Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 3

Mahalaga Ka kay Jehova!

Mahalaga Ka kay Jehova!

“Inalaala niya tayo nang tayo ay lugmok.”​—AWIT 136:23.

AWIT 33 Ihagis Mo kay Jehova ang Iyong Pasanin

NILALAMAN *

1-2. Sa ano-anong sitwasyon napapaharap ang maraming lingkod ni Jehova, at ano ang posibleng maging epekto nito sa kanila?

PAG-ISIPAN ang tatlong sitwasyong ito: Nalaman ng isang kabataang brother na may malubha siyang sakit. Nasesante ang isang masipag na brother na mahigit 50 anyos na, at hindi na siya makahanap ng trabaho. Hindi na magawa ng isang tapat at may-edad nang sister ang mga nagagawa niya dati para kay Jehova.

2 Kung ang sitwasyon mo ay katulad ng isa sa mga nabanggit, baka maisip mo na wala ka nang halaga. Baka mawala ang kagalakan mo at paggalang sa sarili, at posibleng maapektuhan din ang kaugnayan mo sa iba.

3. Ano ang pananaw ni Satanas, pati ng mga naimpluwensiyahan niya, sa buhay ng tao?

3 Kitang-kita sa mundong ito ang pananaw ni Satanas sa buhay ng tao. Noon pa man, hindi na pinapahalagahan ni Satanas ang mga tao. Napakasama niya dahil inialok pa rin niya kay Eva ang kalayaan kahit na alam niyang ikamamatay nito ang pagsuway sa Diyos. Si Satanas ang may kontrol sa komersiyo, politika, at mga relihiyon ng sanlibutang ito. Kaya hindi na tayo magtataka kung walang pagpapahalaga sa buhay at dignidad ng mga tao ang maraming negosyante, politiko, at lider ng relihiyon.

4. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

4 Sa kabaligtaran, gusto ni Jehova na maramdaman nating mahalaga tayo, at tinutulungan niya tayo kapag napapaharap tayo sa mga sitwasyong nakakasira ng loob. (Awit 136:23; Roma 12:3) Tatalakayin sa artikulong ito kung paano tayo tinutulungan ni Jehova (1) kapag may malubha tayong sakit, (2) kapag may problema tayo sa pinansiyal, at (3) kapag may-edad na tayo at limitado na ang nagagawa natin sa paglilingkod kay Jehova. Pero alamin muna natin kung bakit tayo makakapagtiwalang mahalaga kay Jehova ang bawat isa sa atin.

MAHALAGA TAYO KAY JEHOVA

5. Paano mo napatunayan na mahalaga kay Jehova ang mga tao?

5 Gawa tayo sa alabok ng lupa, pero hindi lang ganiyan ang tingin sa atin ni Jehova. (Gen. 2:7) Pag-isipan ang ilang patunay na mahalaga tayo sa kaniya. Nilalang niya ang tao na may kakayahang tularan ang mga katangian niya. (Gen. 1:27) Sa pamamagitan nito, ginawa niya tayong mas mataas sa lahat ng iba pang nilalang sa lupa, at ipinagkatiwala niya sa atin ang lupa at ang mga hayop.​—Awit 8:4-8.

6. Ano pa ang patunay natin na mahalaga kay Jehova ang mga di-perpektong tao?

6 Matapos magkasala si Adan, mahalaga pa rin kay Jehova ang mga tao. Napakahalaga natin sa kaniya kaya ibinigay niya ang kaniyang mahal na Anak, si Jesus, para tubusin tayo. (1 Juan 4:9, 10) Salig sa pantubos, bubuhaying muli ni Jehova “ang mga matuwid at di-matuwid” na namatay dahil sa kasalanan ni Adan. (Gawa 24:15) Ipinapakita ng kaniyang Salita na mahalaga tayo sa kaniya kahit may sakit tayo, may problema sa pinansiyal, o may-edad na.​—Gawa 10:34, 35.

