Pag-ibig—Mahalagang Katangian
KINASIHAN si apostol Pablo na isulat ang tungkol sa siyam na katangiang resulta ng pagkilos ng banal na espiritu. (Gal. 5:22, 23) Inilarawan niya ang magagandang katangiang ito bilang ang “bunga ng espiritu.” a Ang bungang ito ay pagkakakilanlan ng “bagong personalidad.” (Col. 3:10) Kung paanong ang isang puno ay nagbubunga kapag inaalagaang mabuti, maipakikita rin ng isang tao ang bunga ng espiritu kung malayang dumadaloy ang banal na espiritu sa kaniyang buhay.—Awit 1:1-3.
Ang unang aspekto ng bunga ng espiritu na itinala ni Pablo ay ang pag-ibig. Gaano ito kahalaga? Sinabi ni Pablo na kung wala siyang pag-ibig, siya ay “walang kabuluhan.” (1 Cor. 13:2) Pero ano ba ang pag-ibig, at paano natin ito malilinang at maipakikita araw-araw?
KUNG PAANO NAKIKITA ANG PAG-IBIG
Hindi madaling ilarawan sa salita ang pag-ibig, pero sinasabi ng Bibliya kung paano ito nakikita. Halimbawa, mababasa natin na ang pag-ibig ay “may mahabang pagtitiis at mabait.” Ito rin ay “nakikipagsaya sa katotohanan,” at “tinitiis nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, binabata ang lahat ng bagay.” Kasama rin dito ang masidhing pagmamahal at taimtim na malasakit sa iba, pati na ang matalik na kaugnayan sa kanila. Pero ang kawalan ng pag-ibig naman ay makikita sa paninibugho, pagmamapuri, hindi disenteng paggawi, pagkamakasarili, pati na sa pagiging mapaghinanakit at di-mapagpatawad. Di-gaya ng malulupit at pangit na mga katangiang iyon, nais nating linangin ang pag-ibig na “hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan.”—1 Cor. 13:4-8.
ANG MAHUSAY NA HALIMBAWA NI JEHOVA AT NI JESUS SA PAG-IBIG
“Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Makikita iyan sa lahat ng kaniyang gawa at pagkilos. Ang kaniyang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig sa sangkatauhan ay ang pagsusugo kay Jesus para magdusa at mamatay alang-alang sa atin. Sinabi ni apostol Juan: “Sa ganito nahayag ang pag-ibig ng Diyos may kaugnayan sa atin, sapagkat isinugo ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak sa sanlibutan upang magkamit tayo ng buhay sa pamamagitan niya. Ang pag-ibig ay nasa bagay na ito, hindi sa tayo ang umibig sa Diyos, kundi siya ang umibig sa atin at nagsugo ng kaniyang Anak bilang pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan.” (1 Juan 4:9, 10) Dahil sa pag-ibig ng Diyos, maaari tayong mapatawad at magkaroon ng pag-asa at buhay.
