Nauudyukan Ka Ba ng “Di-mailarawang Kaloob” ng Diyos?
“Salamat sa Diyos dahil sa kaniyang di-mailarawang kaloob na walang bayad.”—2 COR. 9:15.
AWIT: 121, 63
1, 2. (a) Ano ang kasama sa ibinigay ng Diyos na “di-mailarawang kaloob na walang bayad”? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
NANG isugo ni Jehova sa lupa ang kaniyang bugtong na Anak, ibinigay Niya ang pinakadakilang kaloob ng pag-ibig! (Juan 3:16; 1 Juan 4:9, 10) Ang ibinigay na ito ng Diyos ay tinawag ni apostol Pablo na “di-mailarawang kaloob na walang bayad.” (2 Cor. 9:15) Bakit ginamit ni Pablo ang pananalitang iyon?
2 Alam ni Pablo na ang hain ni Kristo ay garantiya na matutupad ang lahat ng kamangha-manghang pangako ng Diyos. (Basahin ang 2 Corinto 1:20.) Kaya kasama sa “di-mailarawang kaloob na walang bayad” ang lahat ng kabutihan at matapat na pag-ibig na ilalaan sa atin ni Jehova sa hinaharap sa pamamagitan ni Jesus. Oo, talagang kamangha-mangha ang kaloob na ito at hindi lubusang mailalarawan ng isip ng tao. Paano dapat makaapekto sa atin ang di-mapapantayang kaloob na ito? At udyok nito, ano-ano ang dapat nating gawin habang naghahanda tayo sa pagdiriwang ng Memoryal ng kamatayan ni Kristo sa Marso 23, 2016, araw ng Miyerkules?
NATATANGING KALOOB NG DIYOS
3, 4. (a) Ano ang nadarama mo kapag may nagbigay sa iyo ng regalo? (b) Paano maaaring mabago ng isang natatanging regalo ang iyong buhay?
3 Kapag nakatanggap ka ng regalo, tiyak na masayang-masaya ka. Pero may mga regalo na talagang espesyal o natatangi anupat puwedeng magpabago ng buhay. Halimbawa, isiping hinatulan ka ng kamatayan dahil kasangkot ka sa isang krimen. Pero bigla na lang na may isang taong hindi mo kilala na nagboluntaryong siya na lang ang parusahan imbes na ikaw. Handa siyang mamatay para sa iyo! Ano ang madarama mo?
4 Kapag nakatanggap ka ng gayong natatanging regalo, tiyak na mauudyukan kang suriin ang iyong paggawi at baguhin pa nga ang paraan mo ng pamumuhay. Malamang na mapakilos ka na maging mas bukas-palad at maibigin, at patawarin pa nga ang sinumang nagkamali sa iyo. Tiyak na habambuhay mong tatanawin na malaking utang na loob ang sakripisyo ng taong iyon.
5. Bakit di-hamak na nakahihigit ang kaloob ni Jehova na pantubos kaysa sa anumang kaloob?
5 Ang pantubos na ipinagkaloob ni Jehova ay di-hamak na nakahihigit kaysa sa regalong binanggit sa halimbawa. (1 Ped. 3:18) Tingnan kung bakit. Dahil sa minanang kasalanan, napapaharap tayong lahat sa hatol na kamatayan. (Roma 5:12) Udyok ng pag-ibig, isinugo ni Jehova si Jesus sa lupa para “matikman niya ang kamatayan para sa bawat tao.” (Heb. 2:9) Hindi lang iniligtas ni Jehova ang buhay natin ngayon kundi naglaan din siya ng saligan para pawiin magpakailanman ang kamatayan. (Isa. 25:7, 8; 1 Cor. 15:22, 26) Lahat ng nananampalataya kay Jesus ay mabubuhay magpakailanman nang payapa at maligaya bilang makalupang sakop ng Kaharian ng Diyos o, para sa mga pinahiran, bilang mga kasamang tagapamahala ni Kristo sa Kahariang iyon. (Roma 6:23; Apoc. 5:9, 10) Ano pang mga pagpapala ang kasama sa kaloob ni Jehova?
6. (a) Anong mga pagpapala na dulot ng kaloob ni Jehova ang pinananabikan mo? (b) Napakikilos tayo ng kaloob ng Diyos na gawin ang anong tatlong bagay?