7. Ano pa ang ibang patunay na mahalaga kay Jehova ang mga lingkod niya?

7 Marami pang patunay na mahalaga tayo kay Jehova. Inilapit niya tayo sa kaniya, at nakita niya kung paano tayo tumugon sa mabuting balita. (Juan 6:44) At habang lumalapit tayo kay Jehova, lumalapit din siya sa atin. (Sant. 4:8) Ipinapakita rin niyang mahalaga tayo sa kaniya dahil matiyaga siya sa atin at naglalaan siya ng panahon para turuan tayo. Kilalang-kilala niya tayo, at alam niya ang potensiyal natin. At dahil mahal niya tayo, dinidisiplina niya tayo. (Kaw. 3:11, 12) Napakatibay ngang ebidensiya na mahalaga tayo kay Jehova!

8. Paano makakatulong ang Awit 18:27-29 para maharap natin ang mga problema?

8 Walang kuwenta ang turing ng iba kay Haring David, pero alam niyang mahal siya at sinusuportahan ni Jehova. Nakatulong ito kay David para makayanan ang sitwasyon niya. (2 Sam. 16:5-7) Kapag nasisiraan tayo ng loob o may problema, matutulungan tayo ni Jehova na maging positibo at maharap ang anumang sitwasyon. (Basahin ang Awit 18:27-29.) Kapag kasama natin si Jehova, walang makapag-aalis ng kagalakan natin habang naglilingkod tayo sa kaniya. (Roma 8:31) Tingnan natin ngayon ang tatlong sitwasyon kung kailan lalo nating dapat isaisip na mahal tayo ni Jehova at mahalaga tayo sa kaniya.

KAPAG MAY MALUBHA TAYONG SAKIT

Ang pagbabasa ng mga salita ni Jehova ay tutulong sa atin na mapagtagumpayan ang mga negatibong emosyon na dulot ng sakit (Tingnan ang parapo 9-12)

9. Paano puwedeng makaapekto ang malubhang sakit sa tingin natin sa sarili?

9 Kapag may malubha tayong sakit, baka malungkot tayo at madama nating wala tayong silbi. Baka mahiya tayo kapag nakikita ng mga tao ang naging epekto sa atin ng sakit natin o kapag lagi na tayong umaasa sa iba. Kahit hindi alam ng iba ang sakit natin, baka makadama pa rin tayo ng awa sa sarili dahil sa limitasyon natin. Sa ganitong sitwasyon, pinapatibay tayo ni Jehova. Paano?

10. Ayon sa Kawikaan 12:25, ano ang makakatulong sa atin kapag may sakit tayo?

10 Kapag may sakit tayo, mapapatibay tayo ng “positibong salita.” (Basahin ang Kawikaan 12:25.) May ipinasulat si Jehova sa Bibliya na mga positibong salita para hindi natin makalimutang mahalaga tayo sa kaniya kahit na may sakit tayo. (Awit 31:19; 41:3) Kung babasahin natin ang mga salitang ito sa Bibliya, kahit paulit-ulit, tutulungan tayo ni Jehova na mapagtagumpayan ang mga negatibong emosyon.

11. Paano tinulungan ni Jehova ang isang brother?

11 Tingnan ang karanasan ng kabataang si Jorge. Nagkaroon siya ng sakit na mabilis na lumala, kaya nadama niyang wala siyang silbi. “Hindi ko inaasahan ang magiging epekto sa akin ng sakit na ito, pati na ang kahihiyan na pagtinginan ng mga tao dahil dito,” ang sabi ni Jorge. “Habang lumalala ang sakit ko, iniisip ko kung paano ako maaapektuhan nito. Lungkot na lungkot ako, at nagmakaawa ako kay Jehova na tulungan ako.” Paano siya tinulungan ni Jehova? “Hiráp akong mag-concentrate, kaya nagbabasa ako ng kahit ilang talata lang sa aklat ng Awit tungkol sa pagmamalasakit ni Jehova sa mga lingkod niya. Paulit-ulit kong binabasa ang mga tekstong iyon araw-araw, at talagang napatibay ako. Di-nagtagal, napansin ng iba na mas ngumingiti na ako. Sinabi pa nga nila na napapatibay ko sila. Sagot ito ni Jehova sa mga panalangin ko! Tinulungan niya akong baguhin ang tingin ko sa sarili. Ang lagi ko nang iniisip ngayon ay kung ano ang sinasabi ng Bibliya na tingin sa akin ni Jehova kahit may sakit ako.”