Pinatunayan ni Jesus ang kaniyang pag-ibig sa mga tao nang kusang-loob niyang gawin ang kalooban ng Diyos. Isinulat ni Pablo: “Sinasabi [ni Jesus]: ‘Narito! Ako ay dumating upang gawin ang iyong kalooban.’ . . . Dahil sa nasabing ‘kalooban’ ay pinabanal na tayo sa pamamagitan ng paghahandog ng katawan ni Jesu-Kristo nang minsanan.” (Heb. 10:9, 10) Hindi iyan mahihigitan ng sinumang tao. Sinabi ni Jesus: “Walang sinuman ang may pag-ibig na mas dakila kaysa rito, na ibigay ng isa ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga
kaibigan.” (Juan 15:13) Magagawa ba nating tularan ang pag-ibig na ipinakita sa atin ni Jehova at ni Jesus kahit hindi tayo sakdal? Oo! Tingnan natin kung paano.“PATULOY KAYONG LUMAKAD SA PAG-IBIG”
Pinapayuhan tayo ni Pablo: “Maging mga tagatulad kayo sa Diyos, bilang mga anak na minamahal, at patuloy kayong lumakad sa pag-ibig, kung paanong inibig din kayo ng Kristo.” (Efe. 5:1, 2) ‘Patuloy tayong lumalakad sa pag-ibig’ kapag sinisikap nating ipakita ito sa bawat bahagi ng ating buhay—hindi lang sa salita kundi sa gawa. Isinulat ni Juan: “Mumunting mga anak, umibig tayo, huwag sa salita ni sa dila man, kundi sa gawa at katotohanan.” (1 Juan 3:18) Halimbawa, kung lumalakad tayo sa pag-ibig para sa Diyos at sa kapuwa, mauudyukan tayong ibahagi ang ‘mabuting balita ng kaharian’ sa mga tao. (Mat. 24:14; Luc. 10:27) Lumalakad din tayo sa pag-ibig kung tayo ay matiisin, mabait, at mapagpatawad. Kaya pinapayuhan tayo ng Bibliya: “Kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.”—Col. 3:13.
Pero ang tunay na pag-ibig ay hindi nagpapadala sa emosyon. Halimbawa, para patahanin ang isang umiiyak na bata, baka pagbigyan na lang ng magulang ang lahat ng gusto nito. Pero kung talagang mahal niya ang kaniyang anak, magiging matatag siya kung kinakailangan. Sa katulad na paraan, ang Diyos ay pag-ibig, pero “ang iniibig ni Jehova ay dinidisiplina niya.” (Heb. 12:6) Kung lumalakad tayo sa pag-ibig, magbibigay rin tayo ng disiplina sa nangangailangan nito. (Kaw. 3:11, 12) Pero tandaan na hindi rin tayo sakdal at hindi laging nakapagpapakita ng pag-ibig. Kaya lahat tayo ay dapat sumulong sa pagpapakita ng pag-ibig. Paano natin ito magagawa? Tingnan natin ang tatlong paraan.
LINANGIN ANG PAG-IBIG—PAANO?
Una, hilingin sa Diyos ang banal na espiritu, na nagbubunga ng pag-ibig. Sinabi ni Jesus na magbibigay si Jehova ng “banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya.” (Luc. 11:13) Kung mananalangin tayo para sa banal na espiritu at magsisikap na “patuloy na lumakad ayon sa espiritu,” mas makapagpapakita tayo ng pag-ibig. (Gal. 5:16) Halimbawa, kung isa kang elder, puwede mong hilingin ang banal na espiritu para makapagbigay ka ng makakasulatang payo sa maibiging paraan. O kung isa kang magulang, puwede mong hilingin ang tulong ng espiritu ng Diyos para madisiplina mo ang iyong mga anak, hindi sa galit, kundi sa pag-ibig.
Ikalawa, bulay-bulayin kung paano nagpakita si Jesus ng pag-ibig noong ginagalit siya. (1 Ped. 2:21, 23) Kapag nasaktan tayo o nakaranas ng kawalang-katarungan, magandang tanungin ang sarili, ‘Ano kaya ang gagawin ni Jesus?’ Nakita ng sister na si Leigh na magandang bulay-bulayin ang tanong na ito bago kumilos. Ikinuwento niya: “Minsan, isang babaeng katrabaho ko ang nagpadala ng e-mail sa mga kasama namin, na may di-magagandang komento tungkol sa akin at sa trabaho ko. Talagang nasaktan ako. Pero naitanong ko sa sarili, ‘Paano ko matutularan si Jesus sa pakikitungo ko sa taong ito?’ Matapos pag-isipan kung ano ang gagawin ni Jesus sa gayong sitwasyon, pinalampas ko na lang iyon at hindi na pinalaki. Saka ko nalaman na may malalang sakit pala ang katrabaho ko at masyado na siyang naii-stress. Baka hindi naman niya talaga ako gustong saktan. Nang bulay-bulayin ko ang halimbawa ni Jesus sa pagpapakita ng pag-ibig kahit ginagalit siya, nakatulong ito sa akin na magpakita ng gayong pag-ibig sa katrabaho ko.” Oo, kung tutularan natin si Jesus, lagi tayong kikilos nang may pag-ibig.
