ARALING ARTIKULO 52
Sanayin ang Inyong Anak na Ibigin si Jehova
“Ang mga anak ay mana mula kay Jehova.”—AWIT 127:3.
AWIT 134 Mga Anak—Ipinagkatiwala ng Diyos
NILALAMAN a
1. Ano ang ipinagkatiwala ni Jehova sa mga magulang?
NANG lalangin ni Jehova ang unang mag-asawa, binigyan niya sila ng pagnanais na magkaanak. Kaya naman sinasabi ng Bibliya: “Ang mga anak ay mana mula kay Jehova.” (Awit 127:3) Ano ang ibig sabihin nito? Ipagpalagay nang ipinagkatiwala sa iyo ng isang matalik na kaibigan ang malaking halaga ng pera. Ano ang mararamdaman mo? Malamang na matutuwa ka. Pero baka mag-alala ka kung paano mo iingatan ang malaking halagang iyon. Di-hamak na mas mahalaga pa sa pera ang ipinagkatiwala ni Jehova, ang pinakamatalik nating Kaibigan, sa mga magulang. Ipinagkatiwala niya sa kanila ang pananagutang alagaan at tiyaking magiging masaya ang mga anak nila.
2. Ano-anong tanong ang tatalakayin natin?
2 Sino ang magpapasiya kung mag-aanak ang mag-asawa at kung kailan sila mag-aanak? At ano ang puwedeng gawin ng mga magulang para maging masaya ang mga anak nila? Tingnan natin ang ilang prinsipyo sa Bibliya na makakatulong sa mga mag-asawang Kristiyano para makapagpasiya nang tama.
IGALANG ANG DESISYON NG MAG-ASAWA
3. (a) Sino ang dapat magpasiya kung mag-aanak ang mag-asawa? (b) Anong prinsipyo sa Bibliya ang dapat tandaan ng mga kaibigan at kapamilya ng mag-asawa?
3 Sa ilang kultura, inaasahang mag-aanak agad ang mga bagong mag-asawa. Baka nga pilitin pa sila ng mga kapamilya nila at ng iba pa na mag-anák agad. Ang sabi nga ni Jethro, isang brother sa Asia, “Sa kongregasyon namin, pinipilit ng ilang may anak ang mga mag-asawang walang anak na magpamilya.” Ganito naman ang sabi ni Jeffrey, isa pang brother sa Asia, “May nagsasabi sa mga mag-asawang walang anak na walang mag-aalaga sa kanila sa pagtanda nila.” Pero ang mag-asawa ang dapat magpasiya kung mag-aanak sila. Pananagutan nila iyon. (Gal. 6:5, tlb.) Siyempre pa, gusto lang naman ng mga kaibigan nila at kapamilya na maging masaya sila. Pero dapat tandaan ng mga ito na ang mag-asawa ang magpapasiya.—1 Tes. 4:11.
4-5. Anong dalawang tanong ang magandang pag-usapan ng mag-asawa, at kailan ito dapat gawin? Ipaliwanag.
4 Kapag gustong magkaanak ng mag-asawa, magandang pag-usapan muna nila ang dalawang tanong: Una, kailan nila gustong magkaanak? Ikalawa, ilan ang gusto nilang anak? Kailan nila ito dapat pag-usapan? At bakit napakahalaga nito?
5 Karaniwan nang mas magandang pag-usapan ang tungkol sa pag-aanak bago magpakasal. Bakit? Dahil mahalagang magkapareho ang opinyon ng mag-asawa tungkol dito. Kailangan din nilang pag-usapan kung handa na sila sa pananagutang ito. May mga bagong kasal na nagpapalipas muna ng isa o dalawang taon bago mag-anák. Kasi kapag may anak na sila, dito na mabubuhos ang panahon at lakas nila. At saka gusto rin nila na makapag-adjust muna sa buhay may asawa at magkaroon ng pagkakataon na lalong mapalapít sa isa’t isa.—Efe. 5:33.
