TALAMBUHAY
“Naging Mabait” sa Amin si Jehova
KATATAPOS lang naming mag-check-in sa hotel ng asawa kong si Danièle nang sabihan ako ng receptionist, “Sir, puwede po ba ninyong tawagan ang pulis?” Ilang oras bago nito, dumating kami sa Gabon, isang bansa sa Kanlurang Aprika, kung saan ipinagbawal ang ating gawain noong dekada ’70.
Dahil mabilis mag-isip si Danièle, naibulong niya agad sa akin, “Huwag mo nang tawagan ang pulis, nandito na sila!” Sa bandang likuran namin, huminto ang isang sasakyan sa harap ng hotel. Pagkaraan ng ilang minuto, inaresto kami ng mga sundalo. Pero ’buti na lang at nabulungan ako ni Danièle kaya naipasa ko agad ang ilang dokumento sa isa pang brother.
Habang dinadala kami sa presinto, inisip kong pinagpala ako sa pagkakaroon ng asawang malakas ang loob at palaisip sa espirituwal. Isa lang ito sa maraming pagkakataong nagtulungan kami ni Danièle. Ikukuwento ko sa inyo kung bakit kami dumadalaw sa mga bansang may paghihigpit sa ating gawain.
MAY-KABAITANG BINUKSAN NI JEHOVA ANG AKING MGA MATA
Noong 1930, isinilang ako sa isang pamilya na debotong Katoliko sa Croix, isang maliit na bayan sa hilagang Pransiya. Nakikinig ng Misa ang aming pamilya linggo-linggo, at napakaaktibo ni Itay sa simbahan. Pero noong mga 14 anyos ako, nakita ko ang pagpapaimbabaw ng aming relihiyon.
Ang Pransiya ay nasakop ng hukbong Aleman noong ikalawang digmaang pandaigdig. Sa mga sermon ng pari namin, lagi niya kaming hinihimok na suportahan ang gobyerno ng Vichy na kampi sa mga Nazi. Nagtataka kami sa kaniyang mga sermon. Gaya ng ginagawa ng marami sa Pransiya, lihim din kaming nakikinig sa radyo ng BBC, na nagsasahimpapawid ng mga balita mula sa puwersang Alyado. Biglang bawi ang pari at nagsaayos ng isang serbisyo ng pasasalamat para ipagdiwang ang papalapít na puwersang Alyado noong Setyembre 1944. Nabigla ako sa ginawa ng pari. Nawala ang tiwala ko sa klero.
Di-nagtagal pagkatapos ng digmaan, namatay si Itay. Ang ate ko ay may asawa na noon at naninirahan sa Belgium, kaya ako na ang nangalaga kay Inay. Nagtrabaho ako sa industriya ng tela. Debotong Katoliko ang amo ko at ang kaniyang mga anak. Magiging maganda nga ang kinabukasan ko sa kompanya nila, pero mapapaharap naman ako sa pagsubok.
Noong 1953, dumalaw sa amin ang ate kong si Simone, na naging Saksi. Gamit ang Bibliya niya, mahusay niyang ipinaliwanag na mali ang mga turo ng Simbahang Katoliko tungkol sa impiyerno,
Trinidad, at imortalidad ng kaluluwa. Noong una, ikinatuwiran kong hindi kasi Bibliyang Katoliko ang gamit niya, pero nang bandang huli, nakumbinsi rin akong totoo ang sinasabi niya. Pagkaraan, dinalhan niya ako ng mga lumang isyu ng Bantayan, na buong pananabik kong binasa gabi-gabi sa aking kuwarto. Nakita ko agad na ito ang katotohanan; pero natakot akong manindigan kay Jehova kasi baka mawalan ako ng trabaho.Ilang buwan kong pinag-aralang mag-isa ang Bibliya at ang Bantayan hanggang sa magpasiya akong dumalo sa Kingdom Hall. Talagang naantig ako sa maibiging pagsasamahan sa loob ng kongregasyon. Matapos ang anim-na-buwang pakikipag-aral sa isang makaranasang brother, nabautismuhan ako noong Setyembre 1954. Di-nagtagal, naging Saksi na rin si Inay at ang aking kapatid.
PAGTITIWALA KAY JEHOVA HABANG NASA BUONG-PANAHONG PAGLILINGKOD
Nakalulungkot, namatay si Inay ilang linggo bago ang 1958 internasyonal na kombensiyon sa New York, na nagkapribilehiyo akong madaluhan. Pagbalik ko sa amin, wala na akong pananagutan sa pamilya, kaya nagbitiw ako sa trabaho at nagpayunir. Samantala, naging kasintahan ko ang masigasig na payunir na si Danièle Delie, na pinakasalan ko noong Mayo 1959.
Nagsimulang maglingkod nang buong panahon si Danièle sa rehiyon ng Brittany, malayo sa kanilang lugar. Kinailangan niya ang lakas ng loob para makapangaral sa Katolikong lugar na iyon at mamisikleta papunta sa mga teritoryong malayo sa kabayanan. Gaya ko, napakilos din siya ng pagkadama ng pagkaapurahan; pakiramdam namin, napakalapit na ng wakas. (Mat. 25:13) Nakatulong sa amin ang mapagsakripisyo niyang saloobin para makapagbata sa buong-panahong ministeryo.