6 Bilang bahagi ng kaloob ni Jehova, pagagalingin ang lahat ng sakit, gagawing paraiso ang lupa, at bubuhaying muli ang mga patay. (Isa. 33:24; 35:5, 6; Juan 5:28, 29) Tiyak na mahal natin si Jehova at ang kaniyang Anak dahil sa pagbibigay ng “di-mailarawang kaloob na walang bayad.” Pero ang tanong, Napakikilos tayo ng pag-ibig ng Diyos na gawin ang ano? Isaalang-alang natin kung paano tayo pinakikilos ng pag-ibig ng Diyos na (1) maingat na tularan si Kristo Jesus, (2) ipakitang mahal natin ang ating mga kapatid, at (3) magpatawad mula sa puso.
“ANG PAG-IBIG NA TAGLAY NG KRISTO ANG NAG-UUDYOK SA AMIN”
7, 8. Ano ang dapat nating madama sa pag-ibig ng Kristo, at napakikilos tayo nito na gawin ang ano?
7 Una, dapat tayong maudyukan na gamitin ang ating buhay para kay Kristo Jesus. Sinabi ni apostol Pablo: “Ang pag-ibig na taglay ng Kristo ang nag-uudyok sa amin.” (Basahin ang 2 Corinto 5:14, 15.) Alam ni Pablo na kapag tinanggap natin ang dakilang pag-ibig ng Kristo, nauudyukan tayo nito, o napakikilos, na mamuhay para kay Kristo. Kapag lubusan nating naunawaan ang ginawa ni Jehova para sa atin at napakilos ng kaniyang pag-ibig ang ating puso, nais nating mabuhay nang buong kaluluwa para kay Kristo Jesus. Paano natin ipinakikita ang gayong pagnanais?
8 Pag-ibig kay Jehova ang nag-uudyok sa atin na tularan ang halimbawa ni Kristo, anupat maingat na sinusundan ang kaniyang mga yapak. (1 Ped. 2:21; 1 Juan 2:6) Kapag sinusunod natin ang Diyos at si Kristo, pinatutunayan nating mahal natin sila. Sinabi ni Jesus: “Siya na nagtataglay ng aking mga utos at tumutupad sa mga iyon, ang isang iyon ang siyang umiibig sa akin. Siya naman na umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama, at iibigin ko siya at malinaw na ipakikita sa kaniya ang aking sarili.”—Juan 14:21; 1 Juan 5:3.
9. Anong mga panggigipit ang napapaharap sa atin?
9 Sa panahon ng Memoryal, makabubuting bulay-bulayin natin ang ating paraan ng pamumuhay. Tanungin ang sarili: ‘Sa anong mga paraan ko natutularan si Jesus? Ano pa ang puwede kong pasulungin?’ Napakahalaga ng pagsusuring ito dahil patuloy tayong ginigipit ng sanlibutan na tularan ang paraan ng pamumuhay nila. (Roma 12:2) Kung hindi tayo mag-iingat, baka maging sunod-sunuran tayo sa pilosopiya ng sanlibutang ito, pati na sa mga artista at manlalaro. (Col. 2:8; 1 Juan 2:15-17) Paano natin malalabanan ang gayong mga panggigipit?
10. Ano-ano ang puwede nating itanong sa sarili sa panahong ito ng Memoryal? Napakikilos tayo nito na gawin ang ano? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
10 Sa panahon ng Memoryal, makabubuting suriin natin ang ating mga damit, pelikula, at musika, pati na ang mga materyal na nasa ating mga computer, smartphone, at tablet. Tanungin ang sarili: ‘Kung makikita ako ni Jesus na suot ang damit na ito, mahihiya kaya ako sa kaniya?’ (Basahin ang 1 Timoteo 2:9, 10.) ‘Kung ito ang suot ko, iisipin kaya ng mga tao na tagasunod ako ni Kristo Jesus? Matutuwa kaya si Jesus na panoorin ang pelikulang ito o pakinggan ang musikang ito? Kung hihiramin niya ang cellphone ko o tablet, mahihiya ba ako sa makikita niya roon? Mahihirapan kaya akong ipaliwanag kay Jesus kung bakit ko nae-enjoy ang mga video game na nilalaro ko?’ Dapat tayong mapakilos ng pag-ibig natin kay Jehova na alisin o itapon ang anumang bagay na hindi angkop para sa isang alagad ni Kristo, gaano man ito kamahal. (Gawa 19:19, 20) Nang mag-alay tayo kay Jehova, nangako tayong hindi na tayo mabubuhay para sa ating sarili kundi para kay Kristo. Kaya hindi tayo dapat magtago ng anumang bagay na makahahadlang sa atin sa pagsunod kay Kristo.—Mat. 5:29, 30; Fil. 4:8.
