“Ang Matuwid ay Magsasaya kay Jehova”
SI Diana ay mahigit 80 anyos na. Ang asawa niya ay may Alzheimer’s at ilang taon nang nasa nursing home bago mamatay. Namatayan din siya ng dalawang anak na lalaki at nakikipaglaban sa breast cancer. Pero kapag nakikita siya ng mga kakongregasyon niya sa Kingdom Hall o sa ministeryo, napapansin nilang lagi pa rin siyang masaya.
Si John ay naging naglalakbay na tagapangasiwa sa loob ng mahigit 43 taon. Mahal na mahal niya ang pribilehiyong ito—bahagi na ito ng buhay niya! Pero kinailangan niyang ihinto ito para mag-alaga ng kamag-anak na may sakit, at naglilingkod siya ngayon sa isang kongregasyon sa lugar nila. Sa mga asamblea o kombensiyon, kapag nakikita si John ng mga dati niyang kakilala, parang walang nagbago sa kaniya. Masaya pa rin siya.
Paano nagagawa nina Diana at John na maging maligaya? Paano nagagawa ng isang namatayan at may sakit na maging masaya? At paano nagagawa ng isang nawalan ng pinakamamahal na pribilehiyo na maging masaya? Ipinaunawa ito sa atin ng Bibliya sa pagsasabi: “Ang matuwid ay magsasaya kay Jehova.” (Awit 64:10) Lubusan nating maiintindihan ang mahalagang katotohanang ito kung malalaman natin ang pinagmumulan ng pansamantalang kagalakan at ng tunay na kagalakan.
PANSAMANTALANG KAGALAKAN
Tiyak na alam mong may mga bagay na karaniwan nang nagdudulot ng kagalakan. Halimbawa, kapag ikinakasal ang magkasintahan, o kapag naging magulang na ang isa, o nabigyan ng teokratikong pribilehiyo. Ang mga iyon ay nagdudulot ng kagalakan at dapat lang naman, dahil galing iyon kay Jehova. Siya ang nagpasimula ng pag-aasawa, nagbigay ng kakayahang magkaanak, at nagbibigay ng mga atas sa pamamagitan ng kongregasyong Kristiyano.—Gen. 2:18, 22; Awit 127:3; 1 Tim. 3:1.
Pero ang ilan sa mga iyon ay pansamantala lamang. Nakalulungkot, ang isang kabiyak ay posibleng magtaksil o mamatay. (Ezek. 24:18; Os. 3:1) May mga anak na sumusuway sa mga magulang at sa Diyos, at baka natitiwalag pa nga. Ang mga anak na lalaki ni Samuel ay tumalikod kay Jehova, at napahamak ang pamilya ni David dahil sa ginawa nito. (1 Sam. 8:1-3; 2 Sam. 12:11) Ang gayong mga pangyayari
ay nagdudulot ng kalungkutan at kapighatian, hindi ng kagalakan.Sa katulad na paraan, puwede ring mawala ang pribilehiyo ng mga lingkod ng Diyos dahil sa sakit, obligasyon sa pamilya, o teokratikong pagbabago. Inamin ng maraming dumanas ng ganitong pagbabago na hinahanap-hanap nila ang kasiyahang dulot ng dati nilang ginagawa.
Kitang-kita natin na ang gayong pinagmumulan ng kagalakan ay posibleng maging pansamantala lamang. Pero mayroon bang uri ng kagalakan na nananatili kahit magbago pa ang kalagayan? Mayroon, dahil sina Oseas, Ezekiel, Samuel, at David ay nakapanatiling masaya sa panahon ng pagsubok.
NAMAMALAGING KAGALAKAN
Alam ni Jesus ang kahulugan ng tunay na kagalakan. Noong nasa langit pa siya bago naging tao, napakaganda ng kalagayan niya. Siya ay “nagagalak sa harap [ni Jehova] sa lahat ng panahon.” (Kaw. 8:30) Noong nandito siya sa lupa, ilang beses siyang napaharap sa mahihirap na kalagayan. Pero masaya pa rin si Jesus sa paggawa ng kalooban ng kaniyang Ama. (Juan 4:34) Kumusta naman noong mga huling oras ng paghihirap niya? Mababasa natin: “Dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya ay nagbata siya ng pahirapang tulos.” (Heb. 12:2) Kaya marami tayong matututuhan sa dalawang bagay na sinabi ni Jesus tungkol sa tunay na kagalakan.
Minsan, bumalik ang 70 alagad niya galing sa pangangaral. Masaya sila dahil gumawa sila ng makapangyarihang mga gawa, at nagpalayas pa nga ng mga demonyo. Pero sinabi sa kanila ni Jesus: “Huwag kayong magsaya dahil dito, na ang mga espiritu ay napasasakop sa inyo, kundi magsaya kayo sapagkat ang inyong mga pangalan ay nakasulat na sa langit.” (Luc. 10:1-9, 17, 20) Oo, mas mahalaga ang pagsang-ayon ni Jehova kaysa sa isang pantanging pribilehiyo. Natatandaan Niya ang tapat na mga alagad—isang malaking dahilan para magalak.
