Juan Bautista—Napanatili Niya ang Kagalakan
MAYROON ka bang gustong-gustong gawin para sa kongregasyon pero hindi mo magawa sa ngayon? Baka isa itong pananagutang ipinagkatiwala sa iba. O baka isa itong atas, o pribilehiyo, na ginagawa mo noon. Pero dahil sa katandaan, mahinang kalusugan, problema sa pera, o pananagutan sa pamilya, limitado na lang ang kaya mong gawin ngayon. O baka dahil sa mga pagbabago sa organisasyon, kinailangan mong bitawan ang isang pananagutang matagal mo nang hawak. Anuman ang dahilan, baka nadarama mong hindi mo nagagawa ang lahat ng gusto mong gawin sa paglilingkod sa Diyos. Kaya natural lang na panghinaan ka ng loob. Paano mo kaya maaalis iyan, pati na ang sama ng loob o hinanakit? Paano mo mapapanatili ang iyong kagalakan?
May matututuhan tayo kay Juan Bautista sa pagpapanatili ng kagalakan. Maraming magagandang pribilehiyo si Juan, pero may mga nangyari sa buhay niya na malamang na hindi niya inaasahan. Hindi niya siguro naisip na mas magtatagal siya sa bilangguan kaysa sa ministeryo niya. Pero masaya pa rin si Juan, at napanatili niya ang saloobing iyan hanggang kamatayan. Ano kaya ang nakatulong sa kaniya? At paano tayo mananatiling masaya kahit dumaranas tayo ng kabiguan?
MASAYANG ATAS
Noong tagsibol ng 29 C.E., sinimulan ni Juan ang kaniyang atas na ihanda ang mga tao sa pagdating ng Mesiyas. Sinasabi niya: “Magsisi kayo dahil ang Kaharian ng langit ay malapit na.” (Mat. 3:2; Luc. 1:12-17) Marami ang tumugon. Sa katunayan, nagdatingan ang mga tao mula sa malalayong lugar para makinig sa mensahe niya, at marami ang nagsisi at nagpabautismo. Buong tapang ding nagbabala si Juan sa mapagmatuwid na mga lider ng relihiyon tungkol sa magiging hatol sa kanila kung hindi sila magbabago. (Mat. 3:5-12) Nagawa niya ang pinakamahalagang bahagi ng kaniyang ministeryo noong taglagas ng 29 C.E. nang bautismuhan niya si Jesus. Mula noon, tinuturuan na ni Juan ang iba na sumunod kay Jesus, ang ipinangakong Mesiyas.—Juan 1:32-37.
Dahil sa natatanging papel ni Juan, sinabi ni Jesus: “Sa lahat ng taong nabuhay, walang mas dakila kaysa kay Juan Bautista.” (Mat. 11:11) Tiyak na tuwang-tuwa si Juan sa mga pagpapalang tinanggap niya. Gaya ni Juan, marami rin sa ngayon ang nakakatanggap ng saganang pagpapala. Tingnan natin ang halimbawa ng brother na si Terry. Siya at ang asawa niyang si Sandra ay mahigit 50 taon na sa buong-panahong paglilingkod. Sinabi ni Terry: “Marami akong naging pribilehiyo. Naging payunir ako, Bethelite, special pioneer, tagapangasiwa ng sirkito, tagapangasiwa ng distrito, at ngayon ay special pioneer ulit.” Napakasayang tumanggap ng mga pribilehiyo, pero gaya ng matututuhan natin kay Juan, kapag nagbago ang ating kalagayan, kailangan nating magsikap para manatiling masaya.
MANATILING MAPAGPAHALAGA
Si Juan Bautista ay nanatiling masaya dahil hindi nawala ang pagpapahalaga niya sa kaniyang mga pribilehiyo. Tingnan ang isang halimbawa. Matapos bautismuhan si Jesus, nabawasan ang mga tagasunod ni Juan at dumami naman ang kay Jesus. Nag-alala ang mga alagad ni Juan, kaya sinabi nila sa kaniya: “Nagbabautismo siya, kaya ang lahat ay pumupunta sa kaniya.” (Juan 3:26) Sumagot si Juan: “Ang nobya ay para sa nobyo. Ang kaibigan ng nobyo, na nakatayo malapit sa nobyo, ay masayang-masaya kapag narinig na niya ang tinig nito. Kaya naman lubos na ang kagalakan ko.” (Juan 3:29) Hindi nakipagkompetensiya si Juan kay Jesus, at hindi rin niya inisip na nawalan ng halaga ang pribilehiyo niya dahil mas mahalaga ang papel ni Jesus. Sa halip, nanatiling masaya si Juan dahil pinahahalagahan niya ang papel niya bilang “kaibigan ng nobyo.”
Nakatulong iyan kay Juan para manatiling kontento gaanuman kahirap ang atas niya. Halimbawa, si Juan ay isang Nazareo nang isilang siya, kaya hindi siya puwedeng uminom ng alak. (Luc. 1:15) “Si Juan ay hindi kumakain o umiinom,” ang sabi ni Jesus bilang paglalarawan sa simpleng buhay ni Juan. Pero si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay wala sa ilalim ng gayong pagbabawal at mas normal ang buhay nila. (Mat. 11:18, 19) Gayundin, si Juan ay hindi nakagawa ng mga himala, pero alam ni Juan na ang mga alagad ni Jesus, pati na ang ilang tagasunod niya noon, ay binigyan ng ganoong kapangyarihan. (Mat. 10:1; Juan 10:41) Sa halip na magpaapekto sa gayong mga pagkakaiba, nagpakaabala si Juan sa atas niya mula kay Jehova.