11. (a) Paano tayo napakikilos ng ating pag-ibig kay Jehova at kay Jesus may kinalaman sa pangangaral? (b) Paano tayo mauudyukan ng ating pag-ibig na tulungan ang iba sa kongregasyon?
11 Dahil sa pag-ibig natin kay Jesus, napakikilos din tayo na maging masigasig sa pangangaral at paggawa ng mga alagad. (Mat. 28:19, 20; Luc. 4:43) Sa panahon ng Memoryal, may pagkakataon tayong mag-auxiliary pioneer at gumugol ng 30 o 50 oras sa pangangaral. Puwede mo bang i-adjust ang iyong iskedyul para magawa ito? Isang balo na 84 na taóng gulang ang nag-iisip na hindi na niya kayang mag-auxiliary pioneer dahil sa edad niya at mahinang pangangatawan. Pero tinulungan siya ng mga payunir na malapit sa lugar nila. Naglaan sila ng transportasyon at pumili ng teritoryong puwede niyang gawin para maabot ang tunguhin niyang 30 oras. Puwede mo bang tulungan ang sinuman sa inyong kongregasyon para makapag-auxiliary pioneer siya sa panahon ng Memoryal? Siyempre pa, hindi naman lahat ay may kakayahang mag-auxiliary pioneer. Pero puwede nating gamitin ang ating panahon at lakas para dagdagan ang ating paglilingkod kay Jehova. Kung gagawin natin ito, ipinakikita nating napakikilos din tayo ng pag-ibig ng Kristo tulad ni Pablo. Ano pa ang maaari nating gawin udyok ng pag-ibig ng Diyos?
PANANAGUTAN NATING IBIGIN ANG ISA’T ISA
12. Nauudyukan tayo ng pag-ibig ng Diyos na gawin ang ano?
12 Ikalawa, dapat tayong maudyukan ng pag-ibig ng Diyos na ibigin ang ating mga kapatid. Kinilala ito ni apostol Juan. Sumulat siya: “Mga minamahal, kung sa ganitong paraan tayo inibig ng Diyos, kung gayon tayo mismo ay may pananagutan na mag-ibigan sa isa’t isa.” (1 Juan 4:7-11) Kaya kung tinatanggap natin ang pag-ibig ng Diyos, kailangan nating ibigin ang ating mga kapatid. (1 Juan 3:16) Paano natin ipakikitang mahal natin sila?
13. Anong halimbawa ang iniwan ni Jesus tungkol sa pagpapakita ng pag-ibig sa iba?
13 Tingnan natin ang halimbawa ni Jesus. Noong nasa lupa siya, tinulungan niya ang mga tao, lalo na ang mga maralita. Pinagaling niya ang mga may kapansanan—mga pilay, bulag, bingi, at pipi. (Mat. 11:4, 5) Gustong-gusto ni Jesus na turuan ang mga nagugutom sa espirituwal—mga taong itinuturing ng mga Judiong lider ng relihiyon bilang mga “isinumpa.” (Juan 7:49) Minahal ni Jesus ang mga taong iyon at sinikap niyang tulungan sila.—Mat. 20:28.
14. Ano ang puwede mong gawin para ipakitang mahal mo ang iyong mga kapatid?
14 Ang panahon ng Memoryal ay magandang pagkakataon din para pag-isipan kung paano ka makatutulong sa mga kapatid sa kongregasyon, lalo na sa mga may-edad na. Puwede mo ba silang dalawin? Puwede mo ba silang dalhan ng pagkain, tulungan sa mga gawaing-bahay, sunduin papunta sa pulong, o yayaing samahan ka sa ministeryo? (Basahin ang Lucas 14:12-14.) Pakilusin nawa tayo ng pag-ibig ng Diyos na ipakitang mahal natin ang ating mga kapatid!