6. Ano ang ipinasiya ng ilang mag-asawa dahil sa mahirap na kalagayan ngayon?
6 Tinularan ng ibang mga Kristiyano ang tatlong anak na lalaki ni Noe at ang kani-kanilang asawa. Hindi sila agad nag-anak. (Gen. 6:18; 9:18, 19; 10:1; 2 Ped. 2:5) Itinulad ni Jesus ang panahon natin sa “panahon ni Noe,” at talaga namang “mapanganib at mahirap ang kalagayan” natin ngayon. (Mat. 24:37; 2 Tim. 3:1) Dahil dito, nagpasiya ang ilang mag-asawa na huwag munang mag-anák para mas marami silang panahon sa ministeryo.
7. Paano makakatulong sa mag-asawa ang mga prinsipyo sa Lucas 14:28, 29 at Kawikaan 21:5?
7 Kapag nagpapasiya ang mag-asawa kung mag-aanak sila at kung ilan ang gusto nila, makakabuting ‘kuwentahin nila ang gastusin.’ (Basahin ang Lucas 14:28, 29.) Alam ng mga magulang na talagang magastos ang pagpapalaki ng anak. Kailangan din dito ang panahon at lakas. Kaya mahalagang pag-isipan ng mag-asawa ang mga tanong na ito: ‘Kailangan bang pareho kaming magtrabaho para mabili ang mga pangunahing pangangailangan ng aming pamilya? Magkapareho ba kami sa iniisip naming “mga pangunahing pangangailangan”? Kung pareho kaming magtatrabaho, sino ang mag-aalaga sa mga bata? Sino ang makakaimpluwensiya sa kanila?’ Kapag maayos itong pinag-uusapan ng mga mag-asawa, isinasabuhay nila ang Kawikaan 21:5.—Basahin.
8. Anong mga hamon ang aasahan ng mga mag-asawang Kristiyano, at ano ang gagawin ng mapagmahal na asawang lalaki?
8 Obligasyon ng mga magulang na ibuhos ang kanilang panahon at lakas sa anak nila—kailangan niya ito. Pero kapag sunod-sunod ang anak ng mag-asawa, baka mahirapan silang ibigay sa bawat anak ang atensiyong kailangan nito. Inamin iyan ng ilang mag-asawa. Baka laging pagod na pagod ang nanay. Baka mawalan na rin siya ng lakas para mag-aral, manalangin, at regular na mangaral. Baka hindi na siya nakakapakinig sa mga pulong. Siyempre pa, gagawin ng isang mapagmahal na asawang lalaki ang magagawa niya para makatulong sa pag-aasikaso sa mga bata kapag nasa pulong at nasa bahay. Halimbawa, puwede siyang tumulong sa mga gawaing-bahay. Titiyakin niyang nakikinabang ang buong pamilya sa Family Worship nila linggo-linggo. At regular niya silang sasamahan sa paglilingkod sa larangan.
TURUAN ANG MGA ANAK NA IBIGIN SI JEHOVA
9-10. Ano ang puwedeng gawin ng mga magulang para matulungan ang mga anak nila?
9 Ano-ano ang puwedeng gawin ng mga magulang para matulungan ang mga anak nila na ibigin si Jehova? Paano nila mapoprotektahan ang mga ito mula sa masamang sanlibutan? Tingnan natin ang ilang puwedeng gawin ng mga magulang.
10 Humingi ng tulong kay Jehova. Pansinin ang halimbawa ni Manoa at ng kaniyang asawa, ang mga magulang ni Samson. Nang malaman ni Manoa na magkakaanak sila, nakiusap siya kay Jehova na ituro sa kanila kung paano palalakihin ang bata.
11. Paano matutularan ng mga magulang si Manoa, gaya ng mababasa sa Hukom 13:8?
11 Natuto kay Manoa sina Nihad at Alma, mula sa Bosnia and Herzegovina. Sinabi nila: “Gaya ni Manoa, nakiusap din kami kay Jehova na turuan kaming maging mabuting magulang. At sinagot kami ni Jehova sa iba’t ibang paraan—sa pamamagitan ng Kasulatan, mga literatura sa Bibliya, pulong sa kongregasyon, at kombensiyon.”—Basahin ang Hukom 13:8.