Naatasan kami sa gawaing pansirkito ilang araw matapos kaming ikasal. Natuto kaming mamuhay nang simple. Sa unang kongregasyong dinalaw namin, 14 lang ang mamamahayag at wala silang lugar na puwede naming matulugan. Kaya sa plataporma ng Kingdom Hall kami natulog. Siyempre hindi komportable doon, pero nakabuti iyon sa aming gulugod!
Sa kabila ng aming abalang iskedyul, nakapag-adjust si Danièle sa gawaing paglalakbay. Madalas niya akong hinihintay sa aming maliit na kotse kapag may biglaang miting ang mga elder, pero hindi siya kailanman nagreklamo. Dalawang taon lang kami sa gawaing pansirkito, at natutuhan namin na mahalaga para sa mag-asawa ang tapatang pag-uusap at pagtutulungan.—Ecles. 4:9.
TUMANGGAP KAMI NG MGA BAGONG ATAS SA PAGLILINGKOD
Noong 1962, naanyayahan kaming mag-aral sa 10-buwang kurso ng ika-37 klase ng Paaralang Gilead sa Brooklyn, New York. Sa 100 estudyante, 13 lang ang mag-asawa, kaya isang pribilehiyo para sa amin na makapag-aral nang magkasama. Naaalaala ko pa ang masayang pakikipagsamahan sa mga haligi ng pananampalatayang gaya nina Frederick Franz, Ulysses Glass, at Alexander H. Macmillan.
Sa panahon ng aming pagsasanay, hinimok kaming pasulungin ang aming kakayahang magmasid. Sa ilang Sabado ng hapon pagkatapos ng klase,
kasama sa aming pagsasanay ang pamamasyal sa lunsod ng New York. Alam namin na kinalunisan, magkakaroon kami ng written review tungkol sa aming mga nakita. Madalas na umuuwi kaming pagód kung Sabado ng gabi, pero tinatanong kami ng tour guide namin, isang boluntaryo sa Bethel, para maalaala namin ang mahahalagang punto para sa exam. Isang Sabado, buong hapon kaming naglakad-lakad sa lunsod. Pumunta kami sa isang obserbatoryo, at natutuhan namin doon ang tungkol sa mga meteor at meteorite. Sa American Museum of Natural History naman, natutuhan namin ang pagkakaiba ng alligator at ng crocodile. Pagkarating namin sa Bethel, nagtanong ang tour guide namin, “Ano ang pagkakaiba ng meteor at ng meteorite?” Palibhasa’y pagód, isinagot ni Danièle, “Mas mahahaba ang ngipin ng mga meteorite!”Nagulat kami nang atasan kami sa sangay ng Pransiya, kung saan naglingkod kami nang mahigit 53 taon. Noong 1976, nahirang ako bilang koordineytor ng Komite ng Sangay at naatasan ding dumalaw sa mga bansa sa Aprika at Gitnang Silangan kung saan ipinagbabawal o hinihigpitan ang ating pangangaral. Kaya nakarating kami sa Gabon, na pinangyarihan ng aming karanasang binanggit sa simula. Sa totoo lang, parang hindi ko kayang gampanan ang ganitong mga di-inaasahang pananagutan. Pero sa tulong ni Danièle, nagampanan ko ang halos lahat ng iatas sa akin.
PAGHARAP SA ISANG MALAKING PAGSUBOK
Sa simula pa lang, napamahal na sa amin ang buhay sa Bethel. Si Danièle, na natuto ng Ingles sa loob ng limang buwan bago mag-Gilead, ay naging mahusay na tagapagsalin ng ating mga publikasyon. Masayang-masaya kami sa aming gawain sa Bethel, pero lalo kaming sumasaya kapag kasama namin ang kongregasyon. Naaalaala ko pa kapag sumasakay kami ni Danièle sa tren sa Paris nang gabing-gabi na. Pagód kami pero masaya dahil nakapagdaos kami ng progresibong mga pag-aaral sa Bibliya. Pero nakalulungkot, nagkasakit si Danièle, kaya hindi na siya kasinsigla gaya ng dati.
Noong 1993, na-diagnose siya na may breast cancer. Napakatinding gamutan nito, kasama na ang operasyon at chemotherapy. Pagkalipas ng 15 taon, nagkaroon ulit siya ng kanser, na mas mabilis kumalat. Pero dahil mahal na mahal niya ang pagsasalin, nagtatrabaho pa rin siya kapag maganda ang pakiramdam niya.
