ARALING ARTIKULO 4
Ang Itinuturo ng Simpleng Hapunan Tungkol sa Isang Hari sa Langit
“Ito ay nangangahulugan ng aking katawan. . . . Ito ay nangangahulugan ng aking ‘dugo ng tipan.’”—MAT. 26:26-28.
AWIT 16 Purihin si Jehova Dahil sa Kaniyang Pinahiran
NILALAMAN a
1-2. (a) Bakit hindi nakapagtataka na isang simpleng paraan ang ibinigay ni Jesus para alalahanin ang kamatayan niya? (b) Anong mga katangian ni Jesus ang tatalakayin natin?
MAILALARAWAN mo ba kung ano ang nangyayari sa taunang Memoryal ng kamatayan ni Kristo? Tiyak na madali lang para sa marami sa atin na maalaala ang mga detalye ng Hapunan ng Panginoon. Bakit? Dahil isa itong napakasimpleng hapunan. Pero napakahalaga nito. Kaya baka maitanong natin, ‘Bakit napakasimple nito?’
2 Noong narito si Jesus sa lupa, nagturo siya ng mahahalagang katotohanan sa paraang simple, malinaw, at madaling maintindihan. (Mat. 7:28, 29) Kaya naman, binigyan niya tayo ng isang simple pero makabuluhang paraan para alalahanin b ang kamatayan niya. Suriin natin ang hapunang iyan ng Memoryal, pati na ang ilang bagay na sinabi at ginawa ni Jesus. Sa paggawa nito, mas mapapahalagahan natin ang kapakumbabaan, lakas ng loob, at pag-ibig ni Jesus, at matututo tayong tularan siya nang higit.
MAPAGPAKUMBABA SI JESUS
3. Gaya ng nakaulat sa Mateo 26:26-28, gaano kasimple ang hapunan ng Memoryal na pinasimulan ni Jesus, at saan sumasagisag ang dalawang bagay na ginamit niya?
3 Kasama ni Jesus ang kaniyang 11 tapat na apostol nang pasimulan niya ang Memoryal ng kaniyang kamatayan. Ginamit niya ang mga natira mula sa hapunan ng Paskuwa para sa simpleng okasyong ito. (Basahin ang Mateo 26:26-28.) Pagkakuha ni Jesus sa tinapay na walang lebadura at sa alak, sinabi niya sa mga apostol na sumasagisag ang dalawang bagay na ito sa kaniyang perpektong katawan at dugo, na ihahandog niya para sa kanila. Malamang na hindi nagulat ang mga apostol sa pagiging simple ng mahalagang okasyong ito. Bakit?
4. Paano nakatulong ang payo ni Jesus kay Marta para maunawaan natin kung bakit ginawang simple ni Jesus ang hapunan ng Memoryal?
4 Pag-isipan ang nangyari mga ilang buwan bago ang gabing iyon. Noong ikatlong taon ng ministeryo ni Jesus, bumisita siya sa bahay ng mga kaibigan niyang sina Lazaro, Marta, at Maria. Nang dumating si Jesus, nagsimula siyang magturo. Nandoon din si Marta pero abala siya sa paghahanda ng espesyal na pagkain para sa espesyal na bisita niya. Nakita ito ni Jesus, kaya may kabaitan niyang pinayuhan si Marta para maintindihan nito na hindi naman palaging kailangan ang magarbong handa. (Luc. 10:40-42) Nang maglaon, mga ilang oras bago ang kamatayan niya, ginawa mismo ni Jesus ang ipinayo niya. Ginawa niyang simple ang hapunan ng Memoryal. Ano ang matututuhan natin dito tungkol kay Jesus?
5. Ano ang ipinapakita ng simpleng hapunan na ito tungkol kay Jesus, at paano ito idiniriin sa Filipos 2:5-8?
5 Mapagpakumbaba si Jesus sa lahat ng sinasabi at ginagawa niya. Kaya hindi kataka-taka ang kapakumbabaang ipinakita niya noong huling gabi niya sa lupa. (Mat. 11:29) Alam niya na malapit na niyang gawin ang pinakamalaking sakripisyo sa kasaysayan ng tao at na bubuhayin siyang muli ni Jehova sa langit para maging Hari. Pero hindi niya ibinaling ang pansin sa sarili niya; hindi niya ginawang komplikado ang pag-alaala sa kamatayan niya. Sa halip, sinabi niya sa mga alagad na dapat nila siyang alalahanin bawat taon sa pamamagitan ng simpleng hapunang ito. (Juan 13:15; 1 Cor. 11:23-25) Ipinapakita ng simple pero mahalagang hapunang ito na si Jesus ay hindi mayabang. Masaya tayo dahil kapakumbabaan ang isa sa namumukod-tanging katangian ng ating makalangit na Hari.—Basahin ang Filipos 2:5-8.