Sa isa pang pagkakataon, habang nagpapahayag si Jesus sa mga tao, isang babaeng Judio ang nagsabi na tiyak na napakasaya ng nanay ng kahanga-hangang gurong ito na si Jesus. Pero itinuwid siya ni Jesus: “Hindi, sa halip, maligaya yaong mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!” (Luc. 11:
27, 28) Masayang magkaroon ng isang maipagmamalaking anak; pero mas masayang mapalapít kay Jehova dahil sa pagkamasunurin.Oo, ang pagkadamang sinasang-ayunan tayo ni Jehova ang susi para magkaroon ng masidhing kagalakan. At kahit mapaharap tayo sa mga pagsubok, hindi nito mababago ang katotohanang iyan. Sa halip, kapag nagbabata tayo nang may katapatan, nagiging mabuti ang kalagayan ng ating puso. (Roma 5:3-5) Bukod diyan, ibinibigay ni Jehova ang kaniyang espiritu sa mga nagtitiwala sa kaniya, at isa sa aspekto ng bunga nito ang kagalakan. (Gal. 5:22) Tinutulungan tayo nito na maunawaan kung bakit sinabi sa Awit 64:10: “Ang matuwid ay magsasaya kay Jehova.”
Iyan ang dahilan kung bakit napanatili nina Diana at John, na nabanggit kanina, ang namamalaging kagalakan nang mapaharap sila sa mahihirap na kalagayan. Sinabi ni Diana: “Nanganlong ako kay Jehova, gaya ng isang anak sa kaniyang magulang.” Paano niya nadama ang pagsang-ayon ng Diyos? “Alam kong pinagpala niya ako na maipagpatuloy pa rin ang pangangaral nang may ngiti sa aking mga labi.” Si John naman ay aktibo pa rin sa ministeryo kahit hindi na siya isang naglalakbay na tagapangasiwa. Ano ang nakatulong sa kaniya? “Mula nang maatasan akong magturo sa Ministerial Training School noong 1998, mas nadagdagan ang personal study ko.” Sinabi pa niya tungkol sa kanilang mag-asawa: “Lagi naming ibinibigay kay Jehova ang buo naming makakaya anuman ang atas namin, kaya naging madali sa amin ang mag-adjust. Wala kaming pinagsisisihan.”
Marami pang iba ang nakapagpatunay sa sinasabi ng Awit 64:10. Kuning halimbawa ang isang mag-asawa na mahigit 30 taóng naglingkod sa Bethel sa United States. Pagkaraan, inatasan silang maging special pioneer. Inamin nila: “Natural lang na maging malungkot kapag nawala ang isang bagay na mahalaga sa iyo,” pero idinagdag nila: “Hindi naman puwedeng habambuhay ka nang malungkot.” Nakibahagi agad sila sa ministeryo kasama ng kongregasyon. Sinabi rin ng mag-asawa: “Ipinanalangin namin ang ilang espesipikong bagay. Kapag nakikita namin ang sagot sa aming mga panalangin, napapatibay kami at nagiging masaya. Nang dumating kami, ang iba sa kongregasyon ay nagpayunir, at nagkaroon kami ng dalawang masulong na Bible study.”
“MAGALAK MAGPAKAILANMAN”
Ang totoo, hindi laging madali ang magalak. May panahong masaya; may panahong malungkot. Pero si Jehova ang nagpasulat ng nakapagpapatibay na pananalita sa Awit 64:10. Kahit sa mga panahong nasisiraan tayo ng loob, makatitiyak tayo na ang mga “matuwid” na nananatiling tapat sa kabila ng mga pagbabago sa kanilang kalagayan ay “magsasaya kay Jehova.” Bukod diyan, makaaasa tayo sa katuparan ng pangako ni Jehova na “mga bagong langit at isang bagong lupa.” Pagkatapos, lubusan nang aalisin ang di-kasakdalan. Lahat ng lingkod ng Diyos ay ‘magbubunyi at magagalak magpakailanman’ dahil sa lahat ng kaniyang gagawin.—Isa. 65:17, 18.
Isip-isipin ang mangyayari: magkakaroon tayo ng sakdal na kalusugan at magigising araw-araw na punô ng sigla. Anuman ang nadama nating kirot noon, ang masasakit na alaala nito ay mawawala na. Tinitiyak sa atin na “ang mga dating bagay ay hindi na aalalahanin, ni mapapasapuso man ang mga iyon.” Muling magkakasama ang mga pinaghiwalay ng kamatayan kapag binuhay-muli ang mga patay. Madarama ng milyon-milyon ang gaya ng nadama ng mga magulang ng 12-taóng-gulang na babaeng binuhay ni Jesus: “Halos mawala sila sa kanilang sarili sa napakasidhing kagalakan.” (Mar. 5:42) Sa huli, lahat ng tao sa lupa ay magiging “matuwid” sa ganap na diwa nito, at sila ay “magsasaya kay Jehova” magpakailanman.