Kapag pinapahalagahan din natin ang ating kasalukuyang atas sa paglilingkod kay Jehova, mapapanatili natin ang ating kagalakan. Sinabi ni Terry, na binanggit kanina: “Nagpokus ako sa bawat atas na ibinibigay sa akin.” Tungkol sa naging buhay niya sa buong-panahong paglilingkod, nasabi niya, “Puro magagandang alaala ang naiisip ko at wala akong pinanghihinayangan.”
Lalo tayong magiging masaya sa paglilingkod sa Diyos kapag inisip natin kung bakit espesyal ang anumang atas, o pananagutan. Iyon ay dahil sa pribilehiyong maging “kamanggagawa ng Diyos.” (1 Cor. 3:9) Kung paanong nananatiling makinang ang isang ipinamanang alahas kapag lagi itong pinupunasan, nananatili rin tayong masaya kapag lagi nating iniisip na isang malaking karangalan na maging kamanggagawa ng Diyos. Hindi natin ikukumpara ang mga sakripisyo natin sa mga sakripisyo ng iba. Hindi natin iisiping mas mahalaga ang pribilehiyo ng iba kaysa sa pribilehiyo natin.—Gal. 6:4.
MAGPOKUS SA ESPIRITUWAL NA MGA BAGAY
Maaaring alam ni Juan na hindi magtatagal ang kaniyang ministeryo, pero baka hindi niya naisip na bigla na lang itong matatapos. (Juan 3:30) Noong 30 C.E., mga ilang buwan matapos bautismuhan si Jesus, si Juan ay ipinabilanggo ni Haring Herodes. Pero ginawa pa rin ni Juan ang magagawa niya para makapagpatotoo. (Mar. 6:17-20) Ano ang nakatulong sa kaniya para manatiling masaya sa kabila ng mga pagbabagong ito? Nanatili siyang nakapokus sa espirituwal na mga bagay.
Habang nakabilanggo, nabalitaan ni Juan ang paglawak ng ministeryo ni Jesus. (Mat. 11:2; Luc. 7:18) Kumbinsido siyang si Jesus nga ang Mesiyas pero baka iniisip niya kung paano matutupad ni Jesus ang lahat ng sinasabi ng Kasulatan na gagawin ng Mesiyas. Dahil maghahari ang Mesiyas, malapit na kayang maghari si Jesus? Makakalaya na kaya si Juan sa bilangguan? Sa kagustuhang maintindihan pa ang papel ni Jesus, nagsugo si Juan ng dalawang alagad niya para magtanong kay Jesus: “Ikaw ba ang hinihintay namin, o may iba pang darating?” (Luc. 7:19) Pagbalik nila, tiyak na nakinig nang mabuti si Juan habang ikinukuwento nilang gumawa si Jesus ng mga himala at saka sila pinabalik kay Juan para sabihin: “Ang mga bulag ay nakakakita na, ang mga lumpo ay nakalalakad, ang mga ketongin ay gumagaling, ang mga bingi ay nakaririnig, ang mga patay ay binubuhay, at ang mahihirap ay pinangangaralan ng mabuting balita.”—Luc. 7:20-22.
Siguradong napatibay si Juan sa narinig niya. Nakumpirma ng ulat na ito na natutupad ni Jesus ang mga hula tungkol sa Mesiyas. Kahit hindi kasama sa mga gagawin ni Jesus ang pagpapalaya kay Juan sa bilangguan, alam ni Juan na hindi nasayang ang kaniyang paglilingkod. Anuman ang kalagayan niya, may dahilan siya para maging masaya.
Gaya ni Juan, kapag nagpokus tayo sa espirituwal na mga bagay, makakapagtiis tayo at mananatiling masaya. (Col. 1:9-11) Magagawa natin ito kung magbabasa tayo ng Bibliya at magbubulay-bulay, na magpapaalaala sa atin na hindi nasasayang ang paglilingkod natin sa Diyos. (1 Cor. 15:58) Sinabi ni Sandra: “Nakakatulong sa akin ang pagbabasa ng isang kabanata ng Bibliya bawat araw para mas mapalapít kay Jehova. Tumutulong ito sa akin na magpokus sa kaniya at hindi sa sarili ko.” Puwede rin tayong magpokus sa mga ulat tungkol sa mga nagagawa ng mga kapatid natin para kay Jehova. Malaking tulong ito para hindi natin masyadong maisip ang kalagayan natin. “Dahil sa programa ng JW Broadcasting® buwan-buwan, lalo tayong napapalapít sa organisasyon,” ang sabi ni Sandra, “at tumutulong ito para manatili tayong masaya sa atas natin.”
Sa maikling panahong pangangaral ni Juan Bautista, taglay niya ang “sigla at lakas ni Elias.” At gaya ni Elias, si Juan ay “isang taong may damdaming tulad ng sa atin.” (Luc. 1:17; Sant. 5:17) Kung tutularan natin ang kaniyang pagpapahalaga at pananatiling nakapokus sa espirituwal na mga bagay, magiging masaya tayo sa paglilingkod kay Jehova, anuman ang mangyari.