12. Anong magandang halimbawa ang ipinakita nina Jose at Maria sa kanilang mga anak?
12 Magpakita ng magandang halimbawa. Mahalaga ang sinasabi mo; pero mas may epekto sa anak mo ang ginagawa mo. Makakatiyak tayong nagpakita ng magandang halimbawa sina Jose at Maria sa kanilang mga anak, pati na kay Jesus. Nagtrabaho nang husto si Jose para sa pamilya niya. Bukod diyan, tinuruan din niya silang magpahalaga sa espirituwal na mga bagay. (Deut. 4:9, 10) Isinasama ni Jose sa Jerusalem ang pamilya niya “taon-taon” para ipagdiwang ang Paskuwa kahit wala ito sa Kautusan. (Luc. 2:41, 42) Baka itinuturing ng ilang ama noon na nakakapagod, malaking abala, at magastos kapag isinama ang pamilya nila. Pero maliwanag na pinahalagahan ni Jose ang espirituwal na mga bagay at itinuro niya sa mga anak niya na gawin din ito. Alam na alam din ni Maria ang Kasulatan. Sa salita at gawa, siguradong itinuro niya sa kaniyang mga anak na mahalin ang Salita ng Diyos.
13. Paano tinularan ng isang mag-asawa sina Jose at Maria?
13 Gusto nina Nihad at Alma, binanggit kanina, na tularan sina Jose at Maria. Paano ito nakatulong sa kanila na mapalaking umiibig at naglilingkod sa Diyos ang kanilang anak? Sinabi nila, “Sa paraan ng aming pamumuhay, sinikap naming ipakita sa aming anak kung gaano kahalaga ang mga prinsipyo ni Jehova.” Dagdag pa ni Nihad, “Dapat na makita sa iyo ang mga katangiang gusto mong makita sa anak mo.”
14. Bakit kailangang alam ng mga magulang kung sino ang mga kaibigan ng anak nila?
14 Tulungan ang anak na pumili ng mabubuting kaibigan. Kailangang alam ng nanay at tatay kung sino ang mga kaibigan ng anak nila at kung ano ang ginagawa ng mga ito kapag magkakasama. Kasali na riyan ang mga nakakausap niya sa social media at cellphone. Makakaimpluwensiya ang mga ito sa kaniyang pag-iisip at paggawi.—1 Cor. 15:33.
15. Ano ang matututuhan ng mga magulang kay Jessie?
15 Ano ang puwedeng gawin ng mga magulang kung hindi sila masyadong marunong sa computer o cellphone? Sinabi ni Jessie, isang ama sa Pilipinas: “Wala kaming kaalam-alam sa teknolohiya. Pero sinikap pa rin naming ituro sa aming mga anak ang posibleng panganib sa paggamit ng gadyet.” Hindi ipinagbawal ni Jessie ang paggamit ng gadyet dahil lang sa wala siyang kaalam-alam dito. Ipinaliwanag niya: “Sinabi ko sa mga anak ko na gamitin ang gadyet nila para matuto ng bagong wika, maghanda para sa pulong, at magbasa ng Bibliya araw-araw.” Kung isa kang magulang, nabasa mo na ba at naipakipag-usap sa iyong mga anak ang makatuwirang payo tungkol sa pagte-text at pagpo-post ng mga litrato sa Internet na makikita sa seksiyong “Tin-edyer” sa jw.org®? Narepaso mo na ba sa kanila ang mga video na Sino ang May Kontrol—Ikaw o ang Gadyet Mo? at Maging Matalino sa Paggamit ng Social Network? b Napakalaking tulong ng mga iyan kapag itinuturo mo sa iyong mga anak ang tamang paggamit ng gadyet.—Kaw. 13:20.
16. Ano ang ginawa ng maraming magulang, at ano ang resulta?
16 Gumagawa ng paraan ang maraming magulang para makasama ng mga anak nila ang mga nagpapakita ng magandang halimbawa sa paglilingkod sa Diyos. Halimbawa, madalas imbitahan ng mag-asawang N’Déni at Bomine, taga-Côte d’Ivoire, ang tagapangasiwa ng sirkito na tumuloy sa bahay nila. Sinabi ni N’Déni: “Napakaganda ng epekto nito sa anak namin. Nagpayunir siya at naglilingkod na ngayon bilang substitute circuit overseer.” Puwede mo rin bang gawin iyan para sa iyong mga anak?
17-18. Kailan dapat simulan ng mga magulang ang pagsasanay sa mga anak?
