Bibliya? (Tingnan ang larawan.)
15 Ang bayan ni Jehova ay nagkakaisa dahil sa pagsunod sa mga katotohanan mula sa Bibliya. (Juan 13:35; 1 Cor. 1:10) Kapansin-pansin ang kapayapaan at pagkakaisa natin kung ikukumpara sa pagkakabaha-bahagi ng mga tao ngayon dahil sa magkakaibang opinyon sa politika, lahi, at kalagayan sa lipunan. Nang makita ng kabataang si Jean ang pagkakaisang ito sa bayan ni Jehova, humanga siya. Lumaki siya sa isang bansa sa Africa. Nang magkaroon ng digmaang sibil sa bansa nila, nagsundalo siya. Di-nagtagal, tumakas siya at pumunta sa isang kalapit na bansa. Doon, may nakausap siyang mga Saksi ni Jehova. Sinabi ni Jean: “Natutuhan ko na ang mga tagasunod ng tunay na relihiyon ay hindi nakikialam sa politika at hindi nababahagi kasi mahal nila ang isa’t isa.” Sinabi pa niya: “Ibinigay ko ang buhay ko para ipagtanggol ang bansa ko. Pero nang matutuhan ko ang mga katotohanan sa Bibliya, ibinigay ko ang buhay ko kay Jehova.” Talagang nagbago ang buhay ni Jean. Imbes na makipaglaban sa mga taong naiiba sa kaniya, ibinabahagi niya na sa lahat ang mensahe ng Bibliya tungkol sa kapayapaan. Talagang nakakatulong ang mga payo ng Bibliya sa mga tao, anuman ang pinagmulan nila. Patunay iyan na mapagkakatiwalaan natin ang Salita ng Diyos.
PATULOY NA MAGTIWALA SA KATOTOHANAN NG SALITA NG DIYOS
16. Bakit napakahalaga para sa atin na patibayin ang pagtitiwala natin sa Salita ng Diyos?
16 Habang pasama nang pasama ang mundo, masusubok ang pagtitiwala natin sa katotohanan. Baka magtanim ng pagdududa ang mga tao sa isip natin gaya ng pagdududa tungkol sa katotohanan ng Bibliya o kung talaga bang ginagamit ni Jehova ang tapat at matalinong alipin para patnubayan ang mga mananamba niya ngayon. Pero kung kumbinsido tayo na laging totoo ang Salita ni Jehova, magagawa nating paglabanan ang gayong mga pag-atake sa pananampalataya natin. Magiging “buo ang pasiya [nating] sundin ang mga tuntunin [ni Jehova] sa lahat ng panahon, hanggang sa wakas.” (Awit 119:112) ‘Hindi tayo mahihiyang’ sabihin sa iba ang katotohanan at tulungan silang mamuhay ayon dito. (Awit 119:46) At puwede tayong maging “masaya habang tinitiis” ang pag-uusig at ang iba pang mahihirap na sitwasyon.—Col. 1:11; Awit 119:143, 157.
17. Paano tayo matutulungan ng taunang teksto natin?
17 Talagang nagpapasalamat tayo na ipinaalam ni Jehova sa atin ang katotohanan! Tinutulungan tayo nitong maging kalmado at panatag, at itinuturo nito sa atin kung paano tayo mamumuhay sa isang mundong napakagulo. Nagbibigay rin ito sa atin ng magandang kinabukasan sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos. Kaya ang taunang teksto natin para sa 2023 ay tutulong sa atin na maging kumbinsido na ang diwa ng Salita ng Diyos ay katotohanan!—Awit 119:160.
AWIT 94 Salamat sa Salita ng Diyos
a Nakakapagpatibay ng pananampalataya ang taunang teksto na napili para sa 2023: “Katotohanan ang diwa ng salita mo.” (Awit 119:160) Siguradong naniniwala ka rin diyan. Pero marami ang hindi naniniwala sa Bibliya at na nagbibigay ito ng magagandang payo. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang tatlong ebidensiya na magagamit natin para makumbinsi ang tapat-pusong mga tao na magtiwala sa Bibliya at sa mga payo nito.
b KARAGDAGANG PALIWANAG: Sa Hebreo, ang pananalitang “katotohanan ang diwa ng salita mo” ay nangangahulugang “totoo ang lahat ng salita ng Diyos.”
c Ang salitang “manuskrito” ay tumutukoy sa sinaunang mga dokumento na sulat-kamay.
d Para sa higit pang impormasyon kung paano naingatan ang Bibliya, pumunta sa jw.org at i-type sa search box, “Ang Kasaysayan at ang Bibliya.”
e Binago ang ilang pangalan.