Ikatlo, linangin ang mapagsakripisyong pag-ibig, na pagkakakilanlan ng tunay na mga Kristiyano. (Juan 13:34, 35) Pinasisigla tayo ng Kasulatan na tularan ang “pangkaisipang saloobing” taglay ni Jesus. Nang iwan niya ang langit, “hinubad niya ang kaniyang sarili” alang-alang sa atin, maging “hanggang sa kamatayan.” (Fil. 2:5-8) Habang tinutularan natin ang kaniyang mapagsakripisyong pag-ibig, ang ating kaisipan at saloobin ay magiging tulad-Kristo,
at mauudyukan tayong unahin ang kapakanan ng iba bago ang sa atin. Ano pa ang ibang pakinabang sa paglilinang ng pag-ibig?MGA PAKINABANG NG PAGPAPAKITA NG PAG-IBIG
Maraming pakinabang kapag nagpapakita tayo ng pag-ibig. Tingnan ang dalawang halimbawa:
-
INTERNASYONAL NA KAPATIRAN: Dahil sa pag-ibig natin sa isa’t isa, alinmang kongregasyon sa mundo ang dalawin natin, alam nating malugod tayong tatanggapin ng mga kapatid. Isa ngang pagpapala na mahalin tayo ng ‘buong samahan ng ating mga kapatid’ sa buong daigdig! (1 Ped. 5:9) May nagpapakita pa ba ng ganiyang uri ng pag-ibig bukod sa bayan ng Diyos?
-
KAPAYAPAAN: Dahil “pinagtitiisan [natin] ang isa’t isa sa pag-ibig,” mayroon tayong “nagbubuklod na bigkis ng kapayapaan.” (Efe. 4:2, 3) Nararanasan natin mismo ang kapayapaang ito sa ating mga pagpupulong, asamblea, at mga kombensiyon. Tiyak na sasang-ayon ka na walang katulad ang ganitong kapayapaan sa nababahaging sanlibutang ito! (Awit 119:165; Isa. 54:13) Kapag nakikipagpayapaan tayo sa iba, ipinakikita natin ang lalim ng ating pag-ibig sa kanila, at nalulugod dito ang ating makalangit na Ama.—Awit 133:1-3; Mat. 5:9.
“ANG PAG-IBIG AY NAGPAPATIBAY”
Isinulat ni Pablo: “Ang pag-ibig ay nagpapatibay.” (1 Cor. 8:1) Paano? Sa ika-13 kabanata ng unang liham niya sa mga taga-Corinto—na tinawag na “Psalm of Love”—ipinaliwanag niya kung paano nagpapatibay ang pag-ibig. Halimbawa, hangad nito ang kapakanan ng ibang tao. (1 Cor. 10:24; 13:5) At dahil ang pag-ibig ay maalalahanin, makonsiderasyon, matiisin, at mabait, lumilikha ito ng mapagmahal na mga pamilya at nagkakaisang mga kongregasyon.—Col. 3:14.
Ang pag-ibig natin sa Diyos ang pinakamahalaga at pinakanakapagpapatibay na pag-ibig sa lahat. Pinagkakaisa ng pag-ibig na ito ang mga taong may iba’t ibang pinagmulan, lahi, at wika para masaya silang maglingkod kay Jehova “nang balikatan.” (Zef. 3:9) Maging determinado tayong ipakita sa araw-araw ang mahalagang aspektong ito ng bunga ng espiritu ng Diyos.
a Ito ang unang artikulo ng seryeng may siyam na bahagi na tatalakay sa bawat katangian, o aspekto, ng bunga ng espiritu.