MAGPAKITA NG AWA SA ATING MGA KAPATID
15. Ano ang dapat nating kilalanin?
15 Ikatlo, dapat tayong maudyukan ng pag-ibig ni Jehova na patawarin ang ating mga kapatid. Bilang mga inapo ni Adan, lahat tayo ay nagmana ng kasalanan at kamatayan. Walang sinuman sa atin ang makapagsasabi, “Hindi ko kailangan ang pantubos.” Kahit ang pinakamatapat na lingkod ng Diyos ay nangangailangan ng kaloob na pantubos. Dapat kilalanin ng bawat isa sa atin na pinatawad tayo mula sa isang malaking pagkakautang. Bakit ito mahalaga? Makikita ang sagot sa isang talinghaga ni Jesus.
16, 17. (a) Ano ang matututuhan natin sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa hari at sa mga alipin? (b) Matapos bulay-bulayin ang ilustrasyon ni Jesus, ano ang determinado mong gawin?
16 Ikinuwento ni Jesus kung paano pinatawad ng isang hari ang kaniyang alipin mula sa isang malaking pagkakautang—10,000 talento, o 60,000,000 denario. Pero hindi pinatawad ng aliping iyon ang kaniyang kapuwa alipin na mas maliit ang utang sa kaniya, 100 denario. Galít na galít ang hari nang malamang hindi pinatawad ng kaniyang alipin ang kapuwa alipin nito. Sinabi ng hari: “Balakyot na alipin, kinansela ko ang lahat ng utang na iyon para sa iyo, nang mamanhik ka sa akin. Hindi ba dapat na ikaw naman ay maawa sa iyong kapuwa alipin, kung paanong ako rin ay naawa sa iyo?” (Mat. 18:23-35) Dapat sana’y naudyukan ang alipin na patawarin ang kaniyang kapuwa alipin dahil pinatawad siya ng hari. Kaya ano rin ang dapat nating gawin udyok ng pag-ibig at awa ni Jehova?
17 Sa panahon ng Memoryal, makabubuting suriin natin ang ating sarili kung may kinikimkim tayong sama ng loob sa kapatid natin. Kung mayroon, napakagandang pagkakataon ito para tularan si Jehova na “handang magpatawad.” (Awit 86:5; Neh. 9:17) Kung pinahahalagahan natin ang ginawa ni Jehova para mapatawad ang malaking pagkakautang natin, nanaisin nating lubusang patawarin din ang iba. Hindi tayo iibigin at patatawarin ng Diyos kung hindi natin iibigin at patatawarin ang ating mga kapatid. (Mat. 6:14, 15) Totoo, hindi mababago ng pagpapatawad ang nakalipas, pero tutulong ito sa atin na maging mas maligaya sa hinaharap.
18. Paano nakatulong sa isang sister ang pag-ibig ng Diyos para mapagtiisan ang isa pang sister?
18 Para sa marami sa atin, hindi madaling “pagtiisan” ang mga kapatid. (Basahin ang Colosas 3:13, 14; Efeso 4:32.) Halimbawa, tinutulungan ni Lily, na isang dalaga, ang isang biyudang sister na nagngangalang Carol. [1] Ipinagmamaneho ni Lily si Carol, tinutulungan sa pamimili at sa maraming iba pang bagay. Sa kabila nito, laging nagrereklamo si Carol at mahirap pakisamahan. Pero ang tiningnan ni Lily ay ang mabubuting katangian ni Carol. Sa loob ng ilang taon, patuloy niyang tinulungan si Carol hanggang sa magkasakit ito nang malubha at mamatay. Sinabi ni Lily: “Nasasabik akong makita si Carol kapag binuhay siyang muli. Gusto ko siyang makilala nang higit kapag sakdal na siya.” Oo, mauudyukan tayo ng pag-ibig ng Diyos na pagtiisan ang mga kapatid at panabikan ang panahon kapag wala na ang di-kasakdalan ng tao.
19. Paano ka mapakikilos ng “di-mailarawang kaloob na walang bayad” na ibinigay ng Diyos?
19 Talagang “di-mailarawang kaloob na walang bayad” ang ibinigay sa atin ni Jehova. Lagi nawa nating pahalagahan ang pambihirang kaloob na ito. Sa panahong ito ng Memoryal, napakagandang bulay-bulayin ang lahat ng ginawa ni Jehova at ni Jesus para sa atin. Oo, mapakilos nawa tayo ng kanilang pag-ibig na maingat na tularan si Jesus, ipakitang mahal natin ang ating mga kapatid, at patawarin ang mga kapatid natin mula sa puso.
^ [1] (parapo 18) Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.