12. Kung may malubha kang sakit, ano ang puwede mong gawin para matulungan ka ni Jehova?

12 Kung may malubha kang sakit, makakatiyak kang alam ni Jehova ang pinagdadaanan mo. Hilingin ang tulong niya para magkaroon ka ng tamang pananaw sa sitwasyon mo. Pagkatapos, hanapin ang mga positibong salita na ipinasulat ni Jehova sa Bibliya para sa iyo. Laging isipin ang mga teksto na nagpapakitang mahalaga kay Jehova ang mga lingkod niya. Kapag ginawa mo iyan, makikita mong napakabuti ni Jehova sa lahat ng tapat na naglilingkod sa kaniya.​—Awit 84:11.

KAPAG MAY PROBLEMA TAYO SA PINANSIYAL

Kapag nahihirapan tayong maghanap ng trabaho, mapapatibay tayo kung aalalahanin natin ang mga pangako ni Jehova na paglalaanan niya tayo (Tingnan ang parapo 13-15)

13. Ano ang posibleng maramdaman ng isang ulo ng pamilya dahil sa pagkawala ng trabaho?

13 Gusto ng bawat ulo ng pamilya na mailaan ang pangangailangan ng pamilya niya. Pero paano kung masesante ang isang brother kahit wala naman siyang ginawang mali? Nagsikap siyang maghanap ng ibang trabaho pero wala siyang makita. Dahil dito, baka maramdaman niyang wala na siyang silbi. Paano makakatulong sa kaniya ang pag-iisip tungkol sa mga pangako ni Jehova?

14. Ano-ano ang dahilan kung bakit tinutupad ni Jehova ang mga pangako niya?

14 Laging tinutupad ni Jehova ang mga pangako niya. (Jos. 21:45; 23:14) May mga dahilan siya kung bakit niya ginagawa ito. Una, nakataya rito ang pangalan, o reputasyon, niya. Nangako si Jehova na hindi niya pababayaan ang tapat na mga lingkod niya, at itinuturing niyang obligasyon ang pagtupad sa pangakong ito. (Awit 31:1-3) Karagdagan pa, alam ni Jehova na malulungkot at masasaktan tayo kapag pinabayaan niya tayo na bahagi ng pamilya niya. Nangangako siyang ilalaan niya ang materyal at espirituwal na pangangailangan natin, at walang makakapigil sa kaniya sa pagtupad ng pangakong iyan!—Mat. 6:30-33; 24:45.

15. (a) Ano ang naging problema ng unang-siglong mga Kristiyano? (b) Ano ang tinitiyak sa atin ng Awit 37:18, 19?

15 Kapag lagi nating iniisip kung bakit tinutupad ni Jehova ang mga pangako niya, titibay ang pagtitiwala natin na tutulungan niya tayo kapag may problema tayo sa pinansiyal. Tingnan ang nangyari sa unang-siglong mga Kristiyano. Nang pag-usigin ang kongregasyon sa Jerusalem, “ang lahat maliban sa mga apostol ay nangalat.” (Gawa 8:1) Isipin na lang kung gaano kahirap ang naging buhay nila dahil dito! Malamang na nawalan sila ng bahay at hanapbuhay. Pero hindi sila pinabayaan ni Jehova; hindi rin nawala ang kagalakan nila. (Gawa 8:4; Heb. 13:5, 6; Sant. 1:2, 3) Tinulungan ni Jehova ang tapat na mga Kristiyanong iyon, kaya tutulungan din niya tayo.​—Basahin ang Awit 37:18, 19.