Kahit pinahihirapan ng sakit si Danièle, hindi man lang sumagi sa isip namin na umalis sa Bethel. Pero may mga hamon din kapag nagkakasakit sa Bethel, lalo na kung hindi alam ng iba kung gaano na kalala ang sakit mo. (Kaw. 14:13) Kahit halos 80 anyos na si Danièle, maganda pa rin siya at elegante na parang walang sakit. Hindi niya kinaaawaan ang kaniyang sarili. Sa halip, nakapokus siya sa pagtulong sa iba. Alam niyang malaking tulong sa nagdurusa ang pakikinig. (Kaw. 17:17) Hindi naman sinasabi ni Danièle na tagapayo siya; pero nagamit niya ang kaniyang karanasan para tulungan ang maraming sister na huwag katakutan ang kanser.
Napaharap din kami sa mga bagong hamon. Nang hindi na lubusang makapagtrabaho si Danièle, sinikap niyang makatulong sa akin nang
higit. Marami siyang ginawa para mapadali ang mga bagay-bagay para sa akin, kaya patuloy akong nakapaglingkod bilang koordineytor ng Komite ng Sangay sa loob ng 37 taon. Halimbawa, inihahanda niya ang mga bagay-bagay para makapananghalian kami sa kuwarto at makapagpahinga nang kaunti araw-araw.—Kaw. 18:22.PAGHARAP SA KABALISAHAN ARAW-ARAW
Laging positibo ang pananaw ni Danièle sa buhay. Pero nang magkakanser siya sa ikatlong pagkakataon, pinanghinaan na kami ng loob. Inubos na ng sunod-sunod na chemotherapy at radiotherapy ang lakas niya, kaya may mga panahong hindi na siya halos makalakad. Nadudurog ang puso ko kapag hindi masabi ng mahal kong asawa, na isang mahusay na tagapagsalin, ang gusto niyang sabihin.
Kahit pinanghihinaan ng loob, patuloy pa rin kami sa pananalangin dahil alam naming hinding-hindi hahayaan ni Jehova na magdusa kami nang higit sa matitiis namin. (1 Cor. 10:13) Sinisikap namin na laging magpahalaga sa tulong na ibinibigay ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita, medical staff ng Bethel, at ng maibiging suporta ng mga kapatid.
Madalas naming hingin ang patnubay ni Jehova pagdating sa paraan ng paggamot na dapat naming tanggapin. May panahong itinigil ang paggamot sa kaniya. Hindi maipaliwanag ng doktor ni Danièle na 23 taon nang gumagamot sa kaniya kung bakit ito nawawalan ng malay tuwing natatapos ang chemotherapy. Wala na siyang maisip na ibang paraan. Parang wala na kaming masasandalan, at hindi namin alam kung ano ang mangyayari. Pero isa pang oncologist ang pumayag na gamutin si Danièle. Para bang gumawa si Jehova ng daang malalabasan namin para maharap ang kabalisahan.
Natutuhan naming harapin ang kabalisahan nang paisa-isang araw lang. Gaya ng sinabi ni Jesus, “sapat na para sa bawat araw ang sarili nitong kasamaan.” (Mat. 6:34) Nakatulong din ang pagiging positibo at palabiro. Halimbawa, noong dalawang buwang hindi nagpa-chemo si Danièle, nakangiti niyang sinabi sa akin, “Alam mo, ngayon lang gumanda ang pakiramdam ko!” (Kaw. 17:22) Kahit may dinaramdam, masaya niyang pinapraktis at inaawit nang malakas ang mga bagong Kingdom song.
Dahil sa kaniyang pagiging positibo, naharap ko ang aking mga limitasyon. Ang totoo, sa 57 taon naming pagsasama, siya ang nag-aasikaso sa akin. Hindi man lang niya ako tinuruang magprito ng itlog! Kaya nang hindi na siya gaanong makakilos, kinailangan kong matutuhan ang paghuhugas ng pinggan, paglalaba, at pagluluto ng mga simpleng pagkain. Ilang baso na nga ang nabasag ko, pero masayang-masaya ako na mapagsilbihan naman siya ngayon. a
SALAMAT SA MAIBIGING-KABAITAN NI JEHOVA
Kapag naiisip ko ang nakaraan, nakikita ko ang magagandang aral na natutuhan ko sa mga limitasyong dulot ng sakit at pagtanda. Una, kahit abalang-abala tayo, dapat pa rin nating ipakita na pinahahalagahan natin ang ating asawa. Dapat nating samantalahin ang mga panahong malakas pa tayo para alagaan ang mga mahal natin sa buhay. (Ecles. 9:9) Ikalawa, hindi tayo dapat labis na mabalisa sa maliliit na bagay dahil baka hindi natin mapansin ang maraming pagpapalang dumarating sa atin araw-araw.—Kaw. 15:15.
Kapag iniisip ko ang buhay namin sa buong-panahong paglilingkod, kitang-kita kong pinagpala kami ni Jehova nang higit sa aming inaasahan. Nadarama ko rin ang nadama ng salmista na nagsabi: “Naging mabait sa akin si Jehova.”—Awit 116:7, NWT, 2013 Edisyon.
a Habang inihahanda ang artikulong ito, namatay si Sister Danièle Bockaert sa edad na 78.