17 Sanayin ang mga anak habang bata pa. Sa pagsasanay sa mga anak, mas maaga, mas maganda. (Kaw. 22:6) Tingnan ang halimbawa ni Timoteo, na nakasama ni apostol Pablo sa paglalakbay. Sinanay siya ng nanay niyang si Eunice at ng lola niyang si Loida “mula pa noong sanggol” siya.—2 Tim. 1:5; 3:15.
18 Isa pang halimbawa ang mag-asawang taga-Côte d’Ivoire na sina Jean-Claude at Peace. Napalaki nilang umiibig at naglilingkod kay Jehova ang anim nilang anak. Paano? Tinularan nila sina Eunice at Loida. Sinabi nila, “Itinanim namin sa puso ng mga anak namin ang Salita ng Diyos mula pa noong sanggol sila at halos kapapanganak pa lang sa kanila.”—Deut. 6:6, 7.
19. Ano ang kailangan para maitanim sa puso ng mga anak ang Salita ng Diyos?
19 Ano ang ibig sabihin ng ‘itanim sa puso’ ng inyong mga anak ang Salita ni Jehova? Ibig sabihin, “ituro at ikintal sa pamamagitan ng madalas na pag-uulit.” Para magawa ito, dapat na regular na maglaan ng panahon sa mga anak ang mga magulang. Kung minsan, parang nakakadismaya nga kapag kailangang ulit-ulitin ang pagtuturo sa mga bata. Pero dapat isipin ng mga magulang na pagkakataon ito para matulungan ang mga anak nila na maintindihan ang Salita ng Diyos at maisabuhay ito.
20. Ipaliwanag kung paano puwedeng magamit sa pagpapalaki ng anak ang Awit 127:4.
20 Kilalaning mabuti ang mga anak. Sa Awit 127, ang mga anak ay itinulad sa palaso. (Basahin ang Awit 127:4.) Kung paanong ang mga palaso ay iba-iba ang sukat at gawa sa iba’t ibang materyales, magkakaiba rin ang mga anak. Kaya kailangang malaman ng mga magulang kung paano sasanayin ang bawat anak nila. Sinabi ng isang mag-asawang taga-Israel na napalaking naglilingkod kay Jehova ang dalawa nilang anak, “Tinuruan namin sila sa Bibliya nang magkahiwalay.” Siyempre, ang ulo ng pamilya ang magdedesisyon kung kailangan o kung posibleng gawin iyon sa pamilya nila.
TUTULUNGAN KA NI JEHOVA
21. Paano tumutulong si Jehova sa mga magulang?
21 Malaking problema kung minsan sa mga magulang ang pagtuturo sa mga anak, pero regalo ang mga ito mula kay Jehova. Lagi siyang tumutulong. Nakikinig siya sa panalangin ng mga magulang. At sinasagot niya ang mga panalanging iyon sa pamamagitan ng Bibliya, mga publikasyon, at mga halimbawa’t payo ng ibang makaranasang magulang sa kongregasyon.
22. Ano ang pinakamagandang maibibigay ng mga magulang sa anak?
22 Sinasabing 20-taóng proyekto ang pagpapalaki ng anak, pero ang totoo, hindi natatapos ang pagiging magulang. Ang pinakamagandang maibibigay ng mga magulang sa anak ay pagmamahal, panahon, at salig-Bibliyang pagsasanay. Iba-iba ang reaksiyon ng bawat anak sa pagsasanay. Pero marami sa kanila na pinalaki ng mga magulang na umiibig kay Jehova ang nakadama ng sinabi ni Joanna Mae, isang sister sa Asia: “Kapag naiisip ko ang pagsasanay sa akin ng mga magulang ko, nagpapasalamat ako na dinisiplina nila ako at tinuruang ibigin si Jehova. Hindi lang nila ako basta binigyan ng buhay, ginawa pa nila itong makabuluhan.” (Kaw. 23:24, 25) Ganiyan din ang nararamdaman ng milyon-milyong Kristiyano.
AWIT 59 Papurihan si Jehova!
a Dapat bang may anak ang mga mag-asawa? Kung oo, ilan? At paano nila sasanayin ang mga anak nila na ibigin at paglingkuran si Jehova? Makikita sa artikulong ito ang ilang halimbawa sa ngayon at ang mga prinsipyo sa Bibliya na makakatulong para masagot ang mga tanong na iyan.
b Tingnan din ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1, kab. 36, at Tomo 2, kab. 11.