KAPAG MAY-EDAD NA TAYO AT LIMITADO NA ANG NAGAGAWA

Kung gagawin natin kung ano ang kaya natin kahit may-edad na tayo, makakatiyak tayong pahahalagahan tayo ni Jehova at ang ating tapat na paglilingkod (Tingnan ang parapo 16-18)

16. Kailan natin posibleng maramdaman na hindi na mahalaga kay Jehova ang paglilingkod natin?

16 Kapag tumatanda na tayo, baka maisip nating wala na tayong maibibigay kay Jehova. Malamang na naramdaman din iyan ni Haring David noong matanda na siya. (Awit 71:9) Paano tayo matutulungan ni Jehova?

17. Ano ang matututuhan natin sa karanasan ng sister na si Jheri?

17 Tingnan ang karanasan ng sister na si Jheri. Inimbitahan siyang dumalo sa isang maintenance training sa Kingdom Hall, pero ayaw niyang pumunta. Sinabi niya: “Matanda na ako, biyuda, at wala akong skill na magagamit ni Jehova. Wala akong silbi.” Noong gabi bago ang training, sinabi niya kay Jehova sa panalangin ang lahat ng niloloob niya. Pagdating niya sa Kingdom Hall kinabukasan, iniisip pa rin niya kung dapat bang nandoon siya. Pero sa programa, idiniin ng isang tagapagsalita na ang pinakamahalagang skill natin ay ang pagiging handang maturuan ni Jehova. Ikinuwento ni Jheri: “Naisip ko, ‘Meron akong ganiyang skill!’ Naiyak ako dahil sinagot ni Jehova ang panalangin ko. Parang sinasabi niya sa akin na may maibibigay ako at handa siyang turuan ako!” Sinabi pa ni Jheri: “Bago ang programa, kinakabahan ako, nalulungkot, at pinanghihinaan ng loob. Pero sa training na iyon, napatibay ako, nagkaroon ng kumpiyansa, at naramdaman kong mahalaga ako.”

18. Paano ipinapakita sa Bibliya na mahalaga pa rin kay Jehova ang paglilingkod natin kahit matanda na tayo?

18 Kahit matanda na tayo, makakatiyak tayong gagamitin pa rin tayo ni Jehova. (Awit 92:12-15) Itinuro ni Jesus na kahit pakiramdam natin ay hindi mahalaga ang paglilingkod natin, pinapahalagahan ni Jehova anuman ang magagawa natin para sa kaniya. (Luc. 21:2-4) Kaya gawin kung ano ang kaya mo. Halimbawa, kaya mo pa ring magpatotoo tungkol kay Jehova, ipanalangin ang mga kapatid, at patibayin ang iba na manatiling tapat. Itinuturing ka ni Jehova na kamanggagawa niya, hindi dahil sa nagagawa mo, kundi dahil sa pagiging handa mong sumunod sa kaniya.​—1 Cor. 3:5-9.

19. Ano ang tinitiyak sa atin ng Roma 8:38, 39?

19 Nagpapasalamat tayo na si Jehova ang sinasamba natin, isang Diyos na talagang nagpapahalaga sa mga lingkod niya. Nilalang niya tayo para gawin ang kalooban niya, at ang paglilingkod sa kaniya ang nagpapasaya sa atin. (Apoc. 4:11) Kahit na walang halaga ang tingin sa atin ng mundong ito, hindi tayo ikinahihiya ni Jehova. (Heb. 11:16, 38) Kapag nasisiraan tayo ng loob dahil sa sakit, problema sa pinansiyal, o pagtanda, lagi nating tandaan na walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng ating Ama sa langit.​—Basahin ang Roma 8:38, 39.

^ par. 5 Naramdaman mo na ba minsan na parang wala kang halaga? Ipapaalala sa iyo ng artikulong ito kung gaano ka kahalaga kay Jehova. Tatalakayin din dito kung ano ang puwede mong gawin para hindi mawala ang paggalang mo sa sarili anuman ang mangyari sa buhay mo.

AWIT 30 Aking Kaibigan, Diyos, at Ama