6. Paano natin matutularan ang kapakumbabaan ni Jesus kapag napapaharap tayo sa mga pagsubok?
6 Paano natin matutularan ang kapakumbabaan ni Jesus? Sa pamamagitan ng pag-una sa kapakanan ng iba. (Fil. 2:3, 4) Isipin ang huling gabi ni Jesus sa lupa. Alam ni Jesus na malapit na siyang dumanas ng masakit na kamatayan, pero mas nag-alala pa siya para sa kaniyang tapat na mga apostol na maiiwan niya. Kaya noong gabing iyon, tinuruan at pinatibay niya sila. (Juan 14:25-31) Mapagpakumbaba si Jesus dahil mas nagmalasakit siya sa iba kaysa sa sarili niya. Isa ngang napakahusay na halimbawa para sa atin!
MALAKAS ANG LOOB NI JESUS
7. Matapos pasimulan ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon, paano siya nagpakita ng lakas ng loob?
7 Matapos pasimulan ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon, nagpakita siya ng matinding lakas ng loob. Paano? Ginawa ni Jesus ang kalooban ng kaniyang Ama, kahit alam niyang daranas siya ng kahiya-hiyang kamatayan dahil sa paratang na pamumusong. (Mat. 26:65, 66; Luc. 22:41, 42) Nanatiling tapat si Jesus para maparangalan ang pangalan ni Jehova, maitaguyod ang soberanya ng Diyos, at mabuksan ang daan tungo sa buhay na walang hanggan para sa mga nagsisisi. Inihanda rin ni Jesus ang mga tagasunod niya sa mga mapapaharap sa kanila.
8. (a) Ano ang sinabi ni Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol? (b) Paano tinularan ng mga alagad ni Jesus ang kaniyang lakas ng loob?
8 Nagpakita rin ng lakas ng loob si Jesus nang magpokus siya sa pangangailangan ng kaniyang tapat na mga apostol imbes na sa mga álalahanín niya. Ang simpleng hapunan, na pinasimulan matapos paalisin si Hudas, ay magpapaalaala sa magiging mga pinahirang tagasunod ni Jesus kung paano sila makikinabang sa itinigis na dugo niya at sa pagkakaroon nila ng bahagi sa bagong tipan. (1 Cor. 10:16, 17) Para tulungan silang maging karapat-dapat sa makalangit na posisyon, sinabi ni Jesus kung ano ang inaasahan niya at ng kaniyang Ama sa kanila. (Juan 15:12-15) Sinabi rin ni Jesus sa mga apostol na may mga pagsubok na darating. Pagkatapos, pinasigla niya sila na tularan ang halimbawa niya at ‘lakasan ang kanilang loob.’ (Juan 16:1-4a, 33) Pagkalipas ng maraming taon, tinutularan pa rin ng mga alagad ni Jesus ang kaniyang pagsasakripisyo at lakas ng loob. Kahit magdusa, sinuportahan nila ang isa’t isa sa harap ng iba’t ibang pagsubok.—Heb. 10:33, 34.
9. Paano natin matutularan ang lakas ng loob ni Jesus?
9 Sa ngayon, tinutularan din natin ang lakas ng loob ni Jesus. Halimbawa, kailangan ang lakas ng loob para tumulong sa mga kapatid na pinag-uusig dahil sa pananampalataya. Minsan, di-makatarungang ibinibilanggo ang ating mga kapatid. Kapag nangyari iyan, dapat nating gawin ang lahat ng magagawa natin para sa kanila, kasama na ang pagtatanggol sa kanila. (Fil. 1:14; Heb. 13:19) Makapagpapakita rin tayo ng lakas ng loob kung patuloy tayong mangangaral “nang may katapangan.” (Gawa 14:3) Gaya ni Jesus, determinado tayong ipangaral ang mensahe ng Kaharian, kahit salansangin at pag-usigin tayo ng mga tao. Pero minsan, humihina ang ating loob. Ano ang puwede nating gawin?
10. Bago ang Memoryal, ano ang dapat nating gawin, at bakit?
10 Mapalalakas natin ang ating loob kung iisipin natin ang pag-asa na naging posible dahil sa haing pantubos ni Kristo. (Juan 3:16; Efe. 1:7) Ilang linggo bago ang Memoryal, may espesyal tayong pagkakataon para mapalalim ang pagpapahalaga natin sa pantubos. Sa mga linggong iyon, sundan ang iskedyul sa pagbabasa ng Bibliya sa Memoryal at bulay-bulayin ang mga pangyayari noong malapit nang mamatay si Jesus. Sa gayon, kapag nagtipon tayo sa mismong Hapunan ng Panginoon, mas mauunawaan natin ang kahalagahan ng mga emblema sa Memoryal at ang walang-kapantay na sakripisyong isinasagisag nito. Kapag naunawaan natin ang ginawa ni Jesus at ni Jehova para sa atin, pati na ang pakinabang natin dito at ng mga mahal natin, mas titibay ang pag-asa natin at mapapakilos tayong lakas-loob na magbata hanggang sa wakas.—Heb. 12:3.
11-12. Ano na ang natutuhan natin?
11 Nalaman natin na hindi lang ipinaaalaala sa atin ng Hapunan ng Panginoon ang kahalagahan ng pantubos; ipinaaalaala rin nito ang kapakumbabaan at lakas ng loob ni Jesus. Talagang nagpapasalamat tayo na patuloy na ipinapakita ni Jesus ang mga katangiang ito bilang ating makalangit na Mataas na Saserdote, na nakikiusap para sa atin! (Heb. 7:24, 25) Para ipakita ang ating taos-pusong pasasalamat, dapat nating patuloy na alalahanin ang kamatayan ni Jesus, gaya ng iniutos niya. (Luc. 22:19, 20) Ginagawa natin ito sa araw na katumbas ng Nisan 14, ang pinakamahalagang petsa ng taon.
12 Mayroon pa tayong matututuhan sa simpleng Hapunan ng Panginoon—ang katangiang nagpakilos kay Jesus na mamatay para sa atin. Kilala siya sa katangiang ito noong narito siya sa lupa. Ano ito?
MAIBIGIN SI JESUS
13. Paano inilalarawan ng Juan 15:9 at 1 Juan 4:8-10 ang pag-ibig na ipinakita ni Jehova at ni Jesus, at sino ang nakikinabang sa pag-ibig nila?
13 Sa lahat ng ginawa ni Jesus, lubusan niyang tinularan ang pag-ibig ni Jehova sa atin. (Basahin ang Juan 15:9; 1 Juan 4:8-10.) Lalo niya itong naipakita nang kusang-loob niyang ibigay ang kaniyang buhay para sa atin. Tayo man ay kabilang sa mga pinahiran o sa “ibang mga tupa,” nakikinabang tayo sa pag-ibig na ipinakita ni Jehova at ng kaniyang Anak sa pamamagitan ng pantubos. (Juan 10:16; 1 Juan 2:2) Pag-isipan din ang mga bagay na ginamit sa hapunan ng Memoryal; makikita rito ang pag-ibig at konsiderasyon ni Jesus sa mga alagad niya. Paano?
14. Paano nagpakita ng pag-ibig si Jesus sa kaniyang mga alagad?
14 Nagpakita ng pag-ibig si Jesus sa pinahirang mga tagasunod niya sa pamamagitan ng pagpapasimula ng isang simpleng hapunan na ipagdiriwang nila, hindi ng isang komplikadong ritwal. Sa paglipas ng panahon, ipinagdiwang ng mga pinahirang alagad ang Memoryal taon-taon sa ilalim ng iba’t ibang kalagayan, kahit sa bilangguan. (Apoc. 2:10) Nagawa ba nila ang utos ni Jesus? Oo naman!
15-16. Paano inalaala ng ilan ang Hapunan ng Panginoon sa kabila ng mahihirap na kalagayan?
15 Hanggang ngayon, sinisikap pa rin ng mga tunay na Kristiyano na alalahanin ang kamatayan ni Jesus. Sinusunod nila hangga’t maaari ang paraan ng pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon kahit sa mahihirap na sitwasyon. Pansinin ang sumusunod na halimbawa. Habang nasa bartolina sa isang kulungan sa China, kailangang maging mapamaraan ni Brother Harold King. Patago siyang naghanda ng mga emblema sa Memoryal gamit ang mga bagay na mayroon siya. Maingat din niyang kinalkula ang petsa ng Memoryal. Nang oras na para pasimulan ito, umawit siya, nanalangin, at nagpahayag kahit mag-isa sa selda.
16 Nariyan din ang halimbawa ng isang grupo ng mga sister na ibinilanggo sa kampong piitan noong Digmaang Pandaigdig II. Isinapanganib nila ang kanilang buhay para alalahanin ang Hapunan ng Panginoon. Dahil simple lang ang hapunang ito, naidaos nila ang Memoryal nang patago. Ganito ang sinabi nila: “Nakapalibot kami sa isang patungan ng paa na tinakpan ng puting tela. Dito nakapatong ang mga emblema. Kandila lang ang ginamit namin, dahil mahuhuli kami kung magbubukas kami ng ilaw. . . . Muli naming binigkas ang taos-pusong panata namin sa ating Ama na gamitin ang buong lakas namin para ipagbangong-puri ang kaniyang banal na pangalan.” Napakatibay ng pananampalataya nila! Mahal talaga tayo ni Jesus dahil ginawa niyang posible para sa atin na alalahanin ang Memoryal kahit sa mahihirap na kalagayan!
17. Anong mga tanong ang puwede nating pag-isipan?
17 Habang papalapit ang Memoryal, makabubuting itanong sa ating sarili: ‘Paano ko mas matutularan si Jesus sa pagpapakita ng pag-ibig? Mas inuuna ko ba ang pangangailangan ng mga kapatid kaysa sa sarili ko? Sobra-sobra ba ang inaasahan ko sa mga kapatid, o alam ko ang mga limitasyon nila?’ Lagi sana nating tularan si Jesus at magpakita ng “pakikipagkapuwa-tao.”—1 Ped. 3:8.
TANDAAN ANG ARAL
18-19. (a) Sa ano tayo makasisiguro? (b) Ano ang determinado mong gawin?
18 Di-magtatagal at hindi na natin ipagdiriwang ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Kapag “dumating” na si Jesus sa malaking kapighatian, titipunin niya sa langit “ang kaniyang mga pinili,” at ititigil na ang pag-alaala sa Memoryal.—1 Cor. 11:26; Mat. 24:31.
19 Pero kahit hindi na aalalahanin ang hapunan ng Memoryal, siguradong hindi malilimutan ng bayan ni Jehova ang simpleng hapunan na iyon, na sagisag ng pinakadakilang kapakumbabaan, lakas ng loob, at pag-ibig na naipakita ng isang tao. Sa panahong iyon, tiyak na ikukuwento nila sa iba ang espesyal na hapunang iyon para makinabang sila. Pero para makinabang din tayo ngayon pa lang, dapat na maging determinado tayong tularan ang kapakumbabaan, lakas ng loob, at pag-ibig ni Jesus. Kung gagawin natin ito, makapagtitiwala tayong gagantimpalaan tayo ni Jehova.—2 Ped. 1:10, 11.
AWIT 13 Si Kristo ang Ating Huwaran
a Malapit na tayong dumalo sa Hapunan ng Panginoon para alalahanin ang kamatayan ni Jesu-Kristo. Matututuhan natin sa simpleng hapunan na ito ang kapakumbabaan, lakas ng loob, at pag-ibig ni Jesus. Sa artikulong ito, tatalakayin kung paano natin matutularan ang magagandang katangian niya.
b KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang terminong alalahanin, kapag iniuugnay sa kamatayan ni Jesus, ay nangangahulugang gumawa ng isang bagay na espesyal para maalaala at maparangalan ang isang mahalagang pangyayari o tao.
c LARAWAN: Pagsasadula kung paano ipinagdiwang ng tapat na mga lingkod ang Memoryal noong unang siglo; noong mga huling dekada ng 1800; sa kampong piitan ng mga Nazi; at sa ngayon, sa isang simple at walang dingding na Kingdom Hall sa isang mainit na